PROLOGUE
Taong 1985...
VERONICA IS BLUSHING while taking a peek behind the curtain window, and her heart is pounding rapidly while she's looking at the man who's busy mowing the grass outside. Wala pang isang linggo na nagtatrabaho si Arthur sa kanilang hacienda pero kaagad nitong naagaw ang kanyang buong pansin. Isa siyang normal na babae, at natural lang na humanga siya sa isang kagaya ni Arthur. Si Arthur ang lalaking mapapalingon ang kahit na sinong babae kapag dumaan ito.
Sunog lang ang balat ni Arthur dahil sa malimit nitong pagbibilad sa araw pero lalo lang iyon na nagbigay ng masculinity sa physical na anyo ng binata. Matangkad si Art, matipuno ang pangangatawan, guwapo, at higit sa lahat mas nagkakainteres siya dahil may pagkamisteryoso ang binata. Tahimik lang ito at naririnig niyang tipid na sumagot kapag kinakausap ito ng Papa niya.
Mas lumakas pa ang kalabog ng kanyang puso nang makita niyang tumigil sa ginagawa niya si Art at tumingin sa kinaroroonan niya. Mabilis niyang hinawi pabalik ang kurtina at patakbo na lumakad papunta sa kanyang kama. Nararamdaman ni Art na may nakabantay sa kilos nito at tumingin ito sa silid niya... iisa lang ang ibig sabihin n'on, alam nito na siya ang nagmamatyag dito.
Mahabaging Diyos! Bakit kasi hindi ka kaagad umalis mula sa pagkakasilip mo sa kanya? Nahuli ka niya tuloy na nakasilip sa kanya.
Para siyang hihimatayin habang iniisip ang kahihiyan na dulot ng ginawa niya. Ano na lang ang iisipin ni Arthur? Kababae niyang tao, tapos siya pa ang naninilip sa isang lalaki?
Para maiwasan na maulit ang kahihiyan na 'yon ay minabuti niyang iwasan si Art sa paraan na alam niya. Inabala niya ang kanyang sarili sa pangangabayo sa loob ng dalawampung ektarya nilang hacienda. At nakakatulong nga ang ginagawa niyang 'yon para saglit na mawaglit sa isip niya ang binatang ilang gabi na nanggugulo sa isip niya.
Mainit na ang tama ng araw sa kanyang balat, kaya minabuti niyang magpahinga muna at sumilong sa lilim ng malaking puno ng sampalok. Tinapik niya ang likod ng kabayo niyang si Halimuyak, parang nakakaintindi naman ito. Bumagal ang pagtakbo nito at lumakad patungo sa malaking puno.
"Masunurin ka talaga, Halimuyak." Masigla siyang bumaba nang tumigil si Halimuyak sa paglalakad nito.
Itinali niya ang kabayo niya sa sanga na nakalaylay. Tinapik-tapik niya ang pisngi ng alaga niyang kabayo. Natawa siya nang malakas dahil ipinilig ni Halimuyak ang ulo nito, naiitindihan niya ang ibig ipahiwatig sa kanya ni Halimuyak. Gusto nitong magpahinga siya hangga't gusto niya dahil maghihintay lang ito sa kanya.
Pasalampak siyang naupo sa damuhan. Isinandal niya ang kanyang likod sa puno at nakaramdam siya nang kaginhawaan dahil sa masarap ang bawat paghampas ng hangin sa balat niya. Napahikab siya at biglang nakakaramdam ng pagkakaantok. Sumandal siya sa malaking puno, hanggang sa hindi na niya kayang paglabanan ang matinding pagkaantok. Nakatulog siya.
Hindi niya alam kung gaano ba siya katagal na nakatulog sa ilalim ng puno. Naalimpungatan siya nang maramdaman niyang may gumagapang sa kanyang hita. Napapitlag siya at bumangon ang matinding kaba sa kanyang dibdib dahil inakala niyang ahas ang gumagapang sa kanya. Ang antok niya ay tuluyang lumipad nang idinilat niya ang kanyang mga mata. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita niya ang lalaking nakaupo sa tabi niya. Para itong asong ulol na handa siyang sakmalin. Ang matinding pagnanasa ay makikita sa mukha nito.
"Diyos ko, Arnolfo, ano ang ginagawa mo riyan?" Isiniksik niya ang kanyang katawan sa puno. Parang tumigil sa pagtibok ang kanyang puso dahil sa kaba.
"Kalma ka lang, Veronica, alam kong magugustuhan mo ang gagawin kong ito sa 'yo. Matagal na akong naglalaway sa kagandahan mo."
"Makakarating ang ginawa mong ito sa papa, Arnolfo!" sabi niya sa nanginginig na boses. Hindi niya akalain na magagawa ito sa kanya ng binata.
Si Arnolfo ay matagal ng tauhan ng papa niya sa kanilang hacienda. Halos ito na rin ang kanang-kamay ng papa niya. Paminsan-minsan ay nahuhuli niya si Arnolfo na nakatingin sa kanya pero hindi niya binigyan ng kahit konting malisya iyon. Mabait naman ito at magalang sa kanya, kaya ang nangyayaring ito ngayon ay mahirap na paniwalaan.
"Mabuti nga kapag malaman ng papa mo, alam kong ipapakasal niya tayo kapag malaman niyang may nangyari na sa 'tin." Ngumisi ito.
Tumayo siya. "Isang kabaliwan iyang sinasabi mo!"
"Matagal na rin naman akong baliw sa 'yo, eh. Nakikita ko ang titigan n'yo ng bagong salta na si Arthur, at ayaw kong maunahan pa niya ako sa 'yo. Maging akin ka, Veronica, sa araw na 'to!"
Sinubukan niyang tumakbo palapit kay Halimuyak pero nahagip siya sa beywang ni Arnolfo. Napatili siya. Pero alam niya na kahit anong sigaw ang gagawin niya ay malabong may makakarinig sa kanya dahil halos dulo na ng lupain nila ang bahaging ito. Wala nang napapagawi rito maliban kung may maglilibot para i-check ang buong hacienda. Pero ang pag-check na 'yon ay isinasagawa lang kada tapos ng buwan. At alam niyang kaya malakas ang loob nitong si Arnolfo na gawin ito sa kanya dahil alam nitong walang tao na pupunta rito ngayon. Tanging silang dalawa lamang.
Nagpupumiglas siya nang yumapos ito mula sa likod niya. Parang lumubo ang ulo niya at puputok ano mang oras dahil sa matinding takot na nararamdaman niya. Dahil lalaki ito ay mas malakas ito sa kanya. Kahit na anong gawin niyang pagpupumiglas ay wala siyang nagawa nang marahas siya nitong ihiga sa damuhan.
Nagsusumigaw siya at sinasalag ng kamay niya ang bawat paghalik sa kanya ni Arnolfo. Hindi puwedeng hindi siya lalaban hangga't may buhay pa siya. Magtagumpay man ito sa masama nitong balak sa kanya at least ay ginawa niya ang lahat ng makakaya niya para lumaban.
Nakipagbuno siya rito hanggang sa nagulat na lamang siya nang biglang tumilapon si Arnolfo sa damuhan. Napatingin siya sa tagiliran niya at nakita niya ang kulay balat na boots, kilala niya kung sino ang nagmamay-ari n'on. Hindi pa siya nakabawi sa pagkakagulat nang makita niyang linapitan nito si Arnolfo at pinagsusuntok. Sa laki at tangkad ni Arthur ay walang kalaban-laban si Arnolfo.
"Ang mga bastos na lalaki at walang galang sa babaeng kagaya mo ay hindi dapat binibigyan ng espasyo rito sa mundong ito!" nag-aapoy sa galit ang buong mukha ni Arthur habang pinagsisipa nito si Arnolfo.
Dumudugo na ang mukha ni Arnolfo at putok na ang labi nito ay hindi pa rin ito tinitigilan ni Arthur sa pagsusuntok at pagtatadyak. Nang sipain itong muli ni Arthur at gumulong ito sa kanyang harapan ay saka lang natauhan si Veronica. Mapapatay ni Art si Arnolfo kung hindi niya ito mapipigilan.
"Tama na!" Linapitan niya si Arthur, mula sa likuran nito ay niyapos niya ang kanyang mga braso para hindi na ito makakagalaw pa.
Para namang maamong tupa si Art at masunurin na tumigil. Naging mapayapa ang umaapoy nitong galit kanina. Parang hinaplos ang kanyang puso nang maramdaman niya ang bahagyang pagpisil ni Arthur sa likod ng kamay niyang nakayakap dito.
"Pasensya ka na sa nagawa ko sa taong 'yan, senyorita. Nadala lang ako sa 'king matinding galit. Hindi ako sanay na makakita ng babaeng binabastos."
Napabitaw siya kay Art nang marinig niya na nagsalita ito. Hindi niya akalain na ganoon ang inakto niya kanina, isusumpa siya ng kanyang abuela kapag nakita nitong yumakap siya sa isang lalaki. Namumula ang mga pisngi na lumayo siya kay Art. Para ring may mga bola na tumatalbog-talbog sa loob ng dibdib niya nang magtama ang mga mata nila ni Arthur.
"Ano nga pala ang gusto mong gawin sa lalaking 'yan?" Turo nito sa nakalugmok na si Arnolfo.
"D-Dalhin ko siya sa papa, at si papa na ang bahalang magparusa sa kanya," hindi siya makapagsalita nang tuwid dahil sa kakaiba na titig sa kanya ni Art.
"Tama, baka ulitin niya ang ginawa niya sa 'yo. Sumakay ka na sa kabayo mo at ko na ang bahalang magdala sa kanya sa papa mo." Tumalikod na ito at parang sako ng bigas na dinampot si Arnolfo.
"S-Salamat. Ako nga pala si--"
"Veronica," agaw nito sa sinasabi niya. "Hindi puwedeng hindi ko kilala ang isa sa mga amo ko." Bahagyang kumunot ang noo nito. Parang ipinapakita nito na hindi ito interesado sa kanya.
Matagal niyang tinitigan ang likod nito. Abala nitong inaayos si Arnolfo sa ibabaw ng kabayo na dala nito. Napabuntong-hininga pa siya nang sumampa na rin ito sa likod ng kabayo at walang lingon-likod na pinalakad na ang kabayo. Malayo na ito sa kanya nang kinuha niya na rin ang pagkakatali ni Halimuyak, sumakay na siya at umalis na rin sa bahaging 'yon ng kanilang hacienda.
Alam niyang suntok sa buwan ang galit ng ama niya kay Arnolfo kapag malaman na nito ang ginawa ng lalaki sa kanya. Ayaw man niyang mawalan ng trabaho ang lalaki ay natatakot naman siyang manatili pa ito sa hacienda at baka sa susunod ay magtatagumpay na ito sa kasamaan nito. Hindi rin niya sukat-akalain na magagawa ni Arnolfo ang bagay na ito sa kanya.
Sa mansyon nila ay naabutan niya ang pag-alburoto ng kanyang papa. Galit na galit ito at panay ang mura. Alam na niya na patungkol ang galit nitong 'yon kay Arnolfo. Ilang malalalim na hininga ang pinakawalan niya bago humakbang papasok sa bulwagan ng kanilang mansyon.
"Sal de mi casa!" sigaw ng papa niya.
Naabutan pa niya ang ilang beses na paghampas nito ng baston kay Arnolfo. Nakayuko lang si Arnolfo at hindi makatingin sa kanya.
"Simula sa araw na ito ay sasamahan ka ni Arthur sa lahat ng lakad mo, kahit dito sa loob ng hacienda, Veronica!"
Nagkatinginan sila ni Art nang marinig ang sinabing 'yon ng papa niya. Ibang kaba ang naramdaman niya sa titigan nilang iyon ng binata. Sa puso niya ay masaya siya sa suggestion na 'yon ng kanyang papa.
Nang araw nga na 'yon ay lumayas si Arnolfo. Parang ginto naman ang tingin ng papa niya kay Arthur dahil sa pagligtas nito sa kanya. Mabilis na nangyari ang lahat at parang gusto ng papa niya na iasa na lang ang pamamalakad ng hacienda kay Art. Nakuha kaagad nito ang loob ng papa niya dahil sa pagkakaligtas nito sa kanya.
Dahil sa kagustuhan ng ama niya na isasama niya si Art sa lahat ng lakad niya ay mas lalong nahulog ang puso niya sa binata. Sobrang bilis nitong nabihag ang kanyang puso. Wala kasing rason na hindi gugustuhin ng isang dalaga ang isang kagaya ni Art. Guwapo ito dahil may dugo itong banyaga, French daw ang tatay nito na umiwan sa ina nito. Isa pang nakakabihag kay Art ay pagkatahimik nito at tipong misteryoso, magalang din ito sa kababaihan, at sobrang sipag sa trabaho nito. Pati ang papa niya ay lubos na ang pagtitiwala kay Art.
"Dinalhan kita ng meryenda," kiming sabi niya.
Natigil naman si Art sa pagsalansan ng sako ng mga palay. Tumayo ito at pinahiran ang mga pawis nito. Nang makita nitong may bitbit siyang basket ay mabilis siya nitong sinalubong at kinuha sa kamay niya ang dala niya. Inalalayan din siya nito sa isang braso. Sa lilim ng kahoy ay inilatag nito ang dala niyang picnic mat at ipinatong doon ang basket.
"Anong ginagawa mo rito, senyorita? Mainit dito at--"
Pinigilan ng daliri niya ang labi nito. Kinuha rin niya ang hawak nitong hinubad na t-shirt at pinunasan niya ang katawan nitong basa ng pawis. Bawat hagod niya sa katawan nito ay narinig niya ang marahas na paghinga ni Art. Hindi nagtagal ay inagaw nito sa kamay niya ang damit nito at mabilis na isinuot iyon.
"Halika, maupo ka rito, senyorita." Nauna na itong humakbang papunta sa nakalatag na picnic mat.
Matamlay naman siyang sumunod dito at tahimik na naupo roon. Isa-isa niyang kinuha ang pagkain na dala niya sa loob ng basket at inilatag iyon sa mat. Kumuha siya ng plato at naglagay ng kakanin doon para kay Art. "Masarap 'to, ako ang may gawa--"
Hindi niya natuloy ang kanyang ginagawa nang hawakan siya ni Art sa magkabilang pulsuhan. Napatingin siya sa mukha nito. Titig na titig ang asul nitong mga mata sa kanya. Uminit ang kanyang mga pisngi dahil hindi niya kayang pigilan ang nagsusumigaw niyang damdamin para kay Art.
"Alam mo bang isang malaking pagpapahirap ang ginagawa mong ito sa 'kin, Veronica?" sa unang pagkakataon ay binaggit nito ang pangalan niya.
Nahulog naman ang hawak niyang plato nang hilahin siya ni Art palapit sa katawan nito. Nanginginig ang katawan niya at nanghihina ang mga tuhod niya. Nakaupo siya at nakaluhod naman paharap sa kanya si Art. Ang isang kamay niya ay nakahawak sa dibdib nito.
"H-Hindi kita maintindihan."
Imbes na sagutin ni Art ang sinabi niya ay mabilis nitong inangkin ang kanyang mga labi. Paglapat ng mainit at mabango nitong labi sa kanya ay para siyang binuhusan ng gasolina at hinagisan ng tuyong dahon na nag-aapoy. Ilang saglit siyang natigilan bago gumalaw ang mga labi niya para gumanti sa mapang-angkin na halik na iyon ni Art. Sa panaginip lamang niya ito natitikman at hindi niya akalain na ganito pala katamis iyon sa aktuwal.
Simula lang iyon sa matatamis na samahan nila ni Art. Iyon na ang araw na pinakamasaya siya. Ang maangkin niya ang puso ng lalaking pangarap lang niya noon. Hindi niya akalain na may lihim din palang pagtingin sa kanya si Art. Palihim nilang pinagsaluhan ang pag-iibigan na 'yon, walang kahit isa sa hacienda ang may alam na may espesyal silang relasyon ng lalaking pinagkakatiwalaan ng kanyang ama-- pati siya ay pinagkatiwala rito ng papa niya.
Kahit ganoon ang relasyon nila ni Art ay walang malungkot na pagkakataon kapag sila ay magkasama. Naging paraiso sa pakiramdam niya ang hacienda, kahit na noon ay nakakabagot ang araw-araw ng pananatili niya rito.
"Akala ko ay hindi ka na darating." Kaagad siyang sinalubong ni Art ng yakap nang makita siya nito. Sa dulo na ito ng hacienda sila madalas nagtatagpo ni Art.
"Puwede ba namang hindi? Nangako kaya ako sa 'yo." Hinaplos ng palad niya ang guwapong mukha ng kanyang nobyo. Kaagad naman siya nitong hinalikan sa mga labi, at ang mga damdamin nila ay muli nilang pinakawalan. Sa piling ni Art ay naranasan niya ang langit na hindi niya naranasan kahit kailan.
Matapos mamatay ang nagniningas na apoy na gawa ng pag-iibigan nila ni Art ay nandito siya ngayon nakahiga sa damuhan at nakaunan sa hita nito habang nilalaro ng kamay niya ang manggas ng damit ni Art. Ito naman ay buong pagmamahal na hinahaplos ang mahaba niyang buhok.
"Ikakamatay ko kung iiwan mo ako, aking senyorita."
Isang kinikilig naman na tawa ang kanyang pinakawalan. "Hinding-hindi mangyayari 'yan. Kaya ko nga binigay ang buong sarili ko sa 'yo para patunayan sa 'yo na minamahal kita."
"Paano kung malaman ito ng papa mo at hindi niya ako matatanggap? Isa kang prinsesa at ako naman ay isang dukha lang."
"Kung hindi matatanggap ng papa ang pag-iibigan nating ito ay handa akong sumama sa 'yo, Art."
"Mahirap lang ako at hindi ko kayang ibigay ang karangyaan na nakagisnan mo, mahal."
"Kaya kong mabuhay kahit na gaano pa kahirap ang lahat basta kasama lang kita, Art."
Muli siyang siniil ng halik ni Art. Natigil lang ito nang marinig nila pareho ang malakas na kaluskos sa mayayabong na damuhan sa hindi kalayuan. Napabangon siya at nag-alalang napatingin kay Art.
"Dito ka lang, titingnan ko lang saglit." Tumayo ito at tinungo ang pinagmulan ng kaluskos. "Marahil ay isang hayop lang iyon, wala naman akong nakitang kahit ano," nakangiti nitong sabi nang bumalik sa kanya.
Muli namang napanatag ang kanyang loob. Basta kasama niya si Art ay wala siyang kahit na anong takot na nararamdaman. Umuwi sila at ginawan ng paraan na walang makakahalata na nagkasama silang nangggaling sa dulo ng hacienda. Wala siyang pagsidlan sa saya na nararamdaman niya. At kailan man ay hindi niya inisip na magwawakas ang ligayang tinatamasa niya ngayon sa piling ng lalaking iniirog niya.
Payapa siyang natulog ng gabing 'yon pero nabulabog siya dahil narinig niya ang pagkakagulo sa labas ng mansyon. Maliwanag niyang naririnig ang lahat dahil nakabukas ang bintana niyang capiz. Isinuot niya ang kanyang roba at dali-daling lumabas sa kanyang silid. Sa hagdanan pa lamang ay naririnig na niya ang malakas na sigaw ng kanyang ama. Galit na galit ito.
"Hayop ka! Pinagkatiwalaan kita, pagkatapos ito ang igaganti mo sa 'kin!"
Mas lumakas ang kaba niya dahil alam niyang hindi niya magugustuhan ang mga nangyayaring ito. Binilisan pa niya ang pagbaba sa hagdanan at bumungad sa paningin niya ang inakala niyang isang masamang panaginip. Nakabulagta sa sahig si Art at halos hindi makikilala ang mukha nito dahil napupuno iyon ng dugo.
"A-Anong nangyayari?" mahina niyang usal. Parang may bumabara sa lalamunan niya. Nanikip din ang kanyang dibdib. Hindi niya kakayanin ang lahat.
"Halos walang natirang pananim sa buong hacienda, senyorita," sagot ni Aling Josefa, ang mayordoma sa mansyon.
"N-Nasunog?" parang may ideya na siya sa mga nangyayari pero gusto pa rin niyang makatiyak.
"Pati bodega ng palay at bigas ay naupos ng apoy, ganoon din ang kuwadra ng kabayo, ang manokan, koral ng baboy, at halos wala ngang natira, senyorita," umiiyak na sumbong ng matanda.
"Paanong nangyari?"
"Marami ang nakasaksi na nasa gitna ng nasusunog na palayan si Arthur. At sa tingin mo ano ang ginagawa niya roon?"
Napahagulhol siya ng iyak pagkarinig niya sa kuwentong 'yon ng matanda. Ang puso niya ay tumatangging paniwalaan ang lahat. Hindi magagawa ni Art ang bagay na 'yon, lalo at minamahal siya nito.
"Kung hindi ka pa aalis ngayon ay papatayin kitang hayop ka!" Tinatadyakan ng ama niya si Art.
Halos madurog ang puso niya habang nakikita niya itong ganoon ang kalagayan. Nalilito man ay mabilis niyang inawat ang kanyang papa. "Papa, tama na 'yan!"
"Kulang pa 'yan sa ginawa ng lalaking 'yan sa atin, Veronica. Ipapakulong ko siya!"
Napatingin siya kay Art, nagtama ang kanilang mga paningin. Ang nakikita niya sa mga mata nito ay paghingi nito ng pang-unawa sa kanya, pero paano niya gagawin iyon kung ganito ang ginawa nito sa kanila? Hindi lang sila ng papa niya ang apektado rito, daan-daang trabahador ang mawawalan ng pangkabuhayan. Mahal niya ito pero lumuluha ang puso niya sa mga pamilyang nandito ngayon, lalo na sa mga batang walang muwang sa mundo.
"P-Papa, hayaan n'yong makaalis ang taong 'yan, kahit ipakulong mo pa o papatayin 'yan ay hindi na rin maibabalik ang mga nawawala sa 'tin," mapait niyang sabi.
"Veronica," tawag ni Art sa pangalan niya.
Pinilit niya ang kanyang sarili na magbingi-bingihan. Dapat hindi na puso ngayon ang kanyang paiiralin. Nagpasalamat na lamang siya dahil nakinig ang papa niya sa kanya. Pinalayas nito si Art sa oras din na 'yon mismo. Halos madurog ang buong buhay niya hindi lang dahil sa mga nawawala sa kanila, kundi dahil sa sugat sa puso niya na iniwan ng unang lalaki na inibig niya.
Pagliwanag ng araw ay kaaagad siyang nagsuot ng kanyang boots at nilibot ang kanilang hacienda. Kinukuyumos ang kanyang puso habang tinitingnan niya ang abo na tanging naiwan sa kanila. Napaiyak siya dahil sa magkahalong mga damdamin sa dibdib niya. Nanghihina siyang bumalik sa mansyon nang magtanghali na. Ang mansyon na tanging naiwan sa ari-arian nila. Pati ang pinakamamahal niyang si Halimuyak ay naging abo na rin.
Papasok na sana siya sa loob ng mansyon nang matigilan siya dahil nakita niya ang kubo na tinutulugan noon ni Art. Parang inuutusan siya ng mga paa niyang pumasok doon. Pagpasok niya ay muling nanikip ang kanyang puso. Naagaw ang pansin niya sa isang puting papel na nakatupi sa ibabaw ng lamesita. Kinuha niya iyon at binuklat.
Veronica,
Pagkatapos kong sunugin ang mga ari-arian n'yo ay hindi mo na ako makikita pa. Nakaganti na ako sa mga mayayamang katulad n'yo. Hindi kita kailan man minahal, pero huwag kang mag-alala nasisiyahan naman ako sa katawan mong ipinagkaloob sa 'kin nang buong-buo.
Kinuyumos niya ang papel matapos niyang mabasa ang nakakahindik na kaalaman na 'yon. Sulat-kamay iyon ni Art. Galit ito sa mga mayayaman, iyon ang dahilan nito kung bakit nito iyon ginawa. Parang nanaisin na lamang niya ang mamatay sa mga sandaling ito kung hindi niya naiisip ang kanyang ama na nangangailangan ng suporta niya ngayon. Kahit gaano pa kasakit ang karanasan na 'to ay nagpakatatag siya, alang-alang sa papa niya at sa mga taong umaasa sa hacienda.
Desperado na ang papa niya kaya lahat ng paraan ay ginawa nito para lang makabangon sila. Isang araw ay may bisita itong isang makisig na binata. Guwapo, makisig nga, arogante, at halatang maprinsipyo. Si Jimmy Castillo, anak ito ng kumpadre ng papa niya.
Labis niyang ikinagulat ang pagdesisyon ng ama na magpakasal sila ni Jimmy. Ayaw man niya ay hindi siya nakatanggi dahil inaalala niya na naman ang papa niya. Sa ibang bansa ginanap ang kasal nila ni Jimmy. Madalian ang lahat.
Ang pagsasama nila ay hindi naging madali, wala siyang kahit na anong damdamin para sa lalaki at ganoon din ito sa kanya. Pagdating naman sa usapang romansa ay hindi naman niya maitatanggi na nadadala siya sa galing ng asawa niya sa kama, pero hindi iyon matibay na pundasyon sa mag-asawa. Wala naman siyang kakayahang tanggihan ang asawa dahil parang iyon na lang ang kabayaran niya sa ginagawa ni Jimmy sa kanilang hacienda.
Isang napakagaling magpalakad ng negosyo si Jimmy. Halos dalawang taon pa lamang itong nanatili sa hacienda ay parang bumabalik na ang dating kasaganahan ng kanilang hacienda. Nabuntis din siya dahil sa wala naman siyang proteksyon na ginagamit sa bawat pagsisiping nila ng asawa niya. Ipinanganak niya ang isang napakaguwapong bata na pinangalanan nila kay Jude Thomas Lafuente Castillo.
Pero wala pang dalawang taon si Thomas nang halos hindi na umuuwi sa hacienda si Jimmy. Nabalitaan na lamang siya isang araw na may kinababaliwan itong isang kahera sa bayan. Nang binalak niyang komprontahin ang babae ay nagbago ang isip niya dahil nakita niya itong buntis, at alam niyang ang asawa niya ang ama ng batang dinadala nito. Lalo pang nagbago ang kanyang desisyon nang makausap niya ang babae. Kagaya ng anghel nitong mukha ay sobrang bait din nito, hindi niya masisi si Jimmy kung mahuhumaling sa babae.
Ang nangyari ay kinausap niya si Jimmy para pag-usapan ang kanilang diborsyo. Makikita niya kay Jimmy ang matinding kaligayahan sa pagpapalaya niyang 'yon sa lalaki. Isa pa, malaking part na rin ang ginawa nito para sa hacienda Lafuente, hindi naman masama kung lumigaya rin ito kasama ang taong totoo nitong iniibig, hindi kagaya ng pagsasama nilang ito na isang kasunduan lang ng mga magulang nila.
Naghiwalay nga sila ni Jimmy, naging kaibigan naman niya ang bagong asawa nito. Pero ang anak niyang si Thomas ay sadyang malayo ang loob nito sa ama habang lumalaki ito. Mabait naman si Thomas, masunurin, at sobrang galang na bata. Tahimik nga lang ito at hindi mo mahuhulaan ang iniisip nito, nagmana sa lahi ng mga Castillo na sobrang maprinsipyo.
"Bisitahin mo ang ama mo sa kabilang bayan, anak." Natigil naman si Thomas sa pag-aayos nito sa makina ng traktura at tumingin sa kanya. Isang malamig na tingin at walang kahit na anong emosyon.
"Para ano? Para magbubugan kami ng anak niyang baliw?"
"Sino? Si Adam?"
Hindi ito sumagot at muling itinuloy ang ginagawa nito. Lumapit siya rito at naupo sa tabi nito. "Mabait naman si Adam, minsan kasi huwag mo siyang patulan."
"Mama, hindi man ako papatol ay talagang guguluhin ako ng anak na 'yon ng tatay ko."
Natawa si Veronica sa sinabi ng anak. Kailan pa kaya nito matatanggap si Jimmy at ang anak ni Jimmy na si Adam Sebastian?
"Mabait na bata si Adam, may pagka-bad boy lang. Dapat magkasundo kayo dahil baka isang araw ay magkasama na kayo sa isang bubong, Jude."
Inilapag nito ang tools na hawak nito at hinarap siya. "Mama, hinding-hindi kami magkakasama n'on, mahihiya ang lindol at ipoipo sa away naming dalawa kung magkakasama kaming dalawa n'on."
Lumakas ang tawa niya pero sa loob niya ay nalulungkot siya dahil alam niyang darating sa puntong 'yon ang anak niya kahit na hindi nito gugustuhin iyon. Para itago ang emosyon niyang 'yon sa anak ay nginitian niya ito at tumayo na. "Sumunod ka kaagad at ihahain ko na ang paborito mong meryenda."
"For a while, ma, matatapos ko na rin 'to."