SINGSING NG LAGIM
PROLOGUE
“Ano hong nangyari?” tanong ko kay Tito.
Huminga nang malalim si Tito bago siya nagsalita. “Alam mo bang pagkasuot na pagkasuot ko sa singsing ay parang hindi na ako ‘yon? Parang nagising ako sa nakapahabang pagkakahimbing. ‘Yung bang parang matagal nang patay na biglang nabuhay?”
“Talaga, Tito?” Kinilabutan ako sa inilahad niya. “Tito, gusto ko hong malaman ang buong pangyayari.”
“Kung tama ang pagkakatanda ko, ganito ang nangyari pagkasuot na pagkasuot ko sa singsing na iyon. Totoong-totoo lahat sa pakiramdam ko. Parang mga alaala na biglang pumasok sa isip ko. Hindi siya isang panaginip lang. Ibig sabihin, ang alaalang iyon ay inilipat sa akin ng may-ari ng singsing.”
“Ibig sabihin, Tito, ang ilalahad mo sa aking ay ang karanasan ng sumanib sa inyong elemento?”
“Tama. Parang nang sumanib ang elementong ito sa akin, kailangan niyang ipasok lahat ng impormasyon na iyon sa aking utak para siya ang gagamit, hindi lang sa aking katawan kundi ang aking isipan. Gusto niyang angkinin ang kabuuan ko. Gusto niyang saniban ako at magiging sa kanya na ang katawan ko’t pag-iisip. Kaya nga parang naiwan sa aking isipan ang mga karanasan niya.”
“Talaga ho? Ganoon katindi ‘yong kapangyarihan?”
“Oo, maysademonyo ang may-ari ng singsing na ‘yon. Pagkasuot ko pa lang sa singsing na iyon noon ay para akong nagising sa matagal na pagkakahimbing. Biglang may mga alaala na pumasok sa aking gunita. Mga alaalang walang kahit anong koneksiyon sa nakaraan ko bilang ako. Alam mo yung flashback sa mga pelikula ngunit mabilis lang na dumaan sa aking isipan? Ganoon ang nangyari sa akin.”
“Ano ‘yung mga alaalang iyon, Tito? Natatandaan mo pa ba?”
“Oo. Tandang-tanda ko ang lahat.” Huminga nang malalim si Tito. “Isa akong mayamang negosyante na nakapapasyal sa iba’t ibang bahagi ng ng mundo. May mahal na mahal ako ngunit alam kong may mali sa aming relasyon. Problemado ako sa pagbisita ko noon sa Roma. Malakas ang kutob kong may kinalolokohan nang iba ang aking asawa. Hinihiwalayan niya ako dahil hindi na raw niya nakakayanan ang aking kalupitan. Hindi na raw niya kaya ang sobrang pagkakahumaling ko sa kanya. Ngunit alam kong hindi iyon ang tunay na dahilan. Batid ko na may kinalolokohan siyang iba. May ibang lalaki ang aking asawa. Hindi ko kakayaning mawala siya sa akin. Siya lang ang nakapagpapasaya sa akin kahit pa ubod na ako ng yaman. Basta gagawin ko ang lahat huwag lang siyang mapunta sa iba. Akin lang siya. Ako lang ang dapat niyang mahalin at gagawin ko ang lahat, kahit pa kapalit ng aking kaluluwa, huwag lang siyang mawala sa akin. Kaya iyon ang dahilan, kung bakit kailangan ko pang pumunta ng Roma para lang sumugal sa nabalitaan kong kapangyarihan mapapasaakin. Hindi na mahalaga ang pera noon sa akin. Ang asawa ko lang ang tanging alam kong bubuo sa aking pagkatao.”
“Naaalala mo ba, Tito, kung sino ‘yung mahal ng sumanib na iyon sa inyo?”
“Oo, ‘nak kilala ko. Namukhaan ko siya.”
“Sino, Tito?” Kinukutuban na ako sa kung sino. Hindi ko lang gustong pangunahan si Tito.
“Ang Lola natin.”
“Si Lola Isabella ba?”
“Oo, Ava. Siya ang mahal ni Jacko. Siya ang mahal ng sumanib na iyon sa akin.”
“Kaya pala hanggang ngayon nakikita ko pa rin sa panaginip ko si Lola Isabella. Minsan ay nararamdaman ko pa rin siya”
“Oo at alam kong nakakulong pa rin si Lola sa sumpa ni Jacko.”
“Sige ho, ituloy mo ang kwento ninyo. Gusto kong pakinggan lahat.”
Huminga nang malalim si Tito. “ Iniiwasan ko nang balikan pa ang lahat ng ito e, pero baka kasi mangyari ito sa’yo at kung maulit man, at least makapaghahanda ka at hinding-hindi mo uulitin ang kamalian kong maisuot ang singsing na ‘yon o hindi maaring maisuot ito ng iba pa.”
“Mahal ba talaga ni Jacko si Lola Isabella?”
“Sobrang mahal. Ramdam ko nang mga panahon na iyon na na ikamamatay ni Jacko kung mawala si Lola Isabella sa kanya. Kaya rin niyang pumatay kung may ibang aagaw sa asawa niya sa kanya.”
“Ituloy ho ninyo kung ano yung mga naaalala ninyong nakaraan na bumalik sa’yo. Ikuwento ninyo sa akin na parang kayo si Jacko para mas maintindihan ko.”
“Sige. Mas madali nga kung ganoon ang paraan ng pagkukuwento ko.”
“Sige ho, Tito. Makikinig ako.”
“Kahit haggang sa kamatayan, ayaw kong mawalay kami ni Isabella sa isa’t isa. Ganoon ko siya kamahal. Kaya nagdesisyon akong sumapi sa isang organisasyon na sumasamba sa itim na kapangyarihan kapalit ng salapi. Nagbayad ako ng malaki, para lang sa kagustuhan kong hindi ako tuluyang iiwan ni Isabella. Iyon na ang tugon ng aking ipinagdadasal noon na kapangyarihan na maaring magamit ko para maging akin lang ang aking asawa. Iyon lang ang alam kong kakapitan ko para maging kami pa rin ng mahal ko hanggang sa kabilang buhay. Nang pinapasok ako at tinanong kung buong puso ko bang iaalay ang aking kaluluwa sa kadiliman ay tinanggap ko ng buum-buo basta siguraduhin lang nilang maging kami ng asawa ko nang walang katapusan.
Nabasbasan kami ng parang lumiliyab na apoy. Kung sa simbahan, holy water ang ibinabasbas ng pari sa mga binibinyagan, kami naman ay dugo na nasa kopita. Ininom namin iyon. Dinasalan kami ng parang sa wikang latin. Wikang hindi ko naiintindihan. Hanggang nang matapos ang dasal ay parang nag-iinit na ang aking katawan. Para akong sinisilaban sa sobrang init. Hanggang sa biglang nawalan na lang ako ng malay. Paggising ko, binubuhusan na ang buo kong katawan ng dugo. Binanlawan nila ako ng mainit na tubig, pinunasan, pinabanguhan at binigyan ako ng isang itim na robe. Paglabas ko ay pinaupo ako sa isang trono sa harap ng mga nakaitim na miyembro ng kultong sinalihan ko. Lahat ng mga nandoon ay nanikluhod sa akin. Sinasamba na parang Diyos. Hanggang sa may lumapit sa akin at binuksan ang isang itim na kahon na naglalaman ng isang kumikinang na singsing. Nang mga sandaling iyon, parang binubulungan ako ng singsing na iyon na isuot ko para mapasaakin ang kapangyarihang hinahangad ko. May bumubulong sa akin na kapag isuot ko ito, lahat ng hihilingin ko ay mangyayari. Dahan-dahan nilang isinuot sa aking daliri ang singsing. Lumuhod ang lahat at nagdadasal sa wikang Latin ang mga naroon. Nang tuluyan ko nang suot ang singsing ay saka naman nagsigawan sa galak ang lahat. Nagyakapan na parang dumating na ang kanilang sasambahin. Pagkasuot ko sa singsing na iyon ay pakiramdam ko, ako ang pinakamakapangyarihan. Parang may pumasok sa akin na hindi ko maipaliwanag na elemento.
“How can I use my power?” tanong ko noon sa nagsuot at nagdasal sa akin.
“Try to stare at the man with the wife, Jacko. As you stare, tell him what you want him to do, he will surely obey your command.”
Ginawa ko ang sinabi sa akin. Tinitigan ko ang lalaking may kasamang asawa. Mukha silang nagmamahalan. Sa pagkakahawak ng lalaki sa kanyang asawa, halatang mahal na mahal niya ito at hindi niya ito magawang saktan. Tinitigan ko nga ang lalaki. Lumapit sa akin ang lalaki na parang na-hypnotize. Inutusan ko siya sa aking isip. Tumalima ito sa akin. Kahit pa hindi ko binibigkas ay alam na niya ang kanyang gagawin. Kinuha niya ang bread knife sa mesa at sa isang iglap ay sinaksak niya sa mata ang kanyang asawa. Hindi ito tumigil hangga’t hindi ko sinabing itigil ang utos ko. Napatay niya ang kanyang asawa ngunit wala akong nakitang pagsisisi sa mukha ng lalaking tinitigan ko. Sinubukan kong muling tinitigan ang isang babaeng naroon na lapitan at halikan ang lalaking pumaslang sa kanyang asawa. Iyon din ang inutos ko sa isa hanggang sa nakita kong naghalikan na ang mga ito. Nakaramdam ako ng saya. Hawak ko na ang mga isip ng mga taong nasa paligid ko. Pwede ko silang utusan sa aking kapangyarihan. Kaya ko silang paikutin sa aking kamay. Ibig sabihin, hawak ko na ang isip at buhay ng aking mahal. Uuwi akong lahat ng utos ko ay gagawin niya ng walang pagtanggi. Hindi na ako iiwan. Hindi na niya ako hihiwalayan.”
“Ibig sabihin, Tito, may sumpa nga ang singsing na iyon. Naalala mo ba kung paano mawawalan ng itim na kapangyarihan ang singsing na iyon?” Pinutol ko ang pagkukuwento ni Tito Diego.
“Hindi ko na matandaan. Pero alam ko narinig ko iyon. Ibinilin sa akin iyon bago ako umalis ng Roma. Hindi lang malinaw sa akin kasi may mga detalye na sobrang bilis na hindi naiwan sa aking isip.”
“Anong nangyari nang umuwi si Jacko? Tama ba, Tito? Jacko ang pangalan mo do’n sa nakaraan na sinasabi mo?”
“Oo, Jacko ang tawag sa akin at si Lola ang mahal niya. Si Lola Isabella. Ang naaalala kong tawag ni Jacko kay Lola Isabella ay mahal ko.”
“Mahal ko?” Kinalabutan ako. Iyon ang tawag sa akin ni Lucas. Hindi ako nagpahalata. Nagkataon lang naman siguro.
“Nagawa ba niya ang kanyang plano?”
Tumango si Tito.
“Balikan ko ang kwento ha. Isipin kong ako uli si Jacko kasi iyon ang mas madali na ikuwento e.”
“Sige po.”
“Masaya akong umuwi. Sinabihan ako na kung sakaling matapos ang buhay kong ito, may dalawa pa akong pagkakataon na maaring bumalik sa pagkabuhay kasama ng taong gusto kong ikulong sa aking kapangyarihan. Iyon ang hindi sa akin malinaw kung paano. Ngunit ang mahalaga ay ang ngayon. Nasabi rin sa akin na hanggang anim lang na tao ang pwede kong panggagamitan ng aking kapangyarihan. Nasayang ang tatlo ngunit may tatlo pang naiiwan. Pwede pa akong mag- hypnotize ng tatlong tao. Isa lang naman ang gusto kong panggagamitan noon sa aking kapangyarihan, kay Isabella lang. Kaya nga excited na akong makita at makasama si Isabella noon. Parang nawala kasi lahat yung agam-agam kong iiwanan niya ako. Parang noon, kaya ko nang kontrolin ang lahat. Maging akin na siya hanggang sa kabilang buhay. Wala na siyang ligtas pa sa akin.
Nang dumating ako sa aming bahay ay pinagmasdan ko ito nang matagal. Isang puting bahay na sinadya kong ipagawa para kay Isabella. Gusto kong malayo sa lahat at nasa burol para tanaw ang paligid. Kapag mailayo ko siya sa lungsod at kaming dalawa lang, siguradong sa akin lang iikot ang kanyang buhay. Hindi siya magkakaroon ng pagkakataong makakita ng iba pang lalaki bukod sa akin. Kaya naman naisipan kong pagpatayuan siya ng isang malaki at magarang bahay na malayo sa lahat.”
“Sorry sa interruption, Tito, ito na ba yung lumang bahay natin ngayon?”
“Sa nakita ko, oo, iyon na nga yung lumang bahay natin ngayon.”
“Anong sumunod na nangyari tito?”
“Hindi ko mahanap si Isabella nang dumating ako. Wala siya sa loob ng bahay pati sa garden. Kaya naman hinanap ko siya sa likod bahay kung saan nakatira ang isang lalaking… sandali parang…”
“Parang ano, Tito?”
“Bakit ngayon ko lang ito naalala?”
“Anong naalala mo?”
“Ikaw, kamukhang kamukha ni Lola Isabella at si Lucas… tama… si Lucas.”
“Anong meron si Lucas?”
“Parang siya si Carlo? Tama si Carlo nga siya? Kamukhang-kamukha ni Carlo si Lucas.”
“Sino naman si Carlo, Tito? Anong kinalaman ni Carlo sa relasyong Isabella at Jacko.”
“Kinakabahan ako, Ava.” Huminga nang malalim si Tito. “Nandito ba si Lucas? Gusto ko rin siyang makausap.”
“Wala siya dito, Tito. Nasa presinto siya. Bakit ho?”
“Parang hindi magandang pangitain.” Pinagpawisan na si Tito. Hindi na siya mapakali.
“Anong hindi magandang pangitain?” Kinakabahan na rin ako.
“Ganito ha. Di ba ikaw kahawig mo si Lola?”
“Oo, anong kaso ro’n?”
“Si Lucas, hawig niya ang Lolo Carlo niya.”
“Anong ibig mong sabihin, ang Carlo na sinasabi mo Tito ay lolo talaga ni Lucas.”
“Exactly. Hindi mo ba nakikita yung connection? Ava, kinakabahan ako na baka kayo na ang susunod.”
“Susunod na ano?”
“Susunod na henerasyon. Panghuling henerasyon.”
“Sandali, Tito. Naguguluhan ako. Nakita mo ba ‘yan o narinig?”
“Oo. Naaalala ko na ngayon. Sa aking pagkakatanda sa nakaraan ni Jacko, nakausap niya ang pinuno ng kultong iyon, kung kulto nga ang tawag bago siya umalis ng Roma.”
“Anong sinabi tito?”
“Anim na tao ang pwedeng panggagamitan sa itim na kapangyarihan ng singsing. Naisasalin ito sa tatlong henerasyon. Ibig sabihin tatlong 6. Ito yung sinasabi nilang numerong malas o numero ni Satanas. 666. Anim na tao ang pinanggamitan ni Jacko sa kapangyarihan niya noong buhay pa siya. Pwede pa siyang mabuhay ng dalawang beses kasi nagamit na niya ang isa sa akin ngunit hindi nagtagumpay. Kaya siya nagwawala. Kaya niya pinapatay ang kapatid ni Lucas dahil sa galit niya sa pamilya ni Lolo Carlo at ang panghuling pagbabalik niya ay sa henerasyon mo. Iyon ang nakikita ko at hindi ko alam kung paano matatapos ang sumpang ito.”
“Ibig sabihin, Tito, hindi pa tapos ang sumpa sa lumang bahay?”
“Oo at alam kong ito na ang pinakamatindi. Ito na yung kinatatakutan kong katapusan.”
“Nakita ba ninyo ang singsing sa drum kung saan namin inilagay ang labi noon ni Rodel?”
“Ano? Doon mo inilagay ang singsing?”
“Hindi. Kinuha ni Rodel sa akin iyon noon. Iyon ang inagaw niya para maputol ang sumpa. Nagtagumpay siyang tanggalin ang singsing kapalit ng kanyang buhay. Nasaan ang singsing?”
“Hindi ko alam?”
Kinabahan ako. Naalala kong baka natapon ang singsing nang pinagulong ko ang drum.
“Dali na. Umuwi ka na muna. Kailangan ninyong mahanap ang singsing?” utos ni Tito. Nakikita ko sa mukha niya ang matinding takot.