Started

2222 Words
ILANG araw ang lumipas.   Ang araw na nakalagay sa flyers ay dumating na at maagang nagising si Saint noon. Ang kanyang papa ay nakabalik na uli sa Manila at nagpaalam siya sa kanyang lola na siya ay may pupuntahan lamang. Pinayagan naman siya ng matanda at sinabihang mag-iingat.   Alas siyete ng umaga, ito ang oras nang mapatingin siya sa kanyang orasan sa mobile phone. Lumabas na siya ng gate at nakatingin naman sa kanya ang dalagang si Leona na nagpaalam din sa kanyang mama na siya ay may pupuntahan din.   “Saan ka mapunta Saint?” nakangiting tanong ni Leona na maayos na nakasalapid ang buhok habang nakasuot ng plain white shirt at black pants.   Hindi sumagot si Saint at mabilis na pumara ng tricycle nang may dadaan sa tapat nila.   Huminto iyon at isa na lang ang kulang dahil tatlo na pala ang pasahero nito. Napasulyap tuloy ang binata sa dalaga at dito na siya nagsalita.   “Sumakay ka na, ayaw ko nang maingay,” winika ni Saint at doon na siya sinamaan ng tingin ng dalaga. Sumakay na si Leona at napasulyap pa siya sa binata na nakatingin sa sunod na tricycle na daraan.   “Ako’y napupuno na sa iyo Saint! Kung ‘di nga laang ikaw ay anak ng lola ay baka napagsalitaan na kita!” winika na lang ng dalaga sa kanyang isip at ikinalma na ang kanyang sarili at bumuntong-hininga.   “Bakit kasi hindi na lang si Clyde ang kasama nina tito?” Binuksan niya ang dala niyang bag at tiningnan ang isang flyer na ibinigay sa kanya ng isang lalaki nang siya ay bumili sa sentro noong isang araw.   Nakarating naman si Saint sa lugar na nakalagay sa flyer. Nakita niya ang isang building at may nakalagay na driving school sa harapan nito. Napasulyap pa nga siya sa papel niyang hawak at ito nga ang venue na nakasulat dito.   May mga sasakyang naka-park sa labas ng building at sa pagpasok sa loob ay napansin niyang hinahanapan ng guard ang mga napasok dito ng kung anong flyer.   Ito ay ang flyer na kanyang nakita. Mabuti na lang pala raw at itinago niya iyon, kung hindi, ay baka hindi siya makakapasok sa loob. Tatlumpong minuto pa naman bago ang oras na nakalagay sa papel. Naisipan nga muna niyang bumili ng yosi at pumunta siya sa gilid ng isang magarang sasakyan para doon manigarilyo.   Kalmado siyang bumubuga ng usok sa hangin nang marinig niya ang pagbukas ng isang magandang kotse sa kanyang likuran.   “Yes Sir! We were ready for the beta testing.”   “Yes Sir! We will pick 20 persons based on their scores.”   “Ten from the gamers side and the other ten was from the non-gamers side.”   “Yes sir! The gears and the machines were ready to use in each room in this building. We already maintained a good power source and we are already make the site secured for 7 days.”   “Copy sir! The top 10 highest from the gamers side, and the top 10 lowest scorers from the non-gamers side.”   Ilang sandali pa ay nakarinig si Saint ng pagsara sa pinto ng isang sasakyan. Nilingon niya iyon at nakita niya ang isang lalaking nakasuot ng pormal na kasuotan. Naka-shades ito at sa pagpasok niya sa loob ng building ay kaagad itong binati ng guard na nakabantay roon.   Bumuga muli ng usok si Saint sa hangin at itinira na lamang niya ang upos ng yosi niyang hawak. Narinig niya ang sinasabi ng lalaki at napaisip siya kung bakit may non-gamers side? Nag-isip siya ng mga posibilidad at isa pang nagpapaisip sa kanya ay ang kukuhanin ay ang makakakuha ng mababang puntos sa side na iyon.   “Beta testing. Gears. Machine? Legit ba ang Virtual Reality na larong gagawin ninyo?” Naglakad na siya nang nakapamulsa papunta sa entrance ng building. Nang makarating siya sa harapan ng guard ay dito na niya kinuha ang flyer na nasa kanyang bulsa.   “Gamer ka ba?” Ito ang tanong ng guard sa kanya na ikinatingin niya rito.   “Hindi po,” sagot ni Saint at dito na siya pinalampas ng guard. Itinuro siya nito na lumapit sa babaeng nakasuot ng pula sa may lobby.   “Good morning sir! Welcome po sa ating one week gaming workshop,” bati sa kanya ng babaeng nasa edad trenta. Sinamahan siya nito papunta sa isang silid at naroon ang ilang nakaputi ng suot na lalaki. Parang mga doktor ang mga ito dahil sa nasa leeg nitong stethoscope. Bahagyang nagulat si Saint nang paupuin siya sa isang upuan doon.   “Sir, iche-check ko lang if physically okay ang katawan ninyo.”   Napalunok ng laway si Saint dahil medyo payat siya at parang hindi kumakain. Makalipas ang ilang tests, mula sa blood pressure, pati sa mata at sa t***k ng puso ay sinabi ng doktor na okay raw siya.   “Isama mo na siya sa room, nagsisimula na ang exam ng mga non-gamers,” ito naman ang winika ng isang lalaking naka-pormal ng kasuotan. Hindi maaring magkamali si Saint, ito ay ang lalaking may kausap sa phone kanina.   “Sige po sir! Tara na sir sa kabilang room,” ani naman sa kanya ng babaeng naghatid sa kanya rito.   Pasimple pang nagmasid si Saint sa loob. Wala naman siyang napansing kakaiba, maliban sa workshop na ito. Pagdating niya sa loob ay napatingin kaagad sa kanya ang mga nauna sa kanya na nakaupo na at nagsasagot sa papel.   Agad na pinaupo si Saint sa dulo at isang lalaki ang lumapit sa kanya ang nagbigay ng limang pahinang papel. Isang blangko, at sinabing doon daw ilalagay ang sagot. May isang oras para magsagot pero kung matatapos ito nang mas maaga ay mabuti raw.   Seryosong tiningnan ni Saint ang mga papel at pinag-aralan ang mga tanong roon. Kagaya lang ito ng exam sa school at kung hindi siya nagkakamali ay nakakuha na rin siya ng kahawigin nito noong high school siya. Critical thinking at general knowledge ang key para makasagot ng tama rito. Kaso, alam ni Saint na ang sampung pinakamababa ang mapipili kaya naman sinimulan na niyang magsagot at ang nasa isip niya habang ginagawa ito ay ang mapunta sa pinakamababang puntos.   Binasta niya ang pagsasagot at matapos ang kalahating oras ay natapos siya at ipinasa ang papel sa nagbabantay. Nang makapagsagot ang lahat ay sinabi ng bantay na maghintay lang sila ng ilang minuto dahil checheck-an nila ang kanilang mga sagot.   Nasa apatnapu ang nasa non-gamers at dahil shading ang paraan ng pagsasagot ay isang machine ang nag-check nito. Makalipas ang sampung minuto ay bumalik ang bantay na dala ang isang papel.   “Hawak ko na ang results ng exam ninyo. Nais ko nga palang sabihin sa inyo na hindi lahat ay makakapag-workshop. Dahil sampu lang sa inyo ang papayagan dahil sa limitadong slots.”   Nang marinig iyon ng karamihan ay nagulat sila. Wala kasing nakalagay sa flyers na ganoon.   “E paano po iyon sir? Sayang naman pagpunta namin dito? Nagastusan pa po kami,” tanong ng isa na nagtaas ng kamay bago iyon itanong.   “Don’t worry para sa hindi mapipili. Bibigyan namin kayo ng pamasahe pauwi,” nakangiting winika ng bantay at mabilis nitong naialis ang mga hinaing ng mga naroon.   Nagsimula na niyang tawagin ang sampung pangalang napili at kada tawag sa mga ito ay tinatawag kaagad ito ng isang lalaking nasa may pintuan para ituro ang sunod na silid na pupuntahan.   Una ngang natawag ay si Saint at mabilis siyang tumayo at dumiretso sa pinto ng silid. Ni hindi na niya pinansin ang mga nasa loob. Ang isip niya ay nakapokus lang sa kung ano bang mayroon sa workshop na ito. Alam niyang hindi lang ito basta workshop gaya ng iniisip ng mga kasama niya sa silid na iyon nang sandaling iyon.   Isang silid nga ang kanyang pinasukan at pagdating niya rito ay sinalubong siya ng isang babaeng nakapormal na puti ang suot. Inihatid siya nito sa higaan at napansin niya ang isang tila panlagay sa mata na kahawig ng suot ng isa sa napanood niya sa X-men na si Cyclops. May wirings din na nakalagay roon at konektado sa isang makina na tila katulad ng isang Computer CPU. Nakita rin niya ang isang swero sa tabi ng higaan at maya-maya pa ay nagsalita na nga ang babae.   “Gusto ko lang sabihin sa iyo na ang gaming workshop ay hindi rito magaganap. Interesado ka ba na makapunta sa isang lugar gamit ang iyong senses?” Kasunod noon ay ipinakita ng babae sa kanya ang mga napansin niyang gadget at makina sa loob. Dito na nito ipinaliwanag ang nagagawa nito.   “Ito ang Virtual Reality Game at nagawa ito ng aming gaming company na nakabase sa Japan.”   “Wala namang mawawala sa pagsubok dito. Sa oras na nasa loob ka na, makakarating ka sa mundo ng APWHAEM.”   “Pitong araw ka sa loob ng game, pero katumbas iyon ng isang taon doon. Hindi ba maganda iyon?” nakangiting tanong ng babae.   