Chapter 7 - I Owe You

1180 Words
“MARAMING salamat,” wika ni Ira sabay suntok sa dibdib ni Xyrus. Nagulat naman ang binata. Ngunit hindi ito umimik. Inalis niya ang helmet sa kanyang ulo saka ito padarag na ibinalik sa binata. Tinamaan ang dibdib nito na muntik na nitong ikatumba. “Galingan mong mag-drive sa susunod, ha?” sarkastikong saad ni Ira saka ito iniwan. Dumiretso siya kung saan nakaparada ang kanyang bike. Sinipat niya itong mabuti. Nang masigurong wala itong damage o anumang gasgas, sinubukan niya itong paandarin. Umandar naman kaya nai-charge na nga siguro ito ni Xyrus. Napatingin siya sa may guard house, naroon na si Xyrus. Nakatayo at may kausap sa phone. Lalapitan niya sana ito ngunit nagbago ang isip niya. Naglakad na lang siya papunta sa library. Nagulat pa siya nang maabutan itong nakabukas. Ngunit ang mas lalong ikinagulat niya ang nakita niya sa mesa. Tatlong puting rosas na may mahabang tangkay ang naroon. Nakatali ito ng pulang manipis na laso. Tumaas ang kilay ni Ira. Lumabas siya ng pinto at nilinga ang paligid. Wala namang tao na naroon. Sino ang nag-iwan ng bulaklak sa mesa niya? Napasimangot siya. Bumalik siya sa loob. Dadamputin niya sana ang bulaklak ngunit biglang nagbago ang isip niya. Muli siyang lumabas at dumiretso sa gate. Ilang hakbang na lang siya sa guardhouse nang mapasulyap si Xyrus sa kanya. “Miss Ira!” gulat na tawag nito. “May kailangan kayo?” Hinampas niya agad ito sa dibdib. “Aray! Ma’am, kanina mo pa ako sinasapak, ah. Ano bang kasalanan ko sa iyo?” tanong ng binata habang nakahawak sa dibdib nito. “Sinong siraulong nag-iwan ng bulaklak sa mesa ko?” asik niya rito. Napailing si Xyrus. “Hindi ko po alam, Ma’am. Binuksan ko lang naman iyong library kanina. Pero wala po akong ginawa roon. Susi lang ang dala ko kanina. Tapos pumasok lang ako para buksan iyong mga bintana.” Umirap si Ira. “Bakit kailangan mo pang buksan iyon? Alam mo namang hindi ako naka-duty ngayon?” Napakamot ng kanyang ulo si Xyrus. “Naisip ko lang po na baka gusto ninyong pumasok sa library kaya binuksan ko. Pero kung gusto ninyo, isasara ko na ngayon.” Kinuha ni Xyrus ang nakasabit na bungkos ng susi sa sinturera nito. “Mamaya mo na isara. May gagawin pa ako roon,” seryosong sabi niya. Tatalikuran na sana niya ito nang may maalala siya. “Sa susunod, huwag mong bubuksan iyong mga kuwarto ko nang wala akong pasabi, ha?” “Opo, Ma’am.” Sinaluduhan pa siya ni Xyrus. Nakasimangot na tinalikuran na niya ito. Bumalik siya ng library at kumuha ng walis tingting saka dustpan. Nagtungo siya sa kanyang territory na nasa harapan lang ng classroom niya. Maaga pa kaya hindi pa masyadong mainit. Puwede pa siyang magbunot ng damo. May ilang minuto na siyang naroon at marami na rin siyang naipon na damo nang dumaan si Xyrus. “Ma’am, ano pong gusto ninyong pagkain? Ibibilhan ko kayo ng meryenda ninyo,” tanong nito. Heto na naman po kami! “Hindi na. Sa boarding house na lang ako kakain. Tatapusin ko lang ito at aalis na rin ako,” sagot niya saka muling ipinagpatuloy ang kanyang ginagawa. Hindi na niya namalayang nakaalis na si Xyrus. Nang matapos siya sa kanyang ginagawa, hinakot na niya ang mga damo saka itinapon sa compost pit. Naghuhugas na siya sa wash area nang mamataan niya si Xyrus na lumabas mula sa library. Ano na naman kayang ginawa ng lintik na guwardiyang iyon? Nagmamadaling tinapos niya ang paghuhugas saka bumalik sa library. Eksaktong maibalik niya ang dustpan at walis tingting nang may mahagip ang kanyang mata. May nakapatong na paper bag sa ibabaw ng mesa at katabi mismo ng bulaklak na naroon. Napaismid si Ira. Binuksan niya ang paper bag at nakita roon ang paper cup saka isa pang mas maliit na paper bag. Inilabas niya ang paper cup at inamoy ang laman nito. Hindi naman amoy kape. Nang buksan niya ang maliit na paper bag, doughnut pala ang laman nito. Limang piraso ng katamtamang laki ng doughnut ang laman ng paper bag. Iyong tipo ng doughnut na nabibili sa mga bakery at hindi sa mamahaling bakeshop. Biglang tumunog ang kanyang tiyan. Shit! Nakalimutan na naman pala niyang mag-almusal kanina. Nagmamadali kasi siyang umalis ng boarding house kanina Napabuga siya ng hangin. Uuwi na lang sana siya at sa boarding house na kakain. Pero natatakam siya sa donut bukod pa sa gutom na siya. Hinila niya ang upuan bago sinimulang kainin ang donut. Nang maubos niya ang isa, binuksan niya ang paper cup saka sumimsim dito. Tsokolate pala ito pero mukhang kape ang itsura. Dalawang piraso pa ng donut ang nakain niya bago niya naubos ang tsokolate. Iuuwi na lang niya iyong dalawang natira. Pagkatapos maisara ang mga bintana, lumabas na siya ng library bitbit ang natirang donut. Iniwan na niya iyong bulaklak sa mesa niya. Hindi naman niya kasi iyon mapakinabangan. Isinuksok na lang niya ito sa lagayan niya ng mga ballpen at lapis. Kung pagkain lang sana ito, iuuwi rin niya ito. Hindi kasi siya katulad ng karamihang babae na natutuwa kapag binibigyan ng bulaklak. Mas gusto na lang niyang pagkain o gamit ang ibigay sa kanya. Madalas nga siyang sabihin ng mga ex niya na hindi siya sweet dahil ultimo bulaklak hindi niya ma-appreciate. Ano namang magagawa niya? Sa hindi nga niya type ang mga bulaklak kasama na ang mga halaman kaya walang effect sa kanya kahit bigyan pa siya ng mamahaling bouquet. Kung stuff toy lang siguro ang ibinigay sa kanya, baka magustuhan pa niya. Pupuntahan na sana niya ang kanyang bike nang maisip niyang kausapin muna si Xyrus. Ngunit napansin niyang wala ito sa guardhouse. Nasaan kaya ang lalaking iyon? Palinga-linga siya sa paligid. Wala siyang makitang tao. Nasa loob ng kanilang kuwarto siguro ang mga kasama niyang naka-duty sa araw na iyon. Kaya dumiretso na lang siya sa kanyang bike. Palabas na siya ng gate nang makasalubong niya si Xyrus. “Saan ka naman nanggaling? Kanina pa kita hinahanap?” wika niya nang huminto sa tabi nito. “Talaga, Ma’am? Hinahanap mo ako?” malapad ang ngiting tanong nito. Pinaikot ni Ira ang kanyang mga mata. “Magpapasalamat lang ako dito sa pagkain.” Itinaas niya ang supot ng donut. “Ah, iyan po ba? Nagustuhan mo ba, Ma’am?” “Maraming salamat, ha? Paborito ko kasi ito.” Ngumiti nang matamis si Xyrus. “Ganoon ba. Ma’am? Hayaan ninyo, iyan na lang ang bibilhin kong miryenda sa susunod.” Ibinaba ni Ira ang supot. Saka niya binuksan ang sling bag at kumuha ng pera roon. “Bayad ko.” Inabot niya ang isang daan kay Xyrus. Napaatras naman ang binata. “Hindi na, Ma’am. Libre ko iyan sa inyo.” Sumimangot siya. “Ang dami ko ng utang sa iyo. Ayoko nang madagdagan pa.” Itinapon niya ang pera sa harapan nito saka umalis na. Hindi na niya nilingon kung pinulot iyon ni Xyrus o hindi. Pero narinig niya ang sigaw nito. “Miss Ira, wala ka namang utang sa akin!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD