PROLOGUE

942 Words
Gising pa siya ngunit wala siyang makita sa silid na kinaroroonan. Ganunpaman, kabisado na niya kung saan nakalagay ang mga lumang sapatos at tsinelas ng kanyang Nanay Carlota. Maliit lang ang espasyo na kanyang tulugan pero okay lang naman iyon kasi maliit pa naman ang kanyang katawan. Kasya naman siya sa kanyang higaan basta nakatagilid lang siya at yakapin ang sariling tuhod. Balewala na sa kanya ang kirot at hapdi mula sa latigo ni Nanay Carlota. Kumbaga, nasanay na ang kanyang katawan. Sino ba naman kasi ang hindi masanay kung halos araw-araw ay nakikipaglaro sa kanyang batang balat ang buntot ng pagi? Gusto niyang umiyak at humingi ng tulong ngunit mas lalo lamang siyang masasaktan. Isa pa, kung wala ang Nanay Carlota niya, malamang na matagal na siyang patay. Kung hindi siya kinupkop nito, malamang ay nagpalaboy-laboy na lang siya sa kalsada at walang matutulugang maayos sa gabi. Puno na ng latay ang kanyang musmos na binti dahil sa araw-araw na panglalatigo ni Carlota sa kanya. Ang hindi niya lang maintindihan ay kung bakit kailangan pa siyang saktan nito. Ginagawa naman niya ang lahat. Noong una ay mabait sa kanya ang ginang pero ang kabaitan nito ay panandalian lamang. Sa kanyang murang edad na nwebe, siya na ang nagsasaing, naghuhugas, at naglilinis. Ilang ulit na rin niyang narinig mula sa matanda na dapat ay pagtrabahuan niya ang kanyang kinain. Dikit-dikit ang kabahayan sa Bonifacio Street kaya alam ng kanilang kapitbahay kung paano siya minamaltrato ni Carlota ngunit ni isa ay walang naglakas-loob na tumulong sa kanya. Malapit lang naman sana ang police station dahil nasa dulo lang ito ng kabilang kanto kaya lang ay hanggang bakery lang ang p’wede sa kanya tuwing lalabas siya ng bahay. Nasubukan niyang suwayin ang utos ng ginang noon ngunit nasaktan lang siya ng husto nang makauwi siya sa bahay. Simula noon ay hindi na siya nangahas pa na suwayin ang utos ni Nanay Carlota. Muli siyang huminga ng malalim habang iniisip kung paano siya makatulog sa gabi gayung kumakalam ang kanyang sikmura? Kaya niyang balewalain ang hapdi sa kanyang sugatang balat, ngunit pakiramdam niya ay hindi niya kakayanin ang sobrang gutom. Mama, nasaan ka na ba? Mangiyak-iyak si Juan sa kanyang munting tulugan. Hapdi, kirot at gutom ang kanyang naramdaman at kung hindi siya kikilos ay baka hindi maibsan ang kanyang pagdurusa. Bumangon siya at hinagilap sa dilim ang lagayan ng kanyang gamot; ang dinikdik na penicillin. May mga panahon na nakatulugan na lang niya ang pag-iyak dahil sa sakit at gutom. Kung may mga magulang lang sana siya, siguro magiging iba ang takbo ng kanyang buhay. Siguro ay hindi siya malilipasan ng gutom at hindi buntot ng pagi ang laging dadampi sa kanyang balat.  Malakas kumain si Carlota dahil may kalakihan ito at kung ano lang ang natitira nito ay iyon lang ang pagkain niya. Ang masaklap, kadalasan ay walang matitira para sa kanya. Kaya siya nilalatigo kanina ay nanghingi siya sa babae ng pera na pambili sana ng isang pirasong tinapay. Gutom na gutom na siya, at ganun na rin siguro ang kanyang mga bulate dahil panay ang kulo ng kanyang tiyan. "Nay," mahina niyang tawag kay Carlota nang magdilim ang kanyang paningin habang papunta sa silid nito upang subukan muling manghingi ng pambili para sa tinapay. Nainis si Carlota sa batang kanina pa tawag ng tawag sa kanya. Naistorbo tuloy ang panonood niya ng Esperanza. "Ano na naman ang kailangan mo, Juan? Peste ka talagang bata ka!" "Pahingi po ng pera, pambili ng tinapay,” nagsumamo siya sa babae dahil gutom na gutom na siya. "Tinapay na naman? Aba, kain ka ng kain, bago nga lang tayo naghapunan, ngayon manghihingi ka na naman para sa tinapay? Matulog ka na!"  “Gutom na gutom po ako, hindi pa ako nakapaghapunan,” sagot niya at patuloy siyang nagmamakaawa kay Carlota hanggang sa may dinukot ito mula sa bulsa ng suot nitong pulang daster. "O, heto ang dalawang piso na buo. Ibalik mo sa akin ang piso, naintindihan mo?" Naiimbyerna na bumalik sa panonood ng Esperanza si Carlota. Lubos niyang pinagsisihan na nagpaloko siya sa ina ni Juan. Ang sabi nito, pansamantala lang nitong iiwanan sa kanya ang bata at habang nasa kanyang poder si Juan ay magpapadala ito ng pera buwan-buwan. Ang putangina ay nagpadala nga pero isang beses lang at hindi na iyon nasundan pa. Paano niya bubuhayin si Juan eh kulang pa nga sa kanyang pagkain ang kinikinita niya sa labada. Hay, bwisit talaga! Natapos na ang Esperanza ngunit hindi pa rin nakabalik si Juan. Naiinis na lumabas ng bahay si Carlota, bitbit ang kanyang latigo, dahil sigurado siyang nakikipaglaro na naman ito sa ibang bata. Hindi mailarawan ang kanyang hitsura sa galit nang magmartsa patungo sa pinakamalapit na panaderya na suki ng bata. "Ano'ng meron?" tanong ni Carlota sa isang lalaki na nakikiusyoso sa nagkakagulong mga tao. Hindi na bago sa kanilang lugar ang eksenang naabutan at aalis na sana siya nang biglang may nagsalita. "May nasagasaan na bata," sabi ng isang tambay. Kinabahan si Carlota sa kanyang narinig. Hindi kaya si Juan ang nadisgrasya? Dagdag problema na naman kung ma-ospital ito! Nakikiraan siya sa mga taong nakapalibot sa nasabing bata na nasagasaan at napapikit siya nang makita ang duguang katawan ni Juan. Hindi siya makapagsalita dahil sa pagkagulat ngunit buhay pa si Juan at nagmakaawa ang mga mata nito na tulungan niya. Nang magtagpo ang kanilang mga mata, nakita niyang tumulo ang mga luha nito at bigla siyang umiwas ng tingin. "Kilala niyo ba ang bata?"  Napaigtad si Carlota sa kanyang kinatatayuan nang bigla siyang tinanong ng isang tanod sa barangay. "Hindi po," sagot niya bago tumalikod at umalis.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD