*** Mistulang apoy na mabilis kumalat sa buong bansa ang pagbabalik ni Avah Lopez. Maya'tmayang pagbabalita tungkol doon ang nakikita nila sa telebisyon. Itinuturing nga itong malaking himala at misteryo dahil sa loob ng ilang linggong pagkawala nito, walang sino man ang nakakaalam kung saan ito nanggaling. Isa ring palaisipan kung paano ito nakarating sa resthouse sa Batangas na wala ngang maalala. Kasalukuyang balisa ang tunay na Avah habang nasa salas sa simpleng bahay ng mga Katoh. Nakaharap man siya sa TV, nakatutok naman ang tingin niya sa phone na nasa center table. Kanina pa siya naghihintay ng pagtawag ni Simon, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito kumukontak sa kaniya. Kanina, ipinalabas na rin ang live statement na ibinigay ni Hector Lorenzo patungkol sa nangyari.