Ang gaan ng loob na naramdaman ko kanina lamang ay unti-unting natunaw. Ang kaninang malambot na ekspresyon ng mukha ay nag-iba na rin. At heto ako, pasimpleng hinangaan si Rose Razon dahil isa siyang huwarang ina at kakaiba sa matapobreng mayaman. Pasimpleng nahiling na sana ang ina ko ay kagaya niya pero p*ta, mali pala ako. Napakalaking kamaliang naniwala kaagad ako sa galing niyang umarte. Sigurado ba si Lucas na designer ang nanay niya at hindi dating artista? Dahil ang kaharap ko ngayon ay ibang-iba sa babaeng sumalubong at humarap sa akin kanina. At ngayong wala ang anak ay lumabas ang tunay na kulay. Bagaman at nadismaya at labis na napika sa tanong ng nakatatandang babae ay nagpatay-malisya ako, kung kaya niyang umarte, aba, tatapatan ko siya. "Hindi ko ho maintindihan ang