1
Nagdududa na ako at napapansin kong kakaiba ang mga kilos ng aking asawa. Noon, malambing sya at maalalahanin. Maalaga at kapakanan ko ang lagi niyang iniisip. Pinagluluto pa niya ako noon ng almusal dahil mas maaga siyang magising kaysa sa akin. Perfect husband at sobrang saya ko dahil alam kong napakaswerte ko sa kanya.
“Ipagluluto kita ng almusal. Anong gusto mo?” tanong ko sa kanya habang nagsusuot na sya ng uniporme niya na pang opisina. Nang naliligo siya kanina ay nagising na ako.
“Hindi na ako kakain. Sa cafeteria na lang na malapit sa office. Matulog ka pa at alas singko pa lang ng umaga.”
“Akala ko hindi masarap ang pagkain doon? Maselan ka pa naman at lutong bahay ang gusto mo, di ba?”
“Coffee at sandwhich lang naman ang kakainin ko. Sige na matulog ka pa.”
Naalala ko noon na nagrereklamo sya kapag hindi ko sya ipinagluluto ng almusal at masaya naman sya kapag maaga ko syang nahandaan ng pagkain. Naalala ko rin noon na hindi muna sya bumabangon sa umaga. Humahalik muna sya sa akin at naglalambingan muna kami bago sya maligo. Pero ang lahat ay nagbabago at may katapusan.
Isa akong housewife. Nag-resign ako sa aking trabaho at nagdesisyon na alagaan na lang ang aking asawa. Ito talaga ang gusto ko at ito rin ang gusto niya. Kaya nya namang magtrabaho mag-isa dahil sa laki ng kita niya bilang manager ng isang five star hotel.
Gusto kong pagsilbihan siya araw-araw pero ang pinakaayaw ko lang ay ang gumising ng sobrang aga. Pero dahil mahalaga siya sa akin, gumigising ako para ipagluto siya ng kanyang almusal dahil yun ang gusto nya. Mahal na mahal ko sya at ayaw kong mawala siya. Gagawin ko ang lahat para sa kanya dahil ikamamatay ko kung mawawala siya.
Hindi ko na lang pinansin ang mga pagbabago niya. Alam kong focus sya sa trabaho at nais niyang mapromote bilang director ng hotel na iyon. Masipag siya at matalino. Para na rin sa bubuuin naming pamilya ang ginagawa niyang pagsusumikap. May sarili kaming bahay sa isang exclusive na subdivision, may dalawang sasakyan at masasabi kong nakakaangat sa buhay. Wala pa kaming anak kaya dalawa lang kami sa bahay. Minsan may taga linis na stay out lang.
Simple lang akong maybahay. Di mahilig sa mamahaling bagay at di rin gaanong maglalalabas ng bahay. Low maintenance at hobby ko lang ay pagsilbihan ang aking asawa.
Isang taon at kalahati na kaming kasal. Gusto nyang magkaanak na pero wala pa ring nabubuo sa aking sinapupunan. Napepressure na rin ako minsan dahil parang hindi ko maibigay ang kahilingan niya. Isang gabi na magkausap kami habang nakaupo sa kama,
“Hindi ka pa ba buntis?” tanong niya
“Paano naman mabubuntis kung lagi kang pagod pag-uwi. Kailangan kasi nating gawin ng madalas para sure na tumapat kung kelan ako fertile. Magbakasyon kaya tayo? Mag leave ka muna sa work ng ilang araw.” Suhestiyon ko sa aking asawa.
“Mabuti pa nga siguro. Kailangan ko na rin ng bakasyon at pahinga.”
“Thank you honey. Mag-smile ka naman. Lagi ka na lang nakasimangot,” niyakap ko sya ng mahigpit na parang ayoko na syang pakawalan. Masaya ako sa ideyang magbakasyon kami at para naman matagal ko syang mayakap at makasama. Nakakalungkot na lagi na lang akong mag-isa sa malaking bahay namin.
“Sige na. Matulog na tayo. Pagod na pagod ako,” inalis niya ang braso kong nakayakap sa kanya saka humigang patalikod sa akin.
“Kung ngayon na natin subukang magka-baby,” bulong ko sa tenga niya saka hinimas ng marahan ang braso niya. I like his firm arm. Ang macho at ang hot niya.
“Hwag ngayon,” pagod na saad niya. Maya-maya lang ay narinig ko na ang paghilik niya.
Napabuntong hininga na lamang ako dahil hindi naman sya ganoon noong bagong kasal pa lamang kami. Full of energy sya kahit kagagaling lang niya sa opisina. Masaya syang umuuwi ng bahay at agad akong niyayakap at hinahalikan. Masaya sya tuwing aalis kami at magde-date. Kita ko sa mata at sa mukha niya. Mahal na mahal niya ako noon pero anong nangyayari ngayon?
Kinabukasan ay gumawa lang ako muli ng mga gawaing bahay habang wala ang aking asawa. Binalewala ko lang din ang lahat. Inisip kong mahal niya ako at ako ang mundo niya gaya ng sinasabi niya noon. Patuloy lang ako sa pagiging mabuting asawa sa kanya pero unti-unti, narealize kong may nakalimutan na pala ako.
Ang aking sarili.
Luma na ang aking damit na sinusuot na damit ko pa noong dalaga pa ako. Iniisip kong sa bahay lang naman ako at madalas ay grocery lang ang pinupuntahan. Nakapusod lang lagi ang buhok ko para hindi sumayad sa batok at balikat ko na pawis kapag naglilinis ng bahay. Wala naman akong ibang gagawin kundi linisin ang malaking bahay naming. Wala ring ayos ang aking mukha na kahit magpulbos ay di ko na magawa. Humarap ako sa salamin para tingnan ang aking sarili.
Ang panget ko na pala. Mukhang kawawa at amoy kusina. May pangpasweldo naman sa kasambahay pero bakit ko ng aba inaako ang lahat ng Gawain?
Sa aking pagkadismaya ay nagtungo ako sa banyo para maligo. Nag-scrub ako ng buong katawan. Shinampoo maigi ang buhok ko at binuhusan ng maraming conditioner. Nagbabad ako sa bathtub na may gatas para lumambot ang aking balat na napabayaan ko na rin kaka intindi sa kakainin ng aking asawa sa araw-araw.
Sa pagbababad ko sa banyo ay narinig ko ang pagbukas ng gate. Agad akong nagbalot ng twalya at lumabas ng banyo. Nakita ko ang asawa ko na papasok na sa loob ng bahay na galing sa kanyang trabaho.
“Anong ulam? Gutom na ako.” Mukha itong masungit.
“Bakit ang aga mo? Alas singko pa lang ha.” pagtataka ko.
“Sabi mo wala akong time sa’yo, kaya maaga akong umuwi. Tapos ngayon tatanungin mo kung bakit ako maaga.”
“Teka, magluluto na ako. Anong gusto mo?” inilabas ko ang frozen chicken mula sa ref saka binabad sa tubig na nasa lababo.
“Ibig mong sabihin wala ka pang luto?” may pagkairitang saad niya na mukhang gutom na talaga.
“Hindi ka naman tumawag na maaga ka uuwi. Nawili ako sa paliligo.” katwiran ko sa lalaki.
“Matutulog muna ako,” agad itong pumasok sa aming kwarto at iniwan ako sa kusina.
“Teka, magluluto na ako. Hwag ka munang matulog.”
“Gisingin mo na lang ako kapag nakaluto ka na.” alam kong nairita lang sya pero di naman talaga galit sa akin. Alam kong mahal na mahal niya ako.
Nagbihis muna ako saka bumalik sa kusina para magluto ng ulam.
Ano bang naisip ko at inuna ko pa ang aking sarili. Sya dapat ang inuuna ko at lalo na ang kanyang hapunan.” paninisi ko sa aking sarili.
Trenta minutos bago ako nakaluto at agad siyang ginising.
“Honey, luto na. Kumain ka na.”
Nilagyan ko ng kanin at ulam ang plato niya. Sinalinan din ng tubig ang baso niya.
“Nagfile ka na ba ng leave?” tanong ko
“Hindi pa,” tanging sagot niya na parang walang ganang makipag-usap sa akin.
“Bakit? Anong nangyari? Naghihigpit nanaman ba sila?” usisa ko pa sa lalaki.
“Hindi. Nakalimutan ko lang. Bukas na lang siguro.”
“Mabuting magfile ka na habang maaga baka hindi ka nanaman payagan.”
“Ako nang bahala. Hwag mo ng intindihin pa yun,” may bahid ng pagkainis ang sagot niya sa akin marahil ay dahil sa sobrang pag-uusisa ko.
Pagkakain ay nagdiretso syang muli sa loob ng aming kwarto
Matutulog nanaman ba sya?
“Hwag ka munang matulog ha!” sigaw ko habang nagliligpit sa kusina.
Agad ko naman siyang sinundan at di muna tinapos ang aking pagliligpit. Nakita ko syang nakaupo sa kama at nakasandal sa headboard. Nagbo-browse ng kanyang phone. Naupo ako sa tabi niya at niyakap siya.
“Ano ba?” halatang may inis sa boses niya.
“Masama bang yumakap. Namimiss na kasi kita.” paglalambing ko sa aking asawa.
“Tumigil ka dyan. Pagod ako at gusto kong makapahinga.”
“Yakap lang naman. Hindi ba pwede?”
“Magagalit ka ba kung sasabihin kong hindi pwede? Ang init tapos nakadikit ka masyado.”