Bisita Ni Lola

2201 Words
AKO SI MEEYA DELA ROSA. TWENTY YEARS OLD. Hindi naman lingid sa kaalaman ng aking magulang ang pangarap kong maging isang doktor. Pero dahil sapat lang ang kinikita ng mga ito sa pagtitinda ng gulay sa palengke, at mayroon pa akong dalawang nakakabatang kapatid na kapwa nag-aaral ng highschool, napilitan kong “MEEYA, IJA? MEEYA…” Hating-gabi na ng muli kong nadinig ang boses ni Lola Corazon na tumatawag sa aking pangalan. At kahit nasa kalagitnaan na ako ng mahimbing na pagkakatulog ay napilitan ko pa ring bumangon sa aking higaan para tignan siya. “Paki-lagyan mo naman ng ointment ang likod ko,” utos niya sa akin. Napabuntong-hininga muna ako bago ako tumalima sa kanya. Hindi ko na binuksan pa ang ilaw dahil sapat na ang liwanag na nanggagaling sa lampshade ng aming kuwarto para makakita sa dilim. Biyuda na si Lola Corazon, ang asawa niyang si Lolo Anoy ay namatay limang taon na ang nakakalipas dahil sa cardiac arrested. At dahil dala na rin pagkakastroke ni Lola, kinakailangan pa namin siyang alalayan para makabangon siya sa higaan. Nag-iisang anak ni Lola ang Tatay ko kaya obligado at responsibilidad namin ang alagaan siya. “Happy Birthday, apo!” biglang bati sa akin ni Lola na siyang kinagulat ko. Saka na rin ako napatingin sa nakasabit na wall clock ng aming kuwarto. Kahit hindi ganoon kaliwanag ang paligid ay naaaninagan ko pa rin ang mga kamay ng orasan kung saan ito nakaturo. Lagpas alas-dos na! At birthday ko na pala ngayon! “Ilan taon ka na, ija?” malumanay na tanong sa akin ni Lola Corazon. “Bente na po, ‘La!” nakangiting tugon ko. “Ang pagkakatanda ko, bente anyos na rin ako noong nakilala ko ang Lolo Anoy mo!” kwento nito. At kahit hindi ko nakikita ang mukha ni Lola Corazon dahil sa nakatalikod siya sa akin, alam kong masaya siya habang ginugunita nito ang kanyang nakaraan, “Nag-usap na kami ng Tatay mo tungkol sa pag-aaral mo ng Medisina, at pumayag na siyang pag-aralin ka sa susunod na pasukan. Gantimpala mo daw iyon sa pag-aalaga sa akin!” “Ano po ba kayo, ‘La!” saway ko sa kanya, “Wala naman po akong hinihinging kapalit sa pag-aalaga sa’yo! Sa inyo pa lang, nakakapagtraining na akong maging doctor!” “Pero iba pa rin na may pinagmamalaki kang diploma, ija!” Hindi na ako kumibo pa. Pero sa loob-loob ko, parang gusto kong umiyak dahil sa tuwa. Hindi na rin naman lingid kaalaman ng lahat na talagang pangarap kong maging isang doctor. Pero dahil sapat lang ang kinikita ng mga magulang ko sa pagtitinda ng mga gulay sa palengke, at mayroon pa akong dalawang nakakabatang kapatid na kapwa mga higschool palang; napilitan akong huminto sa pag-aaral. “Ang sa akin lang, Meeya… Sa edad mo kasing iyan ay dapat i-enjoy mo lang ang buhay!” Dagdag ni Lola Corazon, “Huwag mong hayaang iburo mo ang iyong sarili sa pag-aalaga sa akin! Sabi ko nga sa’yo, ganyang edad ko noong nagkakilala kami ng Lolo Anoy mo!” “Namimiss mo ba si Lolo?” paglinis ko na lang sa usapan namin. “Oo, dati…” tumango pa ito, “…pero ngayon lagi na niya akong binibisita!” “B-binibisita?” napakunot ang noo ko. “Hindi mo ba alam?” mariin niya akong tinitigan, “Halos gabi-gabi siyang nagbabantay sa ating dalawa!” “Po?” natigilan ako. At nagsimulang magtaasan ang mga balahibo ko sa katawan. “Nandito nga siya ngayon, at pinaplano na naming magtanan!” napabungisngis pa si Lola Corazon na lalong kinalaki ng mga mata ko. Ewan ko nga ba, bakit parang biglang nagbago ang ihip ng hangin sa loob ng aming kuwarto. “Ay! Sabi pala niya, huwag ko daw sasabihin sa iba lalo na sa Tatay mo!” Napalunok ako. Hindi ko tuloy alam kung totoo ba itong sinasabi ni Lola sa akin? O, tinatakot lang niya ako? “Huwag mo kaming isusumbong, ah!” dagdag pa ni Lola Corazon. “L-la, matulog na ulit tayo!” aya ko na lang sa kanya, at pilit kong nilalabanan ang takot na nagsisimulang gumapang sa aking kalooban, “Sabihin mo kay Lolo bawal kang magpuyat!” “Nadinig mo ‘yun, Anoy?” ani Lola Corazon na parang may kausap sa bandang dulo ng kanyang kama. Dahil sa sinabing iyon ni Lola ay automatic na napalingon ako sa dako kung saan siya nakatingin. At ganoon na lang ang hilakbot na naramdaman ko nang may maaninagan akong isang bulto ng matandang lalaking nakaupo sa gilid ng kama. ‘Ni hindi ko magawang ikilos ang katawan ko sa sobrang pagkabigla dahil kawangis na kawangis nito ang pigura ni Lolo Anoy. “Shhh…” anito. Kahit gusto kong sumigaw sa mga sandaling iyon ay parang kusang umurong ang aking dila. “Matulog na tayo, ija!” ani Lola Corazon sabay ang paghawak niya sa aking kanang kamay. Bigla naman akong napakislot nang maramdaman ko ang init ng kanyang palad. At nang muli kong tignan ang gilid ng kama ay wala na roon ang bulto ng matandang lalaki. At dahil na rin sa takot na aking naramdaman ay hindi na kaagad ako nakatulog. Palihim kong pinakiramdaman ang buong paligid, at si Lola. Kinabukasan, halos tinanghali na ako gising dahil sa puyat. Naabutan ko si Lola Corazon sa aming sala na nanunuod ng paborito niyang drama kasama ang nakakabata kong kapatid na si Leslie. “Happy Birthday, Ate!” masiglang bati sa akin ng kinse anyos kong kapatid. “Thank you!” nakangiting tugon ko at saka ko nilapitan si Lola Corazon, “Okay ka lang ba d’yan, Lola?” “O-oo naman!” tugon nito saka muling tinuon ang atensyon sa TV. “Maagang pumasok si Nelson sa school,” Ani Leslie, at ang ‘Nelson’ na tinutukoy nito ay ang bunso naming kapatid na lalaki, “Maaga ring uuwi ngayon si Nanay, magluluto daw siya ng pancit para sa birthday mo. Hindi ka na ginising nila Nanay kanina kasi sabi ni Lola napuyat ka daw kakabantay sa kanya kagabi. Mag-almusal ka na. Pinakain ko na rin si Lola.” Pagkasabing iyon ng kapatid ko ay muli kong sinulyapan si Lola Corazon sa kanyang wheel chair. At nang makita kong tutok na tutok pa rin siya sa kanyang pinapanuod ay palihim ko nang sinenyasan si Leslie. Nagtatakang sumunod naman ito sa akin patungo sa aming kusina. “Wala ka bang napapansin kay Lola nitong mga nakaraang araw?” pabulong kong tanong. “Sa totoo lang, ate…” bumakas ang pag-aalala sa mukha ni Leslie, “…Ang weird nga ni Lola ngayon. Inutusan niya akong ayusan siya. Tapos, bago umalis sina Tatay at Nanay kanina, pinahanap niya ‘yung bagong bili niyang bestida. Susuotin daw niya iyon ngayon kasi may darating siyang bisita. Kaya ha’yun, sabi ni Nanay maaga siyang uuwi para makapaghanda ng pagkain sa bisita ni Lola.” “Sinabi ba ni Lola kung sino ang bisita niya?” usisa ko. “Secret daw!” napakibit-balikat ito, “Pero sure daw na darating ‘yun!” Hindi na ako nakakibo pa, at nag-aalala ko na lang sinulyapan si Lola Corazon sa sala. “Bakit, ate?” sita na sa akin ni Leslie na parang napansin na nito ang pagkabahalang bumakas sa aking mukha. “A-ang weird din kasi…” aktong magsasalita pa sana ako nang bigla kaming makarinig ng tatlong malalakas na pagkatok banda sa pintuan ng aming banyo. Gulat kaming nagkatingin ni Leslie sa isa’t isa. “Nasa banyo ba si Nelson?” kinakabahan kong tanong. “W-wala, ate…” kinakabahan ding umiling ito, “…diba sabi ko, nasa iskul siya ngayon!” Aktong magtatanong pa sana ako nang bigla muli kaming makarinig ng tatlong malalakas na pagkatok na nagmula pa rin sa pintuan ng aming banyo. “A-ate…” sa pagkakataong iyon ay napakapit na sa aking braso si Leslie. Bumakas na rin ang matinding takot sa mukha nito. Bagama’t nakakadama na rin ako ng takot ay naglakas-loob pa rin akong nagtanong ng… “S-sino ‘yan?” Alam ko naman na imposibleng may sumagot sa pagtatanong kong iyon. Pero… “Ako…” Boses ng isang lalaki ang bigla naming narinig na nanggaling sa loob ng banyo. Buo at malinaw ang pagkakadinig namin ni Leslie. At dahil alam naming wala kaming ibang kasamang lalaki sa bahay ngayon, mabilis kaming nagtakbuhan patungo sa kinaroroonan ng aming Lola. “La! Lola!” mangiyak-ngiyak na niyakap ni Leslie si Lola Corazon. “Ano ba’ng…” may pagkainis na binaling ni Lola Corazon ang kanyang atensyon sa aming dalawa ni Leslie, “…Bakit kayo nagkakaganyan? Para kayong…” “M-may nadinig po kaming boses doon sa banyo!” takot na takot kong tugon. “Lalaki po, Lola!” segunda ni Leslie. “Ano ba kayong dalawa?” natatawang saway sa amin ni Lola Corazon, “Ang Lolo Anoy n’yo lang ‘yun!” Gulat kaming nagkatinginan ni Leslie sa isa’t isa. Ilang segundo rin kaming hindi kumikibo hanggang sa biglang bumukas ang pintuan sa aming sala. Napatili ng malakas si Leslie dahil sa sobrang takot samantalang ako naman ay napatakip ng tenga. “Hoy! Ano’ng nangyayari sa inyo?!” bulyaw sa amin ng aming Nanay. Saka naman kami nahimasmasan. “Itong dalawang anak mo nagtatakutan na naman!” pagsusumbong ni Lola Corazon sabay ang pagtawa. Muli na naman kaming nagkatinginan ni Leslie. Napagdesisyunan na lang naming dalawa ang manahimik na lang. Pero nang matapos ang aming pananghalian, dinala ko na sa aming kuwarto si Lola Corazon para makapagpahinga na ito. Iyon na rin ang pagkakataon namin ni Leslie na ikwento sa aming Nanay ang tungkol sa naranasan namin kanina. “Nay, totoo ba kapag malapit nang mamatay ang isang tao ay sinusundo sila ng mga kamag-anak nilang namatay na?” biglang tanong ni Leslie. Gulat akong napatingin kay Leslie. May bahagi kasi ng puso ko ang pagkadisgusto sa tinanong niyang iyon. Ayaw ko pa sanang isipin na sinusundo ni Lolo Anoy ang aming Lola Corazon. “Hay, kayong dalawa! Anu-ano na lang ang pinag-iisip ninyo! Tama na ‘yan!” Saway sa amin ni Nanay, halatang hindi rin nito nagustuhan ang tinanong ni Leslie, “Huwag n’yong tinatakot ang mga sarili n’yo! Iyan ang napapala n’yo sa kakapanuod at kakabasa n’yo ng mga nakakatakot!” Hindi na kumibo pa si Leslie. “Meeya, nabanggit ba ng Lola mo kung ano’ng oras darating ang bisita niya?” tanong na lang ni Nanay. “Hindi po eh,” umiling ako, “Sa totoo lang po, ngayon ko lang nalaman na may darating po pala siyang bisita.” Saglit na natigilan si Nanay. Lihim na nagtaka, “Tanungin mo na lang siya,” utos na lang nito. Tumalima na lang ako sa inutos ni Nanay. Nagtungo ako sa kuwarto namin kung saan naroroon si Lola Corazon. Dahan-dahan ko pang binuksan ang pintuan para kung sakali ay hindi ko siya maistorbo. Naabutan kong mahimbing pa rin siyang natutulog. At hindi ko maiwasan ang mapangiti nang mapansin kong naka-make-up pa rin pala ito, at hindi pa rin nito inaalis ang pagkakatirintas ni Leslie sa buhok nito. Napansin ko ring nakabukas pala ang isa sa mga bintana ng kuwarto namin kaya naman naisipan kong isara iyon dahil baka lamigin ito. Pero bigla akong natigilan nang may mapansin akong dalawang pamilyar na nilalang sa ibaba ng aming bakuran habang magkahawak pa ang mga kamay. Hindi rin nakawala sa aking paningin ang mga ngiti sa kanilang mga labi habang nagpapalakad-lakad ang mga ito roon. Pero bigla akong natigilan nang makita ko ang pamilyar na bestidang suot ng babae. Kung hindi ako nagkakamali, ito ang bagong biling bestida ni Nanay para kay Lola Corazon. “La?” halos hindi ako makapaniwala sa aking nakikita. Hindi ko alam kung imagination ko lang ba ito? Halos umakyat ang lamig sa buo kong katawan nang sabay na napalingon ang mga ito sa aking kinaroroonan. Sabay rin na inilagay ang hintuturo nilang daliri sa kanilang mga bibig sabay sabi… “Shhhh…” At dahil doon mabilis ko nang nilapitan ang natutulog na katawan ni Lola Corazon. Pero daig ko ang binuhusan ng malamig na tubig nang maramdaman kong hindi na ito humihinga pa. Mabilis na umagos ang luha sa aking mga mata nang hindi ko rin maramdaman ang pintig ng kanyang pulso. “L-lola!!!” sigaw ko dahilan para mabilis akong puntahan nila Nanay at Leslie. “Lo-L-lola?” parang natutulalang sabi ng kapatid ko. Samantalang ako naman ay patakbong bumalik sa bintana para silipin kung naroroon pa ang dalawang pamilyar na nilalang nakita ko kanina roon. Pero wala nang tao roon. “Lola! Lola!” malakas na sigaw ko habang wala nang patid ang pagdaloy ng luha sa aking mga mata. Hindi ko alam kung magiging masaya ba ako ng araw na iyon. Dahil sa mismong kaarawan ko, sumama na si Lola Corazon sa kanyang bisita. The End
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD