Napabuga ako ng hangin habang nakatingin sa malayo. Natanggap ko na ang unang bayad ni Gideon sa akin. Nasa thirty billion din ’to dahil umabot nang tatlong oras ang pamamalagi namin sa bahay nila kagabi. Matapos ng dinner namin at kaunting kuwentuhan, nagpresinta si Gideon na ihatid ako sa aming bahay. Noong una pa nga ay ayaw ko dahil baka makatunog ang pamilya ko at kung anu-ano ang sabihin ni Daddy para lang maiangat ko ang business namin. Ayaw ko namang abusuhin ang tao kahit pa may nakukuha akong pera. Malaki na rin naman ’yon kapag naipon. Ang problema lamang ay ang media dahil baka mamaya ay paratangan ako nang kung anu-ano. Kung sabagay naman kasi, unti-unti na yatang kumakalat sa media ang pagbagsak ng company namin dahil matagal-tagal na yatang namomoblema ang mga magulang ko.