“BABE, I WILL fetch you later, okay? Huwag masyadong mainitin ang ulo. Sayang ang ganda mo,” sabi ni Gael mula sa linya at kausap niya ang kaniyang kasintahang si Brittany.
“Okay. But sumunod ka naman sa napag-usapan. You know me, Gael. Ayaw ko ng pinaghihintay,” sagot ni Brittany.
“I know. But I can’t control the traffi—”
Napabuntonghininga na lang siya nang binabaan na naman siya ng tawag ng kaniyang kasintahan. Hindi niya alam kung bakit ganoon ang ugali nito. Palagi na lang siyang natataranta dahil dito. Mahal niya ito kaya natatakot siya na madismaya ito sa kaniya. At bilang kasintahan nito, ginagawa niya ang lahat ng mga gusto nito kahit kaaway na niya ang oras sa kaniyang trabaho.
Dalawang taon ang agwat niya sa kaniyang kasintahan kaya magtatapos pa lang ito sa kolehiyo habang siya ay nagtatrabaho na sa kumpanya nila. Nasa isang opisina lang sila ng ama niya para makita niya rito kung paano magpatakbo ng kumpanya. Sinanay na siya nito nang maaga para kung bumaba na ito sa puwesto ay puwede na agad siyang pumalit dito.
Sa totoo lang, masaya siya sa pamilya niya dahil suportado ito sa kaniya. Nakikita niya na gusto ng mga ito si Brittany para sa kaniya. Hindi niya rin naman masisisi ang mga ito dahil hindi lang basta maganda ang kasintahan niya kung hindi anak din ito ng isa sa pinakamakapangyarihan sa bansa.
“Sir Gael,” sambit ng sekretarya niya.
Napalingon siya rito. “Bakit?”
“Pwede ba akong mag-half time mamaya? May lagnat kasi ang anak ko. Ayaw raw kumain at hinahanap ako. Hindi na ako mapapakali rito,” sabi nito.
“May sakit naman pala ang anak mo. Bakit pumasok ka pa? Sige na, umuwi ka na ngayon. Ako na ang bahala rito,” nakangiti na sabi niya.
“Sir, seryoso?” Hindi ito makapaniwala sa narinig.
“Mukha ba akong nagbibiro? Kilala mo ako,” aniya.
Napangiti ito sa sinabi niya. “Sir, salamat talaga. Babawi lang ako bukas. God bless sa iyo.”
Nakangiting tumango lang siya rito kaya naghahanda na ito sa mga kagamitan nito. Nang natapos, nagpaalam na ito at tuluyan ng umalis.
Minuto ang lumipas, dumating na ang ama niya sa opisina nila. Nagdala ito ng kape at ibinigay sa kaniya. Napangiti siya sa katotohanang mahal talaga siya nito.
“Ang lapad ng ngiti mo, Son,” sabi ni Windel, ang ama niya.
“I’m just happy, Dad. You did not change. Kahit malaki na ako, you are still sweet to me. As a man who wants to be a father soon, it means a lot to me. May inspirasyon na ako at ikaw iyon,” sabi niya rito.
“My pleasure, Son. Hanggang sa sinusunod mo kami ng ina mo, walang magiging problema sa atin. Basta ang siguraduhin mo, si Brittany na ang babaeng papakasalan mo. Wala ka ng makikitang katulad niya,” sabi nito.
“Oo naman. She is the one, Dad.”
“Good job, Son. You have a good taste. Mabuting namana mo iyan sa akin.”
Napangiti na lang siya at hindi na sumagot pa. Ang ginawa niya, nagpokus na lang siya sa kaniyang trabaho para maaga siyang matapos. Sisiguraduhin niyang sa pagkakataong iyon, hindi na siya mahuli sa pagsundo sa kaniyang kasintahan para hindi na ito mainis sa kaniya.
•••
HAPON NA AT papapunta na siya sa dating unibersidad kung saan nag-aaral din doon ang kaniyang kasintahan. Habang nagmamaneho, hindi niya mapigilan na manginig ang mga kamay. Natatakot lang siya nang sunod-sunod na ang ipinadalang mensahe ng kaniyang kasintahan. Hindi pa nga niya nabasa ang mga iyon pero labis na ang pangamba na kaniyang nararamdaman.
Tiningnan niya ang oras ng kaniyang relo at nahuli na pala siya ng mga limang minuto. Napabuntonghininga na siya. Ang sigurado siya ay nagliliyab na naman ito sa galit.
Pagdating niya sa tapat ng gate ng dating unibersidad, nakita na niya ang kaniyang kasintahan kasama ang matalik na kaibigan nitong si Freya. Katulad ng nakasanayan, hindi na maipinta ang mukha ng kaniyang kasintahan. Hindi rin halata na labis na ang galit nito sa kaniya.
Pagbaba niya ng bintana sa kaniyang sasakyan, bigla itong bumalik sa loob ng gate ng unibersidad. Nagmamadaling siyang lumabas at hinabol ito. Pero nang nasa tapat na siya ng gate, pinagbawalan siyang pumasok ng guard dahil sa utos nito. Nagpupumilit siya sa guard pero sinunod lang ng mga ito ang utos ng amo ng mga ito. Anak lang naman si Brittany ng may-ari ng unibersidad na pinapasukan nito.
“G-Gael,” sambit ni Freya.
Napalingon siya nang marinig ang boses ni Freya. Muntikan na niyang nakalimutan ang presensiya nito. Iniwan pala ito ng kaniyang kasintahan.
Lumapit ito sa kaniya. “Ako na ang bahala. Hintayin mo lang siya rito.”
Napabuntonghininga siya. “Salamat talaga, Freya. Pasensiya na rin, ha? Ikaw na lang ang palaging naiipit sa sitwasyon namin dalawa.”
Napangiti ito sa kaniyang sinabi. “Walang anuman. Sanay na ako. Mahal ka ng best friend ko. Iyon nga lang, mainitin ang ulo.”
Tinapik niya ito. “Kaya nga. Pero may tiwala ako sa iyo. In Freya I trust.”
Napangiti lang ito at agad ng bumalik sa loob para sundan ang kaniyang kasintahan. Minuto ang lumipas, napahawak siya sa dibdib at nakaramdam ng kasaganaan nang makita ang kasintahan kasama ang kaibigan nito. Katulad nang dati, ito ang palaging gumagawa ng paraan para magkaayos sila.
Tiningnan niya si Freya. Hindi man siya nagsalita pero alam niya na alam nito na nagpapasalamat siya sa pamamagitan ng kaniyang mga titig. Napangiti ito at sinenyasan siya na lapitan ang kaniyang kasintahan.
Pagdating niya sa tapat ni Brittany, hinawakan niya ang mukha nito at marahan na hinaplos. Pagkatapos, inalayan niya ito ng halik sa noo. Habang nakadikit ang labi niya sa noo ng kasintahan, napalingon siya kay Freya at nasaksihan niyang kinikilig ito sa kanilang dalawa. Namumula ang mukha nito habang pinipigilan ang ngiti nito. Bilang kasintahan ng kaibigan nito, masaya siya na may kaibigan ang kaniyang kasintahan na sa simula pa lang ay grabe na ang suporta sa kanila.
Tatlong baitang siya noon sa kolehiyo nang makilala si Freya. Ipinakilala ito ni Brittany sa kaniya noong unang araw nito sa kolehiyo. Sa totoo lang, hindi niya inaasahan na makipagkaibigan ang kaniyang kasintahan sa isang katulad nito. Wala siyang masamang tinapay rito pero makikita niya sa panglabas na kaanyuan nito na anak ito ng isang simpleng pamilya. Hindi lang siya nasanay na magkaroon ng ganoong kaibigan ang kaniyang kasintahan. Ang nakasanayan niyang makita na mga kaibigan nito ay katulad din sa ugali nito. Para sa kaniya, ibang-iba si Freya sa mga ito. Unang araw pa lang na nakilala niya ito, masasabi niya na mabait itong babae. Masaya naman siya sa katotohanang tama nga siya sa unang impresiyon niya rito. Masasabi niya rin na maganda itong impluwensiya sa kaniyang kasintahan.
Bumuwag na siya sa paghalik sa noo ng kaniyang kasintahan kaya nagawa na niyang tinitigan ito. Habang seryosong nakatitig dito, hindi niya maitanggi na ang suwerte niya na magkaroon ng isang napakagandang kasintahan. Iyon nga lang ay may tanging hiling siya sa Diyos. Sana man lang kahit kunti ay magbago na ang ugali nito. May kamalayan siya na iba talaga ang ugali nito. Ang kaniyang gusto, kahit kalahati lang ng ugali ni Freya ay makuha nito. Para sa kaniya, masaya siguro kung ganoon iyon. Nangangarap din naman siya na magkaroon ng kasintahan na maunawain sa kaniyang sitwasyon.
“Sorry, Gael. You already know me, pinaalala ko na iyon sa iyo araw-araw,” sabi ni Brittany.
“Bri, may palagi rin akong pinapaalala sa iyo,” pagsali ni Freya sa usapan nila.
Napalingon siya rito...
“Sorry,” sagot ni Brittany.
“Ako ba ang dapat na makarinig niyan? Mahal ka ni Gael, okay? Lahat ng gusto mo ay ginagawa niya at saksi ako roon. May mga pagkakataon talagang nahuhuli siya dahil abala siya sa trabaho. May ginagawa siya at hindi madali iyon. At isa pa, hindi lang naman niya ginagawa iyon dahil para sa sarili niya. Para iyon sa pamilya niya at sa iyo sa hinaharap. Kung ako ikaw, dapat maging grateful ka pa dahil meron kang isang katulad niya,” sabi ni Freya.
Napangiti siya sa sinabi nito kaya ibinaling na niya ang tingin sa kaniyang kasintahan. Sa pagkakataong iyon, nahuli niyang nakataas lang ang kilay nito. Sa isipan niya, natamaan na naman ang ego nito.
“Kayo na lang kaya ang mag-boyfriend? Nagmamagaling ka, e!” sagot ni Brittany sabay lingon sa kaibigan. “Napaka-understanding mo sigurong girlfriend.”
Napabuntonghininga si Freya. “At wala ba talagang pagbabago riyan ugali mo, Bri? Ayaw mo ba talagang pagsabihan? Maling-mali ka na at kaibigan mo ako. Gusto ko lang na maging patas ka sa boyfriend mo. Napaka-unfair mo sa kaniya. Sarili mo lang ang iniisip mo.”
“Shut up!” sigaw ni Brittany. Napikon na ito sa sinabi ng kaibigan.
“Brittany!” sigaw ni Gael. Naiinis na siya rito.
Napalingon ito sa kaniya sabay alay nang malutong sampal sa kaniya. “Wala kang karapatan na sigawan ako!”
“Bri!” sigaw ni Freya. Tumaas na rin ang boses nito.
“Diyan na kayo at ’wag ninyo akong sugtan!” sigaw ni Brittany sabay alis patungo muli sa loob ng unibersidad.
Sa kaniyang inis, hinawakan niya ang kamay ni Freya para ito na lang sana ang kaniyang ihahatid. Pero agad din silang napabitaw sa isa’t isa nang may parang tumusok sa mga kamay nila.
“A-Ano iyon?” sabay na tanong nilang dalawa.
“Ewan ko,” sagot sabi ni Gael. Napabuntonghininga siya. “Sorry, ha? Nadamay ka pa.”
“Sorry rin kasi nakisali ako na hindi naman dapat.”
Hinawakan niya ang balikat nito. “Thank you for defending me a while ago. It means a lot to me. At least alam ko na may isang tao na nakikita ang effort ko for my woman.”
Napangiti ito. “Babalik na ako sa loob? Kakausapin ko lang si Bri. Alam ko na hindi niya ako matitiis.”
“Pero paano ako?”
Napangiti ito. “Hindi ko maipapangako na magiging okay siya. Pero kung may tiwala ka sa akin, pwede rin na maghintay ka.”
Sa kaniyang tuwa, ginulo niya ang buhok nito. Pagkatapos, tinapik niya ito. Magsasalita pa sana siya pero hindi niya na natuloy nang nagsimula ng humakbang ito.
Nang nakita niyang may pulang likido na tumulo mula sa binti nito ay awtomatikong napatakbo siya patungo rito. Agad niyang tinanggal ang suot na americano at tinali iyon sa bewang nito. Pinatigil niya ito sa paglalakad.
“Sa sasakyan na muna tayo. May tagos ka,” bulong niya sa kaibigan ng kasintahan.
~~~