Chapter 5

2324 Words
Tahimik lang ako habang nasa sasakyan niya kami. Siya rin naman ay tahimik lang. Kung tutuusin ay wala talaga akong balak na magsalita kasi hindi ko naman talaga siya kakilala, at isa pa ay hindi ko alam ang sasabihin ko. Ayoko naman na isipin niya na feeling close ako, at ayoko ring masungitan niya ulit. Mukha pa namang pinaglihi sa sama ng loob. Ke-lalaking tao at napakabatang nag-menopause pagdating sa ugali. Ni wala nga akong ibang alam sa kanya kung hindi ang tanging nabasa ko nung medyo nag-research ako sa mga social media tungkol sa kanya, iyon ay ang pagiging babaero niya. “Ituro mo ang daan,” mayamaya lang ay saad niya, napalingon naman ako sa kanya dahil doon at agad na tumango. “Sige po, sir. Medyo malayo pa naman,” sagot ko. “Quit calling me sir, baka masanay ka at walang maniwala na mag-asawa nga tayo,” saway naman niya sa akin. “Ang mabuti pa ay magkwento ka tungkol sa buhay mo, para malaman natin ang kahit maliit na detalye lang,” saad niya. “Ikaw na muna, hindi ko alam paano magsisimula e,” nagbuntong hininga siya sa sinabi ko at napailing ulit. Heto pa, ang hilig hilig niyang magbuntong hininga at umiling. Nakakaloka. “Fine,” saad niya, “I’m twenty seven years old, born on April first—” “Uy, seryoso? April first din ako!” Natigilan ako nang sinamaan niya ako ng tingin, “Ay, sorry, hehe. Sige, tuloy mo,” ibinalik niya ang tingin sa kalsada bago nagsalita ulit. “My parents separated back when I was five years old, simula noon ay si Lola na ang nag-alaga sa akin. Naghiwalay sila dahil nanlalaki si Mama, iniwanan niya kami ni Papa, si Papa naman ay namatay sa sama ng loob. May kapatid ako pero hindi ko sila itinuturing na pamilya…” saad niya. Una, hindi ako halos makapaniwala na magka-birthday kami. Pangalawa, nawala iyon agad sa isip ko dahil sa sunod niyang sinabi. Hindi ako makapaniwala na ganito pala ang nangyari sa kanya. Akala ko ay masaya ang buhay niya habang lumalaki dahil mayaman sila, pero hindi pala. Kung tutuusin ay mas masuwerte ako dahil kahit saglit lang na panahon ay nakasama ko ang mga magulang ko at naramdaman kong mahal nila ako. Kaya siguro hindi siya nagseseryoso sa babae, kasi ang iniisip niya ay mangyayari rin sa kanya ang ginawa ng Mama niya sa kanila. “Hindi mo na kailangang malaman ang pangalan nila dahil hindi mo naman sila makikita,” saad pa niya. “Si Lola, Donya Guada ang tawag sa kanya ng halos lahat, maging ang mga kasambahay namin. Mahilig siya sa bulaklak, at kahit na may edad na ay siya pa rin ang namamalakad ng Hernandez Group of Companies,” saad niya. “I don’t know why but I feel like she doesn’t want me to take over because she felt like I’m not matured enough to take her responsibilities. Ito ang dahilan kung bakit ka nandito ngayon, una, para makuha ko after six months ang natitirang mana ko, gagamitin ko ang perang iyon para makabili ng mas maraming shares sa kompanya at kapag ako na ang major stock holder ay wala nang magagawa si Lola kung hindi hayaan ako,” saad niya. “Hindi ko ginagawa ito dahil gusto ko lang, gusto ko kasi na magpahinga na si Lola. Sapat na ang sakripisyo niya para sa akin, gusto kong ako naman ang magtatrabaho para sa kanya,” napatango tango ako sa sinabi niya. “But no one should know about this, you understand?” tumango ako sa sinabi niya. “That’s my only goal and my only dream, to be the CEO of our company,” dagdag pa niya. “I don’t like sweets, I don’t like veggies, and I like meats… specially T-bone steak. When it comes to coffee, I want it strong. Ano pa ba?” saad at tanong niya. “Wala na akong maisip. Kung may gusto kang malaman magtanong ka na lang,” tumango ako sa sinabi niya. Sa totoo lang ay hindi ko inaasahan na makakapag-usap kami ng ganito. Kung sabagay ay para ito sa plano niya. Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit kailangan niya ng pekeng asawa. Hindi lang naman pala sarili niya ang iniisip niya, ginagawa niya ito para sa Lola niya. Para mapatunayan niya na kaya na niya, kasi gusto niya na siya naman ang magtrabaho para sa Lola niya. “Pareho tayo ng birthday,” paninimula ko. “Walong taong gulang ako nang mawala ang mga magulang ko. Hindi kami nahihirapan sa buhay noon kasi nagtatrabaho si Papa bilang isang Manager sa isang hardware,” dagdag ko pa. “Ang natatandaan ko ay linggo noon, magkakasama kami nila Mama sa sasakyan niya para magsimba at kumain sa labas kasi iyon na ang nakaugalian naming gawin, pero hindi na kami umabot sa simbahan kasi nabangga kami ng truck,” saad ko. “Binawian sila agad ng buhay, hindi ko nga alam kung milagro ba na nabuhay pa ako. Simula noon ay si Tita na ang kumupkop sa akin, hindi nakapagtapos ng pag-aaral si Tita kasi mas pinili niyang magtrabaho para mapagtapos si Papa, kaya iyong perang naiwan sa akin ng mga magulang ko ay hindi rin tumagal,” “Napagtapos ako ni Tita ng high school, at gusto niya na mag-kolehiyo ako pero huminto na muna ako sa pag-aaral, lalo pa at alam kong nahihirapan na si Tita. Sobra na ang sakripisyo niya sa akin, napilitan nga rin siyang pumasok bilang isang p****i sa bar kung saan ako nagtatrabaho bilang waitress para may pangtustos kami sa araw araw,” saad ko. “Nung kinailangang operahan si Tita sa bato ay wala kaming nagawa kung hindi ang humingi ng tulong kay Mamita, humiram kami ng pera sa kanya kahit na alam namin na sobra siya magpatubo. Siya lang naman kasi ang malalapitan namin, kaya hindi rin kami maka-alis sa bar dahil doon,” dagdag ko pa. “Sa ngayon ay nag-iipon ako para makapag-aral ng kolehiyo, gusto ko kasing maging guro,” napangiti ako nang sabihin iyon. “Pero wala e, hindi lahat ng gusto nakukuha. Hindi patas ang mundo, kaya kailangan nating sumabay sa ikot nito, kasi kung hindi, naku, tiyak na sasampalin tayo ng reyalidad at mapag-iiwanan tayo,” marahan pa akong tumawa nang sabihin iyon. “Simpleng buhay lang naman kasama si Tita ang gusto ko, kagaya mo, gusto kong huminto na rin siya sa pagtatrabaho kasi sapat na ang isinakripisyo niya para sa akin,” lumingon ako kay Havoc at ngumiti kahit na nakatitig siya sa kalsada at hindi naman niya ako tinitignan. “Mahilig ako sa matamis, mahilig ako sa gulay, mahilig din ako sa karne,” marahan ulit akong humalakhak nang sabihin iyon. “Siguro ay dahil laki ako sa hirap kaya halos lahat kinakain ko,” dagdag ko pa. Ilang sandali rin kaming binalot ng katahimikan. Hindi ko alam kung ano ang susunod kong sasabihin sa kanya. “Wala na rin akong ibang maisip na puwede pang sabihin, kung may gusto ka pang malaman itanong mo na lang,” saad ko. “Bakit hindi ka nag-working student?” tanong niya. “Sinubukan ko, sa totoo lang. Pero hindi ko kinaya. Lalo pa at hindi pumayag si Mamita na mag-part time lang ako sa bar. Kaya sa huli ay binitawan ko na lang ang pag-aaral at mas piniling magtrabaho,” tumango siya sa naging sagot ko. “Ano nga ulit pangalan ng Tita mo?” tanong ulit niya. “Mina ang pangalan niya. Mina Angeles, ate siya ni Papa,” tumango ulit siya. “Si Papa naman, John ang pangalan, si Mama ay Sara. Galing sa pangalan nilang dalawa ang pangalan ko,” tumango ulit siya. “Oo nga pala, bukas na kita ipapakilala kay Lola, pagkatapos na lang ng kasal para siguradong wala na siyang magawa,” bahagya akong kinabahan sa sinabi niya. “Teka, sa sinabi mong iyan para mo na ring sinabi na kailangan kong matakot sa Lola mo,” marahan siyang natawa sa sinabi ko. “Mabait si Lola, she’s strict and kind of a perfectionist but she’s really kind,” tumango na lang ako. Hindi ako kumbinsido. Hindi naman niya sasabihin iyon kung alam niyang hindi magkakaproblema. Naku, ngayon pa lang ay kinakabahan na ako. “Iliko mo riyan sa kanto,” mayamaya lang ay saad ko nang mapansing malapit na kami sa amin. Ginawa naman niya, tapos ilang sandali lang ay pinahinto ko na siya sa harap mismo ng bahay namin. “Halika, tuloy ka,” saad ko, Sabay naman kaming bumaba at sumunod siya sa akin. Maraming mata ang nakatingin sa amin, normal na sa akin ito lalo pa at marami kaming chismosang kapitbahay, pero hindi ko na lang pinansin. “Oh, hija—” hindi na natuloy ni Tita ang sasabihin niya nang mapansin niya si Havoc na nasa likod ko, tinignan ako agad ni Tita. Ang tingin na iyon ay nagsasabing alam niya ang ginagawa ko pero pasimple na lang akong sumenyas na huwag siyang maingay. Ngumiti naman siya at tumingin kay Havoc. “May bisita ka pala, hija. Pasok kayo, tamang tama at nagluto ako ng adobo para sa tanghalian,” saad ni Tita. “Hali na kayo’t sabayan niyo ako sa pagkain,” aniya at tumingin ulit kay Havoc. “Naku, hijo, pasensiya ka na sa bahay namin, ah? Maliit lang ito at hindi pa nalilinisan. Hindi naman kasi nabanggit ni Jara na may kaibigan siyang dadalaw ngayon,” umiling naman si Havoc at pilit na ngumiti. “No, it’s okay,” sagot niya. “Uhm, I’m actually here because we want to tell you something…” tinignan ako ni Tita tapos at tumingin ulit siya kay Havoc. “S-Sige, sa hapag na natin pag-usapan,” aniya at umupo na. Umupo rin naman kami ni Havoc sa mga mono block chairs. Halatang hindi kumportable si Havoc pero hinayaan ko na lang dahil wala rin naman akong magagawa. Hindi naman kami mayaman para bilhan ko pa siya ng sofa dahil lang nandito siya. Atsaka hindi siya prinsepe, ano. Nagsimula na akong kumain, maging si Tita ay gano’n din. Si Havoc naman ay kahit may plato sa harap niya ay hindi siya kumuha ng pagkain. Asa pa ako na kakain ‘yan dito. Napaka-arte ng taong ito. Baka nga ngayon ang iniisip niya ay marumi ang pagkain namin. “Magpapakasal na po kami ni Jara,” naibuga ni Tita ang kanin na nasa bibig niya dahil sa sinabi ni Havoc. Gulat na gulat siya sa narinig, si Havoc naman ay nagulat dahil sa nangyari at halatang hindi niya alam ang gagawin. Ako naman ay agad na kumuha ng tubig sa isang baso para i-abot kay Tita. “Pasensiya na,” nahihiyang saad ni Tita. “Jusko naman kayong mga bata kayo, kung niloloko niyo ako ay tigilan niyo na at hindi nakakatuwa,” umiling si Havoc sa sinabi ni Tita. “Totoo po, Tita,” magalang na saad niya. “Matagal na po kaming may relasyon, at buntis na po siya kaya magpapakasal na kami,” pilit naman na ngumiti si Tita at tumango sa sinabi ni Havoc. “Teka lang, hijo, ah? Kakausapin ko lang itong pamangkin ko.” Hindi na niya hinintay ang sagot ni Havoc. Hinila na niya ako papunta sa likod ng bahay at binitawan lang nang nasa pinakadulo na kami. “Ano itong pinasok mo, Jara? At ano itong sinasabi niya na matagal na kayong may relasyon?” pabulong na tanong niya. “Tita, naalala mo iyong pinapagawa mo? Heto na iyon. Gagawin ko na sana at wala sana akong balak na sabihin sa ‘yo para hindi ka madamay kung sakaling mabulilyaso ang plano, pero kailangan niya ng pekeng asawa. Isang milyon ang offer niya, Tita, kaya umarte ka na lang na wala kang alam sa kahit na ano at pumayag na lang, ha?” Halatang hindi pa rin makapaniwala si Tita pero pilit na lang siyang tumango. “Tara na po at bumalik na tayo roon,” saad ko pero umiling siya. “Mauna ka na, hija. Pakakalmahin ko lang ang sarili ko. Isang milyon ito, makaka-alis na tayo sa bar!” pigil ang tuwang saad niya kaya napangiti ako. “Pero teka, hindi ba delikado ito? Baka mapahamak ka,” umiling naman ako sa sinabi niya. “Hindi naman po siguro. Kailangan lang niya ng pekeng asawa para makuha ang mana niya, kaya pinatos ko na,” tumango siya sa sinabi ko. “May tiwala ako sa’yo, sige na at bumalik ka na doon. Susunod ako,” tumango ako at iniwan na siya. Naabutan ko naman si Havoc na nakaupo pa rin sa mono block chair. Nang makita niya ako ay umayos siya sa pagkakaupo. “What did she say?” hindi pa ako nakakasagot sa tanong niya nang pumasok na rin si Tita. “Pasensiya ka na, hijo. Hindi lang talaga ako makapaniwala kasi ang akala ko ay single itong pamangkin ko. Ito ang unang beses na dinala ka niya rito tapos kasal agad ang ibabalita niyo, kaya nakakagulat,” pag-arte ni Tita. At gusto ko siyang kornahan sa galing. “Pasensiya na po kung biglaan, we’re in a relationship for roughly two years now,” tumango tango pa si Havoc nang sabihin iyon. “At gusto ko po sana na sa akin na siya titira, patitigilin ko na rin po siya sa pagta-trabaho dahil baka makasama sa magiging baby namin,” napangiwi si Tita sa narinig. “Ah, eh kasi…” ngumiti si Havoc at umiling. “Nabanggit na po niya sa akin ang tungkol sa utang niyo, nagalit nga po ako kasi hindi niya sinabi sa akin agad para nakatulong sana ako. Ako na po ang bahala doon,” saad ni Havoc kaya ako naman ang napangiwi. Wow, ang gagaling umarte ng mga ito. Ang pa-plastik. Naku naman! Ang gulo-gulo na nitong pinasok ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD