CHAPTER 1 MAID

1336 Words
Lhevyrose Gonzales POV "Sigurado ka na ba sa desisyon mo?" nag-aalalang tanong ni mama sa akin habang abala ako sa pag-iimpake ng aking mga gamit na dadalhin patungong Manila. Luluwas ako ngayon ng manila para magbakasakali. Kailangan ko siyang mahanap. "Opo, Ma. Buo na po ang desisyon ko." Pinipigilan ko ang maging emosyonal. Kailangan kong magpakatatag kahit hindi ko pa alam kung ano ang kahihinatnan ko pagdating doon dahil ito pa lang ang kauna-unahang beses kong tatapak sa lungsod. "P'wede pa naman tayong humingi ng tulong sa iba." Kaagad akong umiling kay mama. "Huwag na po kayong mag-alala. Ako na po ang bahala." Niyakap ako ni mama at hindi ko na mapigilan pa ang pagtulo ng aking mga luha. Agad ko itong pinunasan. Kailangan kong maging matatag. Kailangan kong maging matapang. Kung hindi lang talaga kailangan, hindi ko na gagawin 'to. Hindi ko na kailangan pang hanapin ang lalaking naging dahilan ng isang malaking dagok na dumating sa buhay ko. Pero kailanman ay hindi ko pinagsisihang nakilala ko siya. Dahil siya ang naging dahilan kung bakit nagkaroon ako ng isang anghel sa buhay ko. Hinagod ko ang likod ni mama. Alam kong sobra siyang nag-aalala para sa akin. "Kayo na po muna ang bahala sa kanya, Ma." "Huwag ka ng mag-alala, kami na ang bahala sa kanya. Narito naman ang tatay mo at mga kapatid mo." Napangiti ako ng mapait sa tinuran ni mama. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako kinakausap ni kuya ganun din ang tatay dahil sa maling pagkakamali na nagawa ko dalawang taon na ang nakalilipas. Hindi ko naman sila masisisi. Ilang beses na akong humingi ng tawad sa kanila. Binigo ko sila. Hindi ako nakatapos ng aking pag-aaral dahil sa nangyari. "Maraming-maraming salamat, mama. Mag-iingat po kayo dito." Niyakap ko na din si mama ng mahigpit. Mami-miss ko silang lahat. "Ikaw ang mag-iingat doon, anak. Malaki ang Manila. Iba ang buhay ng mga tao doon kaysa dito sa atin. Maraming mga hindi mapagkakatiwalaang tao doon." "Opo. Wag po kayong mag-alala. Mag-iingat po ako at tatawag po ako kaagad sa oras na makarating na ako doon." Bumitaw na ako mula sa pagkakayakap ko kay mama at lumapit sa munti kong anghel na payapang natutulog sa kanyang kuna na yari sa kawayan. Hinalikan ko siya sa noo at ilang beses hinaplos-haplos ang buhok niyang maninipis pa lamang. "Mami-miss kita ng sobra-sobra, anak. Mahal na mahal kita at gagawin ko ang lahat-lahat para sa'yo." Muli ko siyang hinalikan. Ayokong magising siya. Ayokong marinig ang pag-iyak niya dahil baka hindi ko na kayanin pang umalis. Tumayo na ako at binitbit na ang hindi naman kalakihang bag. Ilang pirasong damit lang ang dinala ko. Nagbaon ako ng isang pirasong lampin ng anghel ko para sa tuwing mami-miss ko siya ay may maaamoy ako at mahahalikang gamit niya. Naglakad na ako palabas ng silid at nagpaalam na sa aking mga kapatid. "Kuya," tawag ko kay kuya na walang emosyong nakatitig sa akin habang nakasandal sa gilid ng pinto. "Aalis na po ako." Tiningnan lang niya ako at mabilis din siyang tumalikod at lumabas ng bahay. Napahinga na lang ako ng malalim. Wala si tatay. Alam niyang aalis ako ngayon para lumuwas ng Manila. Niyakap ko si Lheila, ang bunso naming kapatid. Nasa labindalawang taong gulang pa lamang siya. "Mag-iingat ka, ate ha." Nakangiti pero naluluha akong tumango sa kanya. "Huwag kang gagaya sa akin ha. Tulungan mo dito sila mama at tatay. Alagaan mo si Charles." "Opo, ate." Niyakap ko siya ng mahigpit bago nagdesisyong lumabas na ng bahay. Pagkalabas ko ng bahay ay natanaw ko na si Cail na sakay ng kanyang motorsiklo sa labas ng gate habang naghihintay sa akin. Muli akong lumingon sa aming bahay. Mami-miss ko itong bahay na ito. Ang lugar dito at mga tao dito. Lalo na ang mga mahal ko. Muling tumulo ang aking mga luha. Kumaway sa akin sila mama at Lheila pagkarating ko ng gate. Nginitian ko sila at saka sumakay sa motorsiklo na minamaneho ni Cail. Sa kanya ako sasabay paluwas ng Manila. Nagbakasyon lang siya dito sa mama niya ng isang linggo. At siya lang din ang mahihingan ko ng tulong para mahanap ang lalaking minsang naging parte ng buhay ko. "Okay ka na? Tara na?" walang emosyon niyang tanong sa akin. Bahagya akong ngumiti sa kanya na may kasamang pagtango. Nahihiya ako sa kanya dahil hindi naman kami malapit sa isa't-isa. Hindi rin kami magkaibigan. Magka-baranggay lang kami at magkasama sa pagtitinda noon sa palengke. Ngayon ay sa Manila na siya nakatira dahil napangasawa niya ang pinsan ni Charlie, ang ama ng anak ko. At balita ko ay doon na rin siya nag-aaral. Nang makarating kami ng bayan ay iniwan na lang niya sa parking lot ng palengke ang kanyang motorsiklo. Ipapa-drive na lang daw niya ito kay Gavi na kaibigan niya para maiuwi sa kanila. Nagtataka nga ako sa babaeng ito kung bakit ang yaman-yaman naman ng asawa niya eh bakit nagtitiis mag-commute? P'wede naman siyang magkotse. At saka bakit kaya hindi niya kasama ngayon ang asawa niya? Hmp! Ayoko na ngang problemahin 'yan. Sumakay kami ng bus sa terminal dito sa bayan papuntang Calapan Pier. Sasakay kami ng barko at ito pa lang ang kauna-unahang beses na mangyayari ito sa buhay ko. Unang beses ko ring makakarating sa siyudad. May ideya naman na ako kahit papaano sa lugar na iyon, sa mga tao, at klase ng pamumuhay doon base sa mga napapanood ko sa t.v at sa mga naririnig ko sa amin lalo na sa tsismisan ng mga tindera sa palengke. Ang iba kasi sa kanila ay nakarating na sa Manila. Ako na lang yata ang hindi. Baka maging mangyan pa ako nito doon. Hayst. Mabuti na lang at kasama ko si Cail kahit sobrang tahimik niya. Kahit papaano ay hindi ako nag-iisa. May mapagkukuhanan ako ng lakas ng loob. Hindi naman niya siguro ako pababayaan no? At nagpapasalamat ako dahil doon. *** MANILA "Ihahatid kita sa mansion nila dahil doon siya nakatira. Wala siyang condo. So, ngayon ay hindi ko alam kung naroroon siya dahil lagalag 'yon. Kung saan-saan siya nakakarating. Pero ang alam ko ay dumating ang bunso niyang kapatid from Canada kaya sa kaniya na lang muna kita ihahabilin," mahinahon na sabi sa akin ni Cail. Tumango naman ako habang sakay kami ng taxi papasok sa isang subdivision. "Ikaw? Saan ka nakatira?" naisip kong itanong. Sana hindi niya masamain. "Sa condo kami," sagot niya. Marami pa sana akong gustong itanong pero inabot na ako ng hiya kaya nanahimik na lang ako. *** Dalawang beses pinindot ni Cail ang doorbell dito sa isang napakataas na gate sa aming harapan. Naririto na kami sa labas ng napakalaking mansion at halos magiba na ang aking dibdib dahil sa lakas ng pagkabog nito. Matapos ang dalawang taon ay muli ko na namang makikita ang lalaking sa loob lang ng ilang araw ay kaagad nakapasok sa puso ko at nagpabago ng mundo ko. Bumukas ang marangyang gate at bahagya akong natulala sa lalaking bumungad dito. "Cail?" nakangiti niyang tanong habang palipat-lipat ng tingin sa aming dalawa ni Cail. Ngunit ako ay nailang dahil naka-boxer lang siya at nakabalandra sa aming harapan ang mamasel at naglalakihan niyang katawan. Bato-batong tiyan na animo ay pandesal. Naubusan ba siya ng damit? "Hi. This is Lhevy. Siya ang-" "Oh, is she our new maid? Come in." Natigilan kaming pareho ni Cail sa sinabi ng lalaking naubusan ng damit. Ano daw? Ako? Maid? Kunsabagay, wala namang ibang nararapat na trabaho para sa akin kundi ang maging isang katulong dahil hindi ako nakatapos ng aking pag-aaral. At bukod doon ay mukha talaga akong katulong dahil sa hitsura kong probinsyana. Siguro ay dito na ako magsisimula sa buhay ko dito sa Manila. Mag-uumpisa ako bilang katulong.... ....ng mga DELAVEGA. Lalong-lalo na ng ama ng aking anak.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD