MAY MGA ilang guro na nadatnan si Ira ng umagang iyon. Sigurado siyang hindi kasali ang mga ito sa skeletal workforce. Pero malamang nasa school sila para maglinis ng kanilang kuwarto. Mula kasi nang nag-lockdown, hindi na nagamit ang mga kuwarto kaya hindi na rin nalinisan. Nalilinisan lang ang mga ito kapag nag-report sa eskuwelahan iyong assigned teacher. Kaya lang hanggang walis at punas lang ang ginagawa ng bawat isa dahil hindi naman nagagamit ang mga kuwarto.
Kahit nga siya iyong naka-assign na classroom sa kanya, hindi na niya nilalagyan ng floor wax. Wala rin namang nagpupunta roon. Sa social hall naman kumukuha at nagbabalik ng module at activity sheets ang mga magulang kada dalawang linggo. Self-service nga ang ginagawa nila dahil bahala na silang kumukuha roon. May mga box naman kung saan makikita ang bawat section kung saan kukuha at magbabalik ng module at activity sheets. May naka-assign lang na isang teacher para magbantay at sumagot sa mga tanong ng mga nagpupunta roon.
Siya ang naka-assign doon ngayon dahil schedule ng distribution at retrieval ng mga module at activity sheets ngayong araw na ito. Marahil iyon ang isa pang dahilan kung bakit marami-rami kaysa sa dati ang bilang ng mga gurong naroon. Naglalagay siguro ng mga module at activity sheets ang karamihan na naroon.
Ngunit hindi pa siya dumiretso roon. Dadaan muna siya sa library at ibababa ang kanyang mga dala-dalang gamit. Sa library na siya naglalagi dahil pinaka-opisina na rin niya iyon bilang teacher-librarian ng eskuwelahan.
Nakabukas na ang library pagdating niya roon. Bukas na rin pati ang mga bintana. Nakatali na rin nang maayos ang mga kurtina rito. Malinis na rin pati ang sahig. Sinalat niya ang mesang nadaanan. Wala na itong alikabok. In short, malinis na ang buong kuwarto. Ang sipag naman yata ngayon ng janitor nilang si Manong Celso. Pati ang library idinamay nitong nilinis bukod pa sa admin building at faculty room. Dati-rati kasi siya pa ang naglilinis kapag dumarating siya. Pero ngayon malinis na kaya nabawasan na ang trabaho niya.
Ibinaba niya ang dalang shoulder bag sa ibabaw ng kanyang mesa. Inilapag naman niya sa long table ang bag ng laptop niya at isa pang bag. Nag-ayos muna siya ng kanyang sarili dahil hinangin lang naman ang kulot-kulot niyang buhok noong papunta siya sa eskuwelahan. Hindi naman kalayuan ang boarding house na tinutuluyan niya. Pero ayaw lang niya talagang maglakad dahil takaw pansin siya. Kung hindi man siya sinusutsutan ng mga kalalakihan, may mga humaharang sa kanya at nakikipagkilala. Nabubuwisit siya kapag nangyayari iyon kaya bumili siya ng electric bike na siya niyang ginagamit kapag pumapasok siya. Mahangin kanina kaya naging buhaghag na ang kanyang mahabang buhok.
Nang matapos mag-ayos, isinukbit na niya ang kanyang shoulder bag at binitbit ang mga dala-dala niyang bag. Maghapon na kasi siya sa social hall kaya dadalhin na niya ang lahat ng gamit niya para doon na siya magtrabaho.
Hindi pa siya nagtatagal sa kanyang pagkakaupo nang magsimulag magdatingan ang mga magulang at guardian ng mga estudyante nila. Naging busy na siya kaya hindi na niya namalayan ang oras.
Kaalis lang ng kausap niyang nanay nang may lumapit sa kanya.
“Ma’am, alas-diyes na po. Baka gusto ninyong magmiryenda muna,” sabi ng tinig.
Nag-angat ng tingin si Ira. Nasa harapan pala niya ang bagong guwardiya. Ang lapad ng ngiti nito habang nakatitig sa kanya. Matutuwa sana siya kung hindi ganito ang sitwasyon nila. Ang guwapo naman kasi nito bukod pa sa matangkad at matipuno ang katawan. Pero hindi naman siya desperado para pumatol lang sa isang guwardiya. May taste naman siya kahit papaano.
“Anong kailangan mo?” seryosong tanong niya.
“Ma’am, ibibilhan ko po kayo ng miryenda ninyo. Ano po ang gusto ninyo?” nakangiting tanong nito.
Napatingin siya sa suot niyang relo. Alas-diyes na nga. Kaya naman pala kumakalam na ang sikmura niya. Kape at pandesal lang ang almusal niya kanina.
Napatingin siya sa bahaging tiyan ng guwardiya. “Ilan kaya ang pandesal nito?” pabulong niyang tanong.
“Ano, Ma’am? Pandesal ang gusto mo?”
Uminit ang buong mukha ni Ira. Paano narinig ng lalaking ang sinabi niya? Mahigit dalawang metro ang layo nito sa kanya. Bukod pa sa may sneeze guard na nakapalibot sa kanya.
“Pang-almusal lang iyon. Miryenda na ngayon.” Pilit niyang binabalewala ang pamumula ng mukha niya.
“Iba ang gusto ko. Bilhan mo na lang ako ng siopao at pineapple juice in can,” wika niya.
“Ayaw mo ng milktea? May nagtitinda po sa labas.”
Marahas na umiling si Ira. “Hindi ako umiinom ng milktea.”
“Ay! Sayang naman. Masarap pa naman iyon.”
Pinaningkitan ito ng mat ani Ira. “Eh, di bumili ka ng inumin mo. Paki ko ba kung anong gusto mo,” mataray na saad niya.
“Sabi ko nga, Ma’am. Sige, siopao at pineapple juice na lang ang bibilhin ko para sa inyo.”
Binubuksan pa lang ni Ira ang kanyang bag para kumuha ng pera ngunit bigla na siyang tinalikuran ng guwardiya.
“Hoy! Bumalik ka rito! Wala pa akong ibinigay na pera!” sigaw niya.
Lumingon sa kanya ang lalaki bago ito nag-thumbs up saka muling ipinagpatuloy ang paglalakad.
“Ay! Grabe! Naintindihan ba niya ang sinabi ko?” napakamot na lang ng kanyang ulo si Ira. Ibinalik niya ang wallet sa kanyang bag. Mamaya na lang niya ito babayaran.
Ipinagpatuloy ni Ira ang kanyang ginagawa. Ilang minuto pa ang lumipas nang may dumating na mga magulang. Naagaw uli ng mga ito ang atensyon niya dahil may tinanong ang mga ito. Kaalis lang ng mga kausap niya nang dumating naman ang guwardiya.
“Ma’am kain na kayo,” wika nito nang ibaba sa siwang ng sneeze guard ang dala nito.
“Salamat,” nakangiting sabi ni Ira.
“Walang anuman, Ma’am. Basta ikaw, nanginginig pa,” nakangising saad nito.
Tumikwas ang kilay ni Ira. “Ano ‘ka mo?”
“Wala iyon, Ma’am. Huwag na lang ninyong isipin. Masaya na ako dahil ngumiti na kayo. Kompleto na ang isang linggo ko.”
Napailing na lang si Ira. Hindi yata maganda ang biro ng lalaking ito, ah.
“Magkano ang utang ko sa iyo?” pag-iiba niya sa usapan.
“Wala na, Ma’am. Sapat na iyong ngiti mo.”
“Ano?” Nanlaki ang mga mata ni Ira na napatitig sa guwardiya. “Serysoso ka?”
Malapad ang ngiting tumango ang kausap niya.
Napahilot ng kanyang noo ang dalaga. Masama na talaga ito, bulong ng isip niya.
“Hindi puwede iyon. May pera naman ako. Babayaran kita.” Ayaw niyang nililibre siya ng kung sino-sino na lang lalo na kung katulad nito na mas maliit pa ang kinikita kaysa sa kanya.
“Huwag na, Ma’am. Kung mapilit ka, sagutin mo na lang iyong itatanong ko. Kapag nasagot mo nang maayos, libre ko na rin pati tanghalian mo,” nakangising wika ng lalaki.
Napangiwi si Ira. Kanina miryenda lang ang utang niya, ngayon magkakautang pa yata siya pati tanghalian.
“Ayoko ngang sagutin iyang tanong mo. May pambayad naman ako. Mas kailangan mo ng pera kaysa sa akin,” pamimilit niya.
“Hindi, Ma’am. Mas kailangan ko ng sagot sa itatanong ko sa iyo,” seryosong saad ng lalaki.
Napakamot ng kanyang ulo si Ira. Kulot na nga ang buhok niya, lalo pa yatang kumulot sa kakulitan ng guwardiyang ito.
“Hindi ka rin makulit, ano?” sarkastikong sabi niya.
Napabuntunghininga ang guwardiya. “Kumain ka na lang, Ma’am. Baka lalo kang pumayat kapag nagutom ka.”
Biglang napatingin si Ira sa kanyang sarili. Hindi naman siya payat, ah. Seksi nga raw siya sabi ng mga nakakakilala sa kanya.
Nang mag-angat siya ng tingin naglalakad na palayo ang lalaki. “Hoy, Mr. Guard! Bumalik ka nga rito!” bulyaw niya.
Lumingon naman sa kanya ang lalaki saka nito itinuro ang sarili.
Kinawayan niya ito.
Naglakad naman pabalik ang lalaki.
“May kailangan ka pa, Ma’am?” tanong nito nang makalapit sa harapan niya.
“Heto ang isang daan. Bayad ko sa pagkain na binili mo.” Ibinaba ni Ira ang pera sa siwang ng sneeze guard.
Marahas namang umiling ang lalaki. “Libre ko na iyan sa iyo, Ma’am kaya hindi mo na dapat pang bayaran.”
Shit! Ang kulit talaga!
Huminga nang malalim si Ira. “Anong gusto mong ibayad ko?”
Ngumiti nang nakakaloko ang lalaki. “Sagutin mo na lang iyong itatanong ko, Ma’am.”
Napahalukipkip si Ira. “Sige. Ano ba iyong itatanong mo?”
“Kumakain ka ng pandesal, Ma’am?”
Hindi agad nakasagot si Ira. Hindi kasi iyon ang inaasahan niyang itatanong nito.
“Ma’am?” untag nito nang hindi siya sumagot.
“Oo kumakain ako sa umaga.”
“Kumakain ka rin ba ng hotdog at itlog?”
“Oo sa almusal din iyon,” napapantastikuhang sagot ni Ira.
“Ah, okay. Pero bakit ayaw mo ng milktea?”
Napaismid si Ira. “Ayoko ng lasa at amoy. Bakit mo ba kasi tinatanong? Saka bakit may kinalaman sa pagkain ang mga tanong mo?”
Napangiti nang makahulugan ang lalaki. “Gusto ko lang malaman kung ano ang kinakain mo at ganyan ang iyong katawan.”
Napatingin na naman si Ira sa sarili ngunit agad din na bumalik ang mga mata niya sa lalaking nasa kanyang harapan.
“Anong problema mo sa katawan ko?” nagtatakang tanong niya.
“Wala, Ma’am. Naisip ko lang na ang ganda siguro ng itinatago mo sa ilalim ng iyong damit,” nakangiting wika nito.
Kinilabutan si Ira sa sinabi ng lalaki. Napahawak siya sa kanyang dibdib.
“Ano na nga ba ang pangalan mo?” kinakabahang tanong niya. Kung may masamang mangyayari sa kanya, at least alam niya kung sino ang unang sisisihin.
“Xyrus, Ma’am. Xyrus Gabriel.”
Binasa ni Ira ang kanyang labi. “Mr. Xyrus Gabriel, alam kong marangal ang trabaho mo. Pero hindi ako pumapatol sa guwardiya. Sorry, ha?”
Biglang dumilim ang maaliwalas na mukha ni Xyrus.
“Kung gano’n ano ang gusto mong lalaki?” seryosong tanong nito.
Dapat pa ba niyang sagutin iyon. Pero mukhang naghihintay talaga ng sagot si Xyrus dahil nito inaalis ang titig sa kanya.
“Professional din tulad ko. Preferably, engineer,” sagot niya. Iyon kasi ang pangarap niya, ang makapangasawa ng inhenyero. Second choice niya kasi ang kursong engineering. Pero mas mahal niya ang pagtuturo kaya ipinangako niya sa sarili na engineer na lang ang hahanapin niyang mapapangasawa. Hindi nagbago iyong pananaw niyang iyon kahit pa iniwan lang siya ng ex-fiancee niya na isang lisensiyadong civil engineer.
“Aray! Ang sakit naman ng sagot mo, Ma’am. Hindi ba puwedeng tumawad? Ayaw mo ba ng sundalo o kaya pulis?”
Nagsalubong ang mga kilay ni Ira. “Ayoko! Babaero ang mga iyon!”
“Wow! Ang sakit mo namang magsalita, Ma’am. Napaka-jugmental mo naman. Iyong kasalanan ng isa, kasalanan na ng lahat. Mas marami namang matinong pulis at sundalo, ah.”
Sinimangutan ni Ira si Xyrus. “Ewan ko sa iyo! Bumalik ka na nga lang sa puwesto mo. Huwag mo na akong abalahin pa rito,” pagtataboy niya sa lalaki.
“Sige, Ma’am. Pasensiya na kung naistorbo kita. Ibibilhan na alng kita ng masarap na tanghalian mamaya,” wika nito bago siya tinalikuran.
“Hindi na! Ako na ang bahala sa sarili ko mamaya!” pasigaw niyang sabi ngunit hindi na siya nilingon ni Xyrus. Tuloy-tuloy lang itong naglalakad.
Napapailing na lang na dinampot ni Ira ang siopao at kumagat rito. Habang kumakain siya, napansin niyang serysong nakatitig sa kanya si Xyrus. Mula kasi sa puwesto niya, ilang metro lang ang layo ng guardhouse. Nakaharap pa mismo ang lalaki sa kanya.
Hindi siya makapag-concentrate sa kanyang kinakain kaya binaligtad niya ang monobloc na upuan. Sa mismong stage na siya humarap. Naasiwa kasi siya sa mga titig ni Xyrus. Kung hindi lang sana ito guwardiya, baka pinatulan na niya. Wala naman siyang maipintas sa pisikal nitong anyo. Saka mukha rin itong mabait. Hindi nga lang siya sigurado kung mapagkakatiwalaan ito. Kinakabahan pa rin siya sa sinabi nito kanina na maganda siguro ang itinatago niya sa ilalim ng kanyang damit. Nakakabastos ang sinabi nito. Pero mas higit siyang natatakot dahil baka pagtangkaan siya nito ng masama. Subukan lang nito. Lalabanan niya ito hanggang sa kahuli-hulihang puwersa niya.