Sa nakakabingi at nakakaindak na tugtog, ang mga nagkukumpulong tao ay hindi magkamayaw na sumasayaw habang ang mga nagkikislapan at kumukutitap na mga ilaw ay tila nakikisabay ng indayog kasama nila. Sa ibang pagkakataon, siguradong nando’n ako sa dancefloor at sumasayaw na parang wala na’ng bukas katulad nila. Pero heto ako, nakaupo sa bar habang may hawak na baso na may tequilla . Hindi naman ako pumunta sa club na ‘to para magparty, kundi para maghanap ng prospect.
Iginala ko ang aking paningin hanggang sa mapako sa bandang kaliwang table kung saan may isang couple na naglalaplapan pero ‘yong kasama nitong isang lalaki ay umiinom at nakatitig sa akin. Alam ko ang ibig ipahiwatig ng tiig na ‘yon. ‘Yong tipo ng titig na hindi kumukurap pagkatapos kang hagurin ng tingin mula ulo hanggang paa na tila parang hinuhubaran ka. At ngayon nga na nakuha na niya ang atensiyon ko, dahan-dahan nitonng tinungga ang bote ng alak, pagkatapos hinaplos ang mga labi nito gamit ang hinlalaki nito at binaba ang kamay nito para pisilin ang nasa gitna ng kaniyang masikip na pantalon.
Walang kaduda-duda, kabilang siya ro’n sa klase ng lalaki na tinatawag kong pang-isahan. ‘Yong pumupunta sa club para makahanap ng maka-one night stand. Pasok naman siya sa tipo kong lalaki -- maputi, tsinito, at matipuno. Wala rin akong boyfriend ngayon, kaya libre akong makipag-one night stand. Kaya lang hindi siya ‘yong klase ng lalaki na kailangan ko ngayon. Kung kaya’t ibinaling ko na lang ang tingin ko sa iba pero wala akong may makitang lalaking walang kasamang babae.
“Hey, you’re alone?” sabi ng lalaki na nasa tabi ko.
Napatingin ako sa kaniya. ‘Di siya gaanong kaputian pero makinis at walang balbas ang mukha niya. Ang katawan niya, sakto lang, ‘di mataba at ‘di rin payat. At higit sa lahat, walang wedding ring ang kaniyang daliri. Pero ang tanong, bakit siya nandito sa club?
‘Hindi ba obvious?” tinanong ko siya ng pabalik bago inubos ang tequilla sa hawak kong baso. Humarap ako sa counter at nagsenyas sa bartender na bigyan ako ng isa pang shot ng tequilla. Madalas ako rito kaya kabisado na ng bartender ang gusto kong inumin.
“He's not worth it,” komento niya.
Sinimsim ko lang 'yong alak na binigay ng bartender at nanatiling nakatagild sa kaniya. "Sino'ng 'he'?" tanong ko ulit kahit na alam ko kung ano'ng pinupunto niya. Madalas kasi na 'pag naglalasing ang babae sa club, malamang brokenhearted. Pero hindi naman ako naglalasing, sadyang malakas lang ako uminom. At mas lalong hindi ako brokenhearted, bagong hiwalay lang sa two-timer na boyfriend.
"The stupid guy that got your heart broken," sabi niya bago uminom ng beer.
Nakakarindi na'ng pagsasalita nito ng Ingles na akala mo hindi pinoy. Pero nagkibit-balikat na lang ako at tumahimik, nag-aantay ng susunod niyang gagawin at sasabihin.
"I know a better way for you to forget him," sabi naman niya sa malalim na boses.
Bago ko pa man siya matanong, naramdaman ko na lang na malapit na siya sa akin at tumatama na ang kaniyang mainit na hininga sa aking tenga.
"Come with me and I’ll show you,” sabi niya nang pabulong.
Walang introduction, walang tanungan ng pangalan, at gustong lang makalimot ng isang gabi. Ito ang mga senyales ng red flag para sa akin. May sabit itong lalaki, maaaring may asawa o girlfriend na. At ang tawag ko sa ganitong uri ng lalaki, pangbokya. Walang bilang, walang kuwenta, kaya hindi dapat pag-aksayahan ng oras.
Hinarap ko siya. Dahil hindi siya kumilos, halos gahibla lang ang pagitan ng aming mga mukha. “No,” sabi ko sa matigas na boses.
Medyo nabigla ang g*go, pero ngumisi para matakpan ang pagkabigla niya. Nakipaglaban pa siya ng titigan sa akin, pero siyempre, hindi ako nagpatinag at pinanatili ang kaseryosohan sa aking mukha.
"I like fiesty," sabi niya nang nakangisi.
"Back off," tugon ko naman.
"And what if I don't?" pang-hahamon niya sa akin.
Bago pa man ako makapagsalita, may humawak sa baywang ko at hinapit ako palapit sa kaniya. Nang tiningnan ko kung sino 'yon, nagulat talaga ako kasi siya 'yong hot kong kapit-bahay na si Reynald. Hindi siya sa akin nakatingin kundi do'n sa lalaking nangha-harass sa akin, at sa talim ng titig niya ro'n ay napaatras ito at umalis na lang na dala-dala ang bote ng beer.
Nang wala na ang lalaki, inalis niya agad ang kamay niya sa baywang ko at dumistansiya sa akin. "I just have to do that," sabi niya.
Nainis ako sa kaniya kasi kaya ko naman 'yon pero ang bastos ko naman kung hindi ako magpapasalamat. "Thanks," sabi ko nang medyo may halong pagkainis. "Pumupunta ka pala rito," pang-iiba ko ng usapan para mawala ang ilang dahil sa nangyari kanina. Hindi ko inaasahan na makikita ko siya rito dahil unang-una sa lahat isa siyang professor at parang nasa late 30's na siya.
Ngumiti siya sabay iling. "Hinahanap ko lang 'yong minor kong pamangkin na pumunta rito," sabi niya.
At 'yon mismo ang dahilan kung bakit hindi ko siya type kahit na ang hot niya. Masyadong boring ang dating niya sa akin. At isa pa, walong taon ang tanda niya sa akin kaya 'di bale na lang. "Good luck sa paghahanap," sabi ko. Sa dilim at dami ng tao rito, ewan ko na lang kung mahahanap niya 'yon.
"Okay lang kung iwan kita rito," sabi niya nang may bahid na pag-aalala.
"Oo naman," sabi ko nang medyo mataas ang tono. Matagal na akong pumupunta rito kaya 'di hamak na kaya ko ang sarili ko. Pero parang medyo naging defensive yata ako, baka naman concern lang talaga siya sa akin. "May kasama ko, parating na siya," pagsisinungaling ko na lang para hindi na siya mag-alala.
"Okay," medyo alanganin niyang sabi at hindi naman siya umaalis sa kinatatayuan niya.
"Ayos lang ako, sige na," medyo pataboy ko nang sabi sa kaniya. Kung tutuusin, mas kailangan siya ng minor niyang pamangkin.
Tumango siya at umalis na pero lumingon pa nang isang beses bago tuluyan na siyang nawala sa paningin ko. Napabuntong-hininga ako at binaling ang tingin sa maliit na baso na may laman na tequilla. Hindi ko inaasahan na ganito pala kahirap makahanap ng isang lalaki na magseseryoso sa akin. Halos dalawang buwan na’ng nakalipas simula no’ng nangyari sa condo ni Brent. Ilang lalaki na rin ang nakadate ko, at ayos naman sa umpisa, pero ‘pag nagpapahiwatig ako na gusto ko ng seryosong relasyon, hindi lang puro s*x, ayon, dinaig pa ang kaluluwa at hindi na nagpakita pa sa akin. Buti pa kamo ‘yong kaluluwa, nagpaparamdam, eh sila, parang bula na lang na biglang nawala. Kahit gaano ko pa sila katindi paligayahin sa kama, wala pa rin ‘yung bilang sa kanila. Agad din silang lumalayo sa akin at hindi na lumilingon pa.