Sa gitna ng madilim na iskinita ay patuloy na tumatakbo ang isang babaeng nakasuot ng telang tumatabon sa kaniyang ulo upang hindi makilala. Basang-basa ang kalsada dahil sa malakas na buhos ng ulan. Ilang araw na itong walang pagtila ngunit mas matindi ngayong gabi—tila ba nakikiayon sa trahedyang kaniyang sasapitin.
“Shh,” nanginginig niyang pag-aalo sa hawak na sanggol. Walang tigil sa panginginig ang kaniyang katawan, naninigas ang mga binti ngunit sinisikap na tumakbo, habang panay ang tingin sa likuran. “M-Makakaligtas tayo, anak,” pagkausap niya sa sanggol na patuloy sa pag-iyak.
Tiyak na gutom na ang sanggol at nilalamig dahil sa sinusuong nilang malakas na ulan at masamang panahon. Ilang araw na nga ba siyang walang kain? Wala nang katas siyang maibibigay sa anak na kasisilang lamang.
“Ayun! Ayun ang babae! Habulin n’yo!” Umalingawngaw ang marahas na tinig.
Kasabay ng lalong buhos ng ulan ay ang pag-iyak ng sanggol at lalong panghihina ng katawan ng babae, ngunit pilit niyang kinukubli ang munting bata sa kaniyang bisig at nilalayo sa marahas na ulan—at higit sa lahat, sa marahas na mga lalaking humahabol sa kanilang mag-ina.
Nanghihina na siya. Hindi niya na makita ang bawat nililikuang kalsada at iskinita sa pagsubok na iligaw ang mga lalaking armado, mga lalaking ilang araw nang may hawak sa kaniya.
Pumatak ang kaniyang luha, lalong napatitig sa walang muwang na sanggol, ang kaniyang anak.
Ilang linggo pa lang ang sanggol na ito. Kapapanganak niya pa lamang kung kaya’t wala pa siyang sapat na lakas upang lumaban, pero sa natitirang tapang at pananalig na iligtas ang kaniyang anak ay nagawa niyang humugot ng lakas.
“Aurelia!” Umaalingawngaw ang mga pagtawag sa kaniya. Maging putok ng baril. Mga paninindak. At tila ba hindi niya maintindihan kung bakit hindi siya binibigyan ng langit na makakatulong sa kaniya sa mga oras na iyon.
Lumiko siya sa madilim at masukal na iskinita. Halos magkasugat-sugat ang nakayapak na mga paa. Habol-habol ang paghinga at pinapatahan ang sanggol sa kaniyang bisig, tumakbo siya na tila walang kapaguran.
“Shh, tahan na,” usal niya sa sanggol.
Luminga siya sa paligid at sa gitna ng mabibigat na patak ng ulan ay nahanap ng kaniyang mga mata ang maliit na simbahan. Iyon ang kaniyang tinakbo.
Sa silong nito, malapit sa pintuan ng sarado nang entrada ay nilagay niya ang sanggol. Lalong dumoble ang kaniyang panginginig. Nanlalabo ang mga mata sa luha. Nanghihina ang kaniyang loob at ang natitirang kakayahang mag-isip ay tinutulak lamang siyang gawing ligtas ang bata.
“Magiging ligtas ka rito, anak. Salamat dahil binigyan mo ako nang pagkakataong masilayan ka. Mahal na mahal kita, anak ko.” Nagsumikap siyang magsalita.
Lalo nang bumubuhos ang ulan. Walang natitirang oras dahil anumang sandali ay matutunton siya ng mga lalaking humahabol at alam niyang kahit saan man siya magpunta’y patuloy siyang hahanapin ng mga ito at papaslangin.
Wala siyang matatakasan. Makapangyarihang tao ang nasa likod nito.
“Mahal kita, anak ko,” muli niyang bulong at pumatak ang kaniyang luha. Sa pagkakawalay ng sanggol sa kaniyang bisig, naghalo ang sakit at kapanatagan. Nangangahulugan ito na may pag-asang malayo rin ito sa dilim at kapahamakan.
Hindi niya maalis ang tingin sa anak, bumubuhos ang mga luha at sunod-sunod ang kaniyang paghagulgol, at kahit mahirap ay humakbang palayo sa lugar na iyon.
Hindi pa tuluyang nakalalayo sa simbahang pinag-iwanan sa kaniyang munting sanggol, natunton na siya ng mga lalaki.
“Nandito!” marahas na sigaw ng isa mga lalaki.
Hindi na siya nagtangkang tumakbo. Pagal na ang kaniyang katawang lupa. Ilang araw siyang nasa loob lamang ng lumang yate at kinukubli ng dilim. Ngayon sa pagkakawalay ng kaniyang anak ay nawalay na rin ang kaniyang lakas.
“Nasaan ang sanggol?!” marahas na tanong ng lalaking humaklit sa kaniyang braso. Pagtapos ay kinaladkad siya ng mga ito.
Hindi siya nagsalita. Kinakaladkad siya ng mga ito palayo upang bihagin.
“Nasaan?!”
Dumahas ang kaniyang tingin. Natanggal na rin ang tumatabon sa kaniyang ulo kung kaya’t kitang-kita ang masagang mga luha niya.
“H-Hindi n’yo mahahanap ang anak ko!”
Sinundan iyon ng mura, mararahas na hagupit, at kaniyang mga pag-iyak at panghihina. Pilit siyang kinuha ng mga ito at sinakay sa isang sasakyan at habang hila ng mga ito ang kaniyang braso’y nasulyapan niya sa huling pagkakataon ang iniwang sanggol... kung saan mula sa kanilang kinaroroonan ay hindi na maririnig pa ang mga pag-iyak nito.
Sa sapilitan niyang pagsakay sa loob ng sasakyan ng mga armadong lalaki ay umalingawngaw ang putok ng baril na naghari sa madilim na gabi.