( November 28, 2017)
Medyo ayos na ang pakiramdam ko ng gumising ako ng umagang 'yun. Medyo makirot nga lang ang mga sugat sa braso't binti ko.
Pagbaba ko sa ibaba ay gumagawa ng fruit salad si Mama, habang leche flan naman ang kay tita Cora.
"Ayos na ba ang pakiramdam mo?" Tanong ni Mama ng makita ako.
"Opo," sagot ko.
"Ma?" tawag ko sa kanya, "Ayoko nang makitang pumapasok ang lalaking 'yun sa bahay na'to. Maghiwalay na kayo," seryoso kong sabi.
Nakita kong nag iba ang timpla ng mukha niya. "Lester, Anak lang kita. Huwag mo akong pakelaman sa kung ano ang gusto ko!"
'Yun ang unang beses na nagkasalitaan kami ng hindi maganda.
"Hindi po ba kayo nahihiya? Kayo po ang dahilan kung bakit naghiwalay ang Ina at Ama ni Henjie," saad ko pa.
"Tama na. Huwag mong pagsalitaan ng ganyan ang Ina mo, Lester," awat saakin ni tita Cora.
"Hindi ko alam na ganyan ka pala. Ibang-iba ka na, Lester,"saad ni Mama.
"Kayo din po. Hindi ko din inaakala na ganyan din po pala kayo. Ayos lang sainyo na may masirang pamilya, basta ba sumaya lang sa feeling ng lalaking 'yun na wala namang silbi!" Saad ko.
Agad akong sinugod ng malakas na sampal ni Mama. Nagalit siya sa sinabi kong 'yun. Totoo naman e. Walang trabaho ang lalaking 'yun kaya wala siyang magandang kinabukasan na maibibigay sa kanya. Isa pa, kapag tumagal ay mamemera nalang 'yan kay Mama. Kaya hangga't maaga ay dapat ng putulin ang kung anomang mayroon sa kanila. Okay lang na masaktan ako at sampalin niya. Basta lang masigurado kong mailayo siya sa lalaking 'yun.
Matapos nun ay isa-isang nalaglag ang mga picture frame na nakadisplay sa likuran namin. Humangin ng malakas at biglang nalaglag ang ilaw ng chandlier kay Mama. Nagulat kami ng tamaan siya sa balikat. Nabuwal si Mama at nawalan ng malay-tao. Natakot ako kaya mabilis kong binuhat si Mama. Inihiga ko siya sa sofa sa sala namin. Pinaypayan ko siya. Alam kong hindi malala ang nangyari sa kanya dahil wala namang sugat at dugo ang braso na tinamaan ng chandlier. Ilang sandali pa ay nagising narin siya.
Humingi ako ng tawad sa kanya pero nandoon parin ako sa kagustuhan kong maghiwalay sila.
Dahil dun ay nagalit parin siya saakin. Magsasagutan pa sana ulit kami pero inawat ulit kami ni tita Cora. Para samandaliang matahimik kami ay inutusan nalang muna ako ni tita na bumili ng isang tray na itlog sa palengke. Magpalamig muna daw ako ng ulo. Kahit daw magtagal ako doon, basta umuwi daw akong ayos na at hindi galit.
Sinunod ko naman siya kahit mainit parin ang ulo ko.
Naglalakad ako patungo sa palengke ng bigla na namang sumulpot si Lola Arsenia sa harap ko. Ang matandang babae na pinagsasabihan ko dating baliw. Lapastangan ako dahil Lola ko pala siya.
Nagmano ako at sa unang pagkakataon ay nginitian niya ako.
"Maganda ang iyong ginawa. Ituloy mo lang 'yan dahil ikaw ang nasa tama," saad niya na medyo kinalito ko.
"Lola, pasensya na po kayo kung nitong mga nakaraang araw ay pangit ang pakikitungo ko sa'yo. Hindi ko po kasi alam na lola ko po pala kayo," saad ko.
Ngumiti siya "Okay lang Apo. Naiintindihan ko. Pero Apo, mag-iingat ka. May mga halang na sikmura ang may masamang plano na pumatay sa'yo. Unahan mo na sila. Siraulo ang Rodolfo na'yun. Siya ang nag utos na ipabugbog ka. Siya ang nasa likod ng mga katarantaduhan na nangyari sa'yo kagabi," saad niya na kinagulat ko.
"P-paano n'yo po nalaman?" Tanong ko.
"Hindi na mahalaga 'yun. Makinig ka nalang saakin. Basta, mag-iingat ka at may masama na naman silang plano sa'yo," saad niya. "Hindi ko na hahayaang mangyari pa ang dating katarantaduhan na ginawa niya," dagdag pa niya.
"Sige po, salamat po, Lola Arsenia," saad ko.
"Isa pa, huwag kang matakot sa kanya. Hayaan mo lang siya sa tabi mo at wala naman siyang gagawing masama sa'yo," saad niya pa. Hindi ko alam kung sino ang tinutukoy niya kaya nagtanong na din ako.
"S-sino po ba?"
"Si Gina," sagot niya.
"Sino po ba siya?"
Saglit siyang napatitig saakin. Para bang nag-aalinlangan pang sumagot saakin.
"Itanong mo nalang sa mga kasama mo sa bahay. Mas maganda ng sa kanila mo malaman," sagot niya.
"S-sige po. Salamat po ulit, mag- ingat po kayo sa pag-uwi," saad ko at saka na ako tumuloy sa palengke.
Dahil sa sinabi niya ay napagpasiyahan kong itapon na ang pangontrang kwintas ng binigay ng tita ko. Matapos kong ihagis sa damuhan 'yun ay agad ko ng nakita si tita Gina. Ang babaeng nakabistidang puti na puro dugo sa katawan. Nasa tabi siya ng isang malaking puno habang nakatingin saakin. Hanggang ngayon, hindi parin ako makapaniwala. Hanggang ngayon, kinikilabutan parin ako sa kanya. Pero sino nga ba siya? Tita ko nga ba si Gina? Kaano-anu ko ba siya at ganitong saakin nalang siya palaging nakabuntot? Anong hiwaga ang bumabalot sa kanya at hanggang ngayon ay lilisaw-lisaw parin ang kaluluwa niya dito sa mundo? Bakit hindi pa siya umaakyat sa langit?
****
Kinagabihan, habang kumakain kami ng hapunan ay nagtanong na ako.
"Sino ba talaga si Gina?" Agad kong tanong.
Nagulat sila sa tinanong ko. Walang sino man ang sumagot saakin.
"Tila ako nagtanong sa hangin," Inis kong sabi.
"Bakit mo gusto malaman? Ano bang pinagkulang ko at nagkakaganyan ka?" Sambit ni Mama. Napatigil siya sa pagkain at agad na napainom ng tubig.
"Siguro nga ay dapat na niyang malaman ang totoo," saad ni tita Cora na kinalito ko. Parang bigla akong kinabahan.
"Gusto mo ba talagang malaman?" Paninigurado pa niya.
"Opo," sagot ko agad.
"Okay," pauna niya. "Si Gina ang Ina mo. Siya ang tunay mong magulang," sambit niya na kinagulat ko.
Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa nalaman ko. Ang kaluluwa palang laging nakabuntot saakin ay ang Ina ko. Ibig sabihin ay lola ko talaga si lola Arsenia.
Naluha ako. Bakit ngayon ko lang nalaman ito? Bakit namatay ang Ina ko. Bakit namatay si Mama Gina?
Iyak lang ako ng iyak ng gabing 'yun. Gusto kong makita ang kaluluwa niya pero saka naman madamot ang tadhana dahil ni paramdam ay hindi ko nadama. Gusto ko siyang makita pero wala naman siya sa paligid.