Si Saint ay seryosong nakikinig. Ibig-sabihin nito ay hindi siya makakauwi ng isang linggo sa kanyang lola. Naisipan nga niyang itanong kung pwedeng magpaalam muna siya sa kanyang lola dahil baka raw ito ay mag-alala. Pinayagan naman siya ng babae, at pagkatapos ay humiga na si Saint sa higaan.   Kung tutuusin ay hindi naman niya kailangang makinig pa sa babaeng ito dahil gusto talaga niyang masubukan ang larong ito. Isang laro na hindi niya alam na nag-e-exist na sa panahong ito. May kutob rin siyang hindi lang sasampu o dadalawampu ang papasok dito. May hinala siyang marami pa sila, dahil isa itong Beta Testing at kadalasan ay maraming manlalaro ang sumusubok sa ganito.   Isinuot na niya ang Head Gear at madilim naging vision niya. Wala siyang makita, at hindi niya akalaing makakaramdam siya ng excitement nang oras na iyon. “Kung totoo man ang technology na ito... Sige! Lalaruin ko ito!”   “Ready ka na?” tanong ng babae na may mga switch na pinindot sa CPU. Nawala na rin ng pandinig si Saint sa paligid matapos iyon, dahil na rin sa nakalagay sa kanyang may tainga.   Unti-unting nagliwanag ang kanyang vision sa loob at isang voice command ang kanyang narinig.   “Link Start!” winika ng boses na iyon na tila robot. Kasunod noon ay ang pagkabigla ni Saint dahil naglaho ang pandama niya sa higaan at parang nahulog ang kanyang katawan sa kung saan.   Bumagsak siya sa isang lugar na puro transparent screens. Nang imulat niya ang kanyang mga mata ay mabilis siyang napatayo dahil wala siyang kaide-ideya kung nasaan siya.   “Ito na ba ang game?” tanong niya sa sarili na kasalukuyang pinagmamasdan ang mga kamay niya na parang walang ipinagbago. Wala nga lang siyang suot na anumang damit nang oras na iyon.   “Welcome to APWHAEM Online!” Isang maliit na boses ang kanyang narinig sa kanyang harapan. Mula iyon sa isang maliit na robot na puti na kasakukuyang lumulutang sa kanyang harapan.   “I-ito na ba ang game?” bulalas ni Saint at nagliwanag ang bilog na mata ng robot.   “Language: Filipino. Activated.”   “Ito na nga, at hinihiling ko na sabihin mo sa akin ang iyong In-game Name na nais gamitin sa larong ito.”   Napakuyom ng kamao si Saint nang marinig iyon. Ito na nga talaga iyon, ang virtual reality! Wala na siya sa loob ng silid na pinagdalhan sa kanya. Wala siyang ibang naririnig at nakikita kundi ang mundo ng larong ito.   Dito na nga niya sinabi ang kanyang IGN na palagi niyang ginagamit noon pa man. Tinanggap naman iyon ng robot at pagkatapos ay nilagyan siya nito ng mga kasuotan na masasabing simple lamang. Isang kulay brown na tshirt at itim na pantalon. May isang maliit na pouch din ang umikot sa kanyang baywang at pagkatapos ay isang tsinelas ang sumapin sa kanyang mga paa.   “Ngayon, ihanda mo na ang iyong sarili dahil dadalhin na kita kung saan magsisimula ang iyong paglalaro...”   “Ang lugar na kung tawagin ay Terra!” Pagkasabi noon ng robot ay nahulog si Saint sa tila kumunoy na bagay at nang imulat niya ang kanyang mga mata ay tumambad sa kanya ang isang malawak na sementadong lugar na may mataas at malaking fountain sa gitna.   Sa paglitaw niya roon ay kasunod din nito ay ang paglitaw ng iba pang mga kasama niyang maglalaro nito.   “Ang mga ito ang mga nakakuha ng pinakamababang puntos sa exam ng mga non-gamers. Ano kaya ang dahilan at kumuha sila ng mga maglalaro na hindi naman marurunong? At bakit iyong mga low scorers?” tanong ni Saint sa sarili na kasalukuyang humihinga nang malalim sa paligid. Parang isang normal na lugar lang itong kagaya ng nasa tunay na mundo. Hindi siya makapaniwalang may nakagawa na ng ganitong klase ng game.   Marami pa siyang nais malaman sa larong ito. Marami siyang tanong at gusto niya itong masagot sa pamamagitan ng paglalaro nito. Ano ang goal ng game na ito? Ano ang dapat gawin? Alam niyang may objective dito at interesado siyang matuklasan iyon. Ano ang mangyayari sa kanya kapag siya ay namatay rito?   “Isang game na blangko ako sa impormasyon? Ayos ito, ito talaga ang game na gusto ko!” bulalas ni Saint at nagsimula na siyang maglakad papunta sa kung saan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD