“Last two minutes!”
Narinig niyang anunsiyo nang taga-pagsalita. Agad niyang tiningnan kung saan siya maaring sumuot upang makagawa ng puntos. Nasa kaniya ang bola, at tanging siya na lang ang pag-asa ng mga team mates niya para makalamang sa kalaban.
Drinibol niya nang mabilis ang bola saka nag-fake shot. Nang magsitalunan ang nakabantay sa kaniya, ngumisi siya at saka pumuwesto at tumira ng three points. Naghiyawan ang mga tao sa gym, nang magawa niyang ipasok ang bola sa ring. Kasabay noon ang pagpito ng referee. Nangangahulugang tapos na ang laban, at sila ang panalo.
“Nice one Captain!” bati sa kaniya ng mga kasamahan.
Masaya silang nag-appear-an at nagyakapan. Hingal na hingal man, at pagod na pagod ay nagawa pa rin nilang makangiti sa harap ng maraming tao. Nasungkit lang naman kasi nila ang panalo sa Championship! Siyempre pa, siya na naman ang MVP of the year.
“Hi Rex, congratulations! Ang galing-galing mo!” kinikilig na bati sa kaniya ng isang babaeng hindi naman niya kilala.
Magkagayon pa man, ay nginitian pa rin niya ito saka nagpasalamat. Ganoon naman kasi palagi e, maraming babae ang lumalapit sa kaniya, kasi nga approachable siyang tao. Walang masamang tinapay sa kaniya, basta binati siya ay ngingitian at babatiin din niya ito. Kaya naman hindi miminsang may nakamis-interpret sa kabaitan niyang iyon.
Minsan nga tinulungan lang niya, mababalitaan na lang niyang sila na pala. O kaya naman nangitian lang niya at nakausap, maya-maya ay clingy na ito at magugulat na lang siyang ipinamalita na nitong sila na. Kaya naman bukod sa tawag nilang Captain ball sa kaniya, binansagan na rin siyang Captain Playboy. Pogi problems ika nga nilang magkakaibigan.
“Captain iba na naman iyan ha,” bulong pa sa kaniya ni Marvin na nasa kaniyang tabi.
Pa-simple niya itong binatukan, sa pamamagitan nang pag-kakamot kunwari ng kaniyang ulo. Dahil katabi niya ito, nadale niya ang ulo ng kaibigan na hinimas naman nito.
“Salamat Miss...” nakangiting baling niya sa babaeng hindi pa rin umaalis sa kanilang harapan.
“Katherine. Katherine Joy Garcia. Kath for short.” Ngiting-ngiting inilahad pa nito ang mga kamay sa kaniyang harapan. Inabot naman niya iyon para hindi mapahiya ito sa mga kasama.
“Nice meeting you,” nakangiti ring sabi niya sa dalaga.
Babawiin na sana niya ang kaniyang kamay, ngunit napakahigpit nang pagkakahawak nito roon. Tila nahalata naman iyon ng mga kasamahan. Kaya isa-isa ring nagpakilala ang mga ito kay Katherine, para matanggal ang pagkakahawak nito sa kamay ni Rex.
“Hi Kath, Marvin nga pala.” Pa-simpleng kinalas nito ang kamay ni Kath, na nakahawak sa kamay ni Rex. Saka kinamayan ang dalagang tila umasim naman ang mukha.
“Bernard, ang pinaka-gwapings sa kanila.” Taas baba pa ang kilay nitong pakilala kay Kath. Natawa pa siya sa pagpapakilala ng kaibigan.
Matapos makipagkilala ng mga ka-team kay Kath, ay nagpaalam na rin sila rito. Gusto na niyang kumawala sa dalaga, kaya naman nagdahilan siyang maliligo pa at magpapalit sila ng damit. Wala naman nang nagawa ang dalaga, kaya agad silang tumalilis nang takbo patungong gym locker.
“Grabe ka Captain, iba ka talaga! Ang lupit!” ani Marvin habang naliligo sila. Magkakahelera ang cubicle nila, kaya madali silang nagkakarinigan.
“Ipamahagi mo naman iyang mga chicks mo sa amin!” Hirit naman ni Bernard. Napangisi siya sa sinabi ng mga ka-team.
“Mga loko. Kung puwede nga lang talaga, e ‘di ginawa ko na!” sabi naman niya sa mga ito.
“Naks naman, pogi problem ba Captain? Ikaw na talaga!” wika pang muli ni Bernard sabay tawa nito.
“Oo e, ayaw ko na nga sana kaso wala naman akong magagawa, ipinanganak kasi akong guwapo e!” tatawa-tawa pa niyang sagot sa kaibigan.
“Yown lungs!” narinig pa niyang saad naman ni Marvin.
Tumawa lang silang muli, saka ipinagpatuloy na ang kanilang paliligo. Sanay na siya sa ganoong mga tagpo and for sure bukas makalawa, mababalitaan na niyang sila na ng Kath na iyon. Nangingiting napapailing na lang siya sa isiping iyon. Hihintayin na lang niya na may isa na namang babaeng iiyak nang dahil sa kabiguan nito sa kaniya.
Matapos maligo ay mabilis na siyang nagbihis dahil may usapan silang magkakaibigan ngayon na tatambay sa bahay nila Lester. Wala naman kasi silang pasok bukas kaya okay lang kahit doon sila abutin ng magdamag ngayong gabi. Tutal, pag-uwi naman niya paniguradong lasing na naman ang kaniyang ama at malamang na mapagbalingan na naman siya nito.
Ganito naman kasi palagi ang kaniyang ama. Sa kanilang magkakapatid, siya ang madalas gawing sparing partner nito kapag nakakainom. Hindi rin niya maintindihan, pero paborito siyang saktan ng kanilang ama kapag lango ito sa alak. Kapag normal naman ito ay hindi naman siya pinapansin o kinikibo man lang ng kaniyang ama.
Nasanay na lang rin siya na ganoon ang kaniyang ama. Minsan nga ay natanong pa niya ito kung bakit ito ganoon sa kaniya, ngunit sa kasamaang palad wala naman itong isinagot sa kaniya. Sa malas, nakatikim pa siya ng suntok at tadiyak mula sa kaniyang ama. Sinubukan rin niyang tanungin ang kaniyang ina, ngunit wala naman din itong isinagot sa kaniya.
Kaya kapag ganoong araw, nagpapalipas na lang siya ng buong magdamag sa bahay ng mga kaibigan upang iwasan ang kaniyang ama. Ayaw naman niyang dumating sa punto na mapatulan niya ito at masaktan. Kaya hangga’t maaari ay siya na lang ang umiiwas dito.
“Paano ba iyan, mauuna na ako sa inyo mga brad. Congrats ulit sa atin!” paalam niya sa mga kaibigan saka nakipag-fist bump sa mga ito.
“Sige Captain! Ingat ka riyan baka may nakaabang na riyan sa labas ng locker!” tatawa-tawa namang saad ni Bernard sa kaniya.
“Gago! Sasabihin ko pasukin kayo rito!” ganting biro naman niya dito.
“Uyyy! I like!” sabat naman ni Marvin na ikinatawa nilang tatlo.
“Mga baliw, sige na mag-iingat din kayo baka biglang may humipo sa inyo sa daan,” sabi pa niya sa mga ito saka ibinato ang bola sa kanila.
Malutong na halakhak lang ang isinagot ng mga ito sa kaniya. Dahil sa sinabi ni Bernard kanina, sumilip muna siya kung may nag-aabang nga sa labas ng kanilang locker bago siya tuluyang lumabas. Hindi nga nagkamali ang kaibigan, at nakita niya ang babaeng bumati sa kanila kanina na nakatayo ‘di kalayuan sa locker. Agad siyang nagtago at nag-isip kung saan maaaring dumaan para maiwasan ito.
‘Parusa men!’ bulong pa niya sa kaniyang sarili.
Sumilip siyang muli saka unti-unting lumabas ng locker upang tumakbo sa bandang kaliwa, kung saan may hagdang pababa patungo sa likod ng locker. Doon siya daraan palabas ng kanilang university upang hindi siya makita ng dalagang nag-aabang sa kaniya. Bumilang pa siya ng tatlo bago tumalilis nang takbo patungo sa daanang kaniyang balak tunguhin. Napangiti pa siya nang matagumpay niyang narating iyon at tuluyang nakaiwas sa dalaga.
‘Lusot ka na naman Trimor!’ bati pa niya sa kaniyang sarili at saka masiglang naglakad patungo sa gate ng kanilang university.