HINDI akalain ni Naomi na pagkalipas ng labinlimang taon ay malalagay sa alanganin ang buhay niya.
Masakit ang ulo na iminulat niya ang mata. Wala pa siya sa sarili na iniikot ang paningin sa paligid. Where am I?
Mahigpit ang mga lubid na pumipigil sa dalawa niyang kamay na nasa likuran. May telang nakabusal sa kanyang bibig. Madilim ang sasakyan na kinaroroonan niya at tanging panaka-nakang liwanag lang mula sa ilaw ng magkakahiwalay na poste ang nasisilayan niya. Hindi niya masino ang lalaking nagmamaneho para dalhin siya sa kung saan.
Inisip niyang mabuti kung ano ang mga huling naganap sa kanya nitong mga nakalipas na oras. Naalala niya na naroon siya sa Andres Pediatric Cancer Foundation na naroon sa Nasugbu, Batangas. She donated her one-year earnings sa organisasyon. Nakipagsayawan at kantahan siya sa mga bata dahil kailangan niyang kumilos para hindi siya dalawin ng kanyang antok o sleep episode.
Makalipas ang dalawang oras na pagtitipon, hindi niya rin napigil ang sarili. Nagpaalam siya kay Laiza, ang kanyang assistant at kaibigan na matutulog na muna. Nakakita siya ng malambot na couch malapit sa entrada ng gusali ng Andres Pediatric at mabilis pa sa segundo na nakatulog siya roon, kinain ng dilim ang buong diwa niya at ngayon nga ay narito na siya sa loob ng sasakyan. She was kidnapped!
Fifteen years ago, she was diagnosed as a narcoleptic patient after a series of tests. Noong una ay head trauma lang, ‘tapos ay narcolepsy—a rare case. She couldn’t help to sleep sa kahit anong oras sa maghapon. Kailangan niyang kumilos nang kumilos at mag-isip para hindi siya dalawin ng antok. Hindi naman naging hadlang ang kanyang sakit para tapusin na niya ang buhay niya noon. Kinupkop siya ng kanyang Lolo Isko, kaya sa buong buhay niya ay naroon lang siya sa ancestral home nila sa Calauag, Quezon. Doon lumaki at nakapagtapos ng pag-aaral. Kasama niya ito, hanggang sa binawi rin sa kanya ilang buwan na ang nakalipas.
Nagbalik lang sa pagbabaliktanaw si Naomi nang magmenor ang sinasakyan niya sa pier. May mga malalaking barko at kung anong mga sasakyang pandagat sa kanyang kaliwa. Madilim ang kanan na bahagi na may nakaparadang mga container truck.
Huminto ang sasakyan nila ilang metro ang layo sa isang pick-up. May lalaki na nakasumbrero rin ang naghihintay sa tabi nito. Kakaunti lang ang liwanag dahil may kalayuan ang poste ng ilaw sa kanila. Ilang metro rin ang layo ng tanggapan ng pier kung saan mas maliwanag.
Bumaba ang driver at hinila siya papalabas. Naiiyak siya sa kahihinatnan ng buhay niya sa kung ano ang plano nito sa kanya. Nagawa niya itong sipain sa tuhod dahil hindi naman nakatali ang mga binti niya ngunit hindi rin naman ito natinag.
“Pucha!” pagmumura nito. Naiinis na hinawakan siya nito sa braso at pilit na inilabas sa kotse.
Anong gagawin n’yo sa’kin? Maawa kayo! Panay lang ang pagluha niya habang pilit siyang hinihila ng lalaki patungo sa pick-up na halatang kanina pa naghihintay. Nais niyang sumigaw at humingi ng tulong ngunit hindi niya magawa dahil sa telang pumipigil sa kanyang bibig.
“Bakit ang tagal mo?!” inis na tanong ng lalaki, hindi niya maaninag ang mukha nito.
“Pucha! Para kang babae kung magreklamo, ah. Ang mahalaga nakarating at nakasunod ako sa utos!”
Pinasadahan siya ng malisyosong tingin ng lalaki “Ang ganda n’yan, ah! Sayang naman!”
Lalong naiyak si Naomi at nais na magtago sa mga mata nito. Nilingon niya ang tahimik na dagat. Tumakbo na lang kaya siya roon kahit hindi siya marunong lumangoy? Kaysa naman ang mauwi siya sa kamay ng dalawang lalaki.
“Gag*! Pwede bang pera muna natin ang isipin mo bago ‘yang kamanyakan mo?! Ibaba na ‘yang lata para sa magandang binibini!” hindi niya alam kung ipagpapasalamat niya ang bagay na iyon.
Hindi na nagsalita pa ang isa pang lalaki. Naiinis na ibinaba nito ang mabigat na bilog na container—gawa iyon sa aluminum, apat na talampakan ang taas at maluwag ang pagkabilog nito. Panay ang iyak ni Naomi, sigurado siya na ilalagay siya ng mga damuhong ito sa loob ng container na iyon na parang sardinas.
Umingit pa ang container matapos na pagtulungan na maibaba ng dalawang lalaki. Matapos mapansin na naroon ang atensyon ng mga ito, walang pagdadalawang-isip na tinakbo niya ang dagat, makaalis lang sa lugar na iyon.
“Pucha! Habulin mo!”
Nagtatambulan ang dibdib niya dahil sa kaba at takot ngunit mas nais niyang makaalis mula sa kamay ng mga ito. Napaigtad na lang siya nang hawakan siya sa braso ng driver kanina. Umimpit ng iyak si Naomi. Hinawakan siya nito sa baywang at saka binitbit pabalik sa tabi ng pick-up kahit pa kumakawag siya ng protesta. Diretso na ipinasok siya nito sa loob ng bilog na lalagyan.
“Putragis talaga! Huwag mo kaming pahirapan!” singhal nito sa kanya. “Huwag kang mag-alala dahil sa dagat din naman ang punta mo mamaya!”
Biglang umalingawngaw ang tunog ng telepono ng lalaking may-ari ng pick-up. Narinig niya lang ang mga sinabi nito na, “Narito na... walang problema... maayos ang trabaho.”
Hindi niya tuloy maiwasang itanong kung sino ang nais gumawa sa kanya ng kapahamakan. Wala siyang natatandaan na matinding atraso sa kung kanino. Puwera na lang sa mga tao sa opisina na isa-isa niyang nahuhuli na nagnanakaw ng pera sa kumpanya—mula sa staff hanggang sa supervisor.
“Umupo ka d’yan sa loob at isasara ko na ito!” saad naman sa kanya ng nagdala sa kanya roon.
“Pare, kailangan ko nang bumalik. May bagong utos si boss,” saad ng lalaki matapos kausapin ang tinutukoy nitong boss sa telepono.
“Upo!” pasigaw na utos sa kanya ng lalaki. Natatakot na ibinaluktot ni Naomi ang sarili at umupo sa loob ng container. Panay ang iyak niya hanggang sa wala na siyang maaninag dahil inilapat na sa bagay na iyon ang takip. She heard a sound of locking the big can.
Hindi niya alam kung ano ang mga susunod na mangyayari sa kanya. Ganito ba ang ginagawa sa mga nawawalang nilalang at natatagpuan sa dagat? Kailangan ba niyang magpasalamat dahil kahit papaano ay hindi siya inilublob sa semento? Kung ano-ano ang tumatakbo sa isipan niya hanggang sa maramdaman niya ang paggalaw ng container. Inihiga ang bagay na iyon, ‘tapos ay halos gumulong ang katawan niya sa loob na halatang inaabante iyon ng lalaki patungo sa kung saan—siguradong patungo sa dagat.
Hindi nagtagal ay huminto ang container. Nakarinig siya ng mga pagkaluskos sa labas at tila may nag-aaway. Pawis na pawis na siya at halos hindi na siya makahinga dahil halos walang hangin na pumapasok sa kinalalagyan niya. Kinakain din ang diwa niya ng antok dahil sa sobrang dilim.
Hindi na niya namalayan kung ilang minuto ang nagtagal bago tuluyan na nabuksan ang takip nito. Para siyang nabuhayan ng loob matapos makalanghap muli ng hangin. Nakasisilaw na flashlight mula sa cellphone ang tumutok sa kanyang pisngi.
“You’re safe,” coming from a man who has a modulated voice. Tinulungan siya nitong lumabas sa loob ng container. Nakita niya ang lalaki na nagdala sa kanya roon na kumakawag sa dagat, wala na roon ang pickup.
Inilapag ng lalaking tagapagligtas ang cellphone sa tabi, tumutok sa mukha nito ang ilaw ng flashlight kaya napag-aralan niya ang mukha ng lalaki habang tinanggal nito sa pagkakatali ang tela na nasa bibig niya. Makapal ang kilay nito, umaabot sa batok ang alon-alon na buhok, he has deep set of eyes, may katangusan ang ilong at sakto ang hugis ng labi.
It was as if she was dreaming. Iginuguhit niya sa isipan ang kanyang tagapagligtas. Lumalabo ang mga pagkilos nito sa kanyang paligid at unti-unti na siyang nanghihina. Hindi na nakakilos pa si Naomi at tuluyan na siyang nawalan ng malay.
Isang puting kisame ang bumungad sa kanyang mga mata. Matinding kumikirot ang ulo niya kaya nasapo niya iyon. Amoy niya ang gamot na bumabalot sa paligid kaya alam niyang nasa ospital siya.
“Oh my god, Naomi!” nag-aalalang wika ni Laiza.
Nilingon niya ito na nasa tabi ng puting hospital bed. Pinilit niyang umupo habang mahigpit na hawak ang noo.
“A-are you, okay?”
Inalala niyang muli ang mga huling nangyari sa kanya. Mabilis naman na pumasok ang mukha ng kanyang magiting na tagapagligtas matapos na maalala na muntik na siyang mamatay.
Nilingon niya si Laiza. “What happened?”
Mabilis siya nitong niyakap. “Oh! I’m sorry, Naomi. Nagpunta lang ako ng palikuran, pagbalik ko sa couch ay wala ka na ro’n. Ang akala ko ay baka nakipaglaro ka ulit sa mga bata. Nalaman ko lang na nawawala ka after two hours. May bata palang nakakita na bitbit ka daw ng isang lalaki, do’n na ‘ko kinabahan. ‘Tapos may lalaking nagreport sa pulis kung ano ang mga nangyari sa’yo, natagpuan ka daw niya sa pier. Eksakto naman na nagreport na rin ako dahil nga nawawala ka, napagalitan pa nila ‘ko dahil wala ka pa raw twenty-four hours na nawawala.”
Kung gano’n ay hindi ‘yon panaginip, sabi niya sa sarili.
Panay ang iyak ni Laiza. Tipid na ngiti lang ang ginawa niya at saka ito niyakap. Ang mahalaga ay ligtas siya. Lumilipad ang isip niya sa lalaki, malaki ang pasasalamat niya rito dahil pinahaba nito ang buhay niya.
Hindi rin naman niya maiwasan na isipin, sino ang taong nais na pumatay sa kanya?