-6-

2466 Words
"Sino ba kasi muna 'yang kaklase mo? Nang masuri ko at baka kung ano pang gawin sa 'yo nun sa bahay nila. Talagang makakatikim sa 'kin 'yun pag nagkataon." "Huwag ka ngang mag-isip ng ganyan. Napakalala mo namang gumawa ng istorya. Mukha namang mabait 'yun si Louis." Inis na sambit ko sa aking kapatid habang naglalakad kami sa malubak na daan patungo sa bahay nina Mang Berto. Kanina pa kasi ito tanong nang tanong tungkol sa aking kaklase na si Louis. Gusto raw nitong personal na makilala upang kilatisin. Hindi na nakakapagtaka dahil maging ang matalik na kaibigan kong si Rey ay kinaibigan din nito noon. Halos lahat din ng mga kaibigan ko ay kakilala niya. Masyado kasing overprotective sa akin kahit pa ako ang mas nakakatanda. Palibhasa'y nagmana kay Itay. "Bilis mong magtiwala. Sabi mo ilang araw pa lang kayong magkaibigan tapos sinasabihan mo na kaagad na 'mabait'? Anong malay mong front act lang pala iyon?" "Aba-aba. May 'front act front act' ka nang nalalaman, ah? Bilisan mo na lamang maglakad nang maaga tayong makapunta sa paaralan." Sambit ko rito. Mabuti na lang at hindi maulan kaya ay tuyo ang aming nilalakaran. Hindi na namin kailangan pang magsuot ng bota at kapote. Kinuha ko na rin ang bag ng bunso naming si Karl na kasalukuyang buhat-buhat ni Kevin nang sa gayon ay mabawasan ang bigat na dinadala nito. Para sa isang limang taong gulang kasi ay masasabing malusog ang aking bunsong kapatid. Katunayan ay ito ang pinakamalaki sa klase nito. Mukhang may isa na namang nagmana kay Itay. "Magandang araw ho, Mang Berto." Bati ko kay Mang Berto nang makarating na kami sa kinaroroonan ng munting kubo nito. "Oh, sakto't katatapos ko lamang magkape. Magandang araw din sa inyo, mga bata." Bati nito pabalik habang may bitbit pang tasa. Tumayo ito mula sa pagkakaupo sa kanilang bakuran at saka ay lumapit sa amin. "Good morning, Mang Robert." Ani Kevin habang ibinababa si Karl. "Good morning, Kevin boy. Mukhang palaki nang palaki yata katawan mo kakabuhat kay Karl, ah." Ani naman ni Mang Berto sabay tapik sa tiyan ng aking kapatid. "Naku, Mang Bert. Hindi lang 'tong si utol nagpapalaki ng katawan ko. Lahat yata kasi ng mabibigat na trabaho sa bahay sa akin nakatoka." "Ganyan talaga, anak. Tanggapin mo na lamang na sa 'yo matotoka ang mga pagbubuhat na gawain dahil sa laki ng katawan mo." "Maniwala ka d'yan, Mang Bert. Minsan nga nagdadabog pa 'yan kapag inuutusan ni Inay, eh." Pambubuking ko rito at napatawa. "Hoy, Kuya. Napaka-sinungaling naman nito, oh." Kunwaring nagtatampo namang sambit ng aking kapatid. Nagtawanan na lamang kami. "Kayong mga bata talaga. S'ya, pasok muna ako sa loob at ako'y magbibihis. Pasok na rin muna kayo at napakalamig dito." Yaya ni Mang Berto sa amin at sabay-sabay kaming pumasok sa bahay nito. "Oh, narito na pala kayo." Salubong sa amin ng asawa ni Mang Berto na si Aling Belinda. "Pasensya na't hindi ko kayo narinig. Nasa likod kasi ako at nagsampay ng mga damit." "Ayos lang po, Aling Belinda. Magandang araw ho sa inyo." Bati ko rito habang nakangiti. Dumiretso na rin si Mang Berto sa loob ng kwarto nilang mag-asawa. "Magandang araw din naman. Tapos na ba kayong mag-almusal? Upo muna kayo." Umupo naman kaming tatlo. "Tapos na ho, Aling Belinda. Maraming salamat." Si Kevin ang sumagot. "Ganun ba? S'ya, maiwan ko na muna kayo at tatapusin ko pa ang aking mga sinasampay. Berto, bilisan mo ang pagkilos riyan at naghihintay ang mga bata!" Sigaw ni Aling Belinda habang naglalakad palayo sa amin. "Mamaya! Kakapasok ko pa lang naman, mahal!" Sagot naman ni Mang Berto. Nagtawanan kaming muli at saka ay tahimik na naupo na lamang sa munting sala habang hinihintay si Mang Berto na