Apoy 19

1689 คำ
AKALA ko'y wala na akong poproblemahin maliban na lang sa mga alagad ni Lucifer, pero may iba pa pala. Isang hapon, pagkauwi ko mula sa school ay nadatnan kong g**o-g**o ang gamit namin sa loob ng bahay. Hindi kami mayaman kaya imposibleng manakawan kami, hanggang isang sulat na nakadikit sa dingding ang aking nakita. Nang basahin ko ang nakasulat ay dito na ako kinabahan. "Kung gusto mo pang makitang humihinga ang iyong ina! Pumunta ka sa lumang bodegang malapit sa Pier ng San Joaquin. Wala kang isasama kundi ang iyong sarili, dahil kung hindi... alam mo nang pwedeng mangyari. Pumunta ka kaagad bago pa dumilim!" "J-jupiter..." Nasunog ang sulat nang mabasa ko ang pangalang iyon. Hindi ko yata sila mapapatawad 'pag may nangyari sa nanay ko. Ang nakakainis ay kung bakit tila bulag ang aming mga kapit-bahay sa nangyaring ito. Hindi man lang sila tumawag sa mga pulis... PANSIN kong bihirang may pumupunta sa lumang bodega ng Customs dito sa kalapit ng pier. Sa mga narinig ko nga'y dahil daw pinagtatambayan ito ng mga sira-ulong kalalakihan at mukhang sina Jupiter ang mga iyon. Nang marating ko ang harapan ng pintuan nito ay agad akong sinalubong ng nasa dalawampung kalalakihang nakasuot ng itim na tuxedo. Naka-porma at parang miyembro ng mafia kung titingnan. Pagkatapos noon ay tila VIP ako na inihatid nila sa isang silid. Napapa-isip lang ako kung bakit parang ang ingay sa likod ng dingding na pinagdalhan nila sa akin. Sa loob ng silid ay may isa pang pinto na tila daan patungo sa ingay na naririnig ko. Maya-maya pa'y isang cellphone ang iniabot nila sa akin dahil may gusto raw kumausap sa akin. "Hello!" bungad ko. "Marcelo Falcon..." isang nakakapangilabot na boses naman ang aking narinig mula sa kabilang linya. Dito lumakas ang kutob kong si Jupiter ito, ang tarantadong dumukot sa aking nanay. "Nasaan ang nanay ko?!" pasigaw kong tanong habang pinipigilan ang aking sariling mapalabas ang aking apoy dahil sa inis. Tinawanan naman niya ako at pagkatapos ay isa pamilyar na boses ang aking narinig mula sa kabilang linya. "M-marcelo, a-anak... Umalis ka na! Iwana---" Pero biglang naputol ang sinasabi ng aking nanay nang muling magsalita si Jupiter. "Marcelo... Ibabalik ko nang ligtas ang iyong ina kung matatalo mo ang kampeon sa basag-ulo kong mga alagad at ako. 'Pag natalo mo sila ay ako mismo ang haharap sa 'yo para labanan ka!" sabi niya sa akin at narinig ko pa siyang tumawa nang mahina. "'Yon lang pala! Ihanda mo na agad ang iyong sarili dahil mamadaliin ko ang mga laban!" walang pag-aalinlangan kong sinabi sa kanyang naging dahilan para titigan ako ng masama ng kanyang mga alipores. "Hah! Hah! Hah! Sige! Malalaman ko kung hanggang saan ang tapang mong iyan mamaya!" Pagkasabi niya nito ay kanya nang pinutol ang tawag at ibinalik ko naman sa alipores niya ang ipinagamit nilang cellphone sa 'kin. "A-ang init!" bulalas ng pinag-abutan ko ng cellphone. Nabitawan pa niya ito at biglang sumabog na ipinagtaka nila. Matapos iyon ay binuksan na nila ang pintuang pinagmumulan ng ingay na kanina ko pang naririnig. Bumungad sa akin ang isang boxing ring na napapalibutan ng napakaraming tao. Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko. Sa loob pala ng maruming bodegang ito ay nakukubli ito. Napansin ko ring may mga kilalang tao ang naka-upo malapit sa ring, may mga opisyal din ng gobyerno... ito marahil ang dahilan kaya 'di ito pinupuntahan ng mga pulis. Napakarami ring mga nakaitim na tila guwardiya ng buong lugar. Sinalubong na rin agad ako ng katyaw at bato ng mga masasakit na salita mula sa mga manunuod. Isa raw akong hangal, mali raw ako ng binangga pero nginisian ko lamang sila. Wala kasi akong pakialam sa kanila dahil ang aking nanay lang naman ang ipinunta ko rito... kasama na rin ang pagtapos sa kahibangan ng Jupiter na may pakana nito. "Umakyat na sa loob ng ring ang ating matapang na challenger!" sabi kaagad ng commentator sa ibaba ng boxing ring at pagkatapos noon ay siyang pagbukas ng nasa kabilang pintuan. May mga usok pang lumabas mula rito at bigla itong nahawan nang lumabas ang isang matipunong lalaki. Naging hudyat din iyon para maghiyawan sa galak at tuwa ang lahat. "Raarrr!" sigaw ng matipunong lalaki na nakasuot ng itim at fit na t-shirt. May tatak din ito ng buwaya at sa palagay ko ay doble ang edad nito kumpara sa akin. Mahaba rin ang buhok nito at mukhang malakas. Umalingawngaw rin sa loob ang salitang "crocodile" isinisigaw ng marami. Mukhang iyon ang bansag sa kanya rito. "Mga kaibigan! Umakyat na po sa ring ang ating ika-apat na pinakamalakas... Si Crocodile!" masiglang sigaw ng commentator na nagpasigla sa lahat. "Ibigay na ninyo ang inyong mga pusta! Para sa ating Crocodile ba? O sa bata?" Sinasabi ko na nga ba't bukod sa panunuod, ang pustahan sa mga laban ang dahilan ng mga nandito ngayon. Perahan, at parang labag yata ito sa batas lalo pa't walang pahintulot. Malakas kasi ang kapit ng grupo nina Jupiter sa mga opisyal ng bayang ito kaya siguro lumulusot ang ganitong lakaran dito. MARAMI agad ang pumusta sa kalaban ko subalit laking-gulat ng lahat nang isang matanda ang pumusta para sa akin. Hindi ako makapaniwala, lalo na nang tapatan niya ang halaga ng lahat ng pusta kay Crocodile. "S-sigurado ba kayo, L-lolo?" hindi makapaniwalang tanong ng commentator sa matandang naka-porma ng suot at may dalang tungkod. Narinig ko pa ngang kinantyawan siya ng ilan pero tinawanan lang niya ang mga ito. "Ho Ho Ho! Minsan, kailangan din nating tumaya sa dehado..." Sinulyapan pa ako ng matandang iyon pagkatapos niya 'yong sabihin at tila may nais siyang sabihin sa akin na 'di ko alam. Nagsimula ang laban sa pagtaginting ng bell. Agad ding naghiyawan ang lahat matapos iyon... at ang patakaran, matatalo ang 'di makakabangon sa bilang na sampu. Gusto ko ngang matawa dahil maliban kay Lolo na pumusta sa akin, tila yata lahat ng mga narito ay kompyansang matatalo ako ng kanilang buwaya. "Totoy, pasensyahan na..." sabi sa akin ng aking kalaban at nagmamadali siyang sumugod palapit sa akin. Agad din siyang nagbitaw ng isang malakas na suntok palapit sa aking mukha. "Ako ang inyong pagpasensyahan..." sabi ko naman at yumanig ang buong ring nang biglang padapang bumagsak si Crocodile. GULAT na gulat ang marami sa mga nangyari. Wari ko nga'y walang nakakita sa aking ginawa sa kanilang pambato. Bago pa man kasi niya ako matamaan ay mabilis akong umiwas at agad akong pumwesto sa kanyang likuran. Doon ko na rin siya binigyan ng suntok na magpapawala sa kanyang malay. "Mr. Commentator... bilangan mo na ang bumagsak. Ho! Ho! Ho!" bigla namang sinabi ni Lolo sa 'di makapaniwalang commentator ng laban. Natapos ang bilang ng sampu at nabalot ng katahimikan sa loob. Gusto ko nga sana silang tawanan pero 'di ko na lang ginawa. Si Lolo namang pumusta sa akin ay masayang-masaya sa pagbibilang ng kanyang panalo. Sa dalawa ko pa ngang laban ay sa akin uli siya pumusta at talagang limpak-limpak na pera ang kanyang napanalunan dahil tinalo ko rin gamit ang isang atake ang mga ito. Ang dalawa na binansagan pa nilang Tiger at Dragon ay wala man lang nagawa. Hinang-hina at hinayang na hinayang tuloy ang karamihan dahil sa kanilang talo. Ito na rin ang nagpasabik sa akin dahil sa wakas... si Jupiter na ang susunod. "M-mga kaibigan! Ang binatang ito... ang ating numero unong challenger... at dahil dito, kailangan na niyang harapin ang pinakamalakas na tao rito..." sabi ng commentator habang nakatingin sa bumubukas na pintuan sa kabilang dulong patungo sa ring. Napakuyom na rin ako ng palad dahil kilala ko na kung sino ito. Ang taong nasa likod ng lahat ng ito, ang taong pababagsakin ko rito... "Mga kaibigan... Ang ating Boss Jupiter!" masiglang sigaw ng commentator na nagpasabik sa lahat. Isinigaw nila ang pangalang Jupiter at siyang pagbungad sa aking mga mata ng isang mataba at kalbong binata. Nakasuot ito ng itim na amerikana at may hinihithit pang sigarilyo sa kanyang bibig. Habang naglalakad nga ito ay may kasabay pang tatlong guwardiya. Napaisip tuloy ako kung si Jupiter ba talaga ito dahil parang magka-edad lamang kami. "Umakyat na si Boss Jupiter!" sigaw pa ng commentator na nakakairita't nakakabingi na. "Ang pinakamalakas sa atinnn!" Seryoso ko namang tiningnan ang Jupiter na tinutukoy nila. Siya nga kaya ang kausap ko kanina? Pero alam kong malalaman ko rin kung siya nga ba talaga ang sira-ulong iyon. "Hah! Hah! Hah!" Bigla niya akong tinawanan at pamilyar ang tawa niya. Kagaya ng tawa ng kausap ko sa cellphone na si Jupiter. "Marcelo Falcon..." natatawa niyang pagsabi sa aking pangalan. Bigla tuloy akong nanggigil at gusto na kaagad siyang turuan ng leksyon. "Nasaan ang nanay ko?" tanong ko at nginisian naman niya ako. "'Wag kang mag-alala. Ligtas pa siya. Tutuparin ko rin ang ating napagkasunduan..." "...Iyon ay kung matatalo mo ako!" seryoso niyang sinabi at pagkatapos noon ay ipinatak niya sa sahig ang kanyang sigarilyo't tinapakan. "Simulan na kaya natin nang matapos na ito..." sabi ko at naghiyawan na ang lahat nang tumunog ang bell. Ang labang inaabangan ng lahat matapos kong patumbahin ang tatlo kanina, ako laban kay Jupiter! "Gan'yan na ang suot mo?" nakangisi ko pang itinanong sa kanya pero tumawa lang siya. "Ayos na ito, 'di mo naman ako matatamaan... Hih! Hih!" Doon ako napatawa sa kanyang sinabing iyon. Sa laki niya ay alam kong hindi ako sasablay. "Sugod na... Marcelo Falcon!" paghamon niya at hindi na nga ako nagdalawang-isip at agad na akong sumugod. Gusto ko na ring matapos ang kahibangang ito. "Tapos ka na..." sambit ko at isang malakas na suntok ang aking binitawan... subalit isang malakas na atake ang biglang tumama sa aking likod dahilan para palagapak at padapa akong bumagsak. Niyanig pa nga ang paligid dahil doon. "P-paano niya ako tinamaan?" pagtataka ko habang pinipilit bumangon. Medyo nasaktan din ako roon kaya medyo napapangiwi ako. "Bilisan mong tumayo!" utos ni Jupiter sa akin na nakapamulsang nakatayo sa aking harapan. Pagkabangon ko'y agad ko siyang sinuntok pero isang suntok ang agad tumama sa aking mukha. Ang bilis, ni hindi ko man lang nakitang bumagal at dahil sa lakas ay tumilapon ako sa corner. Bagsak na naman ako at naramdaman kong may tumulong dugo mula sa ang aking ilong. Para akong pinukpok ng bato sa mukha. Bukod sa 'di ko makitang bumabagal ang mga atake niya, 'di rin pangkaraniwan ang kanyang lakas. "P-posible kayang..." sabi ko sa aking sarili.
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม