NILUKOB ng kaba at pag-aalinlangan si Jane nang makarating siya sa club na kinaroroonan ni Charlie. Sa totoo lang ay hindi pa siya nakakapasok sa ganoong lugar sa buong buhay niya. Pero gusto niya talagang makita si Charlie. Lalo na at hindi pa rin niya nakalilimutan ang sinabi ng binata kanina nang magkausap sila sa cell phone. “Maybe I’m not the kind of man you want to marry.” May kung ano sa tono ng boses ni Charlie nang sabihin iyon na nagdulot ng kurot sa puso ni Jane. Marahil imahinasyon lang niya, pero nang sabihin iyon ng binata, pakiramdam niya ay hindi lang siya ang kinukumbinsi nito. Para bang kinukumbinsi rin nito ang sarili. Kaya naglakas-loob siyang magboluntaryong puntahan si Charlie. Medyo nag-alangan lang si Jane nang malapit na siya sa entrada ng club at ma