Kanya-kanya agad sila ng browse sa phones nila. I remain unmoved. Hinayaan ko muna na sila ang mauna since alam naman naming pasado na sila. Ang mga scores na lang nila ang titingnan. Isa pa, naiwan ko sa room ang cell phone ko, makikigamit na lang ako sa kanila.
After a while, Bill’s face lightened like some miracle happened right before his eyes. “Gago! One wrong move ang grades ko,” sigaw ni Bill. Natatawa siyang pinakita sa amin ang nakuha niya. One wrong move nga siya, puro line of seven ang nakuha niya’t saktong-sakto lang ang average niya, 75 sharp. Walang labis, walang kulang. Mapapasabi ka talaga na ang swerte niya.
Sumunod si Junel at Ian na tinakpan pa ang screen ng phones nila pagka-log in nila sa site. Okay naman ang ratings nila. Almost nasa line of eight na ang average nila, kunti na lang ang kulang. Agad namang pinagitna ni Neil ang phone niya nang nakaharap ang screen nito sa sahig pagka-enter niya.
“Ano ba ‘yan? Itihaya mo na, Neil!” natatawang sabi ni Junel. Halos hindi namin maintindihan ang sinabi niya. Puno pa ng pagkain ang bibig niya.
Dahan-dahan na binaliktad ni Neil ang phone niya’t hindi namin mapigilang mapanganga. Halos sabay pa kaming apat sa pagsabi ng wow sa nakita namin. Grabe! Ang tataas ng mga nakuha niya. Halos nasa line of eight lahat, well, majority kasi may tig-isa siyang nasa seven at nine. Ang mas nakakabilib pa ay wala siyang below 75 which means kahit anong mangyari ay pasado talaga siya.
“Ikaw na talaga, Neil!” tinapik ni Bill ang balikat ni Neil.
“Paano mo ginawa ‘yan?” may nagdududang tingin na tinanong ni Ian si Neil sabay smirk nito.
“Grabe ka sa ‘kin, Ian. Parang hindi ka naniniwala,” tawa niya.
Kitang-kita ko ang saya sa mga mata nila at hindi makapaniwala sa mga nakuha nilang grades. Hindi nila inaasahan na magiging ganyan ang makukuha nila. Nag-expect pa nga sila na hindi sila papasa. Kung pumasa kaya ako, ganyan din kaya ang mararamdaman ko? Magiging kasing saya rin kaya nila ako?
Nalipat ang tingin ni Neil sa akin, “Pero syempre mas mataas pa rin ang sa isang ‘to.” Tinaas-baba niya ang dalawang kilay niya sa akin.
“Huwag ka nga, Neil. Paano magiging mas mataas ang nakuha ko sa iyo kung hindi nga ako pumasa? Gago ba you?”
“Edi tingnan natin para magka-alaman,” singit ni Junel. Nilalantakan pa rin nito ang pagkain niya.
“Oo nga. Ba’t hindi mo pa tinitingnan?” si Neil.
“Nasa kwarto ang phone ko. Kaya screen capture mo na iyang sa ‘yo para magamit ko ang phone mo.”
Madalian niyang kinunan ng screen capture ang ratings niya’t agaran na binigay sa akin ang phone. Halata sa mga mukha nila na mas excited sila sa akin habang ako, sa kaloob-looban ko, hindi na mapalagay. Ito na lang chance ko to save myself, to at least redeem myself for a bit. Ang maging isa sa mga nasa condition. Naririnig ko pa silang nagsasabi ng, “Tiwala lang. Kasama ka sa condition.” I just really hope so.
Tinakpan ko agad ng kamay ko ang screen pagkapindot ko ng log in. Huminga ako ng malalim bago ko dahan-dahan na binababa ang kamay ko para one subject at a time lang ang makikita namin. Ayaw ko rin biglain ang sarili ko sa isang bagsakan. Baka hindi ko kayanin.
“Ang thrilling naman nito,” Neil commented na tiningnan ko ng masama.
Binaba ko pa ang kamay ko ng kaunti sakto lang para makita ang isang subject. Pumikit agad ako at dahan-dahan kong minulat ang aking mga mata na nakatingin sa screen. Medyo nanlaki ang mga mata ko sa aking nakita na sinabayan pa ng pagsigaw nilang apat.
“Ayy gago! Ang laki!” sabay na sambit ng apat.
Binaba ko pa ng kaunti ang kamay ko hanggang sa tatlong subjects na ang nakikita namin. Tumataas ang pag-asa ko dahil sa nakikita kong scores na hindi ko mapaniwalaan kung totoo ba o hindi.
“Sure ba talaga na failed ka sa lagay na ‘yan?” hindi makapaniwalang usal ni Ian. Maging ako ay napapatanong na rin sa sarili ko.
“Perfect mo ang favourite subject mo tapos rumespeto ka lang sa first day subjects,” komento ni Junel.
“Ewan. Baka sa last day subjects ang humila,” bulong ko. Wala talaga akong ibang maisip sa kung ano ang naging dahilan ng hindi ko pagpasa kundi ang subjects sa last day ng exams. Doon talaga ako nahirapan na maihaon ang sarili sa pagsagot. Muntik ko na ngang isabahala sa pagpapagulong ng lapis ang mga sagot ko noon.
“Sigurado nang nasa condition ka niyan. Claim it. Tiwala lang,” si Neil.
Binaba ko pa sa pang-apat na subject. Dito na magsisimulang malaman kung nasa condition nga ako o wala. Napapikit ako at saka napahinga ng malalim. Isang 74 ang bumungad sa amin.
“May dalawa pa naman. Tiwala lang condition ka.”
73 ang panglima. Nanginginig na kamay ko. Last subject na. My weakest link. Business Law. Kahit hindi hindi ko pa nakikita kung ano ang nakuha ko rito ay alam ko na na ito ang naging dahilan ng hindi ko pagpasa. I’m sure na hindi ito umabot sa minimum kasi kung umabot man, pasado na ako. Kahit eksaktong 65 lang ang score ko rito ay papasa pa rin ako dahil maganda naman ang resulta ko sa ibang subjects. Paniguradong mahihila ng mga ito ang average ko pataas para pumasa.
“Wala. Failed talaga ako,” binigay ko kay Neil ang phone niya’t bumalik ako sa inupuan ko. Hindi ko na tiningnan pa ang last subject kasi alam ko naman na doon talaga ako bumagsak.
“Okay ka lang, Xav?”
“Yeah.” Mas masakit pala na makita ang ratings mo lalo na kapag malalaman mo na pasado ka sana kung hindi lang sumabit ang isa.
“Okay lang ‘yan, Xav. Kunting suntok na lang sa business law, papasa ka na. Tingnan mo oh, dalawang items na lang aabot na sa minimum,” sabi ni Neil. Alam ko na pinapagaan lang niya ang nararamdaman ko pero wala talaga. Ang sakit talaga iyong ganito. I’ve always been on top then this happened.
Nanahimik lang ako. Ewan ko ba. Parang nawalan ako ng lakas pagkakita ko sa ratings ko. Aanhin ko ang matataas na rating ng ibang subjects kung may hindi nakakasabay rito na siyang humihila pababa.
“Siguro,” mahina kong sabi. Parang nadagdagan ang pagbaba ng tingin ko sa sarili. I’m sure lalong madi-disappoint parents ko kapag nalaman nila na hindi man lang ako nakasama sa mga naging condition.
“Ikaw na lang magsend ng sa akin, Neil.”
Umakyat ako sa room ko. Pinabayaan naman nila akong mapag-isa. Humiga ako’t binuksan ang messenger ko at nagpost ng my day.
Bakit ba ayaw mo sa akin, business law?
***
Nagising ako sa tunog na nagpa-pop mula sa messenger, palatandaan na marami ang pumapasok na chats. Hindi ko pala na-disconnect ang phone ko sa internet. Pero sa pagkaka-alala ko, naka-mute naman ang group chat namin na tanging may maraming pumapasok na messages. Nagulat na lamang ako sa dami ng nagmi-message sa akin. Mostly ay mga classmates at mga teachers ko. Hindi ko alam ano ang nangyayari. Nakatulog lang ako’t ganito na pala ang nangyayari.
Binasa ko ang isang chat galing sa kaklase ko.“Ikaw iyong nasa post ni sir G?” tanong nito sa chat.
“Ha?” ang tanging naisagotko. “Anong post?” dagdag ko. Wala naman akong matandaan na post at kung ano ang context nito.
May sinend siyang link. “Ito. Ikaw ba tinutukoy ni sir? Nagco-coincide kasi sa my day mo.” Hinayaan ko na lang na ma-seen ko siya’t hindi na ako nag-reply. Agad kong binuksan ang pinasang link ng sinasabi niyang post.
“To pass the CPA Licensure Exam
- Average of at least 75%
- No grade below 65%
And one of my favorite students got this...”
May naka-attach dito na screen capture pero natatakpan nito ang name at application number. I’m sure that it’s mine. The figures are carbon copy to mine. Doon ko lang din napansin na marami sa mga ka-klase ko ang nag-mention ng pangalan ko sa comment section. Tinatanong nila kung ako ba iyon. May iba rin na galing sa ibang schools na nag-comment. Tinatanong nila kung kanino iyon, kung kilala ba nila. May mga comments din na kinaka-awaan nila kung kanino man ang nasabing ratings na nasa post, which is ako. Naaawa na rin ako sa sarili ko habang nagbabasa sa mga comments. Marami rin ang nag-share nito kaya panigurado ay kalat na kalat na ito.
Napabuntong-hininga na lang ako. I already expected this to happen kapag hindi ako papasa. I will be the center of everyone's attention. The talk of the town.
Bumalik ako sa messenger at binuksan ko ang mga messages ng mga teachers namin. Halos magkapareho lang ang laman ng mga ito -- na hindi sila makapaniwala sa result ko pero huwag daw akong mawalan ng pag-asa dahil kunti na lang naman daw iyong sa akin. Pero hindi ko talaga alam kung ano ang gagawin ko.
I closed my messenger application and disconnected from the internet. Ayoko nang makapagbasa pa ng kung ano patungkol sa akin. Bumangon na ako mula sa pagkakahiga at pumunta ng kusina. Gabi na pala. Hindi ko man lang namalayan ang oras.
Naghahanda na ng makakain si mama nang dumating ako sa dining area. Nakaupo na rin si papa sa upuan niya. Dumiretso ako sa kusina upang kumuha ng baso bago ako umupo sa harap ng mesa. Nasa bandang kaliwa ako umuupo kapag titingnan mula sa perspective ni papa. Walang nagsasalita sa amin. I could feel the heavy atmosphere. Kahit nakatuon lang ang tingin ko sa pagkaing nasa table ay ramdam ko ang tingin nilang dalawa, ng parents ko. Tila bumabaon ito sa aking mga buto. Masakit. Alam kong kahit anong oras ay magsasalita sila na isa akong kahihiyan.
Hanggang sa natapos akong kumain ay wala pa ring nagsasalita sa amin. They’re giving me a cold shoulder. Parang pinaparamdam nila na wala akong silbi, na ako lang ang naiiba sa amin, na ako ang sumira ng nasimulan nila, na isa akong black sheep na walang ibang ginawa kundi ang gumawa ng kahihiyan sa pamilya.
Papatayo na ako mula sa aking upuan nang magsalita si papa. “Sit back.” Sobrang lalim ng boses nito na puno ng awtoridad. Napabalik ako sa pag-upo at yumuko. Alam ko na kung ano ang susunod nito. Palaging ganito ang nangyayari kapag may nagawa ako na hindi nila nagustuhan lalong-lalo na si papa.
“Bakit hindi ka nakapasa? Ano bang pinagkakaabalahan mo habang nagre-review ha?” malakas na tanong ni papa. Hindi ako sumagot. “Malamang inaatupag mo na naman iyang pagkanta mo. Ilang beses ko na bang sinabi sa ‘yo na wala kang mararating sa pagkanta mong iyan? Wala kang mararating diyan,” pang-aakusa pa niya.
Ramdam na ramdam ko ang panliliit niya sa akin. Gusto kong depensahan ang sarili ko. Gusto kong sabihin na mali ang sinasabi at iniisip niya. Ginagawa ko naman ang lahat para mapantayan ang gusto at expectation nila. I even sacrificed my passion in singing, in music, just to prove to them that I am more than who they think I am. Ngunit kahit anong gawin ko ay walang lumalabas na boses sa lalamunan ko. Ayaw gumalaw ng dila ko. Parang naging pipi ako.
“Kahit kailan talaga puro kahihiyan ang dala mo. Hindi ka man lang ba nahihiya sa sarili mo na ikaw palagi ang nakakasira ng kung ano man ang meron ang pamilya natin? Mabuti nga naging latin honor ka pa pagka-graduate mo, dahil kung hindi, hindi ko na alam kung saan ka pupulutin,” galit na ang pagkakasabi niya. Narinig ko ang pag-inom niya ng tubig at ang paglapag ng baso sa lamesa. Napakagat ako sa ibabang labi ko’t napahawak sa gilid ng upuan. “Akala ko talaga na magiging katulad ka na ng ate mo dahil sa naging achievements mo sa college. Hindi pa rin pala. Nagkamali ako. Pareho ka pa rin ng dati, isang kahihiyan. Pinagmamalaki pa naman kita na may bagong CPA na naman ang pamilyang ito.”
Lalo kong iniyuko ang ulo ko. Ayokong makita ang nanggagalait na mukha ni papa. Ang panliliit niya sa akin. Sapat nang naririnig ko lang. Hindi ko na kakayanin kung makikita ko pa ito. Pinigilan ko ang pagpatak ng luha sa aking mga mata. Mas magmumukha akong mahina sa paningin nila kapag umiyak ako sa harapan nila.
“Uulitin mo ang exam para naman kahit paano ay hindi mas mag-mukhang nakakahiya. Siguraduhin mo lang na papasa ka na, kung gusto mo pang maging parte ng pamilyang ito.” Walang ano-ano ay tumayo agad si papa. Rinig na rinig sa loob ng silid ang pabalabag na paggalaw ng inuupuan nito.
Napapikit na lamang ako sa aking kinauupuan. Hinintay ko muna na makapasok na si papa sa masters bedroom bago ako gumalaw papunta ng kwarto ko. Hindi man nagsasalita si mama ay alam ko na ganoon din ang tingin niya sa akin. Palagi siyang walang imik pero ang mga mata niya ay puno ng panghihinayang kapag nakatuon sa akin. Lahat na lang ng gagawin ko ay masama sa paningin nila.