-1-

3829 Words
"Kiko, anak? Kumusta na ang niluluto mo?" Ang narinig kong sigaw ni Inay mula sa labas ng bahay. "Malapit na ho ito, Inay." Ang sagot ko naman dito. Abala ito sa pagwawalis ng aming bakuran habang si Itay naman ay nagsisibak ng kahoy na aming ginagamit bilang panggatong sa aming mga lutuin. Samantalang ako ay nagluluto ng aming ulam na magsisilbing baon namin para sa mamayang pananghalian. Ginisang kangkong ito na mayroong tokwa at sabaw na oyster sauce. Papunta kasi kami ng aming palayan ngayong araw upang magtanim. Kakailanganin namin ng sapat na pagkain para sa maghapon naming pagtatrabaho. "S'ya, pagkatapos mo riyan ay maligo ka na nang maaga tayong makaalis patungo sa palayan." "Opo, 'Nay!" Sumalok ako ng kaunting sabaw gamit ang hawak kong sandok at inihipan muna iyon bago tikman ang lasa. Mabuti na lamang at napakasarap nito. Paniguradong matutuwa na naman sina Itay sa luto ko. Tinanggal ko na mula sa pugon ang kawali pati na ang mga panggatong na hindi tuluyang natupok ng apoy upang magamit pa sa susunod. "Tapos na ho ako, inay!" Sambit ko habang nililigpit ang kaunting mga kalat sa aming munting kusina. "S'ya, maligo ka na nang maaga tayong makaalis." "Sige ho." Kumuha muna ako ng tuwalya sa aming kwarto bago dumiretso sa banyo upang maligo. Alas-sais pa lamang ng umaga. Ang mga kapatid ko ay mahimbing pang natutulog sa aming kwarto. Ngunit kailangan naming agahan ang pag-alis dahil may kalayuan ang palayan na aming pupuntahan. Isa pa ay pangunahing kalaban namin ang araw. Bago pa ito tumirik ay kailangang nakapagtanim na kami dahil mahirap maglagay ng mga punla habang nakabilad sa matinding sikat nito. Sinimulan ko nang buhusan ng tubig ang aking sarili gamit ang tabo. Sobrang lamig ngunit nasanay na ang katawan kong maagang naliligo. Mula sa araw-araw kong pagpasok sa paaralan, hanggang sa tuwing pupunta kami ng palayan o kaya'y pagsama ko sa haciendang pinagtatrabahuan ni Itay tuwing Sabado o Linggo. Parte na ng aking buhay ang pagligo nang pagkaaga-aga. Ako nga pala si Kiko, disi-siyete anyos at kasalukuyang nasa ikahuling baitang ng hayskul. Kristoffer ang tunay kong pangalan ngunit mula pagkabata ay nasanay na akong Kiko ang tawag sa akin ng aking pamilya at ilang kakilala. Medyo patpatin ako. Hindi kasi ako mahilig kumain. Hindi dahil sa nag-iinarte ako sa pagkain na meron kami, nasanay lang akong hindi na kumakain minsan. Lalo na kapag walang pera at pagkain na naiuuwi ang aking mga magulang, wala kaming ibang nagagawa kundi ang magpalipas ng gutom. Ngunit madalang lang naman iyon mangyari dahil parehong masisipag sina Inay at Itay. May mga araw lang talagang hindi kami dinadalaw ng swerte. Hindi ako masyadong matangkad sa taas na 5'6. Katunayan ay marami akong mga kaklase at kamag-aral na nasa edad ko na mas matatangkad. Maging ang aking nakababatang kapatid ay ilang pulgada ring mas matangkad kesa sa akin. Kayumanggi ang aking kutis at medyo maalon ang buhok at bilugan ang mga mata. Hindi naman sa pagmamayabang pero may mga nagsasabing may hitsura daw ako na mabilis ko namang hindi sinasang-ayunan. Parati kasi akong naikukumpara sa aking ama at nakababatang kapatid. Aminado naman akong mas pogi ang dalawang iyon kesa sa akin nang ilang milya kaya hindi ko na lamang dinidibdib iyon. Sa aking ina kasi ako nagmana at hindi ko nakuha ang pagiging sobrang magandang lalake ng aking ama. Simple lamang din ako kung manamit at mahiyain ako sa ibang tao, lalo na kung hindi ko kakilala. Ngunit sa klase ay nakakapag-adjust naman ako. Hindi ulit sa pagbubuhat ng bangko ngunit kasali ako sa honor roll ng aming section. Naniniwala kasi akong ang edukasyon ang susi sa kahirapan, paniniwalang palaging pinapaalala ng aking mga magulang. Iyon lamang ang hinihingi nilang kapalit sa pagpapalaki nila sa akin nang maayos kaya nais ko iyong tuparin. Pagkatapos kong maligo ay sumunod na magkasabay na pumasok sa banyo sina Inay at Itay. Napangiti na lamang ako habang naririnig ko ang mga tawanan at hiyawan ng mga ito sa loob. Kahit ilang taon nang kasal ang aking mga magulang ay nanatili pa ring matatag ang kanilang pagmamahalan. Minsan ay nagkakaroon ng hindi pagkakaintindihan ngunit kaagad rin naman nila iyong naso-solusyunan at hindi na pinapaabot pa sa puntong lumala ito. Ni minsan ay hindi ko narinig na nagsigawan ang mga ito o nag-away nang husto. Tuwing may hindi pagkakaunawaan ay hindi lamang nila pinapansin ang isa't-isa. Minsan nga ay daig pa ng mga ito ang magkasintahang tinedyer kung magsuyuan. Nang maihanda ko na ang aming mga dadalhin patungong palayan ay sakto naman ang paglabas nina Inay at Itay mula sa kanilang kwarto. Nakabihis na ang mga ito ng aming sinusuot tuwing magtatanim. Lumang t-shirt bilang panloob, salakot at long sleeves na panangga sa sikat ng araw, lumang jogging pants, at bota - iyan ang karaniwang suot sa pagtatanim ng palay. "Ayos na ba ang lahat?" Banggit ni Itay sabay buhat sa aming mga dadalhin. "Naayos ko na ho, 'Tay." Tugon ko naman at binitbit na rin ang aking dadalhin sa mahabang paglalakad. "Tara na at nang maaga tayong makauwi mamaya." Sambit ni Inay at nagsimula na kaming kumilos. Bago kami lumabas ng bahay ay ginising muna ng aking ina ang nakababata kong kapatid na si Kevin upang ipaalam dito na aalis na kami. Binigyan niya rin ito ng kaunting pera sakaling may kailanganin ito. May nakalagay na gulay naman sa kusina kaya hindi na problema ang uulamin nila mamayang tanghalian. "S'ya, aalis na kami. Bantayan mo nang maigi si Karl, ha?" Bilin ni Inay sa aking kapatid. Si Karl ay ang limang-taong gulang naming bunso. "Opo, Inay. Ingat ho kayong tatlo." Paalam ni Kevin sa amin habang kinukusot-kusot pa ang kaliwang mata at halatang nilalabanan ang antok. "Sige, ingat rin kayo rito." At nagsimula na silang maglakad ni Itay. "Nakasabit sa dingding sa kusina 'yung pandesal. Mayroon ding kape dun. Bantayan mo nang mabuti si Karl, ah?" Ang huli kong habilin kay Kevin bago magsimulang lumakad. "Ingat kayo, Kuya!" Tinanguan ko na lamang ito at binilisan ko na ang paglalakad upang makahabol sa aking mga magulang. Sobrang bilis talaga ng mga itong maglakad. Palibhasa'y sanay na sanay na sa ganitong gawain. Ako kasi ay halos ilang taon pa lamang mula noong una akong tumulong sa pagtatanim ng palay kaya medyo hindi rin ako sanay sa napakahabang lakaran papunta ng aming palayan. Kumpara sa aking mga magulang na mula pagkabata ay ito na ang nakasanayang trabaho. "Kiko, anak, parang bumagal ka yata sa paglalakad, ah. May problema ba?" Panimula ni Itay nang magkasabay na kaming naglalakad. "Wala ho, Itay. May ibinilin lang ako kay Kevin bago umalis." Paliwanag ko rito habang maiging nakatingin sa aming dinaraanan. "Ganun ba? Ang akala ko'y naubusan ka na kaagad ng gasolina, eh." Biro nito. Nagtawanan na lamang kaming dalawa at muli nang binilisan ang paglalakad. Halos ilang metro na rin pala ang layo sa amin ni Inay. Kumpara kasi kay Itay ay mas kaunti lamang ang bitbit nito. Kaunti rin naman ang aking dala ngunit gusto ko lamang makasabay ang aking ama sa paglalakad. Nang sa gayon ay hindi naman ito mabagot. Isa pa ay mabigat ang kanyang mga dala-dala. Baka kailanganin nitong magbawas ng kanyang mga bitbit sa gitna ng daan. Patag lang naman ang aming nilalakaran kaya hindi rin masyadong nakakahapo ngunit nag-aalala pa rin ako sa aking ama. Bitbit nito halos lahat ng aming mabibigat na dala katulad ng water jug na lalagyan ng aming inuming tubig at ang mga kamoteng-kahoy na ibebenta namin mamaya sa bayan bago umuwi ng bahay. "'Tay, ako na ho magdadala n'yan." alok ko sa aking ama at pilit na kinuha ang bitbit nitong supot ng mga kamoteng-kahoy ngunit bigla niya iyong inilayo. "Huwag na, anak." Sambit nito sabay ngiti sa akin. "Pero, 'Tay, hindi ho ba kayo nabibigatan?" Nag-aalalang tugon ko rito. Bigla itong napatawa nang mahina. "Napakabait talaga nitong binata ko." Nagpakawala ito ng isang buntong-hininga habang nakangiti. "Ayos lang ako, anak. Wala lang sa akin ito. Sa laki ba naman ng katawan ng tatay mo, iisipin mong nabibigatan ako? Chicken lang yata sa akin ito!" Pagmamalaki nito sabay tawa na ikinatawa ko na rin lamang. "Akala ko ho kasi..." Medyo nahihiya kong tugon. Bakit ko naman kasi naisip na mahihirapang magbuhat si Itay ng kanyang mga bitbit gayong napaka-maskulado nito. "Ikaw talagang bata ka. Pero salamat, anak. Sobrang napakabait at maalalahanin mo talaga." Sabi nito sabay ngiti. Nagkakaisip pa lamang ako ay manghang-mangha na ako sa ganda ng katawan ng aking ama. Mula noong maliit pa lamang ako hanggang sa aking pagbibinata ay walang pinagbago ang hugis ng kanyang katawan. Napakalaki pa rin nito at napakaganda ng hugis. Trenta y tres anyos pa lamang si Itay kaya naman ay nasa rurok pa rin ito ng pinakamagandang anyo ng kanyang pangangatawan. Kilala rin ito sa bayan simula pa man noong ito'y binata pa lamang. Hindi lang kasi katawan ang panlaban nito. Ipinares pa rito ang ubod ng gwapong mukha. May lahi kasi itong kastila at kilala rin ang aking Lolo dahil sa taglay nitong kakisigan. Anila ay nananalaytay talaga sa aming dugo ang pagkakaroon ng gwapong mukha. Dumating nga sa puntong may biglang sumabunot noon sa aking ina habang kami ay namamalengke. Ang rason? Matinding inggit dahil siya ang napangasawa ni Itay. Iyon ang masamang dulot ng pagkakaroon ng magandang lalakeng asawa para sa aking ina. Ngunit para sa aking ama ay may kalakip na swerte iyon. Tuwing may ibinibenta kasi kami sa bayan ay kaagad nitong napapa-oo ang mga mamimili. Lalong-lalo na ang mga kababaihan at mga miyembro ng ikatlong lahi. Noong una ay nagseselos pa ang aking ina dahil sa gawaing iyon ng aking ama, ngunit kalauna'y natanggap n'ya na lamang ito dahil para sa aming pamilya rin naman ang lahat ng iyon. Nagpatuloy lamang kami sa paglalakad. Kagaya ng nakagawian ay kung anu-ano ang napag-usapan namin ng aking ama habang tinatahak ang daan patungo sa aming palayan. Hanggang sa hindi ko namalayang nakarating na pala kami sa aming destinasyon. Natanaw ko na ang munting kubong ginawa ni Itay noon upang magsilbi naming silungan at pahingahan. Maliit lamang ang kubo ngunit pwede na itong gawing bahay dahil mayroon itong kalan, katre, at maging isang poso sa maliit na bakuran nito. Pumasok na kami sa loob at kaagad akong napaupo sa katre, hingal na hingal dahil sa halos isang oras na paglalakad. "Ayos ka lang ba, anak? Heto, uminom ka muna ng tubig." Nag-aalalang sambit ni Itay sabay alok sa akin ng tubig. "Maraming salamat, 'Tay." Kinuha ko naman iyon at saka ay uminom. Hindi pa ang mahabang paglalakad ang tunay na pakay namin dito ngunit parang lantang gulay na kaagad ako. "Mauna na akong magtanim sa inyong dalawa. Kiko, magpahinga ka muna rito saglit. Sumunod kayong dalawa, ha?" Paalam ni Inay at lumabas na ito ng kubo upang magsimulang magtanim. Naiwan kami ni Itay sa loob. "Sigurado ka bang kaya mo, anak? Pwede namang ipagpaliban mo na lang muna ang pagtatanim ngayong araw kung hindi mo talaga kaya." Bakas pa rin sa tono nito ang pag-aalala. "Ayos lang po talaga ako, Itay. Kaunting pagod lang ito. Mauna na ho muna kayo at susunod na lamang ako." Sagot ko rito sabay ngiti nang pilit. "Sigurado ka, ah?" Muling paninigurado nito. Tumango na lamang ako upang tapusin na ang aming usapan. "S'ya, mauna na rin ako. Sumunod ka na lamang kung sa tingin mo'y kaya mo nang tumayo." Lumapit si Itay sa lagayan ng aming mga damit. May maliit na kabinet kasi rito at may laman itong ilang mga damit pambahay. May kandado rin naman ang kubo tuwing wala kami kaya walang mangangahas na pumasok dito. Pinagmasdan ko na lamang ang aking ama sa ginagawa nito at nanatiling nakaupo sa gilid ng katre. Maya-maya ay bigla na lamang nitong hinubad ang suot na long sleeves at tshirt na bahagya ko namang ikinagulat. "Nabasa kasi ng pawis ang damit ko. Mukhang mas marami tayong dala ngayong araw kumpara noong mga una. Kailangan kong magbihis kundi madali akong mangangamoy." Paliwanag nito. Bumilad ang malaki at napakaganda nitong katawan. Humarap siya sa akin habang nagsusuot ng bago n'yang damit. Napatingin na lamang ako sa aking kanang gawi upang iwasan iyon. Pagkatapos nitong magbihis ay nagpaalam na ito at lumabas na rin ng kubo. Naiwan akong mag-isa. Pinagmasdan ko na lamang ito habang naglalakad palayo. Sa hindi ko alam na kadahilanan ay may naramdaman akong mabilis na pagkabog sa aking dibdib. Nakaramdam din ako ng kaunting init kahit presko ang hangin na pumapasok sa loob. Hindi ko na lamang iyon masyadong inisip at napatayo na. Kahit na medyo nananamlay ako ay kailangan kong tumulong sa pagtatanim. Ano pang silbi ng pagsama ko rito kung magpapahinga lang din naman ako. Lumabas na ako ng kubo at naglakad sa pilapil patungo sa kinaroroonan ng aking mga magulang. Kaagad namang napatigil sa pagtatanim si Itay nang makita ako nito. Kumaway ito na sinuklian ko rin ng pagkaway. Napatawa na lamang ako nang mahina. Minsan talaga ay medyo nagiging isip-bata ito. Kahit disi-syete anyos na ako ay tinuturing pa rin ako nitong parang maliit na bata. Nang makalapit na ako sa kanila ay itinuro na ni Inay ang kinalalagyan ng mga punla. Kumuha ako ng isang bigkis at saka ay lumusong sa putikan. Pumwesto ako malapit kay Itay. Nagsimula na akong maglagay ng mga punla sa putikan. Kung ikukumpara sa aking mga magulang ay masasabi mong baguhan pa lamang ako. Mabilis ang paggalaw ng mga ito samantalang ako ay hindi ganoon kaliksi. Isa rin sa mga dahilan na nagpapabagal sa aking pagtatanim ay ang putik na mahigpit na kumakapit sa aking bota. Nahihirapan akong iangat ito tuwing sa ibang parte naman ako maglalagay ng punla. "Ayos ka na ba, anak?" Ang bigla kong narinig na boses ng aking ama. Kaagad akong napatingin dito at ngayon ko lang napansing magkaharap na pala kami sa pagtatanim. "Ayos lang ho ako, Itay." Sagot ko habang patuloy sa paglalagay ng mga punla sa putikan. "Mabuti naman." Matapos iyon ay wala na kaming kibuan. Pare-pareho kaming naghahabol ng oras dahil kailangan naming maubos ang lahat ng punla ngayong araw. Karaniwang isang beses kada linggo lamang kasi kami nagpupunta rito kaya importante ang bawat oras na narito kami. Isa pa ay hindi rin naman ganoon kalawak ang aming taniman ng palay. Pamana ng mga magulang ni Itay ang maliit na lupaing ito. Ayon sa kanya ay nagmula pa ito sa aming mga ninuno at kahit kailan ay hindi n'ya ito kayang ibenta. Kaya napagdesisyunan niyang ipagpatuloy na lamang ang pagtatanim ng palay na nasimulan pa ng kanyang Lolo't lola. Nabanggit n'ya rin kamakailan lamang na sa akin n'ya ipapamana ang lupang ito at nais n'yang hindi ko rin ito ibenta at ipamana na lamang din sa aking magiging anak. Dahil doon ay napagtanto kong importante para sa aking ama ang lupang ito. Makalipas ang halos tatlong oras na pagtatanim ay napuno rin namin ng punla ang aming palayan. Wala ring punlang natira at kung mayroon man ay 'yung mga hindi ito malusog at hindi na pwedeng itanim. Titik na tirik na ang araw at nagmamadali kaming sumilong sa maliit na kubo. Kaagad naming hinubad ang doble-doble naming kasuotan at itinira ang aming mga lumang tshirt at pantalon. Katulad ng inaasahan ay hapong-hapo ako samantalang parang wala lamang nangyari sa aking ama't ina maliban sa pinagpapawisan din ang mga ito. Lumapit sa akin si Inay at pinunasan ang aking likod gamit ang bimpo. "Itong batang talaga, oo. Mag-iilang taon ka na rito, hindi ka pa rin nagbabago. Ang bilis mo pa ring mapagod. Samantala si Kevin, naku, kahit pinapaakyat ko pa sa puno ng niyog pagkatapos magtanim ay talaga namang hindi nauubusan ng enerhiya." Napayuko na lamang ako dahil sa sinabing iyon ng aking ina. Minsan kasi ay salitan kasi kami ni Kevin sa pagsama rito sa palayan tuwing katapusan ng linggo. At ako ang nakatokang sumama ngayong araw. "Rowena, alam mo namang hindi sanay sa mabibigat na gawain itong anak natin." Pagtatanggol naman sa akin ni Itay. Napabuntong-hininga na lamang ang aking ina. "Pasensya ka na, anak. Alam ko namang nahihirapan ka talaga sa mga ganitong uri ng gawain. Hayaan mo at pag-college mo ay hindi mo na ito mararanasan. Ang kailangan mo na lamang gawin ay galingan mo sa pag-aaral. Maliwanag ba?" Napangiti ito sa akin. "Opo, 'Nay. Pasensya na ho kayo kung hindi ako kasing-lakas ni Kevin." Sagot ko. "Ayos lang iyon, anak. Hindi mo na kailangang magpalakas ng katawan. Malakas ka naman sa pautakan. Kita mo nga at napakarami mo nang nahakot na medalya sa paaralan." Singit muli ni Itay na nakapagpangiti sa akin. "S'ya, kumain na tayong tatlo at tiyak na mapapanis na ang ulam." Pagputol ni Inay sa usapan. Sabay-sabay kaming kumain ng pananghalian. Hindi na ako masyadong umimik dahil medyo dinamdam ko ang sinabing iyon ng aking ina. 'Di hamak naman kasi na mas lamang sa akin si Kevin sa kahit anong aspeto. Mula sa hitsura, pangangatawan, pagkakaroon ng maraming kaibigan, pagiging aktibo sa sports, at iba pa. Kahit hindi rin ito kasali sa kanilang honor roll ay medyo matataas din naman ang mga nakukuha nitong marka. "O, Kiko, ba't parang ang tahimik mo yata? Ayos ka lang ba?" Napansin ng aking ama ang aking pananahimik. "Ayos lang po ako, Itay." Pagsisinungaling ko rito sabay ngiti. "Magpahinga ka kaagad pagkarating natin sa bahay. Sa palagay ko ay tatrangkasuhin ka yata. Hayaan mo't bibili ako ng gamot mamaya. Mahirap na at baka bigla ka na lamang trangkasuhin." Akmang tatanggihan ko na sana iyon nang biglang magsalita si Inay. "Kiko, magsabi ka kasi ng totoo. Sigurado ka ba talagang ayos ka lang? Baka mamaya wala ka palang trangkaso o ano pa man, edi nagsayang lamang tayo ng pambili ng gamot." "Rowena! Kita mo namang nananamlay ang anak m--" "W-wala ho talaga, 'Nay, 'Tay. Hayaan n'yo na lamang ako. Medyo kulang kasi ako sa tulog dahil sa pagre-review ko kagabi kaya nananamlay ako ngayon. Pero wala naman ho akong nararamdamang masama." Muli kong pagsisinungaling. Ang totoo ay mula pa kanina pagkarating namin dito ay nakaramdam na ako ng hindi maganda. At mas lalo pa itong lumala dahil sa pagbibilad ko sa araw, at siguro, dahil sa ginawang pangungumpara na naman ni Inay sa akin at ng nakababata kong kapatid. "Mabuti naman kung ganu'n. Dalian na lang natin sa pagkain nang makapunta na tayo sa bayan upang ibenta ang mga kamoteng-kahoy at makauwi na ng bahay." Anito at ipinagpatuloy na namin ang aming tanghalian. Biglang namang hinawakan ni Itay ang aking kamay. "Hayaan mo, anak. Bibili pa rin ako ng gamot mo. Hindi natin alam kung tatrangkasuhin ka o hindi. Mabuti nang magsiguro. Sige na, dalian mo na riyan sa pagkain." Ginulo nito ang aking buhok. Napatingin ako sa aking ina at halata sa itsura nito ang pagkadismaya ngunit pinili na lamang nitong manahimik. Nang matapos kaming kumain ay niligpit na namin ang aming mga pinagkainan at hinugusan ang aming mga bota gamit ang poso sa likod. At nang maihanda na namin ang aming mga dala-dala ay ikinandado na ni Itay ang maliit na kubo at umalis na kami roon upang magtungo sa bayan. Mabuti na lamang at medyo malapit lang iyon mula rito kaya ilang minutong lakaran lamang ay naroon na kami. Bitbit pa rin ng aking ama ang isang malaking basket ng kamoteng kahoy na kanyang pasan-pasan sa likuran samantalang dala-dala ko ang timbangan na ginagamit namin sa pagki-kilo at na kay Inay naman ang aming mga baunang pinagkainan at ang walang lamang water jug. Ilang sandali pa ay natanaw na namin ang mga kabahayan. Mas binilisan pa namin ang paglalakad dahil medyo mahapdi pa rin ang sinag ng araw kahit hapon na. Suot pa rin naman namin ang aming damit sa pagtatanim kaya hindi ito masyadong masakit sa balat. Nang marating na namin ang mga kabahayan ay nagsimula nang umingay ang paligid dahil sa mga tao rito. "O, Karlos, nariyan na pala kayo! Halikayo rito at ako'y bibili!" Salubong sa amin ni Aling Nida. Ang tinawag nito ay ang aking ama. "Naku, Aling Nida. Malalaki yata ang mga kamoteng-kahoy namin ngayon. Tiyak na matutuwa kayo rito. Ilang kilo ba ang sa inyo?" Ani Itay habang palapit kami rito. "Isang kilo lang talaga ang badyet namin pero i-dadalawa ko na. Hehe." Tila kinikilig na banggit ng matandang babae. "S'ya, dalawang kilo. Anak, akin na ang timbangan at bumibili si Aling Nida." Iniabot ko naman dito ang pang-kilo. "Naku, habang tumatagal mas lalo yatang pumupogi itong panganay ninyo. Hindi ba ito rin 'yung Valedictorian noong elementarya at junior high?" Biglang sabi ni Aling Nida habang nakatingin sa akin. Kaagad naman akong napayuko dahil sa hiya. "Oho, Aling Nida. Matalino kasi itong panganay namin. Saan pa naman ba magmamana?" Si Inay ang sumagot sabay gulo ng aking buhok. "Napakaswerte talaga ninyong dalawa sa mga anak ninyo, ano. 'Yung isa n'yong mestiso, naku, pagkapogi-poging bata. Kaklase kasi ng bunso ko at madalas kong nakikitang naglalaro ng basketball sa covered court tuwing tanghali. Tapos itong isa naman, sobrang talino. Hindi na ako magtataka kung pati 'yung maliit n'yong bunso eh pinaghalong pogi at matalino." "Naku, Aling Nida. Hindi mo na kami kailangan pang bolahin. Bibigyan ka na namin ng tawad. Singkwenta na lang ang dalawang kilo tutal parati ka namang bumibili sa amin." Sambit ni Itay sa matanda sabay abot dito ng supot ng kamoteng-kahoy. "Naku, hindi naman ako humihingi ng tawad! Pero heto ang bayad. Maraming salamat, huh? Tiyak na bibili ulit ako sa susunod na linggo." Tinanggap na ni Inay ang bayad at inilagay iyon sa maliit nitong lumang pitaka. "Maraming salamat ho, Aling Nida." "Walang anuman. S'ya, mauna na ako at ako'y mamamalengke pa." Umalis na ang matanda at nagpatuloy na kami sa paglilibot. May mga nakikita akong mga kaklase ko o kaya'y kamag-aral. Ngunit imbes na mahiya ay wala lamang iyon sa akin. Bakit ko naman ikakahiya ang aking mga magulang gayong marangal naman kaming nagtatrabaho. Hindi pa man nag-iisang oras ay nalimas na kaagad ang bente kilong kamoteng kahoy na dala-dala ni Itay kanina. Katumbas iyon ng mahigit kalahating sako. At katulad ng inaasahan, puro kababaihan o kaya'y bading ang aming mga suki. Tuwang-tuwa ang mga ito kapag nakikipagbiruan ang aking ama sa kanila. Na sinasabayan na lamang din ng aking ina sa ngalan ng aming kita. Bago kami tuluyang umalis ay bumili muna si Itay ng gamot sa botika habang si Inay naman ay bumili ng tinapay sa panaderya. Pagkatapos ay tinahak na naming muli ang daan pauwi sa aming sitio kung saan naroon ang aming munting bahay. "Aaaaahhh... Sa wakas. Wala na rin akong mabigat na bitbit." Biglang sambit ni Itay habang kami ay naglalakad. Napatingin ako rito at nasaksihan itong inuunat ang malalaking braso. Napatawa na lamang ako nang mahina. Wala na itong ibang bitbit maliban sa pasan-pasan sa likod na malaking basket na walang laman. Samantalang kami ni Inay ay dala-dala ang ginamit naming water jug at mga baunan. Nang makauwi kami ng bahay ay isa-isa kaming naligo at pagkatapos ay pinagsaluhan ang binili ni Inay na tinapay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD