6
Weakness
(A/N: Warning! Rated SPG. Medyo brutal. Bawal sa bata.)
Buong maghapon ay tulala lang ako sa klase namin. Iniisip ko pa rin kung paano ako magkakaroon ng ugnayan kay Ms. Pangil para makausap ko siya. Kung hindi ako gagawa ng paraan ay walang mangyayari. Kung tutunganga lang ako ay patuloy ko lang 'tong poproblemahin.
Paano na ang bakasyon ko?
Nagsimula akong gumupit ng mga papel para sa disenyo ng room namin. Iyon na lang kasi ang pinagawa sa 'kin dahil wala naman akong alam sa tinatawag nilang art. Kung art lang din naman, ang gusto ko ay puro itim. Ang ganda kaya ng kulay itim!
Kaya lang gusto raw nila ng makulay. Masyado raw emo ang puro itim lang. Dahil marami sila at mag-isa lang ako, 'di ko na rin pinilit.
Habang naggugupit ay napapatulala ako. Hindi ko alam pero parang nanghihina na naman ako. Nakita ko ang panginginig ng kamay ko pero hindi ko na lang masyadong pinansin. Tinuon ko na lang ulit ang atensyon sa paggupit.
"Ouch," bulong ko nang magupit ako ng gunting. Tinitigan ko pa ang kulay itim na likidong lumabas doon.
"Okay ka lang, Shawnna? Dahan-dahan naman kasi," tanong ni Brix sabay lapit sa 'kin. Hinawakan niya ang kamay kong nagupit at saka akmang sisipsipin ang dugo ko pero pinigilan ko siya.
"Huwag!" Natigilan pa kami pareho dahil sa inasta ko. "Kadiri ka, Brix!" sigaw ko na lang para hindi niya mapansin ang pagkataranta ko. Isang patak lang ng dugo ko, makakapatay ako ng tao.
"Grabe ka naman sa 'kin, Shawnna. Ikaw na nga tinutulungan," sabi niya. Napanguso pa siya sabay iwas ng tingin.
Nangapa ako ng sasabihin sa kaniya. "Baka kasi maimpeksyon pa ako dahil sa laway mo," sabi ko na ikinatawa ng mga kaklase namin.
Umakto naman siya na parang iiyak at hinawakan ang sariling dibdib. "Sinaktan mo na naman ako! Ano ang akala mo sa laway ko, laway ng mga demonyo?" tanong niya. Tumawa pa ang buong klase ngunit nanatiling seryoso ang mukha ko.
Para akong tinulis sa kinauupuan ko dahil doon. Agad akong lumabas ng room dahil naramdaman ko na naman ang kakaibang pag-ikot ng sikmura ko.
Bakit laging demonyo ang halimbawa nila? Alam kong hindi maganda ang tingin nila sa 'min pero ang marinig ito nang harap-harapan ay sobra na!
Imbis na dumeretso sa clinic ay lumabas na ako ng school namin gamit ang mataas na pader. Kailangan ko munang puntahan si Joseph o kaya naman ay umuwi muna.
Bakit kasi ngayon pa umandar 'tong pagkamahina ko!
"Bata!"
Napalingon agad ako sa tumawag sa 'kin at nakita si Tanda na tumatakbo palapit.
Hindi pa ba siya umaalis simula kanina? Dalawang subjects na namin ang dumaan, ah? Don't tell me, hihintayin niya ang uwian namin nang nakatayo lang sa harap ng sasakyan niya?
"A-Ano pang ginagawa mo rito, Tanda?" tanong ko nang makalapit siya sa 'kin nang tuluyan.
Imbis na sagutin ang tanong ko ay nagtanong din siya, "Okay ka lang ba, Bata? Bakit namumutla ka? Ang lalim pa ng mga mata mo. Mukha kang adik," aniya.
Napairap ako. "Tama na ang lait. Dalhin mo na lang ako sa apartment mo," sabi ko sabay lakad palapit sa sasakyan niya ngunit parang isang malakas na kidlat ang dumaloy sa binti ko at bigla itong nanghina.
Napaupo ako sa kalsada at ininda ang sakit ng paa ko. Namanhid kasi iyon at hindi ko maigalaw.
"Hoy, Bata! Ano bang nangyayari sa 'yo?" tanong niya sa 'kin sabay alalay patayo.
Nang hindi ko siya sagutin at panay lang ang daing ko ay binuhat na niya ako papunta sa sasakyan niya. Gusto kong sumigaw dahil sa sakit pero hindi ko naman magawa. Nag-iiba kasi ang boses ko kapag ganito ang nangyayari sa 'kin.
Agad niyang pinaandar ang sasakyan niya nang maayos na akong nakaupo sa passenger seat. Tahimik na ako pero napapaungol ako dahil sa pagkamanhid ng paa ko. Maya't maya ay tila may mga karayom ang tumutusok doon. Mga karayom na kasinlaki ng hinlalaki ko.
"Bata, magsalita ka naman. Nag-aalala na ako. Ano ba kasi ang nangyayari sa 'yo at sa pader ka pa nagdaan kung meron namang gate?" tanong niya pero hindi ko ulit siya sinagot dahil sa pamimilipit ko.
Nang makarating kami sa apartment ay agad siyang lumabas ng sasakyan para pagbuksan ako. Muli niya akong binuhat papasok sa apartment ko nang makasalubong namin ang landlady ko.
"Ano 'ng nangyari sa 'yo, Shawnna? At sino itong mamang pulis na ito?" tanong niya sa 'min pero hindi namin siya pinansin at pumasok na sa loob.
Agad niya akong inihiga sa kama at doon inilabas lahat ng gusto kong isigaw kanina. Ipinantakip ko ang unan sa mukha ko para hindi ganoong dinig sa labas. Hindi naman soundproof ang apartment na ito.
Habang ginagawa ko iyon ay pinanood lang ako ni Vicente. Nakakunot ang kaniyang noo at paminsan-minsang napapapitlag sa kinatatayuan niya. Hindi ko naman masabi kung ano ang nangyayari dahil gusto ko muna alisin ang pagkamanhid ng paa ko. At isa lang ang paraan na naisip ko.
Pumunta ako sa kusina para kumuha ng kutsilyo.
"Ano 'ng gagawin mo sa kutsilyo, Bata?" tanong niya, nakakunot pa rin ang noo ngunit bahagya nang nanlalaki ang mga mata.
Hindi ko ulit siya sinagot at agad hiniwaan ang braso ko. Hindi ako nakuntento at hiniwaan ko pati na rin ang namamanhid kong mga paa para dumaloy ang dugo ko.
"Ano ba ang ginagawa mo, Bata? Nababaliw ka na ba!" Agad niyang kinuha ang kutsilyo sa kamay ko pero tinabig ko lang siya.
"Diyan ka lang! Kung hindi mo kayang panoorin ang ginagawa ko ay umalis ka na sa harap ko. Ito lang ang paraan para guminhawa ang pakiramdam ko!" bulalas ko sa kaniya at pinagpatuloy ang paghiwa sa balat ko na unti-unti rin namang sumasara.
Hindi umalis si Tanda bagkus ay pinanood niya lamang ako, na ayon sa kaniya ay kahibangan ko.
Nakita ko ring nanlaki na nang tuluyan ang mga mata niya nang mapansing sumasara ang mga hiwa na ginawa ko.
Tiningnan ko ang sarili ko sa salamin. Puno na ako ng dugo sa buong katawan pero walang bukas na sugat akong nakita. Unti-unting bumabalik ang kulay ko sa dati. Kung kanina'y namumutla ako, ngayon ay para akong nilagyan ng make up sa sobrang tingkad ng kulay ng balat ko. Sobrang pula na rin ng mga labi ko at naging matingkad na pula imbis na kulay itim.
Hindi pa ako nakuntento at sinugatan pati ang mukha ko. Unti-unti ko pang iginuhit ang kutsilyo sa pisngi ko pababa sa panga ko.
"Tigilan mo na, Bata!" sigaw ni tanda sabay hablot ng kutsilyo. Hindi na niya iyon ibinigay pa sa 'kin at itinapon sa basurahan na tila diring-diri. Napasabunot siya sa buhok niya at maya't mayang umuusal ng mura.
"Naniniwala ka sa bampira kaya kailangan mo ring maniwalang totoo ako, Tanda."
Napalingon siya sa 'kin. Inaasahan kong kamumuhian niya ako pero nakita kong mas lamang ang pag-aalala sa kaniyang mga mata. "Ayos ka lang ba, Bata? Ano ba kasing kabaliwan iyang naiisip mo?!" pasigaw na tanong niya habang mahigpit na hawak ang magkabilang balikat ko.
Napangisi naman ako sa inaasta niya. "Ngayon mo sabihin, Tanda. Wala ka ba talagang gusto sa 'kin?"
Napabitiw siya sa 'kin dahil sa sinabi ko at medyo natigilan. "Baliw! Kahit na ano pa ang sabihin mo, bata pa rin ang tingin ko sa 'yo. Sabihin mo nga sa 'kin, Bata, sino ang hindi mag-aalala kung makakita ka ng isang baliw na bigla na lang hinihiwa ang sarili niya?" tanong niya at pinagpipilitan pa talaga ang bansag niya sa 'king bata.
"Hindi ako baliw. Ganito lang talaga ako. Kailangan kong gamitin ang dugo ko."
"Para saan?"
"Hindi mo na kailangang malaman, Tanda."
"Pero gusto kong malaman. Ano ka ba kasi talaga?" tanong niya.
"Kung sasabihin ko sa 'yo, maaari ko iyong ikapahamak. At higit sa lahat, hindi na magiging sikreto iyon kung sasabihin ko sa taong kakikilala ko pa lang naman."
Medyo natigilan ulit siya pero hindi inalis ang tingin niya sa 'kin na parang gusto pang magpumilit pero kalauna'y umiling na lang. Alam ko namang naiintindihan niya kung ano ang gusto kong sabihin sa kaniya. Hangga't maaari ay gusto kong itago kung ano nga ba talaga ako. Kung sigurado na akong mapagkakatiwalaan ko siya ay nasa kaniya na kung interesado pa ba siyang malaman.
"Kailangan ko na talagang makausap ang bampira na iyon dahil siya lang din ang makakatulong sa kaso ko," sabi ko.
"Paano ka naman niya matutulungan?"
"Kailangan niya ng dugo, hindi ba? Kaya ko iyong ibigay sa kaniya. Bilang kapalit naman ay natulungan niya rin ako para hindi ulit mangyari 'yong kanina."
"Kung kailangan mo palang maglabas ng dugo, bakit hindi mo na lang i-donate sa hospital para may matulungan ka pa?"
Natawa naman ako sa suhestiyon niya dahil pareho lang kami ng naisip noon. "Alam mo, Tanda, imbis na makatulong ako sa ganoong bagay ay ako pa ang magiging dahilan ng mabilis nilang pagkamatay," sabi ko sabay upo sa kama ko.
Nakita kong kumunot ang noo niya dahil sa sinabi ko.
Bumuntong-hininga ako. "Listen, ang dugo na nananalaytay sa katawan ko ay hindi dugo ng isang tao. Ang dugo ko ay espesyal. Para lamang ito sa malalakas na nilalang na gaya ko tulad na lang ni Ms. Pangil. Kung tao lang ang gagamit nito ay ikamamatay rin niya. Kung malakas naman ang katawan ng taong iyon ay matatagalan niya at magkakaroon pa siya ng kakaibang kakayahan. Pero alam mo kung saan din ang kahahantungan niya? Sa impyerno..."
Nakita kong medyo nanlaki ang mga mata niya dahil sa sinabi ko habang nakatingin sa natuyong dugo na nasa braso at paa ko. Sinimulan ko na iyong punasan at saka nagbihis ng pambahay. Hindi ko na pinansin kung nakatingin ba siya sa 'kin habang nagbibihis o hindi. Wala namang kaso iyon sa akin.
"Nasabi ko ba sa 'yong lalaki ako, Bata? Bakit kailangan mong magbihis sa harap ko?"
Napatingin ako sa kaniya pero ulo lang ang hinarap ko. "Bakit? May masama ba? Bata pa naman ako at matanda ka na. Don't tell me, nag-iisip ka ng kung anong kababalaghan diyan sa isip mo?" tanong ko. Tinaas-baba ko ang kilay ko sa dereksyon niya.
Nakita ko ang paggalaw ng adam's apple niya na para bang lumunok siya. "Pero hindi ka bata..." Pahina nang pahina ang tono ng boses niya.
Napangisi ako matapos tumalikod sa kaniya. "So, napansin mo pala. Mukha lang akong bata dahil baby face ako," Natawa ako. "Pero hindi naman nagbago ang hugis ng katawan ko."
Kahit naka-bra lang ako at short ay humarap ako sa kaniya. Mas lalo akong napangisi dahil nakita ko ang maliliit na butil ng pawis na pumatak sa mukha niya.
"Ano? I can hear your heartbeat from here. Bakit ka kinakabahan, SPO2 Vicente Santos?" patuloy kong panunukso sa kaniya.
Mabilis siyang tumalikod at nagtungo sa kusina ng apartment ko. "Bilisan mong magbihis dahil kailangan pa nating makausap si Ms. Pangil."
Tiningnan ko naman ang labas at tirik na tirik pa ang araw. Imposibleng lumabas si Ms. Pangil nang ganitong oras kahit na hindi naman siya takot sa araw kaya bakit kailangan naming magmadali?
Napangisi ako nang makaisip ako ng kapilyahan.
"Tirik pa ang araw, Tanda. Wala akong nababalitaang bampirang hindi takot sa araw," pagsisinungaling ko. "Pero, alam mo bang may isang bagay na pwedeng gawin kahit tirik na ang araw?" tanong ko habang nakaupo ulit sa kama ko, hindi pa rin nagbibihis.
Nakita kong sumilip siya mula sa kusina at nakakunot-noong nagtanong, "Ano?"
Gamit ang mabilis kong reflexes ay pumunta ako ng kusina at hinila siya papuntang kama. Pumatong ako sa kaniya habang hawak pa rin ang dalawa niyang kamay na unti-unti kong nilagay sa ulunan niya.
"Gumawa ng baby?" patanong na sagot ko.
Muli kong nakita ang paglunok niya at ang maliliit na butil ng pawis sa noo at patilya niya. Napangisi naman ako habang tinititigan siya. Wala naman talaga akong balak na gawin ito dahil hindi ko siya type. Ayokong magkaroon ng tagapagmana sa isang tao dahil gusto ko ng pure blood.
Napalingon ako sa labi niyang nakaawang. Hindi ko maiwasang mapaawang din ang mga labi ko. Naramdaman ko ang kakaibang bilis ng t***k ng puso ko. At sa hindi malamang dahilan ay unti-unti kong inilapit ang mukha ko sa mukha niya. Titigil sana ako pero nakita ko ang pagpikit ng mga mata niya na para bang naghihintay. Napapikit ako at napamura na lang sa isip ko.
I kissed him.
Noong una ay pinagdampi ko lamang ang mga labi namin ngunit kalauna'y unti-unti ko rin itong iginalaw. Agad naman siyang sumunod sa ginagawa ko hanggang sa para na kaming uhaw sa isa't isa.
Hindi na ako nagulat sa inasta niya. He watches porn. Imposibleng hindi niya alam kung paano humalik.
Tinanggal ko ang uniporme niya at medyo nahirapan ako. What the hell is this clothe?
I heard him chuckle kaya tiningnan ko siya nang masama. Itinaas naman niya ang dalawang kamay niya at saka siya na ang nagtanggal.
We continued what we're doing. Para kaming nalulunod sa isa't isa sa hindi malamang dahilan. Wala namang masama sa ginagawa namin, 'di ba? Pareho na kaming matanda para rito. We're not kids anymore. Alam ko na rin naman ang ginagawa ko kahit na bata lang ang tingin sa 'kin ng mga tao. Hindi naman kasi nila alam kung ano ang totoo.
At wala akong balak na sabihin sa kanila kung sino ako.