Chapter 1: Small World

1562 Words
KASALUKUYAN… AKMANG tatayo si Dana nang tawagin siya ng boss. "I need to talk to you," anito. Tumango siya at bumalik sa pagkakaupo. Isa-isa niyang nginitian ang mga kasamahan na papalabas na. Himala, ngayon lang siya ulit kakausapin nito na mag-isa. Baka may mahalaga itong sasabihin sa kanya. Nang makalabas ang ibang kasamahan niya ay tumayo ang boss niya at lumapit sa kanya. Naupo pa ito sa mesa, malapit sa kanya. Sinabayan din nito nang paglapag ng folder. “Ano ‘to, boss?” nagtatakang tanong ni Dana nang makita ang folder na inilapag ng boss sa harapan niya. Kakatapos lang ng misyon nila at naging successful. At kakasabi lang niya sa boss na pahinga muna siya sa misyong malalayo o matagal na undercover, kahit na dalawang linggo lang pero heto, may inilapag ito sa harapan niya. Kung titingnan kasi ito, para bang urgent at kailangan talaga niyang tutukan. "Your mission. Kaso hindi ko alam kung hanggang kailan. Depende sa kliyente," "S-Supremo," hindi niya naiwasang tawagin ito sa talagang tawag ng karamihan. "Akala ko po malinaw nang wala muna akong tatanggapin na misyong matatagal. K-kailangan po ako ng anak ko ngayon." "Yeah, I'm sorry. Pero hindi naman 'yan oramismo. Pwedeng after ng birthday ni Maliyah. May tao naman na ako doon pero gusto ko siyang ilipat sa ibang misyon. At, um, nakita kong ikaw ang mas may maraming alam sa taong aalisan niya, kaya, I chose you." Nakahinga siya nang maluwag. Akala niya, ngayon. Ang dami niyang gagawin pa naman simula bukas. "Sino po ba ito?" Kinuha na lang niya ang folder at tsinek kung sino ang bagong misyon. Parang huminto ang mundo niya ng ilang segundo nang makilala ang nasa litrato. Dahan-dahan pa siyang nag-angat nang tingin sa boss. "S-Supremo naman," nauutal pa niyang tawag dito. Seryoso na itong nakatingin sa kanya habang ang kamay ay abala sa paglalaro ng ballpen. May mga exhibition pa itong ginawa. Para bang nasa harapan ito ng mga judge na kailangang maibigay ang best at maipanalo. Nagmumula lang sa tunog ng ballpen ang maririnig na ingay ng mga sandaling iyon. "B-bakit siya? A-ayoko, Supremo! Wala na po bang ibang pwedeng sumalo nito?" Wala siyang karapatang magreklamo dahil boss niya ito pero wala siyang magagawa. Alam nito pati ang nakaraan nila. Kaya bakit sa kanya ibinigay itong misyon na ito? Alam naman niyang iniiwasan niya ito ng matagal na panahon. Nang-aasar ba ito sa kanya? Saka bakit ngayon pa? Kung kailan magbe-bertdey na ang anak niyang si Maliyah. "Actually, there is no choice for you, Tres. Kita mo naman ang mga misyong binigay ko sa kanila, delikado at siguradong malalayo ka sa anak mo. At kailangang fulltime ka doon. Isa 'yon sa inaayawan mo ngayon dahil sa nalalapit na kaarawan ng anak mo. Right?" Dalawang linggo na ang nakakaraan mula nang sabihin niya kay Supremo na 'wag siyang bigyan ng misyon na ganyan. At pumayag naman ito dahil marami nga talaga silang aayusin sana ng Ate Diane niya para sa paghahanda ng birthday ni Maliyah. Kaso, nagkaroon ng isang emergency kaya napilitang hugutin din siya ni Supremo, at nito lang nabakante sa trabaho. Kaya tuloy, hinayaan niya ang kapatid na mag-decide kung saan gaganapin. At gusto ng Ate niya sa Caramoan. Ayaw niya sana na doon ganapin, pero naka-schedule na daw sa Hotel De Astin. Isa pa, libre na ang venue kaya grinab na ng kapatid niya. Kung siya lang ang masusunod, ayaw niyang doon ganapin sa Caramoan. Kapag umuuwi kasi siya talaga doon, saglit lang. At ayaw niya rin sanang iuwi doon ang anak. Pero wala na siyang magagawa, nakapag-decide na ang kapatid. Wala nang oras para maghanap pa ng bagong venue dito sa Maynila. Ang kapatid niya ang nagsisilbing ina ng anak simula nang isilang niya ito, kaya alam nito ang gusto at makakabuti para sa anak. Wala siyang karapatang magreklamo kung tutuusin. Hindi niya nga alam kung responsable siyang ina. Pero lahat naman ng ginagawa niya para kay Maliyah... para sa future nito. Sana maintindihan nito kung bakit na mas madalas kasama nito ang kapatid niya, imbes na siya. Pero kapag wala siyang trabaho naman, buong araw naman silang magkasama at sinusulit nila ang bawat oras. Matagal siyang hindi umimik kaya ang boss ulit ang nagsalita. “Don’t worry, kapag may nabakante, sa iba ko ipapasa,” biglang bawi ni Supremo na ikinahinga niya nang maluwag. Napailing na lang ito nang ngumiti siya rito. "Pero 'wag ka munang magsaya dahil hindi pa sigurado. Sa 'yo pa rin babagsak ang misyon kung sakali." Napaingos tuloy siya sa sinabi na naman nito. Sana nga may sumalo mg misyon niya. Hindi pa siya actually handa na makita at makasama ang lalaking iyon. Tapos matagal pa. Alam naman nitong iniiwasan niya ang lalaking iyon tapos iyon pa ang ibibigay nitong misyon. No way! Tumayo siya at nagpaalam na dito. Wala naman talaga itong magawa kapag siya ang umayaw. “Hanggang kailan mo ililihim ito sa kanila, Dana?” Napatigil siya sa paglalakad nang marinig ang tanong ni Supremo. “Hindi ba oras na para magkakilala na sila?” dugtong pa niya. “Oras na? Saan? Hindi naman ako nag-set ako ng alarm, Boss,” pabalang niyang sagot. Ngumiti pa siya nang mapakla dito. “Maliyah will turn seven in a few days. Hindi ba magandang regalo ‘yon sa kanya?” Napakuyom siya ng kamao. Pero siyempre, hindi niya pinakita, boss niya pa rin kasi ito. Bakit kasi sa daming makakaalam, ang boss pa niya ang nauna? Dakilang tsismoso talaga ito. Lahat kasi ng baho nila ay alam nito. Siyempre, kailangan nitong i-background check ang lahat ng tauhan nito bago tuluyang tanggapin. Nang malaman niyang ito ang may-ari ng Alleanza, kinulit niya talaga si Supremo hanggang sa mapapayag. “Hindi naman naghahanap ang bata, Boss. Kaya wala namang dapat sabihin sa kanya.” Kailangan niya lang protektahan ang anak. Ang boss naman ang ngumiti nang mapakla. “Minsan ba, natanong mo ang anak mo kung gusto niyang makilala ang ama niya?” Natigilan siya sa tanong nito. “Bakit ko naman po itatanong sa anak ko, e, hindi naman siya hinahanap ng ama.” “Kasi hindi niya alam. Kung alam niya, sigurado akong hahanapin niya ang anak niya. Walang ama na gustong mawalay sa anak. Lalo pa’t napakabibo ni Maliyah. Kahit ako natutuwa sa kanya.” Bakit pa niya sasabihin sa lalaking ‘yon, e, inayawan nga sila. “I think masyado nang personal, Boss. Kailangan ko na pong umalis. Papasok pa ako sa trabaho.” Front job niya ang tinutukoy niya, bilang waitress sa isang restaurant na pag-aari ng kaibigan niya, na isa ring secret agent na kagaya niya. Hindi na niya hinintay na magsalita si Supremo, mabilis na iginiya niya ang sarili palabas ng conference room. Ilang beses siyang nagpakawala nang bungong-hininga bago lumabas sa opisina nila. Nagpara din siya ng taxi at nagpahatid sa restaurant na pinagtatrabahuhan. Pasado alas onse na noon ng umaga nang makarating siya. Kaagad na sinuot niya ang uniporme pagka-time-in. Part timer lang siya dito kaya walang reklamo ang mga ito. Saka alam ng mga ito na kaibigan niya ang may-ari at hawak niya ang oras niya. Pasado alas-nuebe nang mag-out siya. Hindi siya dumiretso sa bahay niya pag-uwi dahil sinama ng kapatid ang anak sa Caramoan. Wala siyang kasama na naman ngayon na matutulog. Kaya nagpasya siyang sa ZL Lounge dumaan. "Isang gin spritz nga, Kuya." Nilakasan pa niya para marinig ng kapatid. Napaangat nang tingin ang kapatid nang marinig naman siya. Talagang dito siya sa bar counter dumiretso nang makita ito. Dapat kukuha siya ng mesa para mag-solo. "Buti okay pa ang liver mo," ani na naman ng kapatid. Kasunod niyon ang pameywang. "Ferds, pa-order ako," aniya sa kasama nito na kaagad namang sinunod nito. "Ako pa ba. Don't worry, pampatulog lang." Inilapit niya ang sarili sa kapatid. "Naubos na kasi 'yong bigay ni Kuya Ezekiel," aniya na ikinalaki ng mata nito. "Humingi ka talaga kay Kuya?!" "Hay, bigay nga, e." "May balak ka bang magpakamatay, huh? Itigil mo na 'yan kung ayaw mong sabihan ko si Ate na pauwiin ka na ng Caramoan!" "Ang OA mo, Kuya. Ang laki ko na para pagbawalang uminom." Sabay kuha ng alak na inihanda ng kasamahan nito. Tumalikod din siya para tingnan ang mga nagkakasiyahan sa gitna. Hindi na niya narinig na nagsalita ang kapatid. Kinapa niya mayamaya cellphone niya nang maramdaman ang pag-vibrate no'n. Napangiti siya nang mabasa ang text ng kapatid na hinatid nito si Maliyah sa bahay niya kasama ang nag-aalaga dito. Mabilis niyang inubos iyon at ibinalik sa kapatid ang ginamit na baso. "Palagay na lang sa tab ni Kuya, Ferds." "Noted," nakangiting sagot nito. Tumingin siya sa kapatid na nakasimangot na. Bago pa man ito magsalita ay inunahan na niya. "Thanks, Kuya!" Sabay baba sa high chair. "Dana!" dinig niyang tawag nito, kaway lang ang sinagot niya dito at mabilis na lumabas ng bar. Papara na sana siya ng cab nang may humintong sasakyan sa tapat niya. Umatras siya dahil baka bumaba na ang sakay niyon. Lumapit na rin kasi ang driver niyon para pagbukasn ito. Napatigil siya sa pag-atras nang mapagsino ang bumaba. Isang tao lang naman na ayaw niyang makita ng mga sandaling iyon. Sa dinami-dami ng tao sa mundo, bakit ito pa ang nakita niya? Sadya bang maliit na ang mundo nila? Akmang hahakbang siya papalayo nang marinig ang boses nito. "Dana!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD