Bagot akong nakatutok sa harap ng telebisyon. Balita ang kasalukuyang palabas ngayon. Nasa tabi ko naman si Lola na abala sa pagkocross stitch, 'yan kasi ang libangan niya lalo na't retired teacher na siya. Ang totoo niyan ay gutom na ako. Gusto ko nang kumain. Pero nasa house rules kasi na kailangan ay kompleto na kami dito sa loob ng bahay bago kumain. At hanggang ngayon ay wala pa rin si ate Tata, ang nakakatanda kong kapatid. Ang paalam niya kasi kay Lola Lumen ay medyo malelate siya ng uwi dahil may praktis silang kanta. Oo nga pala, kasali sa choir si ate. Pagkatapos kasi ng klase, didiretso siya sa simbahan para kitain ang mga kapwa niya ding choir.
Naputol lang ang panonood ko nang napukaw ng aming atensyon na kusang nagbukas ang pinto. Tumambad sa akin si ate Tata na bagong dating. Tila naging masigla ako nang wala sa oras. Agad akong tumayo at nagmamadali akong daluhan siya. "Ate!" bulalas ko nang nakalapit na ako sa kaniya.
Tumingin siya sa akin at ngumiti. Hinaplos niya ang aking mahaba at itim na buhok. "Pasensya na, Velyn, nalate si ate. Marami kasing pasaway, hindi agad nakukuha ang eksaktong nota ng kanta kaya natagalan bago maperfect." paliwanag niya. "Alam kong gutom ka na. Sorry."
Tila nangislap ang mga mata ko. "Wala po 'yon, ate. Halika na, alam kong gutom ka na din." aya ko sa kaniya na nakasunod sa kaniya. Papunta kami kung nasaan si Lola Lumen.
"Mano po, Lola." magalang na sabi ni ate Tata kay Lola.
"Pagpalain ka ng Diyos, apo. Oh siya, kanina pa nakabusangot ang mukha ni bunso. Alam naman nating kumakalam na ang sikmura niya." natatawang sambit niya nang inilipat niya sa akin ang kaniyang tingin.
Ngumisi ako sabay kamot sa aking batok. Uhm, hindi ko maitatanggi na ganoon na nga.
Tumayo na din si Lola Lumen at itinabi niya ang mga gamit niya sa pagko-cross stitch sa isang tabi para makapaghapunan na din. Mukhang tapos na din magluto si ate Jennifer, ang kasing edad lang ni ate Tata, ang kinuha nina mama at papa para mag-alaga kay Lola at sa akin.
Walong taon nang nasa ibang bansa sina mama at papa. Dahil wala kaming kamag-anakan sa Maynila ay napagpasyahan nila na tumira kami ni ate Tata dito sa Probinsiya ng Ilo-ilo. Ilonggo kasi si Lola Lumen, ang nanay ni papa. At saka, mas gusto ni Lola na makasama kami lalo na't wala daw siyang magawa dito sa bahay, umaasa lang kasi siya sa pension niya buwan-buwan. Bukod sa amin magkakapatid, pinapaaral din nina mama at papa si ate Jennifer bilang bayad na din sa pagbabantay niya sa amin.
"Magkakaroon na pala ng bagong may-ari ang bahay na nasa tabi natin." nakangiting pagbabalita ni Lola habang nasa hapag. "Actually, kanina lang sila lumipat d'yan."
"Talaga po?" hindi makapaniwalang bulalas nina ate Jennifer at ate Tata sa narinig na balita. Ako naman ay abala sa pangunguya ng pagkain habang nakatingin lang sa kanila. "Kaya pala mukhang nirerenovate ang bahay nitong mga nakaraang buwan pa." si ate Tata ang nagpatuloy.
"Ang sabi lang naman ng karpintero na napagtanungan ko, dating sundalo ang bumili ng bahay na ngayon ay isa sa mga kilalang negosyante. Nakakatawa lang dahil dito niya ipapatapon ang apat nitong anak. Hindi ko nga lang alam kung bakit..." pagkukwento ni Lola saka ipinagpatuloy ang kaniyang kinakain.
Nang matapos na akong kumain ay napagpasyahan ko nang umakyat patungo sa kuwarto. Hindi agad ako sumampang sa aking kama. Imbis ay binuksan ko ang aking back pack at inilabas ang aking libro. Sasagutan ko muna ang assignments na ibinigay sa amin ng teacher. Ayoko naman maging kulelat sa klase kung nagkataon man.
Patapos na ako sa aking takdang-aralin ay matalon naman ako sa kinauupuan ko nang biglang may sumigaw ng kanta!
"Sayang na sayang talagaaaaaa! Dating pag-ibig na alay sa iyoooooooo! Sayang na sayang talagaaaaa! Pagmamahalan na di ko makakamtan sa iyoooooooo—"
"Killian! Tumahimik ka na! Ang tinis ng boses mo! Hindi ako makapag-aral!" rinig ko naman ang sigaw ng isang babae.
"Naglalabas ako ng stress, atsi! Ano ba?!"
Natameme ako nang wala sa oras nang marinig ko ang usapan nila. Base sa pag-uusap nila ay hindi sila Ilonngo. Tagalog na tagalog ang kanilang usapan, pero parang may punto pa. Napangiwi ako dahil mas matinis ang boses ng lalaki na nangangalang Killian kaysa sa babae.
"Bakit kasi hindi pinasoundproof ni daddy ang mga kuwarto natin? Ugh!" rinig ko pa sa babae. Base on her voice, she sounds frustrated.
"Baka nakalimutan niya, atsi! Siya, layas na! Sinisira mo ang beauty rest ko!"
Naiiling-iling ako sa usapan nila. Kinuha ko ang earphones ko sa gilid ng aking study table. Ipinasok ko ang plug sa aking cellphone. I played the classical music. Huminga ako ng malalim saka ipinagpatuloy ang aking pagsasagot sa homework ko.
**
Maaga din ako nagising ng umagang iyon. Nakaligo, nakapag-almusal at nakabihis na ako ng school uniform. Ang tanging ginagawa ko nalang ngayon ay hinihintay ang service namin ni ate Tata. Pero dahil kasalukuyan pang kumakain si ate Tata ay nagpasya akong sa labas muna habang naghihintay. Umupo ako sa sofa na yari sa kawayan. Ipinatong ko ang aking mga paa sa tuntungan ng sofa. Ipinatong ko sa aking kandungan ang mga braso ko. Iginala ko ang aking paningin sa paligid. Nahagip ng aking paningin ang isang lalaki na abala na nagsusulat sa coffee table sa front porch ng kanilang bahay. Hindi ko lang malaman kung kasing edad ko ba siya o mas matanda siya sa akin ng ilang taon.
"Velyn?" malakas na tawag sa akin ni Lola Lumen .
Nanumbalik ang ulirat ko at tumayo. Tumingin ako sa loob. Nadatnan ko si Lola na may dalang tupperware. Nakangiti siya sa akin. "Bakit po, Lola?"
"Pasuyo naman, gah. Baka puwede mong ibigay ito sa bago nating kapitbahay? Pawelcome na din." nakangiting utos ni Lola.
Tahimik akong tumango. Tinanggap ko ang tupperware na may lamang chicken adobo. Lumabas ako ng bahay at pumunta sa bagong kapitbahay. Punung-puno ng mga halaman at bulaklak ang harap ng malaking bahay na ito. Nakita kong may doorbell ang gate nila. Pinindot ko 'yon ng tatlong beses bago may nagbukas. Bumungad sa akin ang lalaking nakita ko kanina. Natigilan ako dahil may dugong banyaga ang isang ito. Napalunok ako. Hindi ko maiwasang hindi mamangha sa pisikal niyang anyo. Lalo na't matangos ang kaniyang ilong, manipis at mapupula ang mga labi nito, maputi, mahahaba ang pilik-mata, makakapal ang mga kilay, at kulay tsokolate ang mga mata.
"Maayong aga..." bati ko sa kaniya saka ngumiwi.
"Ay, inday. Sorry, hindi pa ako marunong mag-ilonggo. Tagalog portion muna tayo, ha? Good morning!" masigla niyang bati ko sa akin. "By the way, anong sadya mo?"
Umawang ang aking bibig saka suminghap na tila natauhan ako nang marinig ko ang matinis niyang boses. Ibig sabihin, siya ang narinig kong kumanta kagabi? "Ah... Pinapabigay pala ng Lola ko ito, welcome offering na din." sabi ko.
Bumaba ang tingin niya sa tupperware na hawak ko. "Ay, wow! Chicken adobo! Paborito ko ito. Halika, pasok ka muna... Huwag kang majahe!" mas nilakihan niya ang awang ng gate.
Ewan ko ba kung ano ang nagtulak sa akin para pumasok sa malaking bahay. Inabot ko sa kaniya ang ulam. Namataan ko ang mga nakakalat na libro at kuwaderno sa coffee table. "Nag-aaral ka pala... Pasensya na kung naistorbo yata kita..." dispensa ko.
"Ay, asus! Wala 'yon, inday! At saka, ikaw palang ang bumisita sa amin na kapitbahay. Paniguradong masaya na naman sina ahia at atsi dahil may ulam na kami." saka humalakhak siya.
"S-saang paaralan ka pala napasok?" hindi ko mapigilang itanong 'yon.
"Actually, home study kami ngayong magkakapatid. Hindi kami nakaabot sa enrollment kaya nagpapasa nalang kami ng module sa dati naming eskuwelahan thru internet. Kapag okay na, next school year, pwede na kami makapag-enroll sa mga eskuwelahan dito." paliwanag niya. "Ikaw ba? Saan ka nag-aaral? Anong grade ka na?"
"Grade nine. Sa... Santa Maria..."
Bigla siyang pumalakpak. "Wow, iyan ang binabanggit sa amin ni father dear! Mas kilalang Ateneo de Iloilo 'yan, hindi ba?" mas lumapad ang kaniyang ngiti. "Grade nine din ako. Alam na this, sana maging kaklase kita sa next school year!"
"Killian, sino ang kausap mo?" rinig namin na may boses babae na papalapit sa amin.
Sabay kaming tumingin doon. "Atsi, si..." kumunot ang noo niya. "Ano ulit pangalan mo?"
Ngumiwi ako. "Jovelyn... Pero pupwede ninyo naman akong tawagin Velyn."
Napaletra-O ang bibig niya. "Oh.. I see." bumaba ang tingin niya sa tupperware na hawak ni Killian. "Ano 'yan?"
"Chicken adobo, atsi. Pinapabigay ng lola ni Velyn. May libreng ulam na! Oha?"
"Mahiya ka naman, oy!" bumaling siya sa akin na may sinserong ngiti. "Salamat sa ulam, Velyn. Nakakaabala naman kami sa inyo."
"N-naku, okay lang po. Ganoon po talaga kami dito. Winewelcome namin ang mga bagong kapitbahay."
"Huwag kang mahiyang tumambay dito, ha? Para naman may kaibigan itong si Killian."
"Ah...Eh..."
"Bunso?"
"Sino 'yon?"
Ngumiwi ako. "Ate ko po. Kailangan ko na rin pala pumasok. Baka malate na ako. S-sige po, aalis na po ako." nahihiyang paalam ko sa kanila.
"Oh sige, ingat and goodluck." balik-paalam sa akin ng ate ni Killian.
"Balik ka dito, inday, ha?" nakangiting sabi ni Killian. "From now on, we're friends..."
Hindi ko alam kung bakit gumaan ang pakiramdam ko nang marinig ko mula kay Killian ang mga huling pangungusap na kaniyang nasambit. Para bang nasiyahan ako bigla. Dahil ba tulad niya ay wala rin akong kaibigan? O dahil ako palang ang naging kaibigan niya buhat na lumipat sila dito?
Matamis akong ngumiti at tumango. "Friends!" sabi ko at nagmamadali na akong lumabas sa kanilang bahay para puntahan si ate Tata na naghihintay sa akin.