"Langit ka—lupa ako." Mababanaag ang sakit sa mata niya nang ibulalas ito. "Bakit ngayon lang tayo pinagtagpo kung kelan huli na?" Patalikod na siya sa babae nang maramdaman ang kamay nitong pumigil sa tangka niyang pag-alis. "Eva," mahinang saad niya pero hindi niya tinangkang lumingon pa. "S-siguro, dapat na natin itong ihinto."
"Pag-ibig ang dahilan kaya tayo pinagtagpo," may determinasyong saad ni Eva sa kanya. "Makinig ka, Segundino. H-hindi ka pwedeng tumalikod na lang b-basta-basta dahil... d-dahil buntis ako." Napayuko agad ito nang sabihin iyon. "Magkakaanak na t-tayo!"
Napaharap siya sa babae bigla dahil sa sinabi nito. "E-Eva."
"Oo, Seg, magiging tatay ka na."
Ilang beses nang may nangyari sa kanila pero hindi niya inaasahan na magbubunga ito. Nakaramdam siya ng takot para sa buhay nito at kung totoo man ito, sa buhay ng magiging anak nila. Isang tagong pagmamahalan ang namagitan sa kanila pero—nakatali na sa iba si Eva. Kasal ito sa isang businessman sa bayan nila pero mas pinili ng babaeng mamuhay sa isla habang ang asawa nito, nasa isang bahay nito sa bayan na kakailanganin pang sumakay ng de- motor na bangka mula sa isla para makapagtrabaho nang magampanan nito ang pagiging isang negosyante.
"May a-asawa ka, Eva," hirap na hirap niyang saad nang hawakan din ito sa kamay. "S-sigurado ka bang akin 'yan?" nananantiyang tanong niya. "Papa'no kung sa asawa mo pala 'yan, hindi sa'kin?"
Isang malakas na sampal ang naging kasagutan ng babae na ikinatulig niya. Napatiim-bagang na lang siya dahil hindi niya ito masisi sa mga salitang lumalabas sa bibig niya. Napayuko siya habang hawak ang pisnging nasaktan. Impit na umiyak ang babae sa harap niya at lumayo sa kanya. Nasa loob sila ng isang bahay-kubo na kanilang ginawang tagpuan sa islang kinaroroonan ng babae.
Siya si Segundino, isang binatang mangingisda na namumuhay mag-isa sa kabilang isla. Nabago ang buhay niya nang sagipin siya ni Eva pero nahulog ang loob niya sa babae kaya nagpabalik-balik siya sa lugar na ito. May angking kagandahan ito at mabuting puso...
"E-Eva, pasensiya ka na kung n-nasaktan kita sa mga p-pinagsasabi ko. Na-nabigla lang ako, mahal. Ang dami ko kasing iniisip na hindi maganda, na posibleng mahuli tayo ng asawa mo at saktan ka niya. Mas nanaisin ko pang lumayo kaysa saktan ka niya. Hindi ko kakayanin, mahal."
Nakatalikod na ang babae sa kanya. Ramdam na ramdam niya ang galit nito sa kanya dahil nang tangkain niyang hawakan ang braso nito, agad itong pumiksi kaya laglag ang balikat na lumayo siya nang bahagya rito. Kung alam lang nito kung ga'no niya kamahal ito—ito lang ang babaeng pinag-alayan niya ng oras; ng puso niya. Sarado na ang puso niya sa mga babaeng magtangkang mapaibig siya. Naiiba si Eva. Mapagmahal. Napakamahinhin at maalalahanin. Sinayang ni Rancillan ang babaeng ito; ang lalaking walang panahon sa asawa nito. Ganid na businessman! Buwaya! Natatakpan nito ang mga kinasasangkutang issue dahil sa salapi nito. May plano pa itong tumakbong Governor sa bayan nila pero sana makita ng mga tao ang totoong ugali ni Rancillan. Saksi siya kung pa'no nito padapuin ang mabibigat na kamay sa asawa nito. Kahit duguan na si Eva, wala itong awang ulit-ulitin lang ang pagmamalupit sa mahal niya pero siya? Wala siyang kakayahan na pigilan ito dahil kabi-kabilaan ang tao nito tuwing dadalaw ito sa isla. Tanging katulong lang ang kasama ni Eva sa islang ito kaya malaya silang magtagpo nang ilang ulit kapag wala ang asawa nito. Lingguhan lamang itong binibisita ng lalaki dahil sa negosyo nitong palugi na rin; kailangan itong tutukan ng panahon ni Rancillan, ayon na rin sa kwento ni Eva sa kanya.
"Baog ang asawa ko at mapapatunayan ko iyon sa'yo, Seg. Ikaw ang ama ng dinadala ko at alam mong hindi ako m-magsisinungaling sa'yo." Biglang humarap ang babae sa kanya na hilam na hilam sa luha ang mukha. "Akala ko, kaya mo'kong ipaglaban. Akala ko, iba ka. Alam kong mahal mo'ko, Seg, pero natatakot ka lang sa asawa ko dahil kaya niyang pumatay ng tao."
Kasabay ng pamamasa ng mata, hinila niya ang babae palapit sa kanya. Isang yakap na mahigpit ang binigay niya rito para ipadama ritong hindi ito nag-iisa. Mahal niya si Eva pero inuusig siya ng kanyang kunsensiya dahil mali ang makipagrelasyon sa babaeng kasal na. Wala itong kasalanan! Wala siyang kasalanan! Pareho silang biktima ng kapalaran. Alam niya ang pinagdadaanang hirap nito sa piling ng asawa nitong sadista. Tumulo na lang ang luha niya nang maisip kung gaano kahirap ang sitwasyon nito lalo't may supling na sa sinapupunan ng pinakamamahal niya.
"S-sorry kung minsan, g-gusto ko nang sumuko. Baka kasi makulong ako dahil malaking tao ang asawa mo." Napangiti siya nang tumaas ang ulo ng babae mula sa pagkasubsob nito sa dibdib niya. "Sorry, mahal, kung minsan, pinaghihinaan ako ng loob. Dapat kitang ilayo sa asawa mo dahil sinasaktan ka niya. Kung may pera lang sana ako, w-wala ka na sana sa impyernong kinasadlakan mo. Hayop 'yang si Rancillan."
Si Rancillan ang asawa ng babae pero ayon kay Eva, sapilitan ang pagpapakasal ng magulang nito sa mahal niya at sa lalaki. Negosyo ang dahilan at pagpapalawak nito kaya sanib-pwersa ang angkan nina Eva at Rancillan. Humigpit ang yakap niya sa babae nang halikan ito sa ulo.
"Sorry," paulit-ulit niyang sambit. "Alagaan mo ang unang anak natin at.. at..." Napapikit siya sa gulong pinasok pero ngayong may anak na sila, kailangan niyang magpakatatag. "Kapit lang, mahal... nandito lang ako para sa inyo. G-galit ka pa ba?" Nag-aalala niyang hinaplos ang buhok nito at kagyat siyang napangiti nang umiling ang babae.
Katahimikan lang ang namayani sa pagitan nila. Ito ang pinakagusto niya kay Eva, masyado itong mapagparaya at mapagpatawad kapag nag-aaway sila. Isang halik naman sa noo ang kanyang kinintal kaya lumawak ang ngiti nito.
"Alam kong bawal, Seg, pero ikaw l-lang ang pinagkukunan ko ng lakas para ipagpatuloy ko ang buhay ko. Alam mo 'yan," napasinok na anas nito sa kanya. "Kung w-wala ka, mas nanaisin ko pang mamatay kagaya noon nang tangkain kong—"
"Tama na, mahal!" pigil niya sa iba pang sasabihin nito. "Huwag mo nang sabihin, Eva."
Tama ito! Muling nanariwa sa kanya kung paano sila pinagtagpo ng babae nang minsang mangisda siya na dineklarang may bagyo sa araw na iyon kaya siya napadpad sa islang ito.
"Oo na, pinagtagpo tayo ng tadhana," sambit niya sabay kintal ng halik sa labi nito. "Tadhana ang gumawa ng paraan kaya nandito tayo; parehong nagmamahalan."
Tinulak siya bigla ng babae na ikinagulat niya. May pagtatanong sa mata niya nang pilit niya itong abutin pero napahalakhak lang ito kaya nahawa siya. Naghabulan sila sa loob ng maliit na kubo. Pumaimbabaw ang tili ng babae hanggang makorner niya ito sa isang sulok. Tinukod niya ang kamay sa dingding ng kubo kaya hindi na makaalis pa ang babae. Dahan-dahang bumaba ang mukha niya at ilang sandali pa, pinagsaluhan na nila ang mainit na halik na ipinagkakaloob nila sa isa't-isa.
Mga pusong uhaw sa pagmamahal.
Mga pusong mapaghanap! Puno ng pananabik ang kanilang mga puso dahil halos isang linggo na silang hindi nagkita ng babae.
"Mahal na mahal kita, Eva," anas niya nang panandaliang maghiwalay ang labi nila.
Napangiti ang babae nang iyakap nito ang kamay sa leeg niya. "Oo na. Alam ko 'yon, Seg. Hindi ako bibitaw sa'yo kaya magsawa ka sa pagmumukha ko."
Natawa siya bigla bago muling hinalikan ito at nang makaramdam na ng tawag ng laman, binuhat niya ang babae para dalhin sa isang kawayang papag. Napangiti siya nang makita itong dahan-dahang nagtatanggal ng suot-suot nitong bestida. Kahit siya, punong-puno ng pagmamahal siyang nakatingin dito habang unti-unti na ring gumalaw ang kamay para tanggalin ang mga saplot na humaharang sa katawan niya. Animo mga sanggol sila nang magtabi ng higa sa papag matapos maalis ang mga harang sa kanilang pag-iisa.
"Sorry, mahal, kung n-nasasaktan kita. Pangako, last na 'to talaga." Hindi na niya uungkatin pa ang pagiging kasado nito sa ibang lalaki. Saksi siya noon sa pagmamalupit na ginawa ng asawa nito kaya kailangan siya ng babae. Siya lang ang makapagbibigay ng tunay na pagmamahal sa babaeng una niyang minahal nang sobra. "Eva," malat na ang boses niya nang tawagin ito. "Kung alam mo lang na tuwing sinusubukan kong talikuran ka, para akong namamatay—dito." Nakaturo ang isang kamay niya sa tapat ng puso niya.
"Last na 'yan, Seg," nagtatampong saad ng babae. "Una at huling pagsambit mo na 'yan. Ayokong nakabusangot ang anak natin kapag ipinanganak ko siya. Kailangang masaya lang palagi dahil nalulungkot lagi ang magiging nanay niyang—"
Ipininid niya ang labi nito sa pamamagitan ng isang halik. Malumanay lang nang una hanggang maging mapusok na ang paghalik niya rito. Isang salita lang ang makapagbibigay kahulugan sa kanilang ginagawa—pagmamahal. Impit na ungol ni Eva ang namayani sa loob ng kubo makalipas ang ilang sandali.
"S-Seg."
"E-Eva."
Inanod ng hangin ang kanilang mga salita nang lumakas ang alon sa labas ng kanilang tipanan. Ito lang ang maririnig kasabay ng mga halinghing na salit-salitang sumasaliw sa tunog ng hangin. Lumakas nang lumakas ang mga along nagsasalpukan hanggang mamuo na naman ang malahiganteng alon sanhi ng paparating na bagyo. Habang nagdidilim ang paligid, mas lalo lang nadadagdagan ang ningas na nagsisimulang magliyab sa maliit na kubo.