Kabanata 1 - Hardinero

2065 Words
Malamig na hangin ang humampas dahilan para sabugin ang buhok ko. Niyakap ako ni Senyora Isabela Cataleya na agad kong sinuklian. “Paano, Sweet? Ikaw na muna ang bahala rito. Habang wala pa kami, pansamantala mo munang tutukan itong mansyon,” mga paalala nito habang hinahaplos ang pisngi ko. Tumango ako habang nangingiti. Ganito pala ang pakiramdam na mayroong pamilya. Hindi ko mapigilan na ngumiti. Iyong pinapaalalahanan ka dahil nag-aalala sila sa kalagayan mo at hindi mapakaling maiwan kang mag-isa. So, this is how it feels... “Huwag po kayong mag-alala, Senyora. Ako po ang bahala!” malawak ang ngiting sagot ko. “Lola, para namang pupunta sa Mars. Diyan lang naman ang Spain, eh!” Kumunot ang noo ni Paige, apo ni Senyora Cataleya, at marahas na inalis ang lollilop sa bibig. Sinenyasan niya ang driver bago siya padabog na sumakay sa loob ng van, iniirapan ako habang magkakrus ang mga braso sa dibdib. Sanay na ako kay Paige kaya normal na tagpo na lamang iyon sa akin. Halos lahat pa rin sa mga apo ni Senyora ay mainit pa rin ang dugo sa akin kahit halos magdadalawang-taon na akong nandito sa Hacienda Salvatierro. Dito na ako nakatira simula nang ampunin ako ni Senyora Cataleya Salvatierro noong makilala niya ako sa bahay-ampunan. Pinapaaral niya ako. I accepted it with all my heart. Swerte ako para ampunin ng pinakamayamang pamilya rito sa San Luciera! At ayaw kong biguin si Senyora sa tiwalang binibigay niya. “Sige na po, Senyora. Mag-iingat po kayo.” “Lola na lang, Sweet. Ano ka ba? Dapat nga’y Mama na ang itawag mo sa akin! Hindi ka pa rin talaga nasasanay!” puna ng senyora. Ngumiti lang ako. Kinuha ng isang maid ang kaniyang handbag para ipasok sa loob ng van. Kinakausap pa ako nito tungkol sa maraming paalala dahil hindi raw siya mapalagay na maiiwan akong mag-isa nang ilang araw dahil magtutungo sila sa family house nila sa Madrid, Spain. Ilang araw din akong pinilit ng senyora na sumama pero pinanindigan ko ang pagtanggi. Sapat na sa ‘kin na pinatuloy niya ako rito. Hindi ko na kailangan pang makatapak sa mga ari-arian nila sa Spain o sa kahit anong bansa. Lumipat ang tingin ko sa backseat kung nasaan ang pangalawa sa mga apo ni Senyora Cataleya, si Parker Eliseo Salvatierro. There he is. Nasa backseat at suot ang paboritong headphones habang nagbabasa ng libro. Hinihintay kong tumingin siya sa ‘kin pero natapos na ang mga paalala ni Senyora ay nasa mga libro lang ang kaniyang mga mata. Gwapo siya, mabait, tahimik lang din. Maraming apo si Senyora mula sa apat niyang anak. Lahat gwapo at magaganda. Parang pamilya ng mga artista! Nakita ko ang mga larawan nina Senyora Cataleya at Senyor Anastacio Salvatierro noong kapanahunan. Senyora looked like the young Audrey Hepburn. Magandang-maganda. At gwapo naman si Senyor Anastacio. Mabait din ang senyor. Nakaka-intimidate nga lang lalo na noong napag-alaman kong dati palang nasa military iyon! May dugong Kastila. Laging nag-e-espanyol. Ayun, ‘di ko na lang din masiyadong kinakausap! Pero pumanaw na ang senyor nakaraang taon lamang. May sakit na noong nanirahan ako rito sa Hacienda Salvatierro. “And, oh, Sweet! I forgot to tell you... darating nga pala ang panganay kong apo rito. Siya na rin ang makakasama mo sa pamamahala rito sa mansyon habang wala kami. You two should get along, okay?” nakangiting paalala nito na halos ikalaglag ng panga ko. Mabait ba ‘yon? Baka mamaya mas maldita pa kay Paige ‘yon! Naku, huwag naman sana! Pero mabuti na rin. Hindi mananakit ang ulo ko sa lawak nitong property nila at daming kailangang asikasuhin. Doon pa lang napatingin si Parker. Nang magtama ang mga mata namin ay tipid siyang ngumiti sa ‘kin. “Opo, Senyora,” sagot ko. Wala itong binanggit kung kailan darating ang kaniyang apo, kung sino, anong pangalan, at kung lalaki ba o babae. Naging abala rin ako sa pag-aaral kaya medyo nakaligtaan ko ang pagdating ng apo nito. “Manang Yadra, mauuna na po ako! Maaga po ang klase,” paalam ko sa mayordoma nang makababa sa sala habang naghahain ito ng mga pagkain. Sabi niya’y kumain muna ako kaso lang male-late na talaga ako dahil nahuli ako ng gising kaka-review para sa quiz. “Hindi na po. Enjoy po sa agahan!” sabi ko habang kagat ang sandwich at halos tumakbo palabas ng bahay. Lumaki ako sa bahay-ampunan. Nandoon na ako simula noong sanggol pa lamang ako at walang kamuwang-muwang. Nakita lang daw ako ng mga madre sa labas ng simbahan ng San Luciera. Kung sinong umiwan sa akin ay walang nakakaalam. Namulat na lang ako sa bahay-ampunan. Sa school ng orphanage ako nag-aral. Doon ako nanatili hanggang sa edad na disi sais. Katulong ako ng mga madre. Ako kasi ang pinakamatanda sa mga naroon at tutal walang umaampon sa akin, nagtagal ako. Kaya lahat ng bata sa ampunan, nakasama ko. Isa-isa na nga lang nawawala dahil inaampon o ‘di kaya nahahanap ng biological parents nila. Ang tagal ko ring naghintay na may maghanap sa akin, na balikan ako ng umiwan sa akin sa ampunan, na isang araw... babalik ang mama ko, pero halos mag-legal age na ako, wala man lang bumalik at kumuha sa akin. Inampon ako ni Senyora Isabela nang nakilala niya ako. Sabi niya pag-aaralin niya ako at ipagagamit ang apelyido niya sa ‘kin. Now, I’m turning nineteen. Malapit na ulit ang birthday ko. Hinihilot ko ang batok habang naglalakad pauwi galing eskwelahan nang hapong iyon. Sabi ko kay Manang Yadra ay huwag na akong ipasundo at maglalakad ako pauwi. Yakap ko ang mga libro sa braso habang tinatahak ang daan, nag-iisip-isip. Ang laki-laki kasi ng San Luciera at itong lupaing sakop ng mga Salvatierro. Mamamanhid pa ang paa mo bago marating ang mismong mansyon. Malawak ang kapatagan, sa ibang bahagi ay matataas ang damuhan. Puro berde ang makikita sa paligid. Hindi masakit sa mata. Presko ang hangin ‘di katulad sa sentro. Nasa kalagitnaan ako ng pagmumuni-muni nang may biglang sumulpot na pulang sportscar. Dumaan sa lubak na lupa na kapag umulan ay nagiging putik. Nanlaki ang mga mata ko at agad akong napasinghap noong para itong hangin na dumaan sa bilis ng patakbo nito! Hindi man lang tumigil o bumagal ang kotse. Sa halip ay mas humarurot pa papalayo. Muntik na akong mahagip kung hindi lang ako nasa pinakagilid ng daan! Napanganga ako habang sinusundan ng tingin ang mabilis na dumaang kotse. Halos mag-usok ang ilong ko sa galit. “Hoy! Anong akala mo rito, nasa expressway ka?! Bulag na driver na hindi marunong magmaneho!” sigaw ko kahit alam kong walang pag-asang marinig ako ng nagmamaneho ng sasakyang ‘yon! Nakakainis! Muntik na akong lumipad sa ere! Nakabusangot ang mukhang nagtuloy ako sa lakad. Panay ang tingin ko sa likod dahil baka may hindi na naman marunong magmanehong driver ang sumulpot. Ilang minuto rin bago ako nakarating sa mansion. Agad akong napatigil nang maabutan doon ang pulang sports car na muntik nang tumapos sa buhay ko! Aba’t, dito pala ang tungo niyon?! Naka-park ito malapit sa fountain na nasa pinakabungad ng mansion. Halos magtaas-baba ang dibdib ko sa gigil na aking naramdaman at tinaliman ko ito ng tingin. Bakit ito narito sa mansion ng mga Salvatierro? Nagmartsa ako patungo sa pulang sasakyan bitbit ang mga libro sa braso ko at suot ang school uniform. Agad akong tumapat sa gilid nito. Nakita ko pa ang repleksyon ko sa bagong-bago na at tinted na salamin ng sasakyan. Handa na akong magsalita ngunit kusa akong napasinghap noong mabasa ako ng hose na mula sa kabilang parte ng sasakyan! Malaking napabukas ang bibig ko habang dinadama ang tubig na tumutulo mula sa ulo at mukha ko. Nabitawan ko ang mga libro at bumagsak iyon sa basang sahig. Hindi makapaniwalang napabulalas ako habang tinitingnan ang school uniform kong ngayon ay basang-basa at dumikit sa katawan ko. “Anong...” Nagsimulang umakyat ang dugo ko sa ulo. Nakakadalawa na ang sasakyang ito. Nang mag-angat ako ng tingin sa kung sinong may hawak ng hose ay halos mag-usok ang mga tenga at ilong ko. There, a man. Topless at nakasabit sa isang balikat ang t-shirt. May sigarilyo sa bibig nito habang hawak ang hose at nakatingin sa ‘kin mula sa kabilang side ng sasakyang ngayon ay nililinisan. Nagtama ang mga mata namin at galit ko siyang tiningnan. “Sinadya mo ba ‘yon?” Bored siyang tumingin sa akin, at sa basa kong uniform. “Ang alin?” tanong nito. Mariin kong pinaglapat ang mga ngipin. “Nasaan ang may-ari ng sasakyan na ‘to?” tanong ko, anumang oras ay sasabog na. “Pwede ho ba, Kuya? Sa susunod, tingnan ninyo muna ang paligid bago iangat ang hose. Nabasa ninyo ang mga gamit ko...” Pilit kong inayos ang tono ng pananalita. Nasaan ba ang may-ari nitong pulang sports car? Ang arte naman. Kadadaan lang sa malupa, pina-carwash agad! “Bakit ka kasi biglang sumusugod? Kasalanan mo iyan. Nakita mong basa ang lapag, ibig sabihin, may gumagamit ng tubig,” nakahalukipkip na saad ng lalaking salubong ang mga kilay habang pinupunasan ko ang mukha ko at ang talukap ng mga mata. Palalagpasin ko na sana ang pagkakabasa niya sa ‘kin dahil mukhang hindi niya naman sinasadya, pero dahil sa sinabi niya ay muli akong nag-angat ng tingin sa kaniyang mukha, at doon ko siya malinaw na nakita... Magulo ang kaniyang buhok na hinahawi niya ng palad. Makapal ang mga kilay na ngayon ay magkasalubong at malalim ang mga mata. May manipis na silver chain necklace sa kaniyang leeg at kitang-kita iyon ngayong wala siyang suot na t-shirt, binabalandra siguro ang katawan. Inalis niya ang sigarilyo sa bibig habang walang emosyong nakatingin sa ‘kin. It was obvious that he’s older than me. He has foreign facial features. Ang mga mata nito ay sinasabing hindi basta-basta ang nananalaytay na dugo sa kaniyang katawan. One glance and I knew he’s arrogant, and that he’s too proud of himself! Iyon ang nananalaytay sa kaniyang dugo. Pagiging antipatiko. Pinulot ko ang mga libro kong nabasa at halos padabog na ilagay sa ibabaw ng kotse. Bumaba ang tingin niya roon habang salubong ang mga kilay. “Basa na ang binayaran ng senyora. Mahal ito at hindi dapat sinisira.” Mukhang nairita siya sa ‘kin dahil tuluyan niyang binitawan ang hose at umikot mula sa kabilang side ng sasakyan para lumapit sa ‘kin. Sinundan ko siya ng tingin. “Sino ka ba?” may iritasyon niyang tanong. “Ang libro ang pinag-uusap—t-teka.” Umatras ako nang halos kunin niya ang ID ko at tiningnan. Napasandal ako sa pulang sports car. Sinulyapan naman nito ang ID ko at muling nag-angat ng tingin sa mukha ko. Matangkad siya. Kapantay ng mga mata ko ang matipunong dibdib nito. Nakatitigan ko ang kaniyang manipis na chain necklace. Wala akong magawa kundi ang mapamaang sa harapan niya! Hinablot ko pabalik ang aking ID nang matauhan. Nabitawan niya iyon kaya muling lumaylay sa suot kong ID lace. “Anong pangalan mo? At anong ginagawa mo rito? Kung sino man sa mga Salvatierro ang kailangan mo, wala silang lahat dito,” sagot ko. “Tinanong mo ang pangalan ko?” He chuckled a bit, not minding my other questions! “It’s Ford.” “Ford?” Muntik na akong matawa. “At anong apelyido mo? Mustang?” Napagilid ang kaniyang ulo habang may amused na ngiti sa mga labi, getting my joke. Bahagya siyang tumawa at binaba ang hawak na hose habang sinusuri ako. “At ikaw? Ano ulit ang nakasulat? Sweet?” tanong niyang sumulyap sa ID. He smirked. Balak niya pa sanang kunin iyon kung hindi ko lang naiwas dahilan para mahina siyang matawa. “At ano naman ang apelyido mo? Hmm? Heart ba?” Ilang segundo bago ko napagtanto ang kaniyang sinabi. Nagngitngit ang ngipin ko bago mabilis na dinampot ang mga basang libro at inisang tingin siya na ngayon ay naiiling. Halos tumakbo ako papasok sa entrada ng malaking bahay. Humalakhak ang lalaki sa ginawa ko. “Come on, sweetheart. Why are you running away?” may panunudyong tawag nito ngunit hindi ko na siya nilingon pa at tuloy-tuloy ko nang tinawid ang bermuda grass. Makapal na nga ang mukha, ang sarap pang tapalan ng bibig. Ganito na ba ang mga hardinero at carwash boy ngayon?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD