Prologue

801 Words
“UY! ANO na naman ba iyan? Love letter!” Biglang inagaw ni Edmark ang hawak na papel ng kapatid nito. Tapos ay nagtatakbo ito palayo. “Hoy! Ano ka ba? Akin na nga iyan!” Pilit namang humahabol ang kapatid nito. Mabilis itong tumakbo kaya inabutan siya nito. Pilit nitong kinukuha ang papel na hawak niya. “Nagsasayang ka lang ng pagod. Hindi ka rin naman niya papansinin kahit tambakan mo pa siya ng isang libong love letter. Hindi ka niya type, bro,” pang-aalaska niya sa kapatid nang mahablot nito ang kinuha niyang papel. “Anong pakialam mo? Wala ka na roon,” ganting sagot ng kapatid nito habang itinutupi ng maayos ang hawak nitong papel. “Masokista ka talaga. Kung ibang babae na lang ba ang niligawan mo, siguradong may girlfriend ka na ngayon. Hindi iyong nagtitiyaga ka sa babaeng iyan. Hindi naman siya kagandahan. Mas marami pang seksi at magagandang babae sa buong campus kaysa sa kanya,” pangungulit ni Edmark. “Ikaw na ang manligaw sa sinasabi mong seksi at maganda. Tutal naman babaero ka.” Sinimangutan siya ng kapatid bago ito tumalikod. “Hoy! Saan ka pupunta?” sigaw niya sa kapatid. Hindi niya pinansin ang pang-aasar nito sa kanya. Hindi siya nilingon ng kapatid. Sa halip itinaas nito ang gitnang daliri. “Peste! Marunong ka ng magmura ngayon, ah. Ang sama talaga ng impluwensiya ng babaeng iyon!” Mabilis niyang hinabol ang kapatid. Nang maabutan niya ito ay ipinatong niya ang kamay sa balikat nito. “Lumayo ka nga sa akin. Hindi ako natutuwa sa iyo!” Pilit nitong binabaklas ang kamay niyang nasa balikat nito. “Huwag ka ng magtampo. Bati na tayo. Pagagalitan tayo ni Mama kapag nag-away tayo,” pangungumbinsi niya sa kapatid. “Kasalanan mo. Ikaw itong kumukuha ng hindi mo gamit. Sasabihin ko kay Mama ang totoo. Kapag pinagalitan ka, problema mo na iyon,” balewalang sabi ng kapatid niya. “Huwag ka namang ganyan. Paano ba ako makakabawi sa iyo?” “Wala. Wala kang magagawa,” umiiling na sagot ng kapatid niya. “Bakit ba ayaw mong makipagbati sa akin? Gusto mo bang tulungan kita diyan sa love letter na ginagawa mo?” Umismid ang kapatid niya. “Tapos ko na ito. Hindi ko na kailangan ang tulong mo.” “Tutulungan pa rin kita. Kung gusto mo, ako na ang magbibigay ng love letter mo. Sisiguraduhin kong tatanggapin niya iyan at hindi ibabasura,” nakangiting suhestiyon niya. Napatigil sa paglalakad ang kapatid niya at seryosong tumingin sa kanya. “Ano? Payag ka na?” tanong niya rito nang hindi ito umiimik at nakatitig lang sa kanya. “Hindi na kailangan. May naisip akong mas magandang paraan. Ilagay na lang natin ito sa locker niya para siguradong hindi niya matatanggihan. Baka naman kaya ayaw niyang tanggapin kasi maraming tao ang nakakakita kapag may ibinibigay ako sa kanya.” “Okay. Pero wala naman tayong susi ng locker niya. Paano iyon?” Napangisi ang kapatid niya. “Gawan mo ng paraan. Marunong kang magkalikot ng mga padlock at door knob, hindi ba?” “Oo. Pero...” “Kung ayaw mo, huwag na lang.” Nagmartsa na paalis ang kapatid niya. “Teka lang…” Napilitan siyang habulin ang kapatid. “O, HAYAN, nakabukas na. Dalian mo, ipasok mo na iyong sulat!” Halos bulyawan ni Edmark ang kapatid. “Oo na. Heto na nga.” Inilabas ng kapatid niya ang pink na sobre at isang pumpon ng bulaklak saka mabilis na ipinasok ito sa loob. Hindi pa naisasara ni Edmark ang padlock ng locker nang makarinig sila ng mga papalapit na yabag. “Tara na! Dali! May tao!” Hinila niya ang kapatid palayo sa lugar. Ngunit hindi ito natinag. “Hindi pa nai-lock…” Halos hindi na niya narinig ang sinabi ng kapatid dahil bigla siyang lumiko sa pasilyo. “Hoy, magaling na lalaki! Anong ginagawa mo diyan? Nagnanakaw ka ba ng gamit?” Narinig ni Edmark ang pamilyar na tinig kaya napilitan siyang sumilip dito. “Hindi. Hindi, ah,” kinakabahang sagot ng kapatid niya. “Eh, anong ginagawa mo dito, ha?” mataray na tanong ng babaeng kausap ng kapatid niya. “Ah, napadaan lang ako.” “Puwes! Umalis ka na! Ayaw kong makita ang pagmumukha mo! At puwede ba sa susunod huwag ka nang magbibigay ng kung ano-ano sa akin. Hindi ako interesado sa iyo! Tsupi!” Itinulak pa ng babae ang kapatid niya. Lulugo-lugong tumalikod ang kanyang kapatid. “Sabi ko naman kasi sa iyo, kalimutan mo na siya. Ibaling mo na lang sa iba iyang pagmamahal mo. She is not worth it, bro,” sabi niya sa kapatid nang mapadaan ito sa harap niya. Sinulyapan lang siya nito saka nagpatuloy sa paglalakad. Nagkakamot ang ulong sinundan na lang niya ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD