Laking gulat ko ng makita ang isang lalaki na di ko kilala sa loob ng aking apartment. Nakaupo sa sofa, walang shirt, naka electric fan at nanonood ng tv. Ang nararamdaman ko ay napalitan ng pagtataka at pagkainis.
“Sino ka?” saad ko na may inis.
“Sino ka rin?” pabalang na sagot nito na akala mo ay sya ang may-ari ng bahay.
“Apartment ko ‘to. Anong ginagawa mo dito at paano ka nakapasok? Magnanakaw ka no?”
“Excuse me miss. Apartment ko ‘to at nagbayad ako ng upa sa may-ari ng one month deposit at one month advance.”
Akala yata ng kasera ay umalis na ako. Ganid talaga ang matandang babae na yun. Di pa ubos ang bayad ko, nagpatira na ng iba. Agad kong tinawagan ang kasera.
“Aling Tonya, bakit nagpatira ka dito sa unit ko. May bayad na ako sayo ng dalawang buwan pa ha.”
“Ha? Ah e, akala ko umalis ka na kasi kaya naibigay ko rin ang unit sa lalaki. Kailangang kailangan daw ng matitirahan kaya naawa naman ako,” paliwanag ng matanda sa akin na di ko matanggap.
“Ibalik mong pera niya. Sa akin pa rin itong bahay.” Inis na saad ko. Kunwari lang sya naaawa pero alam kong mukhang pera talaga sya.
“Pasensya kana Lia kasi nagastos ko na ang pera. Noong isang araw pa. Pwede naman kayong magshare. Dalawang kwarto dyan at bayad na kayo ng apat na buwan. Pasensya ka na ha.”
Binabaan ko na ng phone ang kasera dahil sa inis ko. Ang lalaki naman ay nakita kong palabas ng aking kwarto na nakasuot na ng shirt.
“Hindi ka pwede dito. Humanap ka ng ibang matutuluyan.” Mukhang inis ang nararamdaman ko sa lahat ng lalaki at iniisip na lahat sila ay manloloko kagaya ng asawa ko.
“Seryoso? Gabi na at saan mo ako paghahanapin ng matutuluyan? Isa pa, nagbayad din ako dito kaya may karapatan akong tumira dito. Dito na lang ako sa sofa matutulog kahit na maiksi at matigas.”
Nangunsensya pa at naisip kong, gabi na nga at kawawa naman sya kung paaalisin ko pa. Pero hindi ko sya kilala at baka ako pa ang mapahamak sa kanya.
“Lilinisin ko na lang yung kabilang room bukas. Doon ka na lang. May kutson din doon na pwede mong gamitin. Kapag may umalis na naupa saka ka na lang lumipat.” Agad akong nakunsensya at inisip na baka naman iba sya at mabuti syang lalaki.
“Salamat. Di naman ako masamang tao kaya hwag kang matakot. Wala akong gagawing masama at kailangan ko lang talaga ng matutuluyan ngayon. Ilang araw na ako sa hotel at paubos na ang budget ko.” Patuloy na paliwanag ng lalaki.
Kinabukasan ay maaga kong inumpisahang linisin ang kabilang room na ginawang tambakan namin noon ni Liam. Tumulong din naman sya sa paglilinis at inimis ang mga tambak na gamit doon. Ang iba ay nilagay ko sa ibabaw ng cabinet na naroon at ang iba naman ay sa ilalim ng aking kama.
Medyo mainit ang panahon ng araw na yun at pareho na kaming pawisan. Wala syang alinlangan na naghubad ng kanyang shirt at pinunas sa pawisan niyang katawan. Di ko namalayan na napatitig pala ako sa katawan niya. May mas Maganda pa pala kesa sa katawan ng asawa ko.
“Baka tumulo na ang laway mo miss,” saad nito na ngumisi pa sa akin.
Umismid ako saka lumabas na ng kwarto. Nagdiretso ako sa kusina at uminom ng malamig na tubig para maibsan ang init na aking naramdaman dahil sa init ng panahon. Hindi dahil sa nakita kong maganda niyang katawan sa init ng panahon talaga.
“Pagod na ako kaya ikaw nang maglinis ng kwarto mo,” umupo ako sa upuan sa kusina at sya naman ay nakasandal sa hamba ng pintuan ng kwarto.
“Hindi pa tayo tapos maglinis ha. Tara na. Tulungan mo ako,” nakangiti siya na para bang nanunukso pa.
Inirapan ko lang sya at nagdiretso na ako sa banyo para maligo dahil init na init na ako at naglalagkit ang katawan. Pagkabihis ay nagluto na ako sa kusina para sa tanghalian naming dalawa. Nagsaing ako at nagbukas ng de latang corned beef. Nilagyan ko lang ito ng sibuyas saka ginisa.
“Hoy, kakain na,” tawag ko sa lalaking di ko pa alam ang pangalan nang matapos akong makapagluto.
“Hoy? You can call me babe,” nakangiti siyang nanunukso nanaman.
“So anong first name mo? Bobby, babe for short,” biro ko.
Napatawa siya. “Jared o Red for short. Pwede mo rin akong tawaging babe. Ikaw?”
“Aliya. Pwede na ring Lia para mas maiksi pa.”
“Lia, pwede bang humingi ng pabor?”
Kakakilala pa lang hihingi na ng pabor. Baka naman magpapatulong lang ulit maglinis.
“Sige, ano yun?”
“Nakakahiya man, pero wala kasi akong choice ngayon. Naibayad kong lahat ang pera ko sa land lady. So, I don’t have any money right now.”
Umingles pa. Wala naman palang pera. Kinakabahan ako ha. Uutangan na agad ako ng mokong na ‘to.
“Hinahanap ko kasi ang father ko at nang malaman ng mom ko, pinalayas nya ako sa house namin. Wala nga akong nadalang kahit ano sa saobrang galit niya.”
Ang conyo magsalita. Pero infairness mukha naman syang mayaman. Gwapo rin naman sya at sige na, Maganda ang katawan. Con artist yata ito eh.
“I only have some clothes with me. My money and my car was left at my house,” patuloy pa nito.
Di nga? Di kaya scammer itong lalaking ito? Hay, ang malas ko talaga sa buhay.
“Bakit naman ayaw ng mom mo sa dad mo?” usisa ko
“Kasi hindi daw kami pinaglaban nito. Magkaaway ang pamilya nila sa negosyo kaya ayaw ng parents ni Mommy kay Dad.”
Parang telesrye lang ha. Magaling gumawa ng istorya si mokong.
“Eh, magkano naman ang kailangan mo? Kailangan ko rin kasi ng pera para sa karinderyang ipapatayo ko. Iniwan pa ako ng magaling kong asawa,” sinabi ko ang totoo para naman maawa sya at di ako tuluyang utangan.
“Mga 50,000 pesos. Pwede na yun para sa paghahanap ng dad ko.”
Seryoso. Yun ang buong binigay sa akin ni Dana tapos gusto nyang kunin lahat?
Nanlaki ang mata ko sa laki ng uutangin niya gayong kakakilala lang namin. Di ako makapaniwala na magkaroon ng roommate na katulad niya.
“Ibabalik ko rin naman agad once na makita ko na ang dad ko. Kahit doble o triple pa ang ibayad ko sayo.”
“Wala kasi akong ganoong kalaking halaga. Walang-wala din ako dahil iniwan ako ng hinayupak kong asawa at sumama sa iba. Kahit singkong duling walang iniwan ang walang hiya.” Reklamo ko pa sa lalaki.
“How about 20,000 meron ka? Baka naman meron ka. I just need it very badly.”
“Uhm, 10,000 pwede kitang pahiramin. Marami ding gastos dito sa bahay. Pagkain, kuryente, tubig. Tsaka isang buwan na lang ang bayad ko at baka mapalayas na ako.”
“That’s not enough pero pwede na rin. Ibabalik ko rin naman agad. Hwag kang mag-alala.”
Putcha! Choosy pa ang walang hiyang ito ha. Dapat pala 5k lang ang sinabi kong ipapahiram. Hays. Kamalasan talaga.
“Bakit mo pa hahanapin kung iniwan na kayo? Ibig sabihin ayaw nya sa inyo.” Usisa ko pa. baka sakaling mahuli ko kung nagsisinungaling talaga sya.
“He’s still my dad and I want to see him. And also, my mom is sick, I know she still loves him. Can I get the money before you sleep?”
Grabe din naman ang kakapalan nitong conyo na ‘to. Atat na hawakan ang pera ha.
“Sure. Before I go to sleep, I give you the money,” napapaingles din tuloy ako ng wala sa oras dahil sa mokong na ‘to.
“Nagmamadali din kasi akong mahanap sya. Maaga akong aalis bukas.”
“Ok, no problem. I give it to you later.”
Di ko alam kung tama ang ingles ko pero nasabi ko na eh. Pagkakain ay nagtungo na ito sa kanyang kwarto. Iniwan ang plato sa mesa at di man lang nailapag sa lababo.
Pambihira. Ako na ang nagluto, ako pa ang maghuhugas. Di marunong tumulong ang hinayupak. Kapal ha. Inis na saad ko sa sarili.