"Elisse, hindi natin kakayanin ito. Marami ang nakawala sa Kulungan ng Masasamang Espiritu. Mahihirapan tayong ibalik sila rito sa Spirit World." Humihingal na si Duncan dahil sa pakikipaglaban. Napabagsak niya ang labindalawa sa espiritung kaniyang nakaharap.
May isang traydor sa grupo ng mga protector ang nagbukas ng Prison Cell ng masasamang espiritu. Nakawala ang maraming espiritu na sumubok manggulo noon sa mundo ng mga tao may ilang daang taon na ang nakararaan. Naikulong ang mga ito noon sa Spirit World ni Master Rapier, isang Earth Guardian na bihasa sa paggamit ng espada at may natatanging kapangyarihan bilang Guardian na nakikipaglaban sa masasamang espiritung nanggugulo sa mundo ng mga tao. Mabuti at nakarating agad ang pinuno ng Spirit World at ang iba pang Guardans upang masarahan agad ang selyo ng Prison Cell at hindi na makatakas pa ang ibang espiritu, subalit nakapuslit na ang karamihan sa mga bilanggo at pagod na rin sila sa pakikipagsagupa sa ibang nakaharap nila. Hindi nila alam kung saan na nagtungo ang mga nakatakas at kung ilan sila.
"Mukha ngang mahihirapan tayo, lalo na't wala na rin si Master Rapier." Nakulong din si Master Rapier sa piitan ng mga masasamang espiritu sa huli nitong pakikipaglaban. Itinaya nito ang kanyang sarili upang maikulong ang pinakamalakas nitong nakaharap na si Adder, isang isinumpang snake spirit na pumapatay ng mga tao sa pamamagitan ng kanyang kamandag. Napasama si Master Rapier sa Prison Cell. Ang tanging naiwan nito ay ang Rapier, ang Banal na espadang may kakayahang pumuksa ng masasamang espiritu. Nabitiwan ito ng Master habang hinihila siya ni Adder noong hinihigop ito ng Prison Cell.
"Lord Duncan," pukaw ni Epee, ang pinuno ng mga kawal. "Natanaw ng ating mga kawal na tumawid ng dimension ang ilang mga bilanggo sa portal papunta sa mundo ng mga tao."
Nagkatinginan sina Elisse at Duncan. Masama ito.
"Pakitawag si Cyrie at si Mikael," utos ni Duncan.
"Masusunod." Yumukod si Epee sabay talikod upang sundin ang utos ng kanilang pinuno.
"Pupunta tayo sa mundo ng mga tao?" may pag-aalalang tanong ni Elisse. Allergic siya sa salitang "tao", at mas lalo na kung makakahalubilo niya ang mga ito. Ilang daang taon na rin mula nang huli siyang magtungo roon.
"Kung kinakailangan, Elisse. Kung kinakailangan," sagot ni Duncan.
"Lord Duncan, narito na kami," bungad ni Mikael. Gwapo ito, matangkad, matipuno, may matangos na ilong at matapang na mga mata. Tipong hindi uurong kapag hinamon ng duelo.
"May maipaglilingkod ba kami, Lord Duncan?" tanong ni Cyrie, ang dyosa ng Spirit World. May kakaibang ganda, kaakit-akit, maamong mukha, subalit matinik kung makipaglaban.
Sina Duncan, Elisse, Cyrie at Mikael ang apat na tagapangalaga ng Spirit World. Si Duncan sa Silangan at ang itinalagang pinuno ng buong Spirit World, si Cyrie sa Kanluran, si Elisse sa Hilaga at si Mikael sa Timog. Sila ring apat ay may mga hawak na susi ng harang o Seal ng Spirit Prison Cell, portal sa iba pang dimension at sa mundo ng mga tao. Kabilang ang Kapulungan ng Spirit World sa ilang mga may hawak ng susi ng Prison Cell.
"Kailangan nating magtungo sa mundo ng mga tao. Maraming nakatakas na espiritu," saad ni Duncan.
"Ngayon na ba?" tanong na parang nagdadalawang isip si Elisse.
"Oo ngayon na, alangan namang bukas pa," pambabara ni Cyrie. Isa pang ugali ni Cyrie, masyado siyang prangka at mapambara. Hindi sila magkasundo ni Elisse.
"Kailangang magtaray? Naghahamon ka ba?" may pagbabantang naglabas ng balaraw si Elisse.
"Hindi kita uurungan, Elisse. Matagal na akong nagtitimpi sa kaartehan mo." Sabay labas ng espada ni Cyrie.
"Tumigil nga kayong dalawa. Kahit kailan hindi na kayo nagkasundo. Parang hindi kayo magkapatid noong mga tao pa kayo, ah," sawata ni Mikael.
"Magtigil ka. Bukod sa salitang magkapatid kami noon ay wala na akong maalala pang koneksyon sa pagitan namin. She was never my sister and will never be. Bukod sa tungkulin nating bantayan ang Spirit World, wala na kaming ugnayan pa." Matalim na tinitigan ni Elisse si Mikael.
"Tama na 'yan. Halika na. Maghanda na kayo ng inyong dadalhin papunta sa mundo ng mga tao. Kailangan na nating magmadali bago pa sila makapaminsala." Biglang naglaho si Duncan upang maghanda sa kanyang palasyo. Ang base ng Silangang bahagi ng Spirit World.
☆☆☆☆☆☆☆☆☆☆☆☆☆☆☆☆☆☆☆☆