Prologue

1163 Words
PROLOGUE Gabi na nang umuwi si Lori. Super blood moon nang gabing iyon habang naglalakad na siya patungo sa bahay nila sa bayan ng Baliuag. Lugmok ang mukha niya dahil bigo na naman siyang makahanap ng trabaho. Sa panahon kasi ngayon ay madalas na mas tinatanggap ang may tinapos na kurso.  Ang gusto kasi ni Lori ay makahanap siya ng magandang trabaho kahit highschool lang ang natapos niya. Mataas ang pangarap niya sa buhay niya dahil alam niyang siya na lang ang aasahan ng pamilya niya. Nag-iisa kasi siyang anak. Walang trabaho ang mga magulang niya sa kadahilanang wala ring natapos ang mga ito. Sa hirap ng buhay nila ay hindi na siya nakayanan pang pag-aralin sa kolehiyo ng mga magulang niya. Hindi gaya noong elementary at highschool pa siya na maangat pa ang buhay nila dahil nakakapagtrabaho pa dati ang ama niya bilang karpintero. Dahil nalulong ito sa alak at sigarilyo ay nanghina ito at nagkasakit. Sa ngayon ay bedridden na ito. May maintenance pa itong ininom na gamot kaya takam na takam na si Lori na makahanap ng magandang trabaho. Isa pa, maliit na kubo lang ang kanilang tirahan. Madalas malamok doon kapag kakagat na ang dilim, kapag naman umuulan ay puro tulo ng tubig ang dinadanas nila, sobrang hirap ng buhay nila kaya natauhan na si Lori. Ayaw na rin niyang maging pabigat pa sa nanay niya na nagtitiyagang maglabandera sa kanilang kapit-bahay para lang magkaroon sila nang makakain sa araw-araw. May utak naman siya, hindi lang siya gaanong maalam sa kung ano ang dapat na maging trabaho dahil nang manggat-manggat pa sila sa buhay ay spoiled talaga siya sa ama niya na kahit anong hilingin niya ay naibibigay nito. Aminado siya sa sarili niya na naging gastador siya noon, kaya’t walang naitatabi ang ama niya para sa kinabukasan nila. Pinili nito na mapasaya siya kahit hindi na isipin ang para sa pangarap nilang magkaroon ng magandang bahay, dahil umaasa ang ama at ina niya na siya ang magbibigay niyon sa kanila. Alam kasi nilang kayang-kaya iyon ni Lori dahil madalas itong may award sa school noon. Maganda at sexy si Lori. Makinis din ang balat dahil alaga nito ang sarili niya sa mga pamahid niya sa balat niya. May mga kapit-bahay tuloy sila na inuudyukan siya na pumasok na lang sa bar para kahit pa paano ay makatulong siya sa pamilya niya. May ilan naman na kinukuha siya para maging katulong sa bahay, ngunit sadyang sa office ang trabaho na gusto niya kaya hindi niya pinapatulan ang mga trabaho na lumalapit sa kanya. Malakas kasi ang kutob niya na balang-araw ay sa office din siya makakapagtrabaho kahit hindi siya nakatapos ng kolehiyo. May kilala kasi siya na kahit hindi naman nakapagtapos ay nakakapasok naman sa office. Ang pangit lang kasi sa kanya ay wala siyang mga backer. Walang tumutulong sa kanya para makapasok dahil tahimik at hindi sanay makipagkapwa tao si Lori. Laking-bukid kasi. Bagay na kinakainis niya sa sarili niya dahil lalo tuloy siyang nahihirapang maghanap ng trabaho. Minsan tuloy ay naiisip niyang maglabandera na lang din sa mga kapit-bahay nila. Pero sadyang mataas ang pride niya dahil kapag hawak na niya ang mga malilibag na damit ng mga kapit-bahay nila at nakausap na niya ang pamilya nang paglalabahan niya ay bigla-bigla na lang siyang aatras dahil naiisip niya na hindi bagay sa kanya ang ganoong trabaho. Dahil doon ay nakakagalitan tuloy siya ng mga kapit-bahay nila. Pati ang ina niya ay nadamay dahil wala nang gustong magpalaba sa kanila.  Minsan tuloy ay hindi na maiwasan ng ina niya na hindi siya mapagsalitaan ng masakit dahil hirap na hirap na rin ito sa buhay nila. Kapag walang-wala na talaga sila ay asin na lang ang ulam nila. Ang maliit na kinikita nito sa paghahalungkab ng mga basura sa kalye ay ibinibili na lang nila ng gamot ng ama ni Lori .  Minsan, naiiyak na lang si Lori nang palihim dahil pakiramdam niya ay wala siyang silbi sa pamilya niya. Nakasalubong nang gabing iyon ni Lori ang kaibigan niyang si Mackenzie na nakagayak na at papasok na sa trabaho. Inggit na inggit siya rito dahil alam niyang may maganda itong trabaho at nabibigyan na niya ng magandang kinabukasan ang pamilya niya. Pumapasok si Mackenzie sa isang kilalang casino sa kabilang-bayan. Hindi na rin nagtaka si Lori kung bakit maganda ang trabaho nito, magaling kasi ito, matalino at madiskarte. Bagay na kinakainggit niya dahil aminado si Lori sa sarili niya na walang-wala siya sa mga kagalingan nito sa buhay. Kumabaga sa mga award ay gold ang kay Mackenzie at ang kanya naman ay tanso. “Kumusta?” tanong nito sa kanya nang tuluyan na silang magkasalubong. “Heto, malas pa rin. Wala pa ring nakikitang work hanggang ngayon,” sagot ni Lori. “Halata nga, haggard na haggard ka ngayon,” sagot nito sa kanya habang nakasibangot. “Kailan kaya ako susuwertihin?” tanong ni Lori sa kanya. “Pray lang, aayon din sa ‘yo ang suwerte. Magtiyaga ka lang at balang-araw ay magkakaroon din ng liwanag ang buhay ninyo,” sagot nito sa kanya. Napangiti na lang nang matipid sa kanya si Lori. Alam kasi niyang kaplastikan lang ang sinabi nito dahil alam niyang malaki ang galit at inggit nito sa kanya. Kung ano ang dahilan ay hindi rin niya alam. “Sige, mauna na ako at nagmamadali na rin kasi ako,” paalam ni Lori. Iniiwasan na lang niya si Mackenzie para hindi siya mairita. Puro kahanginan lang kasi ang alam nito. “Sige, nagmamadali rin kasi ako at baka ma-late ako sa work ko. Alam mo na, mahirap makaltasan ng sahod. Ang saya kaya nang malaki ang sinasahod na pera,” sabi nito at saka tumawa.  Hindi na lang sumagot si Lori. Tuloy-lakad na lang siya hanggang sa makalayo sa hangin na dala nito. Napapailing na lang siya dahil walang araw ata na hindi siya nito niyayabangan. Napadaan siya sa isang karinderya. Pagod siya sa kakahanap ng work kaya wala na siyang time para magluto pa ng ulam at kanin pag-uwi sa bahay nila kaya bumili na lang siya ng kanin at ulam na sapat lang para sa kanilang tatlo ng ama at ina niya. Pag-alis niya sa karinderya ay bigla siyang napatingala sa langit nang makita niyang pulang-pula na lalo ang buwan. Hindi niya alam kung bakit bigla siyang kinalibutan. Siguro ay dahil first time niyang makakita ng ganoong pulang buwan sa buong buhay niya. Habang nasa kalagitnaan na siya nang paglalakad ay biglang nawalan ng power ng electricity sa buong bayan ng Baliuag. Kasabay nang pagkawala ng kuryente ang biglang paghablot ng isang nilalang sa kanya. Sisigaw na sana siya, pero bigla siya nitong sinuntok sa mukha niya kaya tuluyan na siyang nawalan ng malay-tao at saka na siya nagpaubayang sumama sa nilalang na iyon habang buhat-buhat siya. Hindi niya alam kung sino iyon, pero malakas ang kutob niya na hindi iyon normal na tao dahil kasing bilis ng hangin kung ito ay tumakbo.      
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD