Chapter 10- Her Wedding Day

2064 Words
Myra's Pov: Iba't-ibang uri ng emosyon ang nararamdaman ko sa mga oars na ito. Hindi ko na nga maintindihan kung normal pa ba ang nararamdaman ko. Kinakabahan, nae-excite, masaya at kung anu-ano pang pakiramdam ang sabay-sabay na lumulukob sa puso ko. Wala akong magawa kundi ang ilang beses na huminga nang malalim para kalmahin ang sarili. Mula pa kanina nang magising ako ay ang mga iyon na talaga ang nararamdaman ko. Alam ko namang normal lang na makaramdam ng iba't-ibang emosyon lalo na at ngayon na ang araw na pinakahihintay naming dalawa ni Algean. Ang totoo niyan ay hindi na ako makapaghintay na dumating ang tamang oras, ang oras kung saan ay sabay kaming haharap sa altar para simulan ang pag-iisa namin. Kung puwede ko nga lang hilahin ang bawat minuto ay kanina ko pa siguro iyon ginawa. Mabuti na lang at napagod din ako sa biyahe kahapon kaya hindi ako nahirapang makatulog kagabi. Alas otso na ng gabi nang ihatid ako ni Algean dito sa bahay namin at kung hindi nga lang dahil sa mga pamahiin ni Mama ay dito ko na s'ya pinatulog para hindi na s'ya mapagod. Ngunit bukod sa mga pamahiin ng ina ko ay kailangan din ni Algean na umuwi sa kanila para sa magiging kasal namin bukas. Nagkita lang kami kagabi pero pakiramdam ko ay miss na miss ko na s'ya. Mabuti na lang talaga at pagkatapos ng araw na ito ay lagi na kaming magkakasama. Sa iisang bahay na rin kami titira at magsisimula na kami ng isang bagong pamilya. Pamilyang siguradong pareho naming aalagaan at mamahalin. Tiningnan ko ang cellphone kong nakapatong sa lamesa. Kagabi pa hindi nagte-text o tumatawag si Algean. Siguradong sa sobrang pagod n'ya ay nakatulog na s'ya kaagad pagkauwi. Hindi ko na rin inabala pa ang pamamahinga n'ya dahil kailangan n'ya iyon para sa araw na ito. Mamaya ko na lang s'ya tatawagan kapag paalis na ako rito sa bahay namin. Humihimig pa ako habang kinakain ang inihandang almusal ni Mama. Dito na rin n'ya dinala sa silid ko ang inihanda n'yang almusal. Kung ako ang papipiliin ay hindi na ako mag-aalmusal, hindi ko kasi magawang kumain lalo na sa mga ganitong pagkakataon. Sigurado nga lang na magagalit si Mama kaya pinilit ko na rin ang sariling kumain. Ilang minuto lang ang itinagal ko sa pag-aalmusal. Kaagad akong nag-toothbrush at pinagbuti ko talaga ang paglilinis sa loob ng bibig ko. Ayokong may hindi magandang mangyari sa araw na ito. Gusto ko ay perpekto at nasa maayos ang lahat. Matapos magsepilyo ay naupo na ako sa upuang nasa harapan ng malaking salamin. Sinimulan ko nang tuyuin ang mamasa-masa pang buhok. Nasa kalagitnaan na ako ng pagtutuyo ng buhok nang may kumatok sa pinto. Sumilip doon si Mama na bihis na bihis na rin, kasama n'ya ang kaibigan n'yang makeup artist. "Hello, Myra," ani Ate Tin. Pumasok s'ya sa loob ng silid at kinuha sa akin ang hair dryer. Nakangiting tumango lang ako at tinanguan na rin si Mama na sumenyas na lalabas na. "Inaayusan na ng mga ka-team ko ang buong entourage," simula ni Ate Tin habang ekspertong inaayos ang buhok ko. Hinayaan ko na lang s'yang pakialaman ang buhok ko. Hindi na rin ako nagreklamo nang simulan n'yang lagyan ng kung anu-ano ang mukha ko. Sa naging trabaho ko, hindi ko kailan man nagustuhan ang pagpapaganda lalo na at madalas na nasa field ako at nanghahabol ng mga kriminal. Para sa akin ay pagsasayang lang ng oras ang mag-ayos at mag-make up kaya hindi ko iyon sinubukan. Nag-aayos lang ako sa tuwing lalabas kami ni Algean. Hindi ko nga lang sigurado kung pag-aayos na ang tawag sa paglalagay ng lipstick at pagsusuklay ng kilay. "Ang suwerte ko talaga sa 'yo dahil natural na maganda at makinis ang mukha mo," komento ni Ate Tin. "Hindi na ako mahihirapan na pagandahin ka dahil natural na ang ganda mo." "But I still want to look beautiful," nahihiyang pag-amin ko sa kanya. Hindi ako palaayos at ni kahit minsan ay hindi ako naging fan ng kahit isang kolorote sa mukha pero iba ang araw na ito. Sa araw na ito, gusto kong ako ