(November 25, 2017)
Malalim ang gabi at malakas ang hangin. Kanina pa ako naglalakad dito sa gubat na hindi ko naman alam kung saan ako patungo. Isang liwanag ang nakita ko sa 'di kalayuan. Agad akong tumakbo at ng marating ko 'yun ay nagbalik na naman ako sa lumang simbahan. Ito na naman.
Bakit ba dito nalang ako palaging napapadpad?
"Salamat at muli kang nagbalik." Ayan na naman ang nakakakilabot na boses niya.
"Tama na. Tigilan mo na ako!" Sigaw ko.
Biglang yumanig ang buong paligid.
"Hindi mo ako pwedeng itaboy. Magsisisi ka!" Sigaw niya na tila nagalit.
Mula sa pinto nang simbahan ay nakita kong lumutang ang nakakatakot na babaeng duguan.
Galit itong nakatingin saakin.
"Bakit mo ako ginugulo? Ano bang kasalanan ko sa'yo?" Tanong ko.
"Wala. Ang gusto ko lang naman ay makasama ka, 'yun lang."
Gusto kong magtakip ng mata.
Nakakatakot ang itsura niya. Nanginginig tuloy ang tuhod ko.
Lalo akong natakot ng mula sa paa ko ay lumitaw ang isang inaagnas na kamay. Napaatras ako at lumubas doon sa ilalim ng lupa ang inaagnas na mukha ng matandang babae. Nakakatakot ang mata niyang nanlilisik saakin.
Sa kakaatras ko ay hindi ko na pala namalayan na bangin na ang nasa likuran ko. Napasigaw ako ng tuluyan akong mahulog doon.
****
Sarili kong sigaw ang gumising saakin. Nagulat pa ako ng mabilis na nag takbuhan sina Mama at tita Cora sa kwarto ko.
May hawak na sandok si Mama, habang si tita Cora naman ay may dala namang kutsilyo. Gulat na gulat sila ng pumasok sa kwarto ko.
"Anong nangyari? Bakit ka sumisigaw?" Tanong ni Mama.
Agad akong bumangon. Hingal na hingal ako at pawis na pawis. Tila ba tumakbo ako ng kay layo-layo. Hanggang sa pag gising ko ay dala-dala ko ang takot ko.
"Binangungot po ako. Napakasama ng panaginip ko," sagot ko sa kanila.
Lumapit saakin si Mama at saka ako hinaplos sa likod.
"Kumalma ka na. Ayos na. Panaginip lang 'yun," saad ni Mama.
"Bakit hanggang sa panaginip ko ay ginugulo nila ako? Ano bang problema nila saakin? Anong kasalanan ko?"
"Hindi ka siguro uminom ng tubig kagabi, bago matulog. Pinaalala ko pa naman sa'yo na kung nakainom ka ng alak ay uminom ka ng tubig bago matulog. Isa pa, isip ka siguro ng isip sa kanya kaya pati sa panaginip mo ay dinadalaw ka niya," saad niya.
Napatingin ako kay tita Cora. Naalala ko ang baliw na matandang babae.
"Nakikita ko mo rin siya di'ba?" Tanong ko kay tita Cora.
"S-sino?" Nalilito pa niyang sabi.
"Ang baliw na matandang babae na tinaboy nyo nung isang araw," sagot ko.
"Oo, nakikita ko siya. Bakit mo naman natanong?" Sagot niya. Sabi ko na nga ba e.
"Kaluluwa na rin siya, ibig sabihin nakakakita din kayo ng mga ligaw na kaluluwa?" Tanong ko pa.
Bahagyang natawa si tita Cora. "Nagkakamali ka. Buhay pa siya. Hindi patay ang matanda 'yun. May hindi ka alam tungkol sa kanya," saad niya.
Nalilito na talaga ako. Ano na bang nangyayari? Malapit na malapit na talaga akong mabaliw. Hindi ko na tuloy alam kung buhay o patay ang mga nakikita ko. Tulad nalang ni Bino at lolo Karding. Patay na sila pero nakakausap ko pa. Saka ang babaeng duguan at ang baliw na matandang babae, ano ba sila? Sino ang buhay sa kanila at sino ang patay?
"Ano ba siya?" Tanong ko.
Nagtinginan muna sila bago ako sinagot.
" Ang baliw na matandang babae na sinasabi mo ay si lola Arsenia. Isa siyang mangkukulam," sagot ni Mama "Sa kanya galing ang mga pangontra na binigay namin sa'yo. Isa pa, kapatid siya ng lola mo," saad pa ni Mama.
"So, kamag-anak pala natin ang sinasabihan ko na baliw na'yun. Ang sama ko pala," saad ko.
"Kaya lang, hindi na kami good ni lola Arsenia. Nagkagalit kami dahil sinisisi niya kami sa pagkamatay ng anak niyang si Gina," wika ni Mama.
Marami akong nalaman sa binunyag nila. Pero marami pa akong tanong na hindi pa nila nasasagot. Tulad nalang na bakit ako ang ginugulo nila? Sino ang babaeng duguan? Siya nga ba ang Gina na tinutukoy ni Mama na anak ni lola Arsenia?
Gusto ko pang magtanong sa kanila, kaya lang masusunog na daw ang niluluto nilang tanghalian namin kaya bumaba na sila.
Nililigpit ko ang kama ko ng biglang may tumulong kung anong likido sa noo ko. Sinapo ko 'yun at nagulat ako ng makita kong dugo ang tumulo sa noo ko. Kinilabutan ako. Siya lang ang alam kong duguan. Dahan-dahan akong tumingala sa itaas. Ganun-ganun nalang ang takot ko ng sa kisame ng kwarto ko ay nakita kong nakalutang ang babaeng nakabistidang puti na duguan ang mukha. Sumigaw ako ng malakas at dali-daling tumakbo sa ibaba. Pagtuntong ko palang sa unang palagpag ng hagdan ay namali ako ng hakbang. Nadulas ako at nalaglag sa hagdanan.
Wala na akong malay-tao ng malaglag ako sa ibaba. Ang huli ko nalang na natatandaan ay ang takot na takot na mukha ni Mama habang buhat-buhat ang ulo ko.
****
Ang buo kong akala ay mahuhulog ako sa bangin. Nagulat nalang ako ng masabit ang damit ko sa isang matibay na sanga ng puno na nakalaylay sa bangin.
Malayo-layo din sa itaas ang binagsakan ko. Kumapit ako sa sanga at dahan-dahang umakyat sa itaas.
Pag akyat ko ay wala na ang lumang simbahan. Napalitan na ito ng bago. Maraming tao. Maraming sasakyan. Tila ba may minimisahan na patay sa loob.
Pumasok ako sa loob ng simbahan. Nagtaka pa ako ng makita ko sa loob sina Mama at tita Cora. Nandoon din ang mga kaklase at mga kaibigan ko.
Dahil mga kakilala ko ang lahat na nandoon ay sinilip ko na din ang nakabukas na kabaong na nasa gitna ng simbahan.
Napaatras nalang ako ng makita kong ako ang nakahiga doon. Sobra akong nagimbal na kahit sumisigaw ako ay walang pumapansin saakin. Ano ba ako? Ligaw narin ba akong kaluluwa?
"Sumama ka na saakin, ako lang ang nakakita sa'yo." Lumitaw sa likuran ko ang babaeng duguan. Ito na naman siya.
"Ayoko! Hinding hindi ako sasama sayo!" Sigaw ko at mabilis akong tumakbo sa simbahan.
"Anak?" Nadinig ko ang boses ni Mama.
"Anak?"
"Anak?"
Ilang beses niya akong tinawag.
"Gumising ka, Anak!"
****
Nag-aalalang mukha ni Mama ang bumungad saakin ng magkamalay-tao na ako. Alam kong nasa ospital ako dahil may dextrose na ako. Naalala ko, nalaglag nga pala ako sa hagdan. Mabuti nalang daw at wala akong naging damage sa katawan. Galos at bukol lang ang natamo ko sa ulo ko.
Im done. Hindi ko na talaga kaya. Bukas na bukas ay babalik na ako sa Manila. Kapag nagtagal pa ako dito ay baka matuluyan na ako.