Dear Husband, Totohanin Na Natin!
Mia Barbara Ybanez
CHAPTER 3
“ANO, Barbara? Kamusta ang pagmo-model? Kailan ka namin makikita sa T.V? Makakapasok ka na ba sa bahay ni Big Brother?” Sinalubong ako ni Mama at ang sunod-sunod na tanong niya kaagad ang bumungad sa akin pagkaapak na pagkaapak ko sa bahay.
She was in her usual get-up. Nakaipit ang malapit nang maupos na sigarilyo sa pagitan ng kanyang labi. Naka-messy bun ang kanyang buhok at kulay bahaghari ang suot niyang bestida. Sa edad na singkwenta y tres ni Mama, halata na sa mukha niya ang wrinkles at mga puting hibla na nakikisama na sa itim niyang buhok. Kapansin-pansin na ang senyales ng katandaan sa kanya pero kahit na gano’n, hindi nawala ang tindig sopistikada niya kahit na lagi siya sa harap ng ihawan at malaking kawa at naghahalo ng kakanin.
Maganda si Mama noong kabataan niya—kahit ngayon naman ay maganda pa rin siya—at nangarap siyang maging flight attendant. Kaya siguro kahit na sa edad niyang ‘yan, pinatili niya ang kanyang tindig ng pangangatawan.
Binitawan ko ang bitbit na bag at pagod na binagsak ang sarili sa gusgusin na pulang sofa sa sala. Tiningnan ko si Mama. “‘Ma, naging okay naman ‘yong kinalabasan ng pag-e-endorse ko ng Bella soap, at hindi pagmo-model ‘yon,” paguumpisa ko sa pagsagot sa bawat tanong niya. “Baka nga kunin lang nila ‘yong clip ng pagsabi ko sa quote na ilang oras kong inaral at hindi ipakita ang fezlak ko. Tapos, hindi ko alam kung ipapalabas ba sa T.V ‘yon o gawin lang ads sa Youtube. At saka, ‘Ma, hindi ako nag-audition sa PBB. Wala pang gano’n!”
Tinanggal ni Mama ang sigarilyo sa bibig niya. “Sayang naman kung hindi namin makikita sa T.V ang ganda ng nag-iisang Mia Barbara ng pamilyang Ybanez,” sambit pa niya saka tinaas ang magkabilang kamay sa ere at umakto na para bang may hinawing imaginary papel.
Napangiwi ako. “Sa lahat ng sinabi mo, ‘Ma, isa lang ang hindi ko nagustuhan.”
Tumingin siya sa akin. “Alin sa mga ‘yon, anak kong maganda?”
“Pangalan ko.”
“Hoy, anak!” Tinuro niya ako gamit ang kamay na may hawak na sigarilyo. “Hindi pangit ang pangalan mo, ah? Ang ganda kaya ng Mia Barb—”
Agad na tumayo ako at pinutol ang pagbanggit sa pangalan ko. “Sige lang, ‘Ma, ulitin mo pa. Gustong-gusto mong binabanggit pangalan ko, e. Ang bulok,” wika ko. “Nga pala, ‘Ma, heto ‘yong nakuha ko kanina sa page-endorse ng Bella soap. Maliit na halaga lang, pero malaking tulong pa rin sa atin. Lalo na kay Papa.” Inabot ko sa kanya ang puting sobre na naglalaman ng perang sinahod ko kanina.
Nawala ang kwela sa mukha ni Mama. Nag-aatubili man, tinanggap pa rin niya ‘yon. “Hayaan mo, ‘nak. Mababayaran din kita.”
“‘Ma, ‘wag mo nang isipin ‘yon. Ano pa’t naging anak niyo ‘ko kung hindi naman ako nakakatulong dito sa bahay, ‘di ba?” pambawi ko. “Kapag nakahanap talaga ako ng trabahong tatanggap sa akin, hindi mo na kailangan isipin kung saan kukuha ng pera para sa mga gastusin sa bahay.”
“Salamat, ‘nak.” Nginitian ako ni Mama at parang anytime ay maiiyak na.
“‘Ma, ‘wag ka ngang madrama. Hindi mo mapapalitan si Vilma Santos sa acting-an,” pagbibiro ko saka dumiretso na papunta sa kwarto ko para makapagpalit ng damit.
“Puntahan mo na lang ako sa baba, ha?” Dinig ko pang sigaw ni Mama. Hindi na ako sumagot dahil narinig ko na ang mga yabag niya pababa ng bahay.
Mabilisan ang naging pagpapalit ko ng damit. Isang peddle shorts ang sinuot ko at puting T-shirt na may naka-print na puso at pagkatapos niyon ay lumabas na ako ng kwarto. Sinundan ko na si Mama sa labas para ako na ang pumalit sa kanya sa pagtitinda ng mga inihaw na tinitinda namin.
Naabutan ko si Mama na kasama ang kapatid ko na si Oli. Inaayos ni Mama ang pagkakahilera ng mga bituka ng manok sa charcoal grills habang ang sampung taong gulang na kapatid ko ang nagpapaypay para magkabaga ang uling.
“Oli, ‘Ma, itabi niyo. Ako na,” sabi ko sa dalawa at ginaya pa ang nag-viral na quote ni Mar Roxas.
Humagikgik naman ang kapatid ko sabay bigay sa pamaypay na ginupit lang na isang kapirasong karton na hawak nito. Ginulo ko naman ang buhok ni Oli. “Sige na. Makipaglaro ka na do’n.”
“Salamat, Ate!” masayang sambit nito at nagtatatakbo na palayo sa pwesto namin.
Si Mama naman ang hinarap ko. “‘Ma, pumasok na kayo sa loob. Ako na lang dito.”
Nawala ang atensyon niya sa pagluluto ng isaw at tumingin sa akin. “Sigurado ka ba? ‘Di ba, may trabaho ka pa Elias mamaya?”
Isang maliit na comedy bar ang Elias na binanggit ni Mama. Kapag sasapit na ang alas otso ng gabi, doon kaagad ang diretso ko pagkatapos kong kumain ng hapunan. Nagtatrabaho ako roon bilang komedyante at singer.
Hindi naman sa pagmamayabang, pero mahihiya sa akin si Sarah Geronimo kapag narinig niya ang boses ko. Chos! Syempre, mas magaling pa rin sa akin ang lodicakes ko.
“Mamayang alas otso pa lang naman ang pasok ko ro’n, ‘Ma,” katwiran ko.
“Ayaw mo bang magpahinga muna? Kagagaling mo lang sa byahe.”
Bumuntong hininga ako at binigyan ko ng tinatamad na tingin si Mama. “‘Ma, pinaglihi mo ‘ko sa kalabaw, remember? Kaya ko ‘to.”
Wala na rin nagawa si Mama kundi ang ipasa ang trono niya sa akin at pumasok na sa loob ng bahay. Alam ko naman kasing kanina pa siya sa pagtitinda, at iniwan ko siyang naglilinis ng mga ititinda namin. Saka hindi lang naman kasi ito ang hanap-buhay namin. Naglalako pa kami ng mga kakanin at iba pang klase ng mga pagkaing pang-miryenda.
Hindi naman gano’n kalaki ang kinikita namin sa pagtitinda ng mga inihaw dahil na rin sa hindi kami nag-iisa sa pagtitinda ng ganito sa lugar namin. ‘Lam niyo na ‘yong mga imitator entrepreneurs. Ay wow! May alam pala akong gano’n.
BAGO sumapit ang alas otso ng gabi, ang pumapalit sa trono ko ay ‘yong twenty-one years old na kapatid kong lalaki. May pagkakataon na sasamahan siya ni Mama. Tapos, ako, papasok na ng bahay para makapag-ayos at lalakarin na ang papuntang Elias.
Papasok pa lang ako ng Elias nang sinalubong kaagad ako ng yakap ni Modesto o mas kilala sa pambabaeng pangalan nitong ‘Madie’. “Barbs! Kamusta ang modelling?” Kahit na pinalambot na nito ang boses, hindi pa rin maitatanggi na malaki at malalim ang boses nito.
“Naging maayos naman. Medyo nahirapan lang sa pronunciation,” sagot ko saka hinabulan pa ng mahinang pagtawa.
“Sinabi ko naman kasi sa iyo, Madam! Manood ka ng mga pelikulang ingles nang hindi ka na mahirapan.”
“Alam mo namang wala sa oras ko ang manood. Masyado akong busy sa buhay.”
“Halata nga sa iyo, e. Ultimo jujugjog sa iyo, hindi mo na mapagtuunan ng pansin.”
“Wala pa sa isip ko ang mag-asawa, Modesto.”
Napapadyak ito ng paa nang tawagin ko ito sa tunay nitong pangalan. “Kadiri ka naman, Barbs, e!”
Napahalakhak na lang ako sa tinuran niya. Sabay kaming pumasok sa loob ng comedy bar at dumiretso sa isang kwarto kung saan nag-aayos at nagbibihis ang mga kasamahan namin. Naging busy din kaming lahat sa pag-aayos dahil sa pagsapit ng alas otso-treinta, mag-uumpisa na ang pagtatrabaho namin sa stage.
Mahigit isang taon na rin ako nagtatrabaho bilang comedian at singer sa comedy bar na ito. Maliit man ang sahod, pero malaking tulong pa rin sa pamilya ko. Ilang beses na rin akong napa-away ni Modesto dahil napagkakamalan akong bakla o ‘di kaya’y p****i dahil sa sinusuot kong costume dahil sa maiikling cocktail dresses, makapal na make-up, at piluka na sinusuot ko. ‘Yong nagtatrabaho lang ako ng disente rito tapos nababastos pa ako. ‘Yoko na sa Earth! Mabuti na lang, nagiging brusko at lalaki si Modesto para ipagtanggol ako kapag nasa gano’n akong sitwasyon.
Nakatingin ako sa sariling repleksyon habang inaayos ang suot kong kulay pula na piluka nang may kumatok sa pinto. Si Madie, nakasilip sa siwang ng pinto. “Madam, ikaw na lang hinihintay! The stage is yours ulit! ‘Wag ka na magpa-ganda lalo. Alam na naming walang tatalo sa beauty mo!”
“Oo na. Palabas na ako.” Sinipat ko ulit ang sarili sa salamin bago tumayo at sumunod na kay Madie. Inayos ko ang cocktail dress na humahapit sa bawat kurba ng katawan ko.
Pag-apak ko sa maliit na stage ng comedy bar, musika at palakpakan ang kaagad na sumalubong sa akin. It is not like this is my first time singing in front of others, pero hindi ko pa rin maiwasan ang kabahan sa takot na pumiyok ako at makalimutan ang lyrics ng kanta.
Gabi-gabi, ganito ang trabaho ko. Ako ang pinaka-opening remark ng Elias.