Valeen's POV
"Ngayong nakilala na kita, hinding hindi na kita pakakawalan, Prinsesa ko. Handa ka na bang sumamang maglakbay kasama ko?" masuyong tanong ng isang makisig na binata matapos bumaba sa kanyang puting puting... kabayo?
Huh? Paano'ng naging kabayo 'yong sasakyan ng prinsipe ko? Di ba dapat mamahaling kotse? 'Yong chedeng ba 'yon? Pero mamaya ko na 'yon poproblemahin. Ang mahalaga, nandito na s'ya at kailangan kong sagutin ang tanong n'ya. Umayos ako ng tayo at unti-unting lumapit sa kanya.
Slow motion. 'Yon bang parang wala akong nakikita kundi s'ya. Nakangiting tiningala ko s'ya upang matitigan ang mukha n'ya pero blurd 'yon. Kinusot kusot ko ang mga mata ko saka s'ya tinitigang muli ngunit gAnon pa rin.
Haaayy. Ang dami namang aberya oh! Bakit naman ngayon pa lumabo ang mata ko kung kailan nasa harap ko na ang prinsipeng magliligtas sa akin mula sa madilim at mapanganib na gubat na ito?
Hindi ko na pinansin ang panlalabo ng mga mata ko at ang puting kabayo na dapat sana ay magarang kotse. Ikinawit ko na lang ang braso ko sa leeg n'ya at saka sinagot ang tanong nito.
"Oo, Prinsipe ko! Sasama ako sa'yo. Kahit saan mo gustong maglakbay. Sasama pa rin ako—"
"Valeen!!!!!!!!!!"
Napatigil ako sa pagsasalita nang may marinig akong tumawag sa akin. Napakunot noo ako. Sabi ng Nanay ko, wag daw ako basta basta lilingon kapag may tumawag sa akin lalo na at naliligaw ako. Hindi ko kabisado ang gubat na ito kaya imposibleng may makakilala sa akin. Hindi ko na lang pinansin ang tumawag at ipinagpatuloy ang pagsasalita.
"Gaya nga ng sabi ko kanina, sasama ako sa'yo-"
"Isasama talaga kita sa hukay ng Itay kapag hindi ka pa bumangon d'yan babae ka!!"
Biglang naglaho ang makisig na prinsipe at ang kanyang puting puting kabayo sa harap ko. Kasabay ng pagmulat ng mga mata ko.
"Aunty? Jessa? Jemma? Saan n'yo dinala ang prinsipe ko? 'Yong puting kabayo nasaan na?" tanong ko nang mabungaran silang tatlo na nakatunghay sa akin.
Tumawa si Jessa. Ang nakatatanda sa dalawang pinsan ko na anak ni Aunty Loreta, kapatid ng Tatay ko. Sila na kasi ang kumupkop sa akin mula nang mamatay ang Tatay ko na isang sundalo. Ang Nanay ko naman ay iniwanan ako matapos mamatay ang Tatay ko. Ayon kay Aunty ay natakot daw ito sa responsibilidad kaya basta na lamang daw ako iniwan.
"Feelingera na nga, assumera pa! Prinsipe? Huh! Dream it on, Valeen!?" sigaw nito.
"Dream it on, 'Teh?! Shucks! You are so bobita talaga! Magsama kayo ng hampas lupang si Valeen!" sigaw ng nakababatang si Jemma.
"Bakit, ha? Ano bang tama? Sige nga!"
"Dreaming on awake! Kasi nga, nanaginip s'ya ng gising diba?! Simple words you don't know? How bobo you are!?" nakatirik pa ang mga mata at nakatikwas ang daliring paliwanag ni Jessa. Napailing iling na lang ako. Hindi ako makapaniwalang sinira nila ang panaginip ko para lang magturuan ng English na hindi ko alam kung saan nila hinugot.
"Wherever!?" asik ni Jemma dito. Di ba dapat 'Whatever' 'yon? Tsk! Ewan ko. Nakaka-bobo ang dalawang ito.
"Magsitigil nga kayong dalawa at gawin ang mga assignments n'yo!" saway ni Aunty sa dalawang anak. Nag-irapan pa ang dalawa bago lumabas ng kwarto ko. Muling binalingan ako ni Aunty. "At ikaw! Bumangon ka na r'yan at pumunta ka sa simenteryo para linisin ang mga puntod doon! Mabilis!"
Malapit na kasi ang undas at bago dumalaw doon ay kailangan malinis muna ang mga puntod.
"Sige po," sagot ko sabay bangon sa kama. Alam kong hindi na naman ako makakakain ng umagahan dahil sa tono ni Aunty.
"Isa pa, tigil tigilan mo yang kakapangarap na makakapangasawa ka ng mayaman at maiaahon ka sa kahirapan, Valeen! Dahil matutulad ka lang sa Nanay mong ambisyosa!" dagdag pa nito. Napayuko na lang ako at piniling wag na lang magsalita. Walang lilipas na araw na hindi n'ya ako susumbatan tungkol sa ginawang pag-iwan ni Nanay sa akin mula ng mamatay ang Tatay ko. Pakiramdam ko ay isa akong napakalaking pabigat sa pamilya nito kahit ginagawa ko naman ang lahat para makatulong sa gastusin dito sa bahay.
Ipinaglalaba ko silang mag-iina at iba pa 'yong pag-sideline ko sa paglalabada kina Aling Pasing at pamamalantsa na rin. Matapos kong maka-graduate ng High School ay hindi na ako nakapag-college dahil hindi ko na masusuportahan ang pag-aaral ko kung paglalabada lang ang gagawin ko. Sa ngayon ay sumasideline ako bilang apprentice ng isang cook sa restaurant malapit dito.
Mabuti na lang at biniyayaan ako ng galing sa pagluluto at napapakinabangan ko iyon. Wala rin halos natitira sa konting sweldo ko sa pagiging apprentice dahil lahat ay ibinibigay ko kay Aunty. Bumabawi na lang ako sa mga tip na ibinibigay sa akin ng mga customers dahil minsan ay tumutulong din ako sa pagseserve ng mga orders.
Iniipon ko iyon dahil gusto kong makapag-aral ng college. Kahit manlang sana 2 years course ang matapos ko para makahanap ng matinong trabaho.
Minsan nga ay gusto ko ng umalis sa poder nina Aunty para hindi na n'ya ko sumbatan tungkol sa Nanay ko. Matitiis ko naman ang pagpapahirap nila basta sana igalang lang nila ang Nanay ko.
Kung tatanungin kung galit ba ko sa Nanay ko dahil sa ginawa n'yang pag-iwan sa akin ay hindi. Sama ng loob meron pero hindi ako totally galit sa kanya. Alam kong may dahilan s'ya kaya n'ya nagawa 'yon. Ang totoo nga n'yan ay gusto kong hanapin ang nakababatang kapatid nito. Nabanggit kasi ni Aunty na may kaya daw ang pamilyang umampon dito kaya marahil ay mayaman na ito ngayon. Hindi ko s'ya gustong hanapin para yumaman din ako kundi para matulungan n'ya kong hanapin ang Nanay ko. S'ya lang ang tangi kong alam na makakatulong sa akin. Pero mukhang imposible pa sa imposibleng mahanap ko s'ya dahil kahit pangalan nito ay hindi ko alam.
Napabuntonghininga ako. Ang tangi ko lamang alam na impormasyon tungkol dito ay sa Maynila ito nakatira. At masyadong malaki ang Maynila para mahanap ko ang isang taong ni pangalan ay hindi ko alam.
Kinuha ko ang walis tingting, sako at pintura na gagamitin ko sa paglilinis sa puntod ng Lolo at Itay ko at tuluyan nang lumabas ng bahay.