“KUMUSTA ang pakiramdam mo anak? Kaya mo na ba talaga?”
Pinalis ni Sarah Joanna ang lungkot bago tumingin sa ama.
“I’m good, Dad. Really,”— pretty damn good. Parang gustong idugtong ni Sarah sa ama tapos sarkastiko pa. Kaso hindi niya masabi dahil ayaw nito ng may kasamang mura. Pero normal na iyon sa kanya talaga. Hindi niya lang matandaan kung saan nga ba niya natutunan ang mga salitang ‘yan dahil maka-Diyos ang Mommy niya, at iyon ang itinatak nito sa kanya. At sa sobrang maka-Diyos ng Mommy niya, ayon lumagpas sa ulap at kinuha na ng langit.
Spoiled brat. ‘Yan siya kung tanungin ang mga nakakakilala sa kanya. Lahat nang hinihiling niya sa ama ay nasusunod. At dahil sa kagagahan niya, naging padalos-dalos siya, naging failed ang marriage niya. Kahit nga yata ang Maykapal tutol. Kaya nga nilagay siya nito sa sitwasyong kailangan niyang mamili. Ang buhay niya o pakawalan ang kawawang asawa niyang naipit lang din sa kasalang hindi nito gusto.
One year. My God! Ang tagal na pala! Isang taon na pala siyang kasal at araw-araw na nagmakaawa na puntahan siya. Na kitain siya. Hindi ba nito nakitang maganda naman siya? Sa totoo lang, maraming nagkakamali sa kanya. Na isa raw siyang mabait. Na parang hindi makabasag pinggan. Pero kabaliktaran niyon. Mahilig nga siyang magbasag ng pinggan.
Napataas ng kilay si Sarah. Hindi kaya magaling itong magbasa ng tao? Nahulaan na nito ang pag-uugali niya? Pero wala namang masama sa pagiging spoiled brat. Right?
Napangiwi siya kapagkuwan na ikinasingkit ng mata ng Daddy niya.
Masungit siya. Wala siyang modo. Hindi rin siya marunong rumespeto. Pero pagdating lang iyon sa stepmom at stepsister niya at sa mga taong ayaw niya. Pero sa iba na sa tingin niya ay mabuti? Okay naman siya. Kumbaga, nakadepende lang sa kaharap ang pag-uugali niya.
Iniisip niyang baka bina-badmouth siya ng mga sampid sa pamilya niya at nakarating sa asawa. Kaya ayon siguro.
“Good. Ipapalipat kita sa ospital natin. You don’t need to worry. Gagaling din agad ‘yang sugat mo sa braso at makakabalik ka na rin sa mga ginagawa mo.”
“Thanks, dad.”
Tumayo ang ama kapagkuwan. “Ang Mama Rina mo na ang magbabantay muna sa ‘yo. Tumawag si Kumpare, may pag-uusapan lang kaming mahalaga.”
Napalabi si Sarah. Baka tungkol na ‘yan sa annulment. Wala na siyang magagawa.
“Um, Dad.” Lumingon sa kanya ang ama. “Pwede ho bang ‘wag niyo nang papuntahin dito ang asawa niyo? Gusto kong magpahinga.”
Ginandahan pa niya ang pagsabi para hindi nito mahalata na ayaw niyang makita ito. Alam niyang natutuwa ang asawa nito sa nangyayari sa kanya. Gusto lang naman ng step niya, mawala siya sa landas ng mga ito. Para tuluyan nang maghari-harian ang mga ito.
“Alright. Ipapaiwan ko na lang si Richard.”
“That’s better!” masiglang sambit niya nang marinig ang pangalan ng kanang-kamay nito. At least si Uncle Richard, masarap kausap. May sense of humor. Matutuwa pa siya. At higit sa lahat, mas sinusunod siya nito kesa sa Daddy niya.
Pagkaalis ng Daddy niya, bumalik na ang malungkot na mukha niya. Ang hirap pigilan. Masakit na ang buong katawan niya dahil sa aksidente, pero mas masakit ang nararamdaman ng puso niya. Kailangan na niyang i-give up ang obsession sa asawa. Gaya ng sabi nito bago ang aksidente, never itong pupunta sa kanila. Never itong magpapakita sa kanya. Never siya nitong titingnan! Hanggang ngayon masakit pa rin. Mas masakit pa sa sugat na natamo niya.
Hindi nagkamali si Sarah, pagbalik ng ama niya, malungkot na binalita nito ang gusto ng kabilang panig— Ng asawa niya.
“O-okay lang sa ‘yo, anak? P-paano ka? I mean ang puso mo? Hindi ka ba masasaktan ng sobra?” Alam nito ang obsession niya sa anak ng kumpare nito kaya ganoon na lang ito mag-alala.
“Itutuloy ko na lang po ang balak ko noon na mag-stay kay Grandma sa Swetzerland.”
“Ano kaya kung bumalik ka sa kumpanya?”
“Dad, gusto ko munang mag-relax.” Actually, gusto niyang gumaling muna ang puso niyang sugatan bago bumalik sa kumpanya.
“Okay. Ipapaayos ko agad ang mga kailangan mo sa pag-alis kapag gumaling ka na.”
Ngumiti siya sa ama, pero hindi man lang tumagos.
“Sana mahanap mo ang lalaking para sa ’yo. This time, sana ’yong mahal ka, anak. Maaari ba?”
Natigilan si Sarah. Sana.
“Pag-iisipan ko, dad,” biro niya.
“Joanna!”
“Pinapatawa lang kita, dad. Relax. Alam niyo naman po kung gaano ako madalain.” Gusto niya lang maging panatag ito. Mahal na mahal niya ang Daddy niya at ito na lang ang meron siya.
“Mabuti, anak. Alam mo namang higit akong nasasaktan para sa ‘yo.”
Ito ang kagandahan sa daddy niya, maalalahanin. Hangga’t maaari, ayaw nitong masaktan siya.
Nailipat din naman agad siya kinabukasan sa ospital na pag-aari nila. Ilang araw pa siyang nag-stay doon bago siya pinayagan ng ama na umuwi na.
Hindi pa man siya nakakaupo sa sala nang araw na iyon, binalita sa kanya ng kasambahay nila na nasa labas ang tauhan ng asawa. May dalang envelope na naglalaman ng annulment papers nila. Signed na iyon ayon sa text ng asawa sa kanya.
Kagat ang labi na binuksan niya ang envelope. Nanuyo yata ang lalamunan ni Sarah. Wala na siyang malunok. Biglang sakit din ng braso niya ng mga sandaling iyon– bakas pa ito ng aksidente.
Hindi namalayan ni Sarah na inabot siya ng isang oras kakatitig sa dokumentong iyon. Kung hindi pa pumasok ang kasambahay para itanong kung okay na raw ba ang hinihintay ng tao sa labas ay hindi siya magigising sa katotohanang kailangan na niyang pirmahan iyon. Na kailangan na niyang palayaon ito.
Nanginginig na pinirmahan ni Sarah ang papel na iyon. Ang papel na magpapatunay na wala na siyang koneksyon sa asawa.
Para malibang ay nagpasya siyang mamasyal. Kakalabas lang ni Sarah para pumunta ng mall nang harangin siya ng Uncle Richard niya.
“Uncle!” aniyang nakangiti rito.
“Saan ang punta mo, Senyorita?”
“Um, mall po. May nakalimutan lang po akong bilhin na dadalhin sa Switzerland.”
“Ah. Ganoon ba.”
“Opo. May kailangan ho ba kayo?”
“Tumawag kasi ang Daddy mo, may appointment siya kasama ng father-in-law mo.” Napaiwas nang tingin ito. “Ang ibig kong sabihin, hija, ang dating father-in-law mo.”
Tumaas lang ang kilay ni Sarah. “It’s okay, Uncle. Anong oras daw po ba?”
For the last time, makikita niya ang ama ng dating asawa. Ayos lang naman sa kanya. Wala naman itong ginawa kung hindi ang i-cheer siya. Kaya walang problema kung pupunta siya doon. Saka para makapag paalam siya nang maayos at makahingi nang tawad dahil sa pagsira niya sa pagkakaibigan nito at ng ama niya. Naiipit din ang mga ito sa kanya. Alam niya ito.
Ihahatid sana siya ng Uncle Richard niya pero may inutos dito ang step-mother.
“Kay Rolly ka na lang magpahatid, hija. Siya ang bakante ngayong araw.”
Hindi siya sumagot, tinungo na lang niya ang sasakyan at naghintay ng driver. Kung may sasakyan lang siya ngayon, baka umalis na siya. Kaso, hindi pa siya pinapayagan ng Daddy niya dahil sa nangyari.
Hindi maiwasang magtaka ni Sarah nang mapansing mag-isang oras na silang bumabyahe, tapos hindi pa siya pamilyar sa tinatahak nila. Alam niya ang mismong bahay ng in-law kaya nakakapagtakang hindi siya pamilyar sa daang tinatahak nila.
Gosh! Ang lapit lang ng Mandaluyong!
“Kuya, nasaan na ho tayo? Hindi ho ba sobrang tagal na natin? Malapit lang naman ang—” Hindi na niya natapos dahil humaba na ang leeg niya. Nanlaki ang mata niya nang makitang nilagpasan nila ang daan papuntang Mandaluyong— ang nag-iisang daan na alam niya.
“Kuya!” tawag niya sa driver.
Tumingin lang ito sa kanya sa pamamagitan ng rear-view mirror kaya dito na siya kinabahan. Kakaiba na rin ang ekspresyon ng mukha nito.
Akmang magsasalita siya nang iliko nito ang sasakyan. Huminto ito at sapilitan siyang pinaamoy mula sa hawak nitong panyo. Basta ang huling naalala niya, ang pagtali nito sa kamay niya.