“MA’AM Jane, may naghahanap po sa inyo,” malakas na tawag kay Jane ng isang tauhan sa pagawaan ng mga sapatos na kinaroroonan niya.
Napalingon si Jane Ruiz mula sa pag-iinspeksiyon sa final products na ide-deliver sa iba’t ibang branches ng Ruiz Ladies’ Shoes sa buong Pilipinas. Kaninang umaga pa siya naroon kaya kanina pa rin humulas ang kanyang makeup dahil sa pawis. Sigurado rin na magulo na ang kanyang buhok na kaninang umaga ay maayos na naka-ponytail. Jeans at simpleng T-shirt lang ang kanyang suot na palagi niyang ayos kapag pumupunta sa pagawaan ng sapatos.
Hindi sa kanila ang pagawaan na iyon kundi sa mga Mariano. Limang taon pa lang ang nakararaan mula nang maging kilala ang Ruiz Ladies’ Shoes sa bansa at hindi pa nila afford ang magkaroon ng sariling pagawaan. Kaya sa loob ng lampas limang taon ay may kontrata ang mga Ruiz sa mga Mariano na sa pagawaan ng mga ito gagawin ang lahat ng sapatos na ibinebenta nila. Wala namang reklamo si Jane sa ganda at kalidad ng pagkakagawa ng mga sapatos nila roon.
Pero sino ang maghahanap sa kanya sa lugar na iyon gayong hindi naman nila pag-aari ang malaking pagawaan?
“Sino raw ang naghahanap sa akin?” nagtatakang tanong ni Jane sa taong tumawag sa kanya.
May itinuro ang lalaki sa itaas na bahagi ng pagawaan na kinaroroonan ng opisina ng mga Mariano. Napatingala rin si Jane. Nakita niya mula sa malaking glass wall si Cherry na nakangiti pang kumaway sa kanya. Napangiti rin siya at gumanti ng kaway.
Pagkatapos ay bumaling sa lalaking nasa harap pa rin niya at ngumiti. “Sige, salamat sa pagsasabi sa akin, ha?”
“Wala pong anuman, Ma’am.”
Tiningnan ni Jane ang clipboard na hawak bago nagdesisyong mag-break muna. Mabilis na umakyat siya sa hagdan patungo sa opisina na kinaroroonan ni Cherry. Nasa tapat pa lang siya ng pinto at hindi pa kumakatok ay bumukas na iyon. Sinalubong siya ni Cherry na maluwang ang ngiti.
“Kanina pa kita hinihintay na tumingala, hindi mo naman ginagawa, Jane,” natatawang sabi ng babae at hinatak siya papasok sa opisina.
Napangiti na rin si Jane. “Sorry. Gusto ko lang matapos agad ang inspection,” sagot na lang niya. Matagal na niyang kaibigan si Cherry. Magkaklase sila mula first year high school at parehong Business Management ang kursong kinuha noong kolehiyo sa iisang unibersidad.
“May tao kasing gusto kang makita.”
Napakurap si Jane at napatingin sa loob ng opisina. Namilog ang kanyang mga mata nang makita ang matandang lalaki na nakaupo sa sofa at ngiting-ngiti habang nakamasid sa kanila ni Cherry.
“Hello, Jane, hija,” bati ng walang iba kundi si Don Carlos Mariano, ang may-ari ng malaking pagawaan ng mga sapatos na iyon at iba pang mga pagawaan at negosyo sa mga karatig na lugar.
Napangiti si Jane at mabilis na lumapit sa matanda. Hinalikan niya si Don Carlos sa pisngi bago umupo sa tabi nito. “Lolo Carlos, kumusta ho?”
“Mabuti naman, hija. At ikaw ay mukhang abala na naman. Kumusta ang mga magulang mo?” ganting-bati ng matandang don.
“Nasa opisina ho sila. Alam n’yo naman na ako talaga ang nagpupunta sa pagawaan dahil ako ang in charge sa production at distribution ng business namin.”
“Kaya nga bilib na bilib sa `yo si Lolo, Jane,” singit ni Cherry na nakangiting umupo sa katapat na couch. “Nakakaya mo kasing i-manage ang pinakamahirap at matrabahong parte ng negosyo ng pamilya mo.”
Nag-init ang mukha ni Jane nang tumango-tango si Don Carlos. “Wala naman kasing ibang gagawa n’on. Nag-iisang anak lang ako,” sabi na lamang niya. Kahit pa nga dahil sa sobrang abala sa negosyong iyon ay inabot siya ng treinta y uno na single pa rin, okay lang dahil maganda naman ang takbo ng negosyo ng kanilang pamilya.
“Jane, masyado ka talagang humble. That’s why I like you. So, how about going out with us for dinner later?” alok ni Don Carlos.
Napangiti si Jane. Hindi iyon ang unang beses na inalok siyang mag-dinner ng matandang don. Sa katunayan, linggo-linggo yata siyang nagdi-dinner kasama ito at si Cherry. Palagi siyang inaalok ni Don Carlos sa hindi niya malamang dahilan. Subalit wala rin naman siyang rason para tumanggi. Isa pa, nag-e-enjoy siya sa company ng maglolo. “Sige po.”
Halatang natuwa si Don Carlos at masigla nang tumayo. “Great. Sa dati pa ring restaurant, ha? Alam ko na busy ka kaya mga alas-siyete tayo mag-dinner. Para makapagpaganda ka pa.”
“Lolo,” sabi ni Cherry sa nananaway na tono.
Nang mapatingin si Jane sa kaibigan ay bakas ang frustration sa magandang mukha nito. Nagtaka siya pero hindi na nakapagtanong dahil mabilis nang nagpaalam si Don Carlos. May iba pa raw itong aasikasuhin bago ang oras ng kanilang dinner date.
Saglit pa ay sila na lamang ni Cherry ang nasa loob ng opisina. Kunot-noong bumaling siya sa kaibigan. “So, sabihin mo sa akin kung bakit mukha kang frustrated nang yayain ako ng lolo mo na mag-dinner?”
Napabuga ito ng hangin at nakahalukipkip na bumaling sa kanya. “Jane, hindi ka pa rin ba nakakahalata kung bakit linggo-linggo ka niyang niyayayang mag-dinner at kung bakit tuwing bago tayo um-order ng pagkain, umaalis siya sa mesa natin para may tawagan?”
Lalo lamang nalito si Jane sa sinabi ni Cherry. Binalikan niya ang ilang beses na paglabas kasama si Don Carlos at napagtanto na tama si Cherry. Madalas ngang tumayo ang matanda para may tawagan at kapag bumalik sa mesa ay tila galit.
“Well, napansin ko `yon pero naisip ko lang na baka may kausap siya tungkol sa negosyo. Hindi ba?” nagtatakang sagot niya.
Ilang sandaling tinitigan lang siya ni Cherry bago muling bumuntong-hininga at ikinumpas ang kamay. “Never mind. I’m sure, hindi pa rin naman siya sisipot.” Pabulong ang huling sinabi nito pero nahagip iyon ng pandinig ni Jane.
“Sino’ng tinutukoy mo?” kunot-noong tanong niya.
Tumikhim ang kaibigan niya. “Wala. Teka lang, hindi ba may ginagawa ka pa? Dapat matapos mo agad para mas maaga kang makapag-prepare for dinner. Alam ko na mas marami kang trabaho kapag ganitong Biyernes,” masiglang sabi ni Cherry na halatang iniiba ang usapan.
Napabuntong-hininga na lang si Jane dahil ayaw naman niyang mangulit. Mula pa pagkabata ay ayaw niyang nakikipag-argumento. Lalong hindi siya ang tipong nangungulit para makuha ang gusto. Tuwing pinupuna ni Cherry at ng iba pang kaibigan ang katangian niyang iyon, sinasabi na lang ni Jane na pacifist kasi siya. Pero ang totoo, hindi lang talaga siya opinionated. Tamad siyang makipagtalo. She was the sort of person who liked to keep things uncomplicated.
Maging ang pisikal na hitsura ni Jane ay plain din. Ang kanyang mukha ay hindi pangit pero hindi rin naman sobrang ganda. Hindi maputi ang kanyang kutis pero hindi rin naman maitim. Ang katawan niya, hindi sexy pero hindi rin naman mataba. Katamtaman lamang. At dahil lumaking plain sa hitsura, nadamay rin yata pati personalidad ni Jane. Palibhasa, alam na niya noon pa na may mga tao na likas na na mas maganda at perpekto kaysa sa iba. After all, halos buong buhay ay nakakasalamuha niya ang mga perpektong tao na iyon. Nasa harap nga niya ang isa. But she never once wallowed in self-pity or envy. She accepted herself for what she really was. Plain and simple.
“Sige na nga. Bababa na uli ako. See you tonight, Cherry,” sabi na lang ni Jane.
Mukhang nakahinga nang maluwag ang kaibigan at naging tunay ang ngiti. “Okay.”
Napailing na lang siya at nginitian si Cherry sa huling pagkakataon bago lumabas ng opisina at bumalik sa pagtatrabaho.