CHAPTER 1

1706 Words
PANAGUTAN MO 'KO by J.C. Quin Copyright © J.C. Quin 2013 All Rights Reserved   Disclaimer: This is a work of fiction. Names, characters, businesses, songs, places, events and incidents are either products of the author’s imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental. CHAPTER 1 “Sigurado ka ba hija na ipapaputol mo ‘yang buhok mo? Sayang naman. Ang ganda pa naman,” sabi ni Mang Jessie. Nandito ako ngayon sa barber shop niya. Opo, nasa barber shop ako at hindi sa parlor. Sa barbero naman talaga nagpapagupit ang mga lalaki ‘di ba? ‘Yun nga lang hindi ako lalaki, pero pusong lalaki. Nakapagdesisyon na ‘ko. Sasabihin ko na kay Nanay na tomboy ako. Alam kong masasaktan at iiyak siya at baka nga himatayin pa kapag nakitang wala na ‘tong mahabang buhok ko na alagang-alaga niya at palagi niyang sinusuklay. “Opo, ipapaputol ko po, ‘tsaka gusto ko po ‘yung ganitong gupit.” Ipinakita ko pa kay Mang Jessie ‘yung picture ng gupit na gusto ko. Napabuntong hininga na lang siya. “Nanghihinayang talaga ako hija,” sabi niya, kaya nginitian ko na lang siya. Ito talaga ang gusto ko eh. Hinintay ko lang talaga na matapos ang 18th birthday ko at pinagbigyan ko lang si Nanay sa pangarap niyang debut para sa ‘kin. Naku, kinikilabutan talaga ‘ko ‘pag naalala ko ‘yung ipinasuot niya sa ‘kin na pink na dress at high heeled na sapatos na kulay silver na may mga bato-bato pa na hiniram pa niya sa anak ng kapitbahay namin na mahilig magsasali sa mga beauty pageant. Pati na rin bawat lalaki na isinayaw ako nung gabing ‘yun, ang sasarap pektusan. Kung makakapit sa bewang at makahawak sa kamay ko, nakakainis. Isama pa ‘yung malalagkit na tingin sa ‘kin. Nakakabwisit. Hindi ko naman kasi sila kilala at si Nanay lang ang nag-imbita sa kanila. Anak daw ni ganito, anak ng kumare niya. Dito kasi sa lugar namin, wala kahit isa kaming kamag-anak. Mula kasi nang tumakas kami ni Nanay kay Tatay, hindi na kami bumalik sa dating tinitirhan namin. Lasenggero at basagulero kasi ‘yung tatay ko, tapos gabi-gabi na lang ata kapag umuuwi siya, lagi niyang binubugbog si Nanay. Ang tagal ding nagtiis ni Nanay, pero nung ako na ang saktan ni Tatay, doon na nagdesisyon ang Nanay na umalis at iwan si Tatay kasama ako. Anim na taon pa lang ako noon, pero natandaan ko bawat hagupit, tadyak at sampal ni Tatay sa ‘min ni Nanay, kaya abot langit ang galit ‘ko sa kanya. Hanggang ngayon ‘di ko pa rin napapatawad ang tatay ko, kasi masama siyang ama at asawa. Kung hindi siya ganon, sana buo ‘yung pamilya namin, sana hindi namin kailangan lumayo. “Hija, huling tanong ko na ‘to—.” Hindi ko na pinatapos magsalita si Mang Jessie at sumagot na ako agad. “Opo, hindi na po magbabago ang isip ko ‘tsaka Mang Jessie, ‘yung buhok po na mapuputol itatabi ko po. Balak ko po kasi i-donate para sa mga batang may cancer.” Sayang naman kasi, ‘tsaka para may makinabang na iba. “Sige,” sagot naman ni Mang Jessie. Nang matapos akong gupitan, tinignan ko ‘yung sarili ko sa salamin, inayos-ayos ko pa ‘yung buhok ko. Mukhang bagay naman sa ‘kin, pero napaisip ako kung ano kayang magiging reaksyon ng mga makakakita. “Salamat po Mang Jessie!” Inabot ko sa kanya ‘yung bayad kong sixty pesos, tapos ibinigay naman niya sa ‘kin ‘yung supot kung saan niya nilagay ‘yung buhok ko na ginupit niya kanina. Lumabas na ‘ko ng barber shop at bawat taong makakita sa ‘kin na kakilala ko o ng Nanay ko, hindi maiwasang titigan ako. “Si Alex ba ‘yun?” Dinig kong bulong ni Aling Tale, isa sa mga tsimosa dito sa lugar namin. “Hindi. Tomboy ‘yan eh,” sagot naman nung kausap niya. “Pero kahawig ni Alex,” sagot naman ni Aling Tale. Mabilis na ‘kong naglakad para makauwi agad sa bahay namin. Kung may magsasabi sa nanay ko ng pagbabagong ginawa ko sa sarili ko, ako dapat ‘yun at hindi kung sinong chismosa dito sa ‘min. Pagpasok ko ng bahay namin nakita ko si Nanay, nakaupo sa sala at nanunuod ng TV. Tawa pa siya nang tawa sa pinapanuod niya. Kapag makita niya kaya ako, makatawa pa kaya siya? Hay, bahala na. “Nay..” tawag ko sa kanya kaya lumingon siya. “Oh Ale—“ hindi natapos ni Nanay ‘yung sasabihin niya, at alam kong nagulat siya, dahil wala na ‘yung mahabang buhok ko na ang tagal niyang inalagaan. “Ano’ng nangyari sa buhok mo?!" Malakas na pagkakasabi niya at agad tumayo at lumapit sa ‘kin. “Anong ginawa mo sa buhok mo Alex?!" mangiyak-ngiyak niya na tanong sa ‘kin. “Nay, ito po ang gusto ko,” nakayuko kong sagot sa kanya. Hindi ko siya magawang tignan. “Anong ‘yan ang gusto mo?!” “Nay, tomboy po ako.” Pagkasabi ko noon, walang nasabi si Nanay, napatakip na lang siya ng bibig, tapos biglang hinimatay. Buti na lang malapit siya sa upuan, kaya doon siya bumagsak, pahiga. “Nay! Gising!” Hindi ko alam ang gagawin ko, kaya tinapatan ko siya ng electric fan tapos pinaypayan ko pa. “Nay, gising! Nay!” Natataranta na ‘ko. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Parang may kaunting pagsisisi akong naramdaman. Bigla kong kinuwetyon ang sarili ko, kung tama ba ‘tong ginawa kong pag-amin sa nanay ko. Kaso kung hindi ko gagawin ngayon, kalian pa? Maya-maya narinig kong mahinang nagsalita si Nanay habang nakapikit pa rin, “Ang anak ko..” Umiiyak siya. “Ang anak ko..” “Nay, bangon ka naman diyan. Mag-usap po tayo” “Hindi ikaw si Alexandra  ko. Hindi ikaw ang unica hija ko.” Tuloy pa rin siya sa pa-iyak. “Nay naman, si Alex pa rin naman ako.” Biglang bumangon si Nanay at napaurong tuloy ako. Hinawakan niya ‘ko sa magkabilang braso. “Kung sino ka mang sumanib sa anak ko, iwan mo ang katawang lupa niya!” “Nay! Ano ba?!” Hindi ko alam kung matatawa ba ako o maiinis. Ito naman kasing si Nanay kung anu-anong sinasabi. Humiga na naman siya na akala mo hinimatay, “Ang anak ko..” Iyak pa rin siya nang iyak. Napabuntong hininga na lang ako. Hindi ko pa siguro makakausap nang maayos si Nanay. **** “Ikaw naman kasi Bes, bakit binigla mo si Tita?” sabi ni Cherry na kababata at bestfriend ko. Siya lang ang tanging tao na napagsabihan kong tomboy ako. Kasama ko siya ngayon dito sa canteen ng school. Same school kami, pero magka-iba kami ng course.   “Kahit sa paanong paraan ko naman sabihin, ganon at ganon pa rin ang magiging reaksyon niya.” “Sa bagay.” “Nakakainis!” Napahampas ako sa ibabaw ng lamesa. “Ha? Si Tita?” Nagtatakang tanong ni Cherry. “Hindi. ‘Yung mga tingin sa ‘kin ng mga tao rito.” Sa tuwing may dumadaan kasi sa tapat namin, laging napapatingin sa ‘kin. Tingin na may ibig sabihin. Ano bang problema nila?! “Yaan mo sila. ‘Di lang sila sanay. Parang ikaw hindi ka sanay sa mga tingin nila pero ngayon dapat masanay ka na kasi mga ilang araw o linggo pa ‘yan.” “Ano bang masama sa ‘kin para tignan?” “Walang masama, kaso biglaan mo ba namang ipaputol ‘yang buhok mo, tapos pati ayos ng pananamit mo binago mo. Magre-react at magre-react talaga ‘yung mga tao. Si Alexandra Sebastian; maganda, maraming nagkakagustong lalaki dito sa school, na mas marami pa ata sa mga daliri ko sa kamay at paa ‘yung mga nagtangkang manligaw, biglang malalaman ng madla na tomboy pala, kaya kahit isa walang sinagot sa mga manliligaw niya.” “Hindi ko kasi sila gusto. Iba ang gusto ko.” “I know. Si Leighla.” Biglang nanulis ang nguso niya at umikot ang mata. Tumango ako. Matagal ko nang crush si Leighla. Naging classmate ko siya sa isang subject nung First Year ako. Irregular student siya at ahead siya sa ‘kin nang isang taon. “Liligawan mo ba talaga siya?” tanong ni Cherry sa ‘kin. “Oo, subok lang. Wala namang mawawala. Kesa naman hanggang tingin lang ako.” Inakbayan ako ni Cherry. “Alam mo Bes, tanggap kita, suportado kita d’yan sa paglantad mo, at sa plano mong manligaw pero si Leighla talaga? Bakit?! Kasi hindi ko talaga siya feel. Alam mo ‘yon? Maganda siya at maputi pero ramdam kong may bahid siya nang kadiliman, na kasing dilim nang smoky eyeshadow niya at eyeliner. Basta, hindi ko talaga feel.” “Inggit ka lang. Mas magaling siyang magmake-up sa ‘yo. ‘Yaan mo, ‘pag naging kami, sasabihin ko turuan ka,” tatawa-tawa kong sabi. “No need. Dami kayang tutorial online and fast learner kaya ako,” nakapamewang niyang sabi. **** Tulad nang sinabi ko niligawan ko si Leighla. Noong una nakipagkaibigan muna ‘ko sa kanya, hanggang sa inamin ko na, na may gusto ako sa kanya. Pumayag naman siya na ligawan ko siya kaya sa tingin ko may pag-asa ako. “Alex, may pupuntahan akong party mamaya. Sama ka. Pwede mo rin isama ‘yung friend mong si Cherry,” sabi ni Leighla sa ‘kin habang nasa canteen kami at kumakain ng meryenda kasama ng mga kaibigan niya. “Talaga? Gusto mo ‘kong sumama?” “Yes Alex. Alam mo bang may surprise 'tong si Leighla sa’yo,” sabi naman ni Amber, isa sa mga kaibigan ni Leighla. “Amber!” saway ni Leighla sa kanya ‘tsaka siya tumingin at ngumiti sa ‘kin. Napangiti rin ako. Ang ganda niya talaga. “Sige, sasama ako,” walang pagdadalawang-isip na sagot ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD