"Bakit niya gagawin iyon, Pa? Masyado naman yata siyang concerned kay Darcy."
Napatingin ako kay Kuya Dennis. Siya kasi ang naglahad ng katanungan na nasa isipan ko.
"Iyan nga rin ang hindi ko maintindihan. Parang masyado niyang inilalapit ang sarili niya sa atin samantalang hindi naman tayo konektado sa isa't isa maliban sa empleyado ako sa munisipyo kung saan boss ang mga kapatid niya. Ni hindi tayo magkakamag-anak."
Mahina ang naging pagsabi ni Papa sa huling pangungusap ngunit pareho naman naming narinig iyon ni Kuya.
"Pakiramdam ko ay pinagseselosan niya ako. Sa tingin ko ay may gusto siya kay Carla."
Ako ang naging sentro ng atensiyon nilang dalawa dahil sa sinabi ko.
"At dahil ako ang boyfriend ni Carla kaya pati sa akin ay interesado siya. Sinabi pa nga niya sa akin noong minsan na pinaimbestigahan niya ako," dagdag ko pa.
"Pwede. Pwede iyang sinasabi mo," pagsang-ayon ni Papa ngunit kontra naman si Kuya Dennis.
"Darcy, kung kay Carla siya interesado, eh 'di dapat siya ang ihinahatid nito. O kaya ay ang mga magulang niya ang kinausap nito tungkol sa ginawa ninyo."
May punto si Kuya.
"At anong ibig mong sabihin, Dennis? Na sa kapatid mo interesado si Attorney?" magkadikit na magkadikit ang mga kilay na tanong ni Papa.
"Hindi malabo, Pa. Hindi ba at ang Gobernador ay may karelasyong lalaki? Oh, eh 'di like father, like son. Maaaring bakla rin iyong si Attorney at si Darcy ang kursunada niya," mahina ang boses na sabi ni Kuya na tila ba may ibang tao na makaririnig sa sinabi niya.
Nagtatakang napatingin ako kay Kuya at pagkatapos kay Papa na nag-iwas ng tingin sa akin.
"Ano ba ang pinagsasabi mo, Dennis? Nagpapaniwala ka sa mga tsismis, kalalaki mong tao!" panenermon niya.
"Pa, hindi tsismis iyon dahil nakita mismo ng dalawang malalaki kong mga mata na naghalikan iyong si Gob at iyong teenager. Imposible namang anak iyon sa labas dahil Koryanong-koryano ang itsura. At isa pa, may mag-ama ba na naghahalikan sa lips? 'Di ba nga at may usap-usapan pa na matagal nang hindi nagsasama sa iisang bubong si Gob at ang asawa niya na balita ring may lover na. Kaya sigurado ako na lover ni Gob iyong ka-date niya noong makita ko sila."
"Dennis, masyado kang maraming alam!" naiinis na singhal ni Papa sa kanya.
"Pa, naninigurado lang ako. Bunso kong kapatid si Darcy kaya concerned din ako sa kanya. Alam naman natin may tendency din siyang magkagusto sa lalaki pero sana naman ay hindi sa pamilyang iyon."
"Dennis!" saway ni Papa.
"Bakit, Kuya? Totoo rin ba ang bali-balita na killer sila?" kabado kong tanong.
"Dahil gagawin nila ang lahat makuha lang ang gusto nila, Darcy. Ilang babae na ba ang na-involve sa mag-aama na iyon? At nasaan na sila ngayon? Hindi ba at karamihan sa kanila ay hindi na nakikita ngayon pwera na lang sa mga naanakan nila?"
"Kuya, wala akong kakilala sa mga iyon dahil hindi naman ako interesado sa pamilya nila."
"Kaya nga ngayon ay sinasabi ko na sa'yo. Mag-ingat ka dahil hindi lang natin alam pero baka tama ako na sa'yo interesado ang attorney na iyon at hindi sa nobya mo."
Saglit kaming natahimik na tatlo.
"Pa, paano kung totoo ang sinasabi ni Kuya Dennis? Ano ang gagawin ko? Paano ko siya iiwasan?" natatakot kong tanong.
Umiling-iling si Papa.
"Huwag na muna nating isipin ang bagay na iyan, Darcy dahil baka puro sapatha lang iyan ng Kuya mo. Maaaring tinatakot ka lang."
Tumayo na si Kuya Dennis.
"Basta ako, nag-warning na sa inyo. Pwede nyong balewalain pero pwede nyo ring paghandaan."
"Paanong paghandaan ang sinasabi mo, Dennis?" tanong ni Papa.
"Kapag nasigurado na nating kursunada talaga ni Attorney iyang si Darcy, ialis na natin siya sa bayang ito. Sigurado ako na Hindi siya titigilan ng Simon na iyon hanggang hindi niya nakukuha ang gusto niya sa kapatid ko."
Iyon ang huling sinabi ni Kuya bago niya kami iniwan ni Papa.
"Pa, natatakot ako," sumbong ko ngunit inilingan lang ako ni Papa.
"Huwag mong masyadong pinaniniwalaan ang pananakot ng Kuya mo sa'yo dahil imposible ang sinasabi niya. Imposible. Matulog ka na."
Tumayo na rin si Papa at nagpunta na sa kuwarto nila ni Mama. Naiwan akong natatakot para sa sarili ko. Ngunit ang hindi ko maintindihan ay may kasamang excitement ang takot kong iyon.
...
Sabado ngayon ngunit maaga akong nagising dahil sa date namin ni Carla. Magka-text kami kagabi at nagpaplano kung saan Kami mamamasyal bago kami daraan sa pinuntahan naming lugar noong isang araw. Katatapos ko lang magbihis nang katukin ako ni Papa sa kuwarto.
"May bisita ka," kaagad nitong sabi nang pagbuksan ko siya ng pintuan.
Nagdikit ang mga kilay ko dahil tila siya pinagbagsakan ng langit dahil sa itsura ng mukha niyang walang kangiti-ngiti.
"Sino, Pa? May lakad ako ngayon," pagrereklamo ko.
Malakas muna siyang bumuntonghininga bago ako sinagot.
"Si Attorney Simon."
Napipilan ako at napalunok. Bakit? Bakit siya naririto?
"Pa..."
"Babain mo na siya, Darcy. Ayokong mapahiya tayo sa kanya."
Mabilis akong iniwan ni Papa. Pakiramdam ko naman ay binalot ang buong katawan ko ng yelo dahil halos manginig pa ako sa pagkakatayo.
Pumasok ulit ako sa loob ng kuwarto at saka pabalik-balik na naglakad upang alisin ang biglang pagginaw ng pakiramdam ko.
"Paano ba ito?" naiinis na kinakabahan kong tanong sa aking sarili. Napatingin ako sa orasan. Mali-late na ako sa pagsundo ko kay Carla dahil sa bwisita namin kahit na sabihin pang isa siyang importanteng tao sa probinsiya namin. Siguro ay magso-sorry lang siya dahil sa ginawa niyang pagsusumbong sa akin kay Mama. Tama. Baka ganon nga.
Mabilis na akong lumabas sa kuwarto at bumaba sa first floor ng bahay kung saan naghihintay ang aking bisita.
"Good morning po, Attorney," bati ko sa kanya na may simpleng ngiti. Nakaka-starstruck siya kaya naman dumoble ang kaba ko. Napatingin ako sa mga shopping bags na nasa tabi niya.
"Hello, Darcy," bati niya pabalik kaya muli akong napatingin sa kanya. Tumango Ako at saka naupo sa katapat niyang upuan.
"Nagdala ako ng meryenda para sa pamilya mo." Itinuro niya ang isang box ng mamahaling pizza na ngayon ko lang napansin.
"Itong mga shopping bags naman ay para sa'yo." Tumingin siya sa mga shopping bags bago nakangiting bumaling sa akin.
"Bakit po?" hindi ko napigilang tanong.
"Anong bakit? Tinatanong mo ba kung bakit kita binilhan ng mga ito? O tinatanong mo kung bakit ako naririto ngayon?"
"Pareho po," magalang ko pa ring sagot kahit na sinisipa ng kaba ang dibdib ko.
Ngumiti siyang muli bago ako tinitigan na nagpa-concious sa akin.
"Well... Hindi ba at sinabi kong interesado ako sa'yo?" panimula niya at nagpalunok sa akin.
"Gusto ko sanang mas makilala pa kita kaya ipinagpaalam na kita sa mga magulang mo kanina. Gusto kitang ipasyal para mas makilala pa natin ang isa't isa."
Ilang beses muna akong lumunok bago nagkalakas ng loob na magsalita.
"May... May lakad po kasi ako ngayon, Attorney. Magkikita po kami ni..."
"Ng girlfriend mo?" Siya na ang tumapos sa sasabihin ko kaya tumango ako.
"Hindi ba at umabsent na kayo noong nakaraan para sa date ninyo?" Nawala ang ngiti niya kaya lalo akong kinabahan.
"Girlfriend ko po siya kaya..."
"I don't share, Darcy," mababa ang tono na muli niyang pagputol sa sinasabi ko. Mas lalo siya nakakatakot dahil sa sobrang seryoso ng mukha niya ngayon.
"Po?" Naninigas na ang mga daliri ko kaya itinikom ko ang mga kamay ko.
"I said, I hate sharing. I like you. No, I want you, Darcy Monte. And I intend to take you as mine. At dahil nauna ang girlfriend mo sa'yo kaya tanging pagsusumbong lang ang ginawa ko. Ngunit sa susunod, hindi ko maipapangako na iyon lang ang makakaya kong gawin," pagbabanta niya na may nakakatakot na ngiti.
"Siguro naman ay may nakapagsabi na sa'yo na lahat ng gusto naming Simon ay nakukuha namin."
Nagsimulang maglakbay ng mga mata niya sa mukha ko kaya naman nag-iwas ako ng tingin sa kanya.
"Pero hindi po kita gusto," buong tapang kong sabi sa kanya kahit hindi ko siya tinitignan.
"Ayoko pong makipagrelasyon sa kapwa ko lalaki kahit na..."
"Bakit hindi mo ako bigyan ng chance na baguhin ang isipan mo, Darcy?"
Sa pagkakataong iyon ay napatingin na ako sa kanya.
"Isang araw lang. Ngayon lang. Kung ayaw mo talaga ay titigil ako. Hindi ko na kayo guguluhin ng girlfriend mo. Pangako ko iyan sa'yo." Nangingislap ang mga matang sabi niya.
Muli akong napalunok. Muntik pa akong mapatalon nang biglang tumunog ang cellphone ko. Sabay kaming napatingin ni Attorney roon at nakitang si Carla ang tumatawag. Bago ko pa maabot iyon ay nasa tabi ko na si Attorney at nakaakbay na siya sa akin.
Halos manginig ako nang pumisil sa balikat ko ang kamay niya.
"C'mon, Darcy. Ibigay mo na sa akin ang araw na ito. Kapag naman ayaw mo talaga ay hindi ako mamimilit," malambing ang boses na bulong niya sa akin.
Literal na talaga akong nanginig nang tumama sa likod ng tenga ko ang mainit na hininga niya.
Namamawis ang kamay na inabot ko ang cellphone ko. Halos Hindi ko pa mapindot ang accept call button dahil nanghihina pati ang daliri ko.
"H--hello, Carla..."