Prologue
“May Pneumonia ang anak mo, Ms. Keiko, kailangan niyang ma-admit sa hospital na ito bago pa lumala ang kanyang kondisyon.” Binalot ng matinding takot at pag-aalala ang puso ko ng marinig ko ang sinabi ng doctor, kasabay nito ang pagiging tuliro ng utak ko.
“Diyos ko, saang kamay ko hahagilapin ang perang ipanggagastos namin dito sa hospital? At isa pa ay napaka bata pa ng anak ko para maranasan ang ma-confine sa hospital.” Para na akong baliw na kinakausap ang sarili ko habang nahahabag na pinagmamasdan ang aking anak.
Saglit akong natulala, dahil sa dami ng problema na tumatakbo sa utak ko.
Kay bilis ng mga pangyayari at ngayon ay natagpuan ko na lang ang aking sarili na nakatulala sa isang taong gulang kong anak na nakahiga sa kama, si baby Quin.
Nanghihina na nilapitan ko ang aking anak at parang dinurog ang puso ko ng makita ko ang nakakabit na swero mula sa maliit nitong kamay.
At kahit na mahimbing ang tulog nito ay bakas pa rin mula sa malaanghel niyang mukha ang labis na paghihirap dahil sa matinding ubo na may kasamang lagnat.
Nanlulumo na umupo ako sa bangko na nasa gilid ng kama at tahimik na umiyak. Gusto ko ng panghinaan ng loob dahil sa dami ng problema na dumarating sa aming mag-ina. Kulang na lang ay tawagin ko ang lahat ng santo at magmakaawa.
Wala akong mahingān ng tulong at wala rin akong matakbuhan na kamag-anak dahil isa akong ulilang lubos na lumaki mula sa isang bahay ampunan.
Nang dahil sa scholarship ay nakapag-aral naman ako ng college sa St. Conception University sa kursong Business Administration. Iyon nga lang isa akong undergraduate, dahilan kung bakit mahirap para sa akin ang makahanap ng trabaho. Isa pa sa naging problema ko kung bakit hindi ako makahanap ng permanenteng trabaho ay ang pagiging dalagang-ina ko.
Tuluyan na akong napahagulgol ng iyak habang nakayuko sa gilid ng kama, hawak ang munting kamay ng aking anak. Hindi na baleng magdildil ako ng asin basta maayos lang ang kalagayan ng anak ko.
Siya na lang ang dahilan kung bakit patuloy akong lumalaban sa malupit na mundong ito. Sa oras na may mangyaring masama sa anak ko ay mas mabuti pang mamatay na lang din ako.
Parang pinipigâ ang puso ko habang buong pagsuyo na hinahaplos ang buhok ni baby Quin.
Ilang sandali pa ay narinig ko na bumukas ang pintuan. Hindi na ako nag-abala pa na lingunin kung sino ang pumasok. Marahil ay isang nurse lamang ito upang suriin ang kalagayan ng anak ko.
Nahinto ang aking kamay sa paghaplos sa buhok ni baby Quin ng marinig ko ang ilang mabigat na mga yabag at tumigil ito sa bandang paanan ng kama. Napilitan na akong mag-angat ng mukha. Ngunit sa pag-angat ng mga mata ko ay nagimbal ako dahil sa taong nakatayo sa aking harapan.
Halos takasan ako ng kaluluwa na wari moy nakakita ng multo. Nagsimula ng magpanik ang buong sistema ko at natatakot na napatayo ako mula sa aking kinauupuan.
Umatras pa ng isang hakbang ang paa ko.
“I-ikaw? A-anong ginagawa mo dito? P-paano mo kaming nahanap!?” Hindi magkandatuto kong tanong habang nanlalaki ang aking mga mata na nakatitig sa mukha ng lalaking nakatayo sa aking harapan.
Siya si Mr. Evan Kier Walker, ang taong halos dalawang taon ko ng tinatakasan at pilit na ibinaon sa limot.
Nang mga sandaling ito, pakiramdam ko ay kaharap ko na si kamatayan. Mas lalo akong nabahala ng maalala ko ang aking anak. Binalot ng takot ang puso ko para sa kaligtasan naming mag-ina. Parang gusto kong buhatin ang anak ko at tumakbo palayo sa lalaking ito, pero hindi ko magawa, dahil sa kalagayan ng aking anak.
“Hindi na importante kung paano ko kayo nahanap, didiretsuhin na kita, batid ko na ang batang iyan ay isang Walker.
Hindi ko hahayaan na may mangyaring masama sa batang ‘yan. Aakuin ko ang lahat ng responsibilidad at kikilalanin din niya ako bilang isang ama. Babayaran pa kita ng isang milyon kapalit nito ay magpapakasal ka sa akin at magpapanggap sa harap ng pamilya ko bilang isang ulirang asawa.” Natigilan ako sa naging pahayag nito.
Medyo naguluhan pa ako dahil tila ibang tao ang kaharap ko, malayo sa Evan na kilala ko noon. Pero sa kabila ng malatupa nitong itsura ay batid ko na nagkukubli mula sa kanyang mga mata ang isang pagkatao na tanging ako lang ang nakakaalam.
“A-akuin ang responsibilidad? Siraulo ba ‘to? Nakalimutan na ba niya na ang batang ito ay talagang anak n’ya!? At siya ang dahilan kung bakit kami nagdurusa ng anak ko ngayon!”