Ang pagmamahal ba ay kasing kahulugan ng salitang dignidad at libog o tawag ng laman?
Kung totoong magkakasing-kahulugan nga ang mga salitang iyan, maaaring isa nga akong babaeng walang prinsipyo para sa aking sarili.
Isang nererespetong babae, na kayang ibaba ang prinsipyo alang-alang sa pagmamahal para sa isang lalaking handang ibaba ang dignidad mula sa tawag ng laman.
Ako si Niecel Villanueva, at isa akong college teacher o professor sa isang malaking university sa aming probinsya, sa bayan ng Bulacan, nasa apat na taon na ring akong nagtuturo sa eskwelahang iyon, nasa bente dos anyos pa lang ako ng makuha ko ang aking lisensya para sa pagtuturo, at ngayon nga ay nasa bente sais anyos na rin ako.
Subalit sa edad kong ito, hindi pa rin ako nakakaranas makipagrelasyon, hindi naman ako panget, may mga katangian din naman akong maaaring magustuhan ng mga kalalakihan, at marami rin namang nagtatangkang manligaw, ngunit lahat ng iyon ay wala akong pinag-ukulan ng aking atensyon, dahil may mga pangarap at plano pa rin akong gustong matupad.
Mahal ko ang aking pagtuturo, na talagang maliit pa lang ako'y ito na ang aking pingarap, hanggang sa nagka-isip ako ay pinilit kong magkaroon ng ganapan ang pangarap kong iyon, at ngayon nga ay isang ganap na akong guro na iginagalang ng lahat.
May pangalang iniingatan at pinangangalagaan, na kahit ang aking pamilya ay puno ng respeto at paghanga para sa akin.
Ngunit isang gabing pagkakamali at nagpadala sa tinatawag na init ng laman ay naisuko ko ang aking iniingatang dangal.
Hanggang sa kahit ang aking dignidad at prinsipyo ay tuluyan ko na ring naisuko dahil lang sa isang gabing hinayaan ko ang aking sariling madarang sa init ng apoy na ako rin mismo ang lumikha dahil sa bugso ng aking damdamin para sa isang lalaking kailan ko lamang nakilala. Si Kenneth Bustamante, na siya ring may-ari ng eskwelahan kung saan ako nagtuturo. At dahil sa pangyayaring iyon ay ganoon rin kabilis nasira ang pangalang ilang taon ko ring iningatan at inalagaan dahil sa iskandalong kumalat.
Nasira ang aking pangalan at nawalan ng karapatan upang makapagturo, inagaw nila sa akin ang mula pa noon ay akin nang pinagsikapang maabot, inagaw nila sa akin ang aking kaligayahan, na para bang isa akong ibong pinutulan ng pakpak upang hindi na makalipad.
Bumagsak ako, at sa pagbagsak kong 'yon ay hindi ko na alam kung paano pang babangon.
Lumayo ako, dala ang sakit, luha, pagkabigo at kahihiyan dahil sa aking naging pagkakamali.
Nakipagsapalaran ako sa Manila upang makaiwas sa mga taong walang ibang nakikita kundi ang aking nagawang pagkakamali.
Pinilit kong lumimot at muling buoin ang aking sarili, ngunit paano ko 'yon magagawa kung dumating ang isang araw ay muling magpapakita sa akin ang lalaking naging dahilan kung bakit ako nalugmok sa kahihihayan at dahilan nang pagkasira ng aking pangalan at buong pagkatao.
Magagawa ko bang magpatawad o dapat bang muling umiwas at lumayo, ngunit paano ko magagawa kung sa bawat paglayo at pag-iwas ko'y palagi itong nakasunod at nakasubaybay.
Tama bang hayaan ko na lamang ang aking sariling sundin ang kung ano'ng idinidekta ng aking puso, at kalimutan na lang ang masasakit na nakaraan? O tuluyan na lang bang lumimot?