Past
Kori's Point Of View
Hawak-hawak ko lang ang lalamunan ko at halos matumba na sa pagkakatayo. Pigil ko lang ang aking hininga at sinubukan na hanapin ang pinto. Na patingin naman ako sa dalawa kong kasama rito sa loob na nagta-takang nakatingin sa akin.
"Okay ka lang ba, nilalang?" Tanong ni Haring Tritus, at umayos nang tayo o mas mainam na sabihin na lang natin na lumangoy papunta sa akin.
Tinuro ko naman ang aking ilong at iwinawagayway ang isa ko pang kamay.
"Ano ang ibig mong sabihin?" Tanong nito sa akin at hinawakan ako sa balikat.
Lumapit naman iyong babaeng tinulungan ko kanina at tumabi sa kaniyang ama. "Sa tingin ko po ama ay inaakala pa rin nito na hindi niya kaya huminga sa ilalim nang dagat."
Inaakala? Hindi ba at hindi naman talaga ako makaka-hinga sa dagat? Atsaka hindi ko na po kaya pigilan ang hininga ko, ito yata ang dahilan nang pagkamatay ko ng maaga eh. Akala ko ba ay tutulungan ako ng mga ito na mapunta sa susunod na stage? Parang kasalungat naman nito ang ginagawa niya.
"Kaya mo nang huminga sa ilalim ng tubig. Huwag ka mag-alala." Sabi nang hari at Ngumiti sa akin. Nagtataka naman akong na patingin sa dalawa at unti-unti bintawan ang pagpipigil ko na huminga.
Huminga ako nang malalim at napa-upo. Totoo nga na nakaka-hinga na ako sa ilalim ng tubig, akala ko talaga ay mamatay ako nang maaga dahil nasa ilalim na ako ng karagatan.
"Hindi ko inakala na makakalimutan mo kaagad ang sinabi ko sa'yo noon, mabuting nilalang,"saad nang Hari at ngumiti sa akin. Hindi na lang ako umimik at itinuon muna ang aking atensiyon sa pagbawi ng hiniga ko.
Oo nga pala at sinabi nito na may lugar sa ilalim ng dagat na kung saan pwede akong mag-ensayo. May lugar dito na kung saan kaya kong pataasin ang aking stage upang mapunta sa susunod na antas. Nakalimutan ko man lang iyong sinabi nila, nakalimutan ko man lang ang tungkol sa bagay na iyon. Oo nga pala, paano ba ako nahimatay? Bakit bigla na lang ako nawalan ng malay?
Ang naalala ko ay nasa isang isla lamang ako, tapos may nakita akong malaking pusit at tinulungan ko itong prinsesa. Pagkatapos ay sumunod ang kaniyang ama na sinasabing bibigyan niya ako nang gantimpala dahil sa paggaling ko sa kaniyang anak. Ngunit ang tanong ko talaga rito ay paano ako nahimatay nang biglaan?
"Ikaw ba ay nagtataka at paano ka na punta dito sa aming kaharian?" Tanong nang prinsesa at lumangoy papunta sa aking likod at hinawakan ang aking balikat.
"Paano nga ba?" Tanong ko sa kaniya at umayos ng tayo. Namangha naman ako ng bigla na lamang akong lumutang.
"Binigyan ka namin nang kakayahan na maka-hinga sa ilalim ng tubig, ngunit hindi namin inaasahan na sobrang bigat pala ng kapangyarihan na ito at napaka-baba pa ng Stage mo, kung kaya ay bigla ka nalang nahimatay at dinala ka na lang namin dito nang aking ama." Paliwanag ng Prinsesa.
Kasabay no'n ay ang malakas na tunog na nagmumula sa labas. Nagtataka akong napatingin sa hari na ngayon ay nakatingin sa labas ng bintana ng kwarto.
"Kailangan ko na dumalo sa pagpupulong,"ani nito, "May mga nangyayari sa karagatan na kailangan namin ma solusyunan agad. Ikaw na muna ang bahala sa ating bisita, anak. Kung maari ay pwede mo itong dalhin patungo sa sinasabi natin na agos ng enerhiya."
Agos ng enerhiya? Ano 'yon? Iyon ba ang tinutukoy ng mga ito na kung saan mapadali ang pag-eensayo ko?
"Masusunod, Ama." Tugon ng Prinsesa at yumuko sa harap nito. Umalis na ang Haring Tritus at naiwan na lang kaming dalawa.
"Hali na at ipapakilala kita sa aking mga kapatid. Nasasabik ang mga iyon na makilala ka." Sabi ng Princesa.
Sinubukan ko maglakad at sumunod sa kaniya ngunit tila ba ang bigat ng katawan ko at hindi ako maka-usad. Nagtatakang na patingin naman ang prinsesa sa akin at ngumiti. Kasabay nito ang pagtaas niya ng kaniyang kamay at pag-ilaw ng aking mga binti.
Hindi ko kaya ang liwanag na nagmumula rito, kung kaya ay ipinikit ko na ang aking mga mata. Ilang sandali pa ay ramdam ko ang pagkakaisa ng dalawang paa ko at ramdam ko na may kung anong bagay ang tumakip sa dalawang 'to.
Iminulat ko ang aking mga mata at halos hindi ko mapigilan ang aking pagngiti ng makita ko ang isang napaka-gandang buntot na kulay asol. Bumubusilak pa ito na tila isang bituin sa langit at may korona sa caudal peduncle. Tila isang tila ang aking caudal fin sa sobrang haba nito.
"Ang buntot mo,"sabi ng Prinsesa. Napatingin naman ako rito at nakita itong gulat na gulat na nakatingin sa aking buntot.
"Bakit?" Tanong ko sa kaniya.
"Wala,"tugon nito at umiwas ng tingin. Kitang-kita ko naman sa aking kintatayuan ang pag-kuyom ng kaniyang kamao.
Ano ba ang mayro'n sa buntot na ito? Siya naman ang naglagay nito hindi ba? Bakit naman ganoon na lang ang kaniyang reaksiyon?
"Hali ka na at puntahan ang aking mga kapatid,"sabi ng Prinsesa at lumingon sa akin na naka-ngiti. Tumango lang ako rito at nagsimula ng lumangoy.
Hindi ko mapigilan ang mamahangha haban nakatingin sa palibot nito ng palasyo. Napak-ganda ng mga mwebles na nandito, ilan lamang sa kanilang mga disenyo ang mga mamahalin na perlas ng dagat at naglalakihan pa ang gma 'to. May ilang estatwa rin sa baway pasilyo na sa tingin ko ay ang mga naging hari ng karagatan.
Napadaan naman kami sa isang pasilyo na gawa sa kristal ang dingding. Hindi ko talaga aakalain na mayroong ganitong klaseng lugar at totoo pa talaga.
"Dito tayo,"aya ng Prinsesa at tinuro ang isang pasilyo na papunta sa isang pinto na sobrang laki.
Nandito ba ang kaniyang mga kapatid? Ano kayang klaseng sirena ang mga ito? Baka saktan lamang nila ako dahil bago ako rito at hindi nila ako nakikilala.
"Huwag ka mag-alala, mabait ang mga kapatid ko." Sabi ng prinsesa at lumingon sa akin.
"Oo nga pala at hindi mo pa ako nakikilala,"saad niya at tumigil sa harap ng pinto, "Ako si Prinsesa Atara, isa sa mga prinsesa ng karagatan. Ang Panganay nang lahat ng prinsesa sa kaharian na ito."
"Ako naman si Kori, Isang hamak na normal na tao na nag-eensayo upang tumaas ang stage." Tugon ko rito.
Tumango lamang si Prinsesa Atara at itinaas ang kaniyang kamay. Umilaw naman ang pinto at kusang nag-bukas ito sa harap namin.
Nang tuluyan na itong bumukas ay halos matumba ako ng bigla na lang may yumakap sa akin mula sa loob. Pagtingin ko ay isang batang babae na kamukhang-kamukha ni Prinsesa Atara, ngunit kulay dilaw lamang ang kaniyang buntot at buhok.
"Nandito ka na!" Sigaw nito habang yakap-yakap ako.
Hindi ko alam kung ano ang dapat kong reaksiyon, kaya pilit na ngumiti lamang ako sa kaniya at napatingin kay prinsesa Atara na umiiwas ng tingin.
"Hali ka sa aming hardin!" Sigaw nito.
Hardin? May hardin ba ang isang karagatan? Ngayon ko lang nalaman na posibleng magkaroon ng harden ang isang hamak na karagatan.
Hinila lang ako nito hanggang sa tuluyan na kaming maka-pasok sa loob ng tinatawag nilang hardin. Hindi ko maipagkakaila na totoo talaga ang sinabi nito. Iba nga lang sa hardin sa aming bayan.
Napaka-ganda rin ng kanilang hardin sapagkat mayroong maraming halamang dagat ang naririto. Iba'it-ibang kulay ng mga corals at bulaklak.
Ngayon lang ako nakakita ng mga ganitong klaseng bulaklak at mga bato sa dagat. Namangha rin ako sa ganda ng tanawin sa labas. Ang kanilang tinatawag na hardin ay nandito pala sa pinakatuktok ng palasyo ng kanilang kaharian kung kaya ay kitang-kita nito ang mga ilaw na mula sa mga gusali sa ibaba.
"Tama na kakahila, Atasha." Ani ni Prinsesa Atari at pilit na hiniwalay ang aming mga kamay ni Prinsesa Atasha.
"Gusto ko makipaglaro sa kaniya!" Sigaw nito.
"Kailangan muna natin ipakilala ang ating bisita sa ating mga kapatid, kung kaya ay mamaya na kayo maglaro." Sabi ni Prinsesa Atari.
"Kahit kailan ang epal mo talaga!" Sigaw nito at tumalikod na sa amin.
Kung titignan ko ay ito yata ang bunso nilang lahat sapagkat halata naman na lahat ng gusto niya ay dapat nasusunod. Napa-iling na lamang si Prinsesa Atari at lumingon sa akin.
"Hayaan muna 'yon, sa ngayon ay puntahan muna natin ang aking ibang kapatid." Saad niya at nagsimula na naman lumangoy papunta sa pinaka-dulong bahagi ng hardin na ito.
Nadatnan namin ang tatlo pa na mga Sirena na may kaniya-kaniyang ginagawa. Ang isa ay parang may binabasa sa isang libro na gawa sa halaman ng dagat, habang ang isa naman ay tinitignan ang mga bulaklak, at ang panghuli ay yakap-yakap si Atasha.
"Mga kapatid,"tawag nito.
Sabay-sabay na napatingin naman ang tatlo na 'to sa gawi namin at ngumiti, pwera na lang sa isang kapatid ni Prinsesa Atari na nagbabasa ng libro.
"Ano ang ginagawa ng isang tao dito sa ating kaharian?" May galit na tanong rito.
"Trona!" Saway ni Prinsesa Atari.
"Bakit ba iyan naririto? Hindi ba at ang mga kauri niyan ang nanakit sa iyo?" Sigaw nito.
"Oo nga at kauri niya ang nanakit sa akin ngunit siya rin naman ang tumulong sa akin upang gumaling." Tugon ni Prinsesa Atari at hinawakan ako.
"Kahit na! Hindi siya nabibilang rito!" Sigaw nito at tuluyan ng lumangoy palabas ng Hardin.
Mukhang ayaw na ayaw ng prinsesa na iyon ang presensiya ko. Kung sabagay ay naiintindihan ko naman siya sapagkat nasaktan ang kaniyang kapatid dahil sa kauri namin.
"Pasensiya ka na kay Trona,"sabi ng isang babaeng kulay rosas ang buntot at buhok. May rosas din na nakasabit sa tenga nito. Hinawakan naman niya ang aking kamay at tinignan ang aking kabuuan.
"Napaka-ganda ng iyong buntot at mata,"sabi niya at tumalikod sa akin.
"Iyan si Rosa, ang babaeng mahilig sa bulaklak at pinaka-malambing sa aming lahat, ngunit kapag iyan na galit. Walang kahit na sino man ang makakapigil sa kaniya, kahit ang aking ama." Pagpapakilala ni Prinsesa Atari sa kaniyang kapatid.
"Ako naman si Trista,"sabi ng isang sirena at lumapit sa akin. Kulay pula ang buhok nito at pati na rin ang kaniyang buntot.
"Hayaan mo na iyong kapatid namin na si Trona. Alam mo naman ang naging sitwasyon ng aming panganay sa kamay ng mga kauri mo." Paliwanag ni Prinsesa Trista.
"Hali ka at maupo ka muna." Aya nito at tinuro ang isang upuan na sa tingin ko ay gawa sa kristal.
"Ano pala ang ginagawa mo rito?" Tanong ni Prinsesa Rosa.
"Inanyayahan ako ng inyong ama na mag-ensayo sa isang lugar na kung saan puno ng enerhiya,"paliwanag ko.
"Ang Daloy ng enerhiya,"sabay-sabay na tugon ni Prinsesa Rosa at Trista habang naka-tingin sa isa't-isa.
"Bilang pasasalamat ni Ama sa pagtulong sa akin." Dugtong ni Prinsisa Atari.
"Ngunit na ipaliwanag niyo na ba sa kaniya ang magiging resulta kapag hindi niya na kaya ang enerhiya mula roon?" Tanong ni Rosa.
"Iyon, ay hindi pa." Tugon ni Atari at umiwas ng tingin.
"Anong resulta?" Tanong ko sa kaniya.
"Sa katunayan niyan ay napaka-hirap mag-ensayo sa lugar na iyon,"paliwanag ni Trista, "Ipinagbabawal na ng aming ama ang lugar na iyon sa lahat ng sirena dito sa aming kaharian. Oo nga at kaya nitong mapa-bilis ang iyong pagtungtong sa susunod na stage ngunit napaka-laki naman ng panganib sa taong iyon kapag hindi niya kaya ang enerhiya sa lugar na iyon."
"Panganib?" Tanong ko.
"Oo, panganib na kung saan ito ang magiging rason ng iyong pagka-baliw o pagkamatay." Paliwanag ng prinsesa.
Na tahimik naman ako sa sinabi nito. Kaya ko ba ito? O aatras na lang ako? Kaso, minsan na lang ang oportunidad na ito. Hindi ko na alam kung kailan pa ulit ito dadating at kung may dadating man talaga.
"Kaya mo ba?" Sabay-sabay na tanong nila. Napatingin naman ako sa kanilang lahat at nakita ko ang mga nag-aalalang mukha nito.
"Sa katunayan niyan ay hindi ko alam kung kaya ko ba talaga o hindi." Sabi ko, "Ngunit minsan na lang ang oportunidad na ganito kung kaya ay dapat kakayanin ko."
Nagkatinginan ang tatlo at sabay-sabay na tumango. Labis naman ang aking pagtataka na sabay-sabay na lumangoy ang mga ito papunta sa gitna ng hardin at hinawakan ang kamay ng isa't-isa. Sabay-sabay nilang ipinikit ang kanilang mga mata at kasabay nito ang pagbukas ng isang portal.
"Tara na, kung handa ka na talaga." Sabi ni Rosa at nauna ng lumangoy papasok sa portal na iyon, sumunod naman ang dalawa.
Lumapit ako rito at huminga muna ng malalim bago lumangoy papasok sa loob ng portal na ito. Dumaan lamang ako sa isang mahabang pasilyo at nang makarating ako sa dulo nito na may liwanag ay nakita ko ang tatlo na naka-harap sa isang mukhang buhawi dito sa ilalim ng dagat.
"Bubukas ang pasukan ng Daloy ng Enerhiya sa tuwing papatak ang alas dos ng umaga. Sa oras na iyon ay dapat kang pumasok na walang pag-aalinlangan at doon na magsisimula ang iyong pag-eensayo. " Sabi ni Prinsesa Atari at ngumiti sa akin.
Sakto naman ang pagtunog ng isang napaka-lakas na kampana mula sa malayo at sabay-sabay kami na palingon sa buhawi na ito na bumukas ang gitna.
"Sakto,"sabi ni Trista, "Alas Dos na."
Tumango lamang ako at lumingon sa kanila, "Salamat sa inyo." Sabi ko at lumangoy na papunta sa pinto ng buhawi.
"Bumalik ka!"
"Hihintayin ka namin sa palasyo!"
Hindi na ako nag-abala pa na sagutin ang mga ito sapagkat kasabay ng pagpasok ko sa loob ng buhawi ay ang pagsara naman ng pinto nito.
Ngayon ay ano na ang gagawin ko?
Lumangoy lamang ako ng lumangoy papaitaas ngunit parang mas lalo ako nawawalan ng hininga.
Parang isang napaka-taas na gusala ang loob ng buhawi. May marami itong palapag na kung saan sa tingin ko ay pwede kang mag-meditate.
Tumigil lamang ako sa ikatlong palapag sapagkat hindi ko na kinaya.
Umupo na ako sa sahig at kasabay nito ang pagkawala ng aking buntot.
Ang galing!
Ipinikit ko na ang aking mga mata at huminga ng malalim. Hinayaan ko lang ang sarili ko na lamunin ang mabigat na enerhiya na naka-palibot sa akin at ginamit ito upang dumaloy sa buong katawan ko.
Ilang sandali pa ay bigla na naman umitim ang aking paligid, at lumitaw sa akin ang bola na gawa sa mga lubid na may iba't-ibang kulay.
Ano ba ito? Bakit nandito na naman ang bagay na ito sa aking harapan?
Hindi kaya ay ito ang unang pagsubok upang mapunta ako sa susunod na stage? Ngunit paano ko naman ito tatapusin? Ano ba ang dapat kong gawin?
Umikot ako sa buong bola at tinignan ang kabuuan nito. May kung anong kulay sa gitna at hindi ko alam kung ano 'yon.
Baka iyon ang magiging daan upang mapunta ako sa susunod na stage, kung kaya ay dapat ko itong kunin.
Teka.
Kailangan ko ng konsentrasyon.
Isip ko lang ito ngayon, ay itong bola na gawa sa lubid ay gawa rin lang ng isip ko. upang makuha ko ang nasa loob nito ay dapat ko matanggal ang mga lubid, gamit ang isipan ko!
Lumayo ako sa bola at ipinikit ang aking mga mata. Hinayaan ko na isipin ang mga lubid na unti-unting natatanggal at nawawala. Itinaas ko ang aking kamay at ito iwinagaywaya na parang tinatanggal ko ang isang lubid na nakatali sa isang bagay.
Ganoon lamang ang ginawa ko sa loob ng ilang oras hanggang sa lumitaw ang kulay asul na bato sa ibabaw nito.
Iminulat ko ang aking mga mata at halos hindi mawala ang aking mga ngiti ng makita ko ang napaka-gandang kristal.
Kinuha ko ang kristal at kasabay no'n ay ang pagmulat ko ng aking mga mata. Napatingin naman ako sa aking kamay na hawak-hawak ang kristal na iyon.
Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin dito. May tubig ito sa loob ngunit para saan?
Hinaplos ko ang katawan ng kristal at kusa na lang itong bumukas. Umalis ito sa aking kamay at pumunta sa ibabaw ng aking ulo.
Unti-unting nabu-buo ang isang patak ng tubig mula sa loob. Para saan itong patak na 'to? Dapat ko ba ito inumin o ano?
Ibinuka ko na lang ang aking bibig at hinayaan itong pumatak. Nilunok ko ang tubig at ilang sandali pa ay ramdam ko ang init sa katawan ko. Isang matinding init at parang lumalabas ang mga kapangyarihan ko sa katawan. Hindi ko alam kung anong nangyayari sa akin at parang feeling ko lumalakas ako.
"Ah!" Sigaw ko at kasabay nito ang pag-ilaw ng aking buong katawan.
"Stage 2."
Naka-ngiting sabi ko at tinignan ang aking mga braso na patuloy na umuusok dahil nasa ikalawang stage na ako.
"Buti na lang at kaya ko." Bulong ko.
Bigla naman umilaw sa aking harapan at pagkatapos nito ay ang pagbukas ng isang pinto. Ano na naman 'to? Panibagong pagsubok na naman ba? Hindi ba at sabi ni Sister Mayeth sa akin ay pwede na kong bumalik sa aming lugar kapag nasa susunod na stage na ako?
Tumayo na lamang ako sa pagkaka-upo at pumasok sa pinto. Bahala na nga kung ano na ang mangyayari.
Rinig na rinig ko ang pagbagsak ng tubig mula sa aking likuran. Ang huni ng hayop sa aking paligid at ilang ingay mula sa iba't-ibang hayop, ngunit ang mas magandang narinig ko ay ang tinig na mula sa taong kilala ko.
"Ilang araw na siyang nandiyan?" Tanong ni Sister Jai.
"Pangalawang araw pa lang niya, Sister Jai. Noong unang subok ko noon ay umabot ako ng dalawang linggo kaya magpahinga lang po muna kayo." Tugon ni Sister Mayeth.
Sa tagal ko sa loob ng mundo na iyon ay ikalawang araw ko pa lang simula noong nagsimula ako rito? Impossible naman na ganoon na lang ka bilis 'yong pagpunta ko sa susunod na stage.
Matanong nga si Sister mamaya. Unti-unti kong minulat ang aking mga mata at nakita silang naka-upo pa rin sa tela na kung saan inilatag ni Sister Mayeth bago ako nagsimula sa pag-eensayo. Nakatalikod lamang ang mga ito sa akin at sa tingin ko ay ginagabayan ni Sister Mayeth si Sister Jai na umupo.
"Dalawang araw lang po ako nawala?" Tanong ko rito.