Kabanata I

2633 Words
ALESSANDRO “KAP, magreresign na po sana ako sa pagtatanod.” Una kong nilapitan si kapitan umaga ng Lunes nang ako ay nasa barangay hall ng Calle Adonis. Dati ko na itong nasabi sa kanya sapagkat mas kailangan ko na ngayon ng malaking pera. Balak ko kasing palaguin ang aking vulcanizing shop at magdagdag pa ng mga bagong pagkakakitaan. Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat ang kakarampot na sahod ng mga tanod sa bansa. Ngunit hindi lang naman iyon ang habol ko dahil masaya ako sa pagsisilbi sa barangay, may mga bagay lang talagang dapat pagtuunan ng pansin ngayon. “Hindi na ba magbabago ang pasya mo, Sandro?” tanong pa ni Kap habang binabasa ang resignation letter ko. “Kap, matagal ko na pong pinag-isipan ang bagay na iyan. Isa pa kap, ay natanggap na po ako sa isang bar sa syudad kung saan ay may mataas namang pasahod at magandang pagtrato sa mga empleyado, ayon sa mga nakapagsabi sa akin,” paliwanag ko pa. “Alam mong malungkot akong aalis ka dahil isa ka na sa mga pinagkakatiwalaan ko dito sa usapang trabaho at alinmang aspeto ng ating barangay, ngunit hindi ko rin naman maibibigay ang mga pangangailangan mo, kaya’t bakit hindi kita papayagan?” sabi pa ni Kap sabay ngiti. “Isa pa, ako ang nagrekomenda sa’yo sa trabahong iyon dahil matagal mo nang sinasabi sa akin na gusto mo ring makapaghanap ng trabaho bukod dito kaya’t masaya rin akong malaman na pinaunlakan mo ang imbitasyon at rekomendasyon ko sa trabahong iyon,”dagdag pa niya. Mabait talaga si Kapitan Ernesto Balubal, ikalawang termino na niya at mula sa nakaraang administrasyon na siya ay isang kagawad ay nakasama ko na rin siya kaya’t masasabi kong kilala ko na siya at kilala niya na rin ako. Kaya naman nang magtanong ako sa kanya kung may alam siyang maaari kong pag-applyan ay binigyan niya agad ako ng ideya. Sinamahan niya ako sa Queen’s Men Lair Bar kung saan ay nangangailangan sila ng mga waiters, bar tenders at iba pang mga trabahong panlalaki. Bago sa akin ang bar na iyon dahil hindi naman ako pala-galang tao at hindi rin ako mahilig sa mga pagpaparty at disco. Batang barangay lang ako at laki ako sa kung ano ang buhay dito sa Calle Adonis. “Salamat po Kap,” natuwa pa ako sa narinig ko sa kanya. “Walang anuman iyon Sandro. Basta’t kapag may kung anong bagay na gusto mong malaman sa Queen’s Men Lair ay ako ang hanapin mo bago ka pa man magsimula ng araw mo doon,” dagdag pa niya. “Naku Kap, may mga bagay pa nga po kaming dapat malaman pagpasok namin doon. Parang may magaganap pang salaan ng mga empleyado. Pero malakas ang kutob ko na makukuha ako, syempre kakilala niyo ang nakausap natin dati na magandang babae. Ang nalaman ko pa sa kontratang pinirmahan ko ay kailangan din naming tumira doon sa isang lugar kung saan kami dadalhin ng isa sa mga tagapangasiwa ng bar. At kapag handa na kami ay saka kami sasabak sa tunay na trabaho,” paliwanag ko pa. “Sabi nga nila ay parang army ang ginagawa sa mga empleyado doon. Nasabi lang sa akin nang babaeng nakausap natin. Magtetraining pa kayo, ganon daw iyon,” dagdag niya pa. “Ganon na nga po Kap. Pero kung sa mga bagay na ganyan ay alam niyo namang may alam ako diba po?”Medyo may pagyayabang kong wika dahil na rin sa mga kakayahan ko sa mga natutunan ko sa martial arts noong ako ay nag-aaral pa lamang. Lagi akong pambato ng aming paaralan sa mga karate at iba pang mga palarong may kinalaman sa ganito kaya’t isa rin itong nagging batayan ng barangay sa pagkuha sa akin sa pagiging tanod. “Ikaw pa ba? Kaya nga ikaw ang tanod ng bayan dahil kahit mag-isa ka lang ay kaya mong patumbahin ang lahat ng lasing sa mga daanan ng buong araw,” natatawa niyang wika. Naalala ko pa noong medyo bata-bata pa ako. Kinuha akong tanod upang dumisiplina ng mga nagwawala sa daan, mga sisiga siga, mga lasenggo sa kanto at marami pang iba. Hindi maiiwasan ang pakikipagbugbugan at suntukan pero lahat ng iyon ay dahil kailangan kong gawin upang madisiplina sila. “Sana nga po ay gano'n ang training upang mas mabilis akong makapagtrabaho. Kaso bar iyon, imposible namang pakikipagsuntukan ang aming papasukin,” nangalumbaba pa ako habang nakatingin sa kanya. “Basta Sandro, ang masasabi ko lang ay magiging isa kang disiplinadong tao doon. Isa pa, marami kang makikilala sa mga magiging customers ninyo at mas malalaman mo ang mga nangyayari sa lipunan,” sabi pa ni Kap. Hindi ko lang maintindihan kung bakit niya iyon sinabi. “Ano pong ibig sabihin ninyo Kap?” nakakunot noo kong tanong. Tumingin siya sa paligid at sinigurong walang tao sa paligid saka siya lumapit ng bahagya sa akin. “Dati akong empleyado doon,” bulong niya. “Talaga po?” gulat kong tanong. “Ssshhh. Atin lang ito at walang dapat makaalam,” aniya. “Sige po,” tumango pa ako. “Sinasabi ko na ang mga bagay na ito sa’yo sapagkat nakasisiguro akong is aka sa mga magiging pangunahing empleyadong magagamit sa QML,” sabi pa niya sa mahinang boses. “Hindi ko po gaanong maintindihan Kap.” “Mas mauunawaan mo na sa oras na nandoon ka na. Mas magandang malaman mo na lamang ang lahat kapag nandoon ka na mismo sa Tartarus,” “Tartarus Kap?” Natawa siyang bigla. “Teka, hindi dapat ako ang nagsasabi sa’yo ng mga bagay na ito sapagkat hindi ako ang may karapatang magsabi nito sa’yo,” napapailing siya. “Kap, sige na, sabihin mo na.” “Hindi ako ang may karapatang magsabi nito Sandro. Kaya’t sige na, maghanda ka na. Kailan ba ang araw ng alis mo?” “Sa susunod na araw na po Kap, iyon po ang sabi sa akin noong bumalik ako upang magpakuha ng mga impormasyon at nang magpatest ako sa lahat ng bagay na kailangan nilang i-test.” “Kung gayon ay kailangan mo na ring magpaalam sa mga magulang mo." “Bakit naman po Kap?” “Malalaman mo na lang.” “Kinakabahan naman po ako Kap.” “Ewan ko Sandro ngunit bilang dating nagtatrabaho doon at bilang mid-agent nila ay hanggang sa mga bagay na ito lamang ang aking maaaring sabihin. Kaya’t mas mabuting magpaalam ka na sa kanila." “Bakit Kap, hindi na po ba ako makakabalik?” “Bakit pa ako nandito? Bakit pa ako nagseserbisyo bilang kapitan ditto? Bakit ko pa nasugpo ang mga problema sa sugalan, illegal na droga at mga korapsyon sa maliit na sangay ng gobyerno? Hindi ba’t nandito pa ako? Kaya’t makababalik ka.” “Pero matatagalan po?” “Hindi lang din natin alam.” “Sige po Kap. Pero hindi naman po siguro ako mapapahamak diyan.” “Napahamak ba ako?” “Sabagay, bar lang naman po iyon,” natawa pa ako. “Bar nga. Oo nga, bar lang iyon,” napatangu-tango siya saka akangiting nakatingin sa akin. Ewan ko lang ngunit may iba pa akong kutob. Ngunit kailangan kong magtiwala sa mga sinabi ni Kap sa akin dahil ito naman dapat ang paniwalan ko. “Sige po Kap, salamat po. Babalitaan ko na lamang po kayo,” nakipagkamay pa ako sa kanya. “Hanggang sa muling pagkikita Sandro,” tumayo siya upang salubungin ang kamay ko. May kung anong kislap sa kanyang mga mata na hindi ko maunawaan kung ano. “BAKIT PARANG nagpapaalam kang matatagalan ka?” Naiiyak si Yngrid nang magpaalam ako sa kanya nang gabing iyon. “Hindi ko kasi alam kung kalian kami pwedeng lumabas sa training na iyon,” paliwanag ko. “Training lang naman diba?” “Oo Yngrid. Kaya’t magtiwala ka lang sa akin. Babalik ako, okay?” niyakap ko pa siya. Nasa tapat kami ng bahay nila sa ikaapat na kanto. Dinalawa ko siya upang magpaalam. Matagal ko na siyang Nililigawan ko pa rin siya hanggang ngayon ngunit may panagko siya sa akin na sasagutin niya ako pagkatapos niyang mag-aral. Ako naman ay tapat sa paghihintay sa kanya kaya naman tinitiis ko lang lalo pa at nasa huling taon na siya sa kolehiyo. Damang dama ko rin na hindi na lang ako basta manliligaw lang sa kanya sapagkat may kung anong pakiramdam na siyang ibinibigay sa akin. Kaya naman ganito na lang siya ngayong nagpapaalam ako sa kanya. “Tatawagan mo ako at tetextan?” tanong niya habang barado na ang kanyang ilong dahil sa pag-iyak. “Oo, pangako ko iyan, Yngrid. Tatawagan at tetexan kita araw araw,” pangako ko sa kanya habang hawak ko ang kanyang mga kamay. Saka siya tumingin sa paligid at nang masiguradong walang nakakakita sa amin mula sa aming kinauupuan sa ilalim ng punong manga sa tapat ng kanilang tahanan ay hinalikan niya ako ng halos limang segundo sa aking mga labi. Natulala ako sa mga sandaling iyon sapagkat ito ang unang paghahalikan naming dalawa at siya pa talaga ang nanguna. Napapikit na lamang ako at saka ko dinama ang pinakamatagal na limang segundo ng buhay ko na dahil sa kanya ay mas nakadama ako ng determinasyon na magtrabaho para sa aming kinabukasan. “Sige na, tahan na, huwag ka nang umiyak,” sabi ko pa saka ko pinahid ng mga daliri ko ang luha niya sa kanyang mga mata. Tumango-tango siya sa akin saka ako muling yumakap sa kanya ng mahigpit. PAG-UWI ko ay iyon din ang oras ko upang maghanda ng aking mga gamit. Sinabihan kaming huwag magdadala ng maraming gamit, kung maaari ay nasa limang pares lamang ng damit at wala nang kung ano ano pang dapat dalhin. Dinala ko ang litrato naming dalawa ni Yngrid, at ang litrato naming pamilya. Kinagabihan pa nito ay pumasok sa kwarto ko sina tatay at nanay saka ako kinausap at binigyan ng mga payo patungkol a mga bagay na dapat kong iwasan. “Bar iyon anak, huwag ka sanang iinom ng mga alak na makalalasing sa’yo. Kung maaari ay huwag ka nang umawat sa tuwing may gulo. Alam naming may alam ka sa pakikipaglaban pero hindi natin alam kung may ibang mga armas ang mga taong manggugulo,” nag-aalalang wika ni nanay. “Huwag na po kayong mag-alala sa akin nay, kayang kaya ko ang bagay na ito. Pinalaki niyo akong buo ang loob hindi ba,” “Nag-aalala lamang kami ng iyong ina, anak,” sabad ni tatay. “Nauunwaan ko tay,” pagpapakumbaba ko. “Mag-iingat ka. Lagi kang tatawag sa amin,” “Opo nay. Uuwi uwi ako kung may oras ako,” “Naku anak, limang oras na byahe iyon, huwag na lang,” “May sarili naman akong motor nay, madali lang iyon,” “Basta, maraming nadidisgrasya ngayon sa motor kaya’t huwag na,” “Huwag na akong uuwi?” “Ang ibig kong sabihin ay huwag kang uuwi ng apurahan,” “Ang sa amin lang ng nanay mo Sandro ay kung may maluwag kang oras, huwag mong madaliing umuwi,” sabi pa ni tatay. “Sige po, nauunawaan ko po. At huwag kayong mag-alala. Kinausap ko na sina Enchong at Rica na huwag pasasakitin ang ulo ninyo. Kundi uuwi ako at kakastiguhin ko ang dalawang iyan,” sabi ko pa. “Huwag mo nang alalahanin ang mga kapatid mo. Ang alalahanin mo ay ang sarili mo, anak,” sabi pa ni nanay saka hinimas ang likod ko. “Sige po. Salamat po,” Para naman akong mag-aabroad sa kanilang ginagawa ngayon. Pero mabuti na rin ito dahil nagkakausap kami ng masinsinan. ALAS TRES ng madaling araw ay nilisan ko ang Calle Adonis. Baon ang determinasyon at lakas ng loob sa bago kong trabaho. Alas syete ng umaga ay inaasahang nasa may new comers area na ako kasama nang mga bagong empleyadong kasama kong nag-apply. Mahamog ang umaga kaya naman nakaleather jacket ako at maong na bumyahe bukod pa sa mga motor gears ko na ginagamit ko lang pag mga long distance ang tinatakbo ng motor ko. SA WAKAS ay nakarating na ako sa mismong New Comers Area ng QML ng alas sais y media. Isa itong malaking hall na parang pinagdadausan ng seminar. Katabi lamang iyon ng bar na ngayon ay sarado pa at wala pang tao dahil sa gabi lamang ito bukas. Isa-isa na kaming naupo sa mga nakalagay na upuan. Hanggang sa sumapit na ang alas syete at istriktong isinara ang pintuan ng dalawang lalaking napakaseryoso lamang ng mukha at deretso ang tingin. Para nga talagang army ang aming pinasukan. Napuno ng bulung-bulungan ang loob nang biglang namatay ang mga ilaw. Napakadilim. Kinabahan na ako sa mga maaaring mangyari. Tsk. Ano ba itong pinasok ko? Hanggang sa may biglang umilaw at nagulat kami nang biglang bumukas ang projector at may tatlong mukha ng babaeng may mga angking kagandahan mula sa screen. Para kaming nanonood ng TV na tutok na tutok lamang doon. “Good day boys!” Nagulat pa kami nang may boses ng isang babae sa audio. Ngunit hindi iyon nagmula sa mga babaeng nasa screen. “Narito kayo ngayon sa bukana ng Tartarus House kung saan kayo maha-house. At una sa lahat, nais ko kayong i-welcome sa aking ahensya,” panimula ng boses ng babae. Nagpalakpakan kami. Tartarus? Ahensya? “Ako nga pala ang nagmamay-ari ng ahensyang ito at ikinalulungkot kong sabihin sa inyo na hindi ninyo ako maaaring Makita. Ngunit maaari ninyo akong tawaging Queen Hera dahil ito ang tawag sa akin ng lahat. At nais ko ring ipaalam sa inyo na kayo na ang pinal na napili ng mga mid-agents sa kanilang masugid at masusing pagbabantay sa inyong mga galaw sa nakaraang isang taon,” sabi pa nito. Ha? Nabantayan kami ng isang taon? Mid-agents? “Marahil ay nagtataka kayo sa mga sinasabi ko. Ngunit malalaman ninyo ang mga bagay na ito sa takdang panahon. Sa ngayon ay hahayaan ko muna kayo sa kamay ng aking mga dyosa. Si Artemis, ang siyang tagapangalaga ninyo sa Tartarus, ang magiging pinuno ng lahat ng nagmomonitor ng inyong kalusugan at ng inyong mga kakayahan. Si Athena, ang nakahawak ng lahat ng inyong impormasyon at si Aphrodite, ang magsisilbi ninyong link sa akin at siyang tagapagbigay ng mga bagay na dapat ninyong isagawa. Ang Queen’s Men Lair ay hindi lamang basta Bar. At katulad ng sinabi ko ay malalaman ninyo ang mga bagay na ito sa tamang panahon,” sabi pa nito. “Sa ngayon ay kailangan ninyong iwanan lahat ng gamit ninyo sa inyong kinauupuan at sumunod kay Zeus, ang lalaking nakatayo ngayon sa inyong harapan,” Nakita namin ang matipunong lalaki na seryoso ang mukha sa harapan at saka siya naglakad papunta sa isang lagusan. “Umayos ng pila at isa isa kayong pumasok sa loob,” mahina ngunit ma-otoridad n autos ng lalaking nagngangalang Zeus. Puno man ng agam-agam ay pumasok na kaming lahat sa loob. Hanggang sa makapasok kami sa isang training ground kung saan ay napakaraming nag-aabang sa aming mga tao. At nandoon nga sina Athena, Artemis at si Aphrodite na nakaupo sa tapat ng isang mesa. “Luminya ng maayos,” utos ulit ng Zeus. Para talaga kaming army ngayon. Hanggang sa lumabas sa isang sulok si Kapitan Ernesto. Nandito din siya? Nabuhayan ako ng loob. Hanggang sa lumapit ako sa kanya dahil hindi ko mapigilan ang sarili ko. “Kap, nandito ka rin pala,” magiliw kong wika. “Sino ka? Hindi kita, kakilala,” seryoso niyang wika. Natahimik ako sa sinabi niya at saka naglakad siya palayo. “Balik sa pila,” utos ng isang lalaki sa akin. Tinanaw ko pa si Kap at nakita ko sa kanyang likuran ang nakasulat na: Queen’s Men Lair Alumni. Pagtatapos ng Unang Kabanata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD