“HOY! ANONG ginagawa mo?” naiiskandalong tanong ni Ira.
Ngunit hindi siya pinansin ni Xyrus. Tinanggal nito ang uniporme saka bumaba ng motor.
Biglang napaatras si Ira saka muling luminga sa paligid. Wala pa ring tao.
Mahabaging langit! Ayoko pong ma-rape dito sa kalsada, piping panalangin niya.
Nang ibalik niya ang tingin kay Xyrus, nakataas na ang upuan ng motor. Mukhang inilagay nito roon ang hinubad na uniporme.
Sinamantala iyon ni Ira. Walang imik siyang dumaan sa likuran nito. Ngunit bago pa niya ito malagpasan, nahawakan na siya nito sa kanyang kaliwang braso. Napatigil tuloy siya sa paglalakad.
“Ma’am, ihahatid na kita. Tinanggal ko na ang suot kong uniporme para hindi ka na mahiya na kasama ako,” ani Xyrus nang humarap sa kanya.
Napangiwi si Ira. “Ang kulit mo lang! Sabi na ngang kaya kong umuwi na mag-iisa, eh.” Kulang na lang magpapadyak siya sa tabi nito.
Napakamot ng kanyang batok si Xyrus.
“Bitiwan mo na nga ako!” hiyaw niya.
Binitiwan naman siya agad ni Xyrus. Ngunit nagulat siya nang bigla nitong hinila ang bag ng laptop na nakasukbit sa kaliwang balikat niya.
“Ano ba?” reklamo niya. Akmang hihilain niya ito pabalik pero naibaba na ito ni Xyrus sa footrest board ng motorsiklo.
“Sakay na,” sabi nito nang tumingin sa kanya.
“Hindi nga ako sasakay, eh! Akin na iyang laptop ko!” Nabubuwisit na talaga siya sa lalaking ito. Akmang hahampasin niya ito ng kanyang shoulder bag nang bigla na lang siya nitong hinawakan sa baywang saka siya iniangat sa ere.
“Buwisit ka! Ibaba mo nga ako!” Pinagsusuntok niya si Xyrus sa likod nito.
“Heto na nga, ibaba na kita, Ma’am.” Ibinaba nga siya nito sa motorsiklo. Nakaupo na siya patagilid dito.
Akmang bababa siya ngunit mabilis na humarang si Xyrus sa mismong harapan niya. Naasiwa siya dahil halos dumikit ang katawan nito sa mga hita niya.
“Huwag kang magulo dahil kapag nalaglag ka, kasalanan mo rin,” babala nito.
Sasagot pa sana siya ngunit biglang ipinasuot sa kanya ni Xyrus ang helmet nito.
“Bakit sa akin mo ipinasusuot ito?” nagtatakang tanong niya. Kahit ayaw niyang magpahatid dito, napilitan na siyang pumayag dahil mukhang hindi siya talaga titigilan nito.
“Mas kailangan mo iyan kaysa sa akin,” sagot ni Xyrus.
“Pero ikaw ang driver,” katuwiran niya.
“Oo nga. Kaya lang tingnan mo naman iyang pag-upo mo, isang maling galaw mo lang siguradong mahuhulog ka. Sayang naman iyang ganda mo kung gasgas at bukol ang aabutin mo.”
Pinaikot ni Ira ang mga mata. “Oo na. Aayusin ko na ang pag-upo ko,” saad niya bago siya humarap sa upuan at inilagay ang isang paa sa kabilang side ng motor.
“Susunod ka rin naman pala, Ma’am. Pinahirapan mo pa iyang sarili mo,” nakangising wika ni Xyrus.
Inirapan lang ito ni Ira.
“Akin na muna iyang bag mo, Ma’am,” ani Xyrus nang ituro ang kanyang shoulder bag.
Umiling si Ira. “Hindi na, hawakan ko na ito.”
Ngunit hindi siya pinakinggan ni Xyrus. Bigla nitong hinila ang bag niya. Bago pa siya makapagreklamo, naibaba na nito sa footrest stand. Kaya wala na rin siyang nagawa.
“Kumapit ka sa akin, Ma’am,” utos ni Xyrus nang sumampa ito sa motorsiklo.
Ipinatong naman ni Ira ang dalawang palad sa balikat ng binata.
“Hindi diyan. Mahuhulog ka sa ginagawa mo.” Hinila nito ang mga kamay niya at inilagay sa baywang nito.
“Huwag ka nang mahiya dahil wala naman akong girlfriend na magseselos kahit dumikit ka pa sa akin,” dagdag pa nito.
Napalunok si Ira nang marinig ang sinabi ni Xyrus. Hindi naman iyon ang iniisip niya. Pero sa paraan ng pagkakapit niya rito magmumukha silang magkasintahan na hindi naman totoo.
“Huwag mo ring ikatwiran sa akin na may boyfriend ka dahil hindi ako maniniwala.”
Tumaas ang kilay ni Ira. “Bakit naman hindi ka naniniwala?”
“Kung may boyfriend ka, dapat siya ang naghahatid at sumusundo sa iyo tuwing papasok ka. Pero naka-bike ka naman kapag pumapasok.”
“Huh? Ganoon ba iyon?” curios niyang tanong.
“Oo naman. Ganoon ang gagawin ko kapag may girlfriend na ako. Hatid-sundo ko siya araw-araw,” wika ni Xyrus.
Lihim na napangiti si Ira. Ang sweet pala nitong maging boyfriend.
“Paano kung nasa malayo ang boyfriend ko kaya hindi niya ako maihatid?” nanunubok niyang tanong.
“Hindi uubra ang LDR sa akin. Kapag magkakalayo kami, mas mabuti pang maghiwalay na rin kami. Hindi ko kayang mag-alaga ng relasyon kapag hindi ko nakikita iyong tao. Malay ko kung niloloko na pala niya ako.”
Napaismid si Ira. “Talaga? Naintindihan mo iyong LDR?”
“Oo naman. Long distance relationship iyon. Hindi yon bagay sa akin,” wika pa nito.
“Gano’n? Hindi lang naman babae ang nagloloko sa isang relasyon. Kadalasan nga, lalaki ang gumagawa ng kalokohan kapag LDR,” paglilinaw ni Ira.
“Tama nga ang sabi ni Mrs. Minez. Hindi ka pa rin naka-move on sa ex mo. Kaya bitter ka.” Nilingon pa siya ni Xyrus.
Shit! Kaya naman pala ang lakas ng loob ng lalaking ito na lapitan siya dahil may nasagap na pala itong tsismis tungkol sa kanya.
“Hindi pa ba tayo aalis? Ang init na sa balat,” pagdadahilan ni Ira.
“Lumapit ka muna. Ang layo mo.”
Napilitang umusad si Ira palapit kay Xyrus.
“Lapit pa. Hindi kita maramdaman,” ani Xyrus.
Napsimangot si Ira. Nang umusad pa siya nang kaunti, halos wala nang espasyo sa pagitan nilang dalawa. Nakadikit na rin ang mga hita niya sa hita ng binata. Nakakapit pa ang mga kamay niya sa baywang nito kaya magmumukha na talaga silang magnobyo nito.
Nang paandarin ni Xyrus ang motorsiklo, napakapit pa nang husto si Ira dahil mabilis palang magpatakbo ang lalaki. Dahil humahangin, lalo niyang naaamoy ang pabango nito. Nagpabango pa yata ito bago humarap sa kanya. Ang sarap sa ilong. Parang gusto niya tuloy sumandal sa likod nito dahil sa nakakahalina nitong amoy. Naarawan na sila lahat ngunit ang bango pa rin nito. Iyon ang napansin niya kahit noon pa. Mabango ito kahit laging nakababad sa araw. Parang hindi ito pinagpapawisan.
Hindi kaya napupunta lang sa pabango at panlilibre sa kanya ang suweldo nito? Pero minsan lang naman sa isang linggo kung magpakita siya sa school kaya hindi naman siguro malaki ang ginagastos nito sa panlilibre sa kanya. Kahit ayaw naman niya kasing tanggapin, ipinagpipilitan pa rin nitong ibigay sa kanya.
“Teka lang. Magdahan-dahan ka naman ng patakbo. Malapit na iyong boarding house namin,” hiyaw niya sa pag-aalalang hindi siya nito marinig.
“Saan kita ibababa?”
“Kahit doon na lang sa may kanto malapit sa checkpoint. Baka hindi ka nila paraanin diyan.” Kulang isang daan metro na lang naman ang lalakarin niya mula sa kanto kaya okay na iyon.
“Bakit naman hindi nila ako pararaanin? Saan pa ba ang iyong boarding house ninyo?”
“Wala kang suot na helmet kaya siguradong haharangin ka. Maglalakad na lang ako. Malapit na rin naman diyan ang boarding house namin,” katuwiran niya.
“Bakit naman kita ibaba kung hindi pala diyan ang boarding house ninyo? Makikiusap na lang ako sa may checkpoint.”
Napailing si Ira. “Makulit ka talaga! Kapag nahuli ka, baka ipaiwan itong motorsiklo mo. Mahihirapan ka nang bumalik sa eskuwelahan,” naiinis niyang sabi.
“Huwag kang mag-alala. Ako na ang bahala.”
Hindi na umimik si Ira pero nakasimangot siya. Makulit na nga, matigas pa ang ulo ng lalaking ito.
Huminto nga si Xyrus sa mismong checkpoint. “Puwede ba kaming dumaan?” mahinahong tanong nito.
Napatingin naman sa kanila ang mga pulis na naroon. Bigla silang nagtayuan saka sumaludo.
“Good afternoon, sir!” halos sabay-sabay na bati ng limang pulis.
“Magandang hapon din sa inyo,” bati naman ni Xyrus sabay saludo rin.
“Pasensiya na. Nakasuot sa kanya ang helmet ko. Nakalimutan ko kasing dalhin iyong helmet niya,” pagdadahilan pa nito.
“Walang problema, sir,” sagot ng isa saka napatingin sa kanya.
Tumingin din sa kanya ang iba pa nitong kasama.
“Good afternoon, Ma’am!” bati rin nila sa kanya.
“Good afternoon,” ganting bati rin niya.
“Tuloy na kami,” paalam ni Xyrus saka nito pinausad ang motorsiklo.
“Kilala mo ba ang mga iyon? Bakit ka nila sinaluduhan?” Nagtataka kasi siya sa inakto ng mga pulis. Sa pagkakaalam niya mahigpit sila sa checkpoint. Minsan nga pati siya nasita noong umangkas sa kanya si Dana dahil kasama niya itong mamalengke. Muntik nang ipaiwan si Dana kung hindi lang siya nakiusap. Bawal daw kasi ang may angkas.
Pero itong si Xyrus, wala na ngang helmet, may angkas pa. Ang lakas naman ng lalaking ito sa mga awtoridad. Hindi kaya natakot ang mga pulis sa kanya. Kung hindi lang kasi ito guwapo, pagkakamalan mo itong sanggano sa laki ng katawan nito.
“Ah, oo. Nakasama ko kasi sila sa firing range na pinupuntahan ko,” sagot ni Xyrus.
Hindi na naisip ni Ira na mag-usisa pa dahil natanaw na niya ang gate ng kanilang boarding house.
“Ibaba mo ako doon sa may pulang gate,” utos niya rito.
Bahagya pang lumagpas si Xyrus.
“Salamat, ha?” wika ni Ira nang makababa sa motorsiklo.
“Salamat lang, Ma’am?”
Muntik nang mahulog ni Ira ang hawak niyang helmet dahil sa tanong ni Xyrus.
Nakangising bumaba ng motorsiklo si Xyrus saka lumapit sa kanya.
Wala sa sariling napaatras si Ira.
Kinuha ni Xyrus ang helmet sa kamay niya at ipinatong ito sa motorsiklo.
“Iyong mga bag ko,” paalala niya rito.
“Mamaya na. Magbayad ka muna,” seryosong saad ni Xyrus.
Nagulat si Ira sa sinabi nito. Akala niya libre ang paghatid nito sa kanya. Iyon pala may bayad.
“Nasa bag ko iyong pera ko,” imporma niya rito.
Marahas na umiling si Xyrus. “Hindi pera ang kailangan ko. Iba ang gusto kong bayad.”
“Ano?” Pinandilatan ni Ira si Xyrus.
Ngunit hindi sumagot si Xyrus. Sa halip, bigla siya nitong hinawakan sa magkabilang gilid ng kanyang ulo. Magpoprotesta sana siya ngunit nalulon niya ang anumang salitang lalabas sa kanyang bibig dahil bigla siyang hinagkan ng binata sa tuktok ng kanyang ulo.
Ilang segundo rin na naramdaman niya ang pagdikit ng labi nito. Kung hindi pa niya hinawakn ang kamay nito, baka hindi pa siya nito bibitiwan.
Tumalikod ito saka kinuha ang kanyang mga bag.
“Thank you, Miss Ira,” nakangiting sabi nito nang iabot ang kanyang gamit.
Hindi agad nakakilos si Ira. Nakatingin lang siya sa mukha ni Xyrus.
“Gusto mo bang ihatid pa kita sa loob ng boarding house ninyo?” pilyo ang ngiting tanong ni Xyrus.
Para namang natauhan si Ira sa narinig. “H-hindi na. Hindi na kailangan.”
Mabilis niyang kinuha ang kanyang mga gamit saka tinalikuran ito.
“Kailan ka uli pupunta ng school?”
“Next week na,” sagot niya nang lingunin si Xyrus.
“Okay. Susunduin na lang kita rito nang maaga,” wika nito.
“Huh? Bakit pa?” Anong balak ng lalaking ito? Manliligaw sa kanya?
“Naiwan mo sa school ang bike mo kaya wala kang masasakyan. Susunduin kita para may masakyan ka.”
Natapik ni Ira ang kanyang noo. Nakalimutan na niya ang tungkol sa bike niya. Ganito ba talaga ang epekto ng lalaking ito sa kanya?
“Salamat pero ako na – ’’ Hindi na natapos ni Ira ang kanyang sasabihin dahi biglang sumingit si Xyrus.
“Ang bahala sa sarili mo,” dugtong nito sa sasabihin niya.
Nakagat ni Ira ang ibabang labi. Hindi na niya kinontra si Xyrus dahil tama naman ang sinabi nito.
“Mag-a-apply na akong boyfriend mo para may mag-alaga sa iyo,” nakangising wika nito
Shit! Ayoko ng boyfriend na security guard!
Sigurado ka, Ira? Sayang naman si Xyrus. Mukhang hot at yummy pa. Kapag napunta iyan sa ibang babae, baka magsisi ka.
Napangiwi na lang si Ira sa daloy ng kanyang isip.
Hindi naman siya choosy pero huwag namang security guard o janitor ang maging boyfriend niya. Baka puwedeng iba naman. Iyong propesyonal sana para hindi naman siya dehado. Lugi naman yata siya kung kay Xyrus lang mapupunta ang beauty niya. Kahit guwapo pa ito at mukhang mabait, hindi naman sila magka-level.
Pass na lang Xyrus!