Hindi man niya masyadong naiintindihan ang sinasabi ng lalaki kanina ay tumatak naman iyon sa isipan ni Cedes. Wala naman na itong idinugtong kundi iyon at agad na siyang iniwan. Hanggang sa mahiga siya sa manipis niyang kama ay dala-dala parin iyon ni Cedes. Kung may gusto mang iparating ang lalaki ay hindi niya alam. Nakatulog nalang siya sa pag-iisip ng gabing iyon at nagising lang ng may maulinigan siyang boses sa kabilang silid kung nasaan ang kanyang lolo at Lola.
Tantya ni Cedes ay mag-uumaga palang kaya nakakapagtatakang maingay na sa labas. Mabilis ngunit maingat siyang bumangon para lumabas sa sariling kwarto. Tulog ang tatlong barako sa maliit nilang sala pero nilampasan lang iyon ni Cedes at kinatok ang kabilang kwarto.
"Lola? Okay lang ho ba kayo?" Mahina at maingat niyang tanong sa labas ng pinto.
Narinig niya ang sunod-sunod na pag-ubo ng kanyang abuelo kaya't kinabahan siya bigla.
Sumunod niyang narinig ay ang langitngit mula sa pagbukas ng kahoy na pinto. Bumungad sa kanya ang kanyang Lola na may dalang halamang gamot na pinakuluan. Nakalagay iyon sa maliit na pitchel, habang ang kaliwang kamay ng kanyang Lola ay may hawak na lampara.
"Ano hong nangyayari kay Lolo, La?" Nag-aalala niyang tanong.
"Inataki na naman ng kanyang ubo. Hindi siya makatulog kahit ilang beses ko nang pinahiran ng dahon ng lagundi at pinainom ng pinakuluan." sagot nito.
Bahagya siyang sumilip sa loob at nakita niya ang kanyang Lolo na nakatigilid sa pagkakahiga. Matanda na din kasi ang dalawa pero nagta-trabaho parin sa maliit nilang taniman. Bigla tuloy inataki ng guilt si Cedes dahil wala man lang siyang magawa upang maibsan ang dinadamdam nito.
Tumingin siya sa kanyang Lola at akmang ibubuka ang bibig ngunit agad ding itinikom.
"Matulog ka na, Cedes. Ako na ang bahala sa Lolo mo." Patag nitong turan sa kanya.
"Lola?"
Hindi ito sumagot pero tumingin sa kanya na may pagtataka.
"Ilang araw na ho inuubo si Lolo..B-baka po pwede na natin siyang dalhin sa h-hospital." kagat ang labi niyang sambit.
Totoong ilang araw na niyang napapansin na inuubo ang kanyang Lolo ngunit hindi lang nito pinapahalata. Pagsapit kasi ng umaga ay maghapon ito sa taniman na parang walang nangyari.
"Mas lalong lalala ang lagay niya kapag sa hospital natin siya dinala, Cedes. Isa pa, wala tayong sapat na pera para ipambabayad sa kanila. Matulog ka na at ako na ang bahala." Mahina ngunit madiin nitong sabi kay Cedes.
Napatiim nalang siya at naglaglag ang balikat sa narinig. Noon paman ay wala na talagang tiwala ang kanyang Lola sa mga doktor. Isa din siguro sa dahilan ay dahil isa itong albularyo o manggaggamot. Ngunit lahat ba talaga ay kaya nitong gamutin? Hindi din siya sigurado sa sagot kung sakali..
Kilala ang kanyang Lola sa kanilang bario na nagpapagaling ng mga sakit. Bata paman siya ay kinalakihan na niya ang mga taong labas-masok sa kanilang kubo dahil gustong magpagamot.
Pinili nalang ni Cedes na manahimik at tumalikod na para bumalik sa kanyang maliit na silid. Sinulyapan pa niya ang tatlong barakong natutulog na tila mga malalaking kuting na nakalukot ang mga katawan. Bago siya pumasok ay natitigan pa niya ang bulto ni Kino na nakahiga sa sahig habang nakanganga.
May tao pala talagang ganito kagwapo kahit anong pustura o hitsura.
Napailing siya agad sa naisip at pumasok na sa kwarto. Hanggang mag-umaga ay hindi na siya nakatulog. Dagdag pang naririnig niya ang bawat pag-ubo ng kanyang lolo sa kabilang silid dahilan upang mawala ang kanyang antok. Nang marinig ang tilaok ng manok sa labas ay agad siyang tumayo. Maingat niyang nilampasan ang mga taong natutulog at lumabas ng kubo para magtungo sa likod bahay.
Masyado pang maaga at madilim pa sa labas kaya nagpainit muna siya ng tubig sa takuri. Naghilamos na din siya ng mukha habang hinihintay na kumulo iyon para isalin sa lumang termos na inihinda niya.
Tulala si Cedes habang nakatingin sa apoy nang bigla nalang may magsalita sa tabi niya.
"You're so early. Goodmorning, Maria."
Mabilis siyang napalingon at nakita niya si Kino na nakatayo malapit sa kanya. Medyo magulo ang buhok nito at tanging puting sando at jogging pants ang suot.
Hindi siya sumagot at hinayaan lang itong nakatayo malapit sa kanya. Ilang minuto din siguro silang dalawang parehas na tahimik. Walang balak na magsalita kaya't tinimpla niya ang kapeng bigas na palaging ginagamit nila. Ibinigay niya iyon sa lalaki na hindi naman nito tinanggihan. Pagkatapos ay naglaga siya ng mais na dala ng dalawang matanda kahapon.
"How old are you, Maria?" kuryoso ang boses nitong tanong.
"Dese-otso." maikli niyang sagot. Narinig naman niya ang mahina nitong singhap na tila hindi inaasahan ang kanyang sagot. Naibuga pa ng nito ang iniinom na kape kaya bahagya siyang napakunot ng noo.
"Eighteen ka lang?" parang hindi makapaniwala nitong tanong.
Hindi siya sumagot kaya tumikhim ito.
"Y-yeah.. I'm sorry.. It's just that.. Akala ko ay nasa early twenties ka na."
Ganoon din ang narinig niyang sinabi ng kanyang kaibigang si Linda nang umuwi ito. Ayon din dito ay hinog na hinog na daw kasi siya. Hindi niya masyadong naiintindihan iyon kaya hindi niya masyadong iniisip.
Kapagkuwan ay tumikhim itong muli.
"D-do you already have a boyfriend, Maria?" narinig niyang tanong ulit nito.
Mahina siyang tumango at sumagot ng Oo.
Nanlaki ang mata nito sa sagot niya.
"What? who?"
"Iyong guro ko dati sa highschool." mataman niyang sagot.
"What the f**k! That is illegal!" nilapag nito ang kape at parang na stress bigla sa pinag-uusapan nila.
"Bakit? Bawal ba makipag kaibigan sa isang guro? Ang tanong mo ay boy friend, diba? Kaibigang lalaki." Yan ang pagkakaintindi niya sa salitang iyon kaya hindi niya alam bakit gusto na hitong maghisterikal.
Natigilan naman ito napatitig sa kanya.
"Boy friend? Kaibigan? Kaibigan mo ang guro mo noon sa high school?" pag-uulit pa nito.
Tumango siya kahit may pagtataka. Kaibigan niya ang kanyang guro noon sa high school dahil palagi siya nitong binibigyan ng pagkain tuwing break time.
May ibig sabihin pa ba ang salitang boy friend bukod sa kaibigang lalaki?
"I'll get it. You are thinking literally." anitong tila nakahinga ng maluwag.
Hindi na siya sumagot pa. Minsan kasi ay masyadong malalim ang englis na sinasabi nito kaya hindi niya naiintindihan. Matalino naman siya noong nag-aaral pa pero alam niyang marami pa siyang hindi alam sa lahat ng bagay.
"You're just eighteen..Dese-otso..Oh God..It's legal but still so young.." narinig niyang bulong nito na tila problemado. Ilang sandali lang ay tumayo ang lalaki at iniwan siya doon. Nagtatakang napasunod nalang si Cedes ng tingin.