( November 29, 2017)
Amoy na amoy na dito sa kwarto ko ang mga ulam na niluluto sa kusina. Amoy menudo na kahit saan ka man pumunta. 'Yun kasi ang pangunahing handa na niluluto dito sa Garay. Menudo festival nga kung tawagin nila. Lahat ng bawat bahay dito ay kanya-kanya na sa pagluluto ng kanilang handa. Masaya ang bawat isa at tulong-tulong sa bawat gawain. Kanya-kanyang kayod ng buko, halo ng ube at paghihiwa ng karne. Nakakainggit makita ang isang buong pamilya na sama-samang gumagawa sa isang bahay. Masayang pamilya na alam kong hindi ko na makakamtan ngayon.
Ito pala ang dahilan kung bakit noon paman ay hinihila na ang paa ko sa Garay. Ngayon taon ko na pala malalaan ang isang sikreto na matagal na nilang tinatago saakin.
Kaninang umaga pa ako hindi lumalabas dito sa kwarto ko. Nagkukulong ako. Napakalaki na hinanakit ko sa kanila. Ang tagal nilang tinago saakin ang katotohanan na wala pa pala silang balak na sabihin saakin.
Bata palang ako ay si Mama na ang alam kong tunay kong magulang. Nang magkamulat ako ng isip ay wala na talaga si Nanay Gina. Maliit palang ako ay namatay siya. Kinuwento nila saakin na natagpuan daw patay si Nanay sa tapat ng simbahan. May laslas daw ang leeg nito ng makita ng mga tao nung umaga 'yun. Napakasakit malaman na wala pa palang nakuhang hustisya si Nanay. Hindi nila alam kung sino ang pumatay sa kanya.
Kung kailang alam ko na ang dahilan kung bakit siya nagpapakita saakin ay saka naman siya wala. Kanina pa ako nag aabang sa pagpapakita niya pero wala.
Dinadalan nila ako ng pagkain pero hindi ko 'yun ginagalaw. Wala akong gana. Pero ng maisip ko bigla ang lola kong si Arsenia ay lumabas na ako sa kwarto ko. Gusto kong makita ang lola ko. Siya ang kailangan ko ngayon. Kailangan ko ngayon ng makakausap. Tinanong nila ako kung saan ako pupunta pero wala silang sagot na nakuha saakin.
Napakabait ng tadhana dahil nasa kanto palang ako ng lopez jaena ay nakasalubong ko na kaagad siya. Lumuluha siya ng makita ako. Ganun din ako kaya agad ko siyang niyakap.
"Nanay ko po pala siya, bakit nila tinago saakin 'yun?" Sambit ko.
"Dahil ayaw nilang mapunta ka saakin," sagot niya.
"Bakit naman po?" Tanong ko.
"Ang buong akala nila ay isa akong mangkukulam. Hindi nila alam na manggagamot lang naman ako. Isa lang akong pangkaraniwang albularyo. Hindi ako masamang tao. Ayaw nila akong paniwalaan kaya nagtanim ako ng galit sa kanila. Saka isa pa, may kutob ako na may kinalaman sila sa pagkamatay ng Ina mo," mahaba niyang sambit.
Nagulat ako sa sinabi niya. Ayaw ko mang paniwalaan pero ang tadhana na ata ang tumutulong saakin dahil habang nag uusap kami ni lola Arsenia ay biglang sumulpot sa harap namin si Henjie, kasama ng Nanay niya.
Sinabi saamin ng Ina ni Henjie na may mahalaga silang sasabihin saamin. Pumunta kami sa bahay ni lola Arsenia. Naawa ako bigla ng makita kong gulo-gulo doon ang lahat ng bagay at wala manlang siyang kagamitan na maayos.
Pag upo namin sa papag ni Lola ay biglang lumuhod sa harap ko ang Nanay ni Henjie. Sa gulat ko ay agad ko siyang itinayo.
"Ano pong ginagawa n'yo?" Tanong ko.
"Patawarin mo ako, kung ngayon ko lang 'to sasabihin. Hindi ko kasi kayang sabihin ito noon dahil mahal ko pa siya. Ayokong makulong at mawala siya ng tuluyan saakin," saad niya saka nagpunas ng luha "Ilang taon na akong ginugulo ni Gina. Ilang taon na niya akong ginagambala sa panaginip. Alam niya kasi na ako lang ang susi para makamtam na niya ang hustisya sa pagkamatay niya. Si Rodolfo ang pumatay sa Ina mo," saad niya. Agad akong nakaramdam ng galit. Nag init kaagad ang ulo ko sa nalaman ko sa kanya.
"Isang gabi noon, nagulat ako ng kumuha ng itak si Rodolfo sa bahay namin. Alam ko na noon na niloloko ako ni Rodolfo. Alam ko na may lihim silang pagmamahalan ng Mama Rebecca mo. Alam din 'yun ni Gina noon. Tanging si Gina lang ang pumipigil at laging nagagalit kay Rebecca. Maari daw kasing makulong si Rebecca kapag nalaman ko na nakiki-kabet siya saamin ni Rodolfo. Ngunit isang araw ay lango sa droga ang asawa ko. Nakipagkita siya kay Gina ng gabing 'yun sa kadahilanang may importante daw itong sasabihin sa kanya. Nadinig ko 'yun ng mag-usap sila sa telepono. Noong mag-usap sila ay mapula na ang mata ni Rodolfo at may hawak na siyang Itak. Iba na ang kutob ko nun kaya palihim ko siyang sinundan. Nag shortcut siya sa may gubat. Nakita kong nakaabang na doon ang walang kaalam na alam na si Gina na nalalagay ang buhay niya sa alanganin. Nang makita ni Gina na iba ang timpla at may hawak ng itak si Rodolfo ay dahan-dahan na siyang umatras palayo. Nagtatakbo siya at hinabol siya ni Rodolfo. Nakarating sila, hanggang sa tapat ng lumang simbahan. Doon na huminto at nagmakaawa si Gina. Sa kabila ng pagmamakaawa niya ay nakuha parin niyang patayin si Gina. Wala na ito sa tamang pag-iisip kaya nilaslasan niya sa leeg si Gina. Wala akong nagawa ng gabing 'yun. Hindi ko siya natulungan dahil pati ako ay natakot na baka ako naman ang patayin niya. Sarado man ang bibig ko sa nangyaring 'yun ay tila naman ako pinarusahan ni Gina dahil simula ng mangyari 'yun ay puro kamalasan na ang nangyari saakin. Walang lalaki na nagtatagal saakin. Lahat 'yun ay namamatay sa aksidente. Palagin din niya akong dinadalaw sa gabi at lalo na sa panaginip. Sinabi ko na ito para magkaroon na ng hustisya sa pagkamatay ni Gina. Patawarin n'yo ako kung matagal ko itong itinago. Sa ngayon, magpapakalayo-layo na muna kami. Alam kong maraming galamay si Rodolfo kaya alam kong mapupunta sa peligro ang buhay namin."
Iyak kami ng iyak ng lola Arsenia ko. Awang-awa kami sa sinapit ng Nanay ko. Hinding-hindi ko mapapatawad si Rodolfo. Galit na galit ako sa kanya. Hindi ko alam kung kapag nakasalubong ko siya sa daan ay baka mapatay ko siya. Patawarin ako ng panginoon, pero hindi ako papayag na hindi ako makaganti. Buhay ang nawala, kaya buhay din ang kapalit.