Part 6
RYAN POV
Ayoko na isipin pa yung nangyari sa amin ni Jerome. Hindi ko dapat iyon ginawa at hindi dapat ako nagpadala sa aking emosyon. Nakaka guilty at wala akong guts para saktan at pasakitan ni Nick lalo't nakita kong mahal niya ang kanyang kasintahan. Pero si Jerome? Hindi ko alam, sadya bang may mga taong nasa loob ang kulo? Sa unang tingin ay hindi naman siya gagawa ng ganoon dahil wala sa kanyang itsura, masyado siyang mabait, tahimik at nagtataglay ng kainosentehan sa lahat ng bagay. Argh! Ayoko na maalala pa iyon dahil kumakabog lamang ang aking dibdib at tila may kirot na dumadaloy sa akin katawan sa hindi malamang kadahilanan.
"Salamat naman ay umuwi Ry? After ng 1300 text messages ko sa iyo ay 567 missed calls," ang bungad ni mama noong makita ako sa sala.
"Sorry, hindi kasi ako nag ccheck ng phone, wala naman akong post na anything na social media diba? So from there alam mo na agad na hindi ako humahawak ng phone," ang sagot ko sa kanya.
"Ry, pwede next time huwag ka na aalis dito sa bahay? Di ka ba nahihiya kay Nick? Doon ka pa nakikisiksik sa apartment niya. Bahay mo ito at sana huwag ka na aalis dito," ang wika ni mama sa akin.
"Naghanap lang ako ng peace of mind kaya ako nag stay kila Nick. Sana makita ko rin sa bahay na ito yung kapayapaan na nakita ko doon sa apartment niya," ang tugon ko ulit sabay akyat sa hagdan at dito ay nakasalubong ang lalaki niyang si Jerry na nakasuot ng pambahay, putok na putok ang muscles sa katawan at halatang kagigising pa lang.
"Ry, ang dami mong dala ah, gusto mo tulungan na kitang iakyat iyan sa silid mo?" tanong niya sa akin.
"No thanks, okay lang ako. Nandoon si mama sa kusina hinihintay ka niya doon dahil hindi daw siya mabubuhay ng wala ka, kaya dapat ay sabay kayong kumain at ngumuya doon sa kusina," ang sagot ko sabay hila sa aking mga bag paitaas.
Natawa si Jerry, "wag ka na nga magalit sa akin. Wala naman akong balak na sabihin sa mama mo na pumasok ka sa motel noong isang araw kasama yung lalaking taga department store," ang wika nito habang nakangiti.
"Ano bang sinasabi mo? Wala akong alam dyan!" ang sagot ko sa kanyang bagamat kumabog ang aking dibdib, hindi ko alam kung paano niya nalaman ang tungkol sa pagmomotel namin ni Kian noong isang araw.
"Ikaw talaga, doon ako nag papart time bilang bell boy. Nagulat nga ako noong makita kita kasama yung isang lalaki tapos kumuha kayo ng room. Hmm, don't worry hindi ko sasabihin sa mama mo," ang nakangiti niyang wika na parang naka hawak ng alas.
Kumakabog pa rin ang aking dibdib, para bang nabusalan ako ng ilang saglit kaya't hindi agad ako nakakibo. Gayon pa man ay itinanggi ko pa rin sa kanya ang lahat. Hindi ako aamin lalo't wala naman siyang patunay sa kanyang mga sinasabi. "Hindi ako iyon at huwag mo akong siraan sa mga sinasabi mo. Nice try!" ang sagot ko sa kanya sabay akyat patungo sa aking silid.
Pagpasok sa kwarto at agad akong lumundag sa kama at nagwala. Noong mga sandaling iyon ay sumagi sa aking isipan na sana ay naging maingat ako, sana ay hindi ako pumapasok kung saan saang gusali. Sana ay nag isip muna ako bago naging mapusok at sana ay nilabanan ko ang init ng katawan ko noon para kay Kian. Lalo lang akong naasar kay Jerry at pagkakataong ito ay mas lalong lumiit ang mundo para sa aming dalawa.
Napasigaw ako at naibalibag ko ang cellphone sa pader dahil sa sobrang pagkainis. Hindi lang dito sa loob maliit ang mundo para sa amin ni Jerry kundi pati na rin sa labas. Ayoko pa namang may malaman siya na kahit na anong bagay na pwede niyang gamitin sa akin pam black mail.
Noong maghapon din iyon ay hindi ako lumabas ng silid. Paminsan minsan ay sumisilip ako mula dito sa itaas pero ang makikita ko lang ay si Jerry na nonood ng telebisyon na animo may ari ng mundo. Nakataas ang paa, kumakain ng prutas at tawa ng tawa. Buhay hari ang gago! Yung tipong naging "easy" ang buhay niya noong makilala si mama na halatang pera lang naman ang habol niya, social climber at isang gold digger. Ito yung mga bagay na sobrang nagdudulot ng iritasyon sa akin. Sumagi rin sa aking isipan na umalis na lang ulit, kaso ay saan naman ako pupunta?
Malakas pa rin ang tawa ni Jerry, maya maya napatingin siya sa akin. "Nood tayo?" tanong niya sa akin.
Irap lang aking isinagot at saka muli akong pumasok sa aking silid. Bale wala naman ito sa kanya dahil tumingin lang ito sa TV at saka muling tumawa ng malakas.
Bandang hapon, kumatok si mama sa aking silid at wala naman akong nagawa kundi ang pagbuksan siya. Halata pa rin sa aking kilos ang pagkainis at pagka irita. "Ry, bakit nakakulong ka dito sa kwarto? Huwag mo naman pahirapan ang sarili mo hijo," ang wika nito sabay upo sa gilid ng aking kama.
"Bakit ba kasi nandito pa iyan ma? Ang tagal na niyan dito ah. Akala ko ba ay gusto mo siyang tulungan eh bakit para sobrang iniispoiled mo pa siya?" ang tanong ko sa kanya. Ang tinutukoy ko ay si Jerry na kanyang kapareha.
"Ry, ang tito Jerry mo ay dito na mag sstay. Ano ka ba maaawa ka naman doon sa tao. Saka mabait iyon at walang ibang masamang intensyon sa akin. Saka ayaw mo ba noon may kasama tayo dito sa bahay," ang wika ni mama.
"Basta ang sa akin lang ay huwag kang iiyak iiyak kapag ninakawan ka niya o pinerahan. Natatakot lang ako na baka sa susunod ay kasing edad ko na ang iuwi mo dito," ang sagot ko naman.
"Gusto mo ba? May manliligaw ako na kasing edad mo. Gusto mong magkaroon ng bagong bestfriend o kaya ay kapatid?" ang pang aasar ni mama.
"Subukan mo lang Roxanne. Ako na mismo ang magsasabi at makikiusap kay papa na bumangon doon sa hukay niya at isama ka na," ang naaasar kong sagot.
"Napaka mean mo sa akin. Mag uwi ka na rin kasi ng girl friend dito para kahit paano ay fair tayong dalawa."
Tumingin ako sa kanya. "Marami ka pang bagay na hindi alam tungkol sa akin. Puro lalaki kasi ang nasa isip mo kaya hindi mo na ako kinilala ng lubos," ang sagot ko sa kanya.
"Ang OA mo ha, saka wag mo nga ako paratangan ng pagiging malandi at lalakero."
"Wala akong sinabing ganyang words ma," ang tugon ko naman.
"Ah basta Ryan, pakisamahan yung tito Jerry mo. Magkaroon na tayo ng peaceful home at pwede pakibawasan yang pagdadabog mo, yang panininghal mo, yang pag iirap mo. Tapos pakitapyasan yang nguso mong humahaba kapag nakikita mo siya. Magkaroon kayo ng boys bonding at maging friends, or ituring mo siyang tatay mo," ang wika ni mama sabay abot ng sobreng may pera sa akin.
"Ano yan ma? Suhol?" tanong ko naman.
"Sira, makinig ka Ryan, 30 kyow ito, ayain mo yung tito Jerry mo sa mall, mag shopping kayo, mamili ng damit at ng mga sapatos. Go na, boys bonding," ang wika ni mama habang nakangiti.
"Yuck Roxanne itago mo nga yang pera mo masahol ka pa sa bakla e. Kaya nagugustuhan ka ng mga lalaki kasi give ka ng give. May paganyan ka talaga? Susubukan kong pakisamahan si TITO Jerry ng walang perang involve. PERO hindi ko ipapangako na magiging madali ang lahat. Teka ma, magsabi ka nga sa akin ng totoo, nagbibigay ka ba ng pera sa kanya?" seryoso kong tanong.
"Pera?" tanong ni mama na para si Zsa zsa Padilla.
"Oo pera, datung, anda, carmona, salapi, bala, pera! Ano nagbibigay ka ba ng pera sa kanya?" tanong ko sa kanya.
"Ryan!" usal niya.
"Huwag mo akong ma-Ryan Ryan, yung tanong ko ang sagutin mo, nagbibigay ka ba ng pera sa kanya?!" tanong ko ulit.
"Minsan!" ang sagot niya.
Natawa ako, "sabi na nga e, bakla ka talaga mama. Akin na nga iyan, itatago ko itong pera dahil baka maya maya ibigay mo pang lahat kay Jerry. Libre na nga yung board and logging niya dito sa bahay may pa ipit ka pang pera."
"Syempre nagbigay ako ng tulong sa tito Jerry mo, yung pagkain, yung pambili ng bagong uniporme sa work."
"Akala ko ba sa company na nagwowork yan?"
"Eh, medyo mababa kasi ang pinag aralan ng tito Jerry mo kaya hindi siya qualified sa mga mabibigat na office works, lalo na sa mga accounting o kaya sa mag sales eme na iyan. Kaya ang ending nakiusap ang tito Jerry mo na maghanap na lang ng work sa ibang lugar. Mabuti na lang at may opening sa Inn ng kaibigan ko doon ko siya ini-refer," ang wika ni mama.
"Inn? Yung motel ma?" tanong ko naman.
"Oo, doon sa Deluxe Motel, maganda naman doon at saka maganda rin ang offer ng sweldo sa kanya. Alam mo, inunawa ko na lang yang tito Jerry mo dahil syempre doon siya papakat sa mga bagay na kaya niyang gawin. Kapag may extra time siya ay kinuha ko rin siyang company driver para mas malaki laki naman yung maipadala niya sa probinsya. Alam mo sobrang hirap kasi talaga ng buhay nila doon kaya nga nakipagsapalaran siya dito sa siyudad para makatulong na rin sa kanila. Kaya sa halip na pagtaasan mo ng kilay at awayin yang tito Jerry mo ay unawain mo na lang sana siya. Mahirap maging bread winner na sa kanya lahat umaasa yung kanyang pamilya," ang naiiyak na wika ni mama.
"Naluha ka pa, edi sana di mo na pinaalis si Jerry doon sa company at ginawa mo na lang siyang chiwariwaps mo doon. Mayroon naman talagang mga ganyang case diba? Katulad na lang sa mga palasak na pelikula kung saan yung CEO ng company ay mag hihired ng magandang babae at gagawing secretary niya kahit wala naman itong alam sa nature ng work at pinupulutan lang sila ng tsimis ng mga tao doon sa kumpanya. Sana ay ganoon na lang ang ginawa mo kay Jerry para hindi ka na naiiyak ngayon na isa lang siyang bell boy doon sa motel," ang tugon ko.
"Sira, edi sasablay naman ng todo ang trabaho at isa pa siya sa iintindihin ko. Saka siya na ang nakiusap sa akin dahil hindi daw keri ng utak niya doon sa opisina. So wala na akong nagawa, kinuha ko na lang siya ng motor na magiging service niya pagpasok doon sa motel," ang nadulas na hirit ni mama.
"Baklang bakla ka naman ma, pati motor talaga? Ibigay mo na rin kaya yung titulo ng lupa at bahay na ito sa kanya? Kaya naman pala masayang masaya siya dahil madali niyang nakukuha ang lahat ng bagay na dapat ay pinaghihirapan niya. Pati service talaga?"
"Siya ang naghuhulog noon Ry, utang niya iyon kaya't huwag kang mag histerical dyan. Ah basta, yung pakiusap ko sa iyo, kung hindi mo kayang igalang ang tito Jerry mo bilang isang ama ay igalang mo siya bilang isang tao," ang pahabol ni mama bago ito umalis.
Nagkaroon ka ba naman ng ina na baliw baliwan! "Susubukan ko at sana ay iwasan mo yung bibigay ng bigay para hindi ka nalulugi sa huli."
Noong lumabas si mama sa aking silid ay nahiga na lang ako sa aking kama at dito bumalik sa aking ala-ala yung mga sinabi ni Jerry kanina. Deluxe Motel, doon kami nagpunta ni Kian para magkaroon ng good times. Hindi ko akalaing doon pala lumipat yung gagong gold digger na iyon. Kaya ngayon ay narealize kong nagsasabi siya ng totoo at hindi nag iimbento.
Hindi ko alam kung anong binabalak niya ngunit susubukan ko itong icounter kung kinakailangan. Ang kinakailangan lang ay maghanap ako ng baho niya, tiyak na may babae iyan o kaya ay sikreto na maaaring makasira sa kanila ni mama. Isang maliit na butas lang ang mahanap ko at BANG! Tapos ang maliligayang araw niya! Keep your friend close and your enemy closer, iyan ang tamang gawin.
Itutuloy.