magbihis. Napatingin ako sa paligid ng bahay. Halos ganito rin ang ayos ng aming tahanan. Simple at maliit ngunit malinis. Ang mag-asawang Mang Berto at Aling Belinda lamang ang nakatira dito dahil nasa Maynila at nagtatrabaho ang tanging anak ng nga ito na si Kuya Benhur. Kaya siguro parang mga anak na kami kung ituring ng dalawa. Nangungulila ang mga ito sa nag-iisa nilang anak. Ilang minuto pa ay lumabas na rin si Mang Berto mula sa kwarto. Nakabihis na rin ito. "Pasensya na't mukhang napatagal yata ako, mga bata. Hinanap ko pa kasi itong lintik na sinturon." Paghingi nito ng paumanhin. "Naku, Mang Berto. Ayos lang 'yun. Mabuti na nga ring medyo nakapagpahinga kami matapos ang mahabang paglalakad mula sa bahay." Tugon ko rito. "Mabuti naman kung ganoon. S'ya, tara na't baka mahuli pa kayo sa klase." Lumabas na kami ng bahay nina Mang Berto. Inilabas na rin nito ang tricycle na nakaparada sa kanilang munting garahe na yari sa kawayan. Pagkatapos ay sumakay na kami rito at binaybay ang daan patungo sa bayan kung saan naroon ang aming paaralan. Ibinaba muna namin si Karl sa day care center at inihabilin kay Aling Sylvia bago magpatuloy patungo sa mataas na paaralan namin ni Kevin. "Maraming salamat po, Mang Berto. Heto ho ang bayad namin." Sambit ko habang ibinibigay ang aming pamasahe sa matanda. "Maraming salamat, anak. S'ya, mauna na kayo at baka kayo'y ma-late." Banggit naman nito matapos tanggapin ang iniabot ko rito. "Sige ho, salamat po ulit." Ang huling nasabi ko rito at saka ay magkasabay na kaming naglakad ni Kevin papasok ng gate ng paaralan. "Kuya, ipakilala mo na sa 'kin 'yang Louis." Anang aking kapatid sa kalagitnaan ng aming paglalakad. "Sa susunod na lang kapag nagkaroon ng pagkakataon. Mali-late na kaya tayo." Tugon ko naman dito. "Bahala ka, pupunta ako mamayang tanghali sa room n'yo." "Ang kulit mo talaga. Oo na. Basta mamayang uwian, ah? Huwag mong kalilimutan si Karl. Mauna na kayo sa akin dahil baka gabihin pa ako ng uwi." Bilin ko rito. "Oo na. S'ya, nandito na room namin. Bye, Kuya." "Sige. Huwag masyadong magpaka-pilyo." "Psh. Ano ako, bata?" Pumasok na ito sa loob ng kanilang classroom. Naiwan naman akong napangiti. Napakakulit talaga ng batang iyon. Nagpatuloy na ako sa paglalakad hanggang sa nakarating na rin ako ng aming classroom. "Good morning, Kristoffer." Agad na bati sa akin ni Louis hindi pa man ako nakakapasok sa loob. "Good morning, Louis." Bati ko rin dito at naupo na sa aking upuan. Mabuti na lamang at mukhang wala pa rito si Ma'am Jessa. Akala ko pa naman ay late na ako. Kaagad kong binuksan ang aking bag at kinuha ang isang libro. "Grabe ka naman, Kiko. Hindi lang pumasok si Rey nang ilang araw may ipinalit ka na kaagad." Biro ng kaklase kong si Cherry sabay hagalpak ng tawa. "OA naman nitong pandak na 'to. Hindi ba pwedeng makipagkaibigan lang muna sa iba habang wala ang bestfriend mo?" Salo ni Louis rito. "Hoy, Mr. Fuckboy, sinong sinabihan mong pandak?!" Nakapamewang na sagot ni Cherry. "Ssh, manahimik nga kayo. Ang aga-aga, oh." Saway ko sa mga ito at muli nang ipinagpatuloy ang aking binabasang libro. "Ito kasing si pandakaki, eh." Hirit pa ni Louis. "Bleee!! Fuckboy, manyak, kantuteroooo!" Napabuntong-hininga na lamang ako at hinilot ang aking sintido. Ilang sandali pa ay dumating na rin ang aming guro at nagsimula na ang klase. Mabilis lang na lumipas ang mga oras. Hanggang sa sumapit na ang recess. Nakagawian ko nang hindi kumakain ng snacks tuwing recess. Bagkus ay nakaupo lamang ako sa aking upuan at nagbabasa ng libro o notebook kapag ganitong oras. Hindi naman ako mabilis magutom. Isa pa ay nag-iipon din ako ng pera na magagamit ko sa kolehiyo. Kaya ang perang baon ko ay itinatabi ko na lamang muna. Ngunit laking gulat ko nang dalhan ako ni Louis ng cupcake at isang bottled flavored drink. "Hala ka, Louis. Mahal pa yata 'to kesa sa baon ko araw-araw. Pasensya na, hindi ko 'to matatanggap." Pagtatanggi ko rito. 'Di hamak naman kasi na hindi ako makakabili ng ganitong klaseng snack sa pang-araw-araw kong baon. "Tanggapin mo na lang. Hindi ba, magkaibigan na tayo? Bakit nahihiya ka pa rin?" May bahid ng pagtatampo nitong banggit. "Eh kasi..." Napatingin ako sa ibang direksyon. "Kristoffer, nandito ang kapatid mo!" Napalingon ako sa aking kaklase na sumigaw at kaagad na napatayo. "Ang pogi talaga n'yan, 'no? 'Di ba Grade 11 pa lang 'yan? Bakit mukhang nasa kolehiyo na?" "Ang yummy naman ng katawan." "Ang sarap ng kapatid ni Kristoffer." Hindi ko na lang pinansin ang ilang mga sinabi ng aking mga kaklase habang naglalakad ako patungo sa pinto ng aming classroom kung saan naroon si Kevin. "Anong ginagawa mo rito?" Sambit ko rito. "Wala. 'Di ba, sinabi ko sa 'yo kanina na pupunta ako rito?" "Hays. Tinotohanan talaga, eh." "Ako pa ba." "Hello, guys." Biglang banggit ni Louis na basta-basta na lamang na sumulpot sa aming tabi kaya ay nagulat ako. "Kumusta, pre? Ikaw ba si Louis?" Ani naman ng kapatid ko. "Ako nga. Wait, na-kwento na ba ako ni Kristoffer sa 'yo?" "Oo, nagpaalam kasi s'ya tungkol sa pagpunta n'ya mamaya sa bahay ninyo." "O-oh. Hehe. Pumayag naman kayo, 'di ba?" "Oo naman. Maging si Itay ay pumayag din." "That's good to hear." "Louis, pare. Halika nga muna. May sasabihin lang ako sa 'yo. Tayong dalawa lang. Kuya, hiramin ko muna 'tong kaibigan mo, ah?" Biglang hinila ni Kevin si Louis at naglakad ang dalawa palayo ng aming classroom. Naiwan naman akong kinakabahan at nagtataka. Ano naman kaya ang sasabihin nun sa kaklase ko? Hindi ko napigilang mag-alala. ~•~ "A-ANO, Louis..." "Hmm?" Napatingin ako sa kaliwang bahagi ng mesa. Narito kami ngayon sa canteen at kumakain ng pananghalian. Tulad ng inaasahan ay nilibre na naman ako ni Louis ng ulam. Pritong manok ito at hotdog na binili n'ya sa canteen. Sa una ay tinanggihan ko pa iyon ngunit sadyang mapilit ito kaya ay napapayag na lamang ako. "A-ano palang sinabi sa 'yo kanina ng kapatid ko?" Kinakabahan man ay nagawa ko pa ring itanong ang kanina pa bumabagabag sa isip ko. Baka kasi pinagbantaan ito ni Kevin. Sobrang nakakahiya kung ganoon nga ang nangyari. "Ah, 'yun ba? Wala naman. Gusto lang daw makipagkaibigan ng kapatid mo." Sagot nito sabay subo ng pagkain. "'Y-yun lang ba?" Nilunok muna nito ang nginunguya bago muling magsalita. "Tsaka sinabi n'ya rin na bantayan daw kita ng maayos at huwag ipapahamak." "G-ganun ba?" Ang nahihiya kong tugon. Ang kapatid kong iyon talaga. Anong bantayan ang sinasabi nito gayong napakatanda ko na? Isa pa, wala ba itong tiwala kay Louis? Hindi pa ba sapat ang kabaitang ipinapakita ng kaklase ko upang hindi ito pag-isipan ng masama? "'Yun lang naman." "N-naku, pasensya ka na sa kapatid kong iyon, Louis, ah? Ganun talaga 'yun at napaka-overprotective pagdating sa akin at sa bunso kong kapatid." Paliwanag ko rito habang kinakamot ang aking batok. "Naiintindihan ko naman ang kapatid mo. Kahit naman ako, ganun din ang gagawin sakaling pupunta ng ibang bahay ang kapatid ko." Dahil sa sinabi nito ay bigla akong na-curious kung mayroon nga itong kapatid. Hindi kasi namin madalas napag-uusapan ang tungkol sa pamilya nito. "May kapatid ka ba, Louis?" Hindi ko napigilang maitanong. "Wala, eh. Katunayan ay isa akong rainbow baby. Hindi na rin ako nasundan pa." Bigla akong napayuko dahil sa naging sagot nito. Hindi ko inaasahang ganoon pala ang pinagdaanan ng pamilya nito. "P-pasensya na sa tanong ko..." "Kristoffer." Laking gulat ko nang bigla nitong hinawakan ang mga kamay ko. "Pwede bang huwag ka nang mahihiya sa akin? Gusto ko lang talagang makipagkaibigan." Napalunok na lamang ako dahil sa biglaan nitong nabanggit. Bakas din ang matinding sinseridad sa mukha nito. "At saka... Pwede bang 'Kiko' na lang ang itawag ko sa 'yo? Nabanggit kasi kanina ni Kevin na 'yun ang tawag ng mga kapamilya at malalapit mong kaibigan sa 'yo." "Pwedeng-pwede, Louis." Nagagalak ko namang sagot dito. Hindi ako makapaniwalang ganoon pala ito kaseryoso na maging kaibigan ako. "Maraming salamat, Kiko." Isang matamis na ngiti ang iginawad nito sa akin. Tinapos na namin ang aming pananghalian at saka ay bumalik na rin sa aming classroom. Kahit papaano'y nalusaw ang pagkahiya ko rito kanina. Mukhang hindi naman nito dinibdib ang mga sinabi ni Kevin at katunayan ay gusto n'ya raw ding maging kaibigan ang kapatid ko. Nagkamali ako sa unang impresyon ko rito. Dahil sa mga bali-balita tungkol dito ay napaniwala akong masama itong tao. Ngunit kapag makilala mo ito nang lubusan ay masasabi mong napakabait pala nito at napakasaya ring kasama. Sumapit ang hapon at oras na ng uwian. Pinuntahan muna namin si Kevin upang magpaalam na sasama na ako kay Louis patungo sa bahay nito. Muli kong pinaalalahanan ang aking kapatid tungkol kay Karl na sinang-ayunan naman nito. Kaya ay nagtungo na kami ni Louis sa parking area ng aming paaralan. Laking gulat ko nang malaman kong mayroon pala itong kotse. Ang akala ko ay motor lamang ang aming gagamitin kaya bakas sa aking mukha ang matinding pagkagulat. Halos magdadalawang-taon ko na itong kilala ngunit ngayon ko lamang nalaman na mayroon pala itong sasakyan. "Hanep ka talaga, Louis. May kotse ka pala?" Banggit ko habang isinusuot ang seatbelt. "Ngayong taon lang 'to. Regalo sa 'kin ni Mama para sa 18th birthday ko." Sagot nito habang may inaayos sa manibela. Ilang sandali pa ay napansin nitong nahihirapan akong isuot ang seatbelt. Unang beses ko kasing makasakay ng kotse kaya hindi ako pamilyar sa mga ganitong bagay. Kaya naman ay tinulungan ako nito at ito na mismo ang nagkabit nito para sa akin. Dahil doon ay nagkalapit ang aming mga mukha. Sandali pa itong napatigil sa harap ko at napatingin sa aking mata. Ngunit mabilis akong nag-iwas ng tingin at ibinaling iyon sa labas ng bintana. Nagsimula na itong magpaandar ng sasakyan. Hindi ko napigilang ma-excite. First time ko kasi talagang makasakay ng kotse. Napatingin ako sa gawi ni Louis at napansing seryoso itong nagmamaneho. Napakagwapo talaga nito. Kahit na medyo natatakot ako rito noon ay hindi ko maipagkakailang nagagwapuhan ako rito. Lalo na noong unang beses ko pa lamang itong nakita noong nakaraang taon. Napasinghap ako nang bigla itong tumingin sa akin at saka ay ngumiti. Kaya naman ay mabilis kong binawi ang pagtitig ko rito at saka ay napalunok. "Unang beses mo bang sumakay ng kotse?" Tanong nito at halos mapaigtad ako nang bigla nitong hinawakan ang kaliwa kong hita. Marahas akong napalingon dito at nasaksihang nakatingin na itong muli sa daan. Ngunit ang kanang kamay nito ay abala pa rin sa paghimas sa akin. "O-oo, L-louis..." Napahinga ako nang maluwag nang tanggalin na nito ang kamay sa aking hita. "Huwag kang mag-alala. Mula ngayon ay makakasakay ka na parati ng kotse." Pilit na lamang akong napangiti. Hindi ko alam kung ano ang ipinahihiwatig nito sa paghimas nito ng aking hita. Maaaring ginawa lamang n'ya iyon dahil magkaibigan naman kami. Ngunit malaki rin ang posibilidad na nagbibigay ito ng kakaibang motibo. Hindi ko napigilang mas kabahan habang binabaybay namin ang byahe patungo sa bahay nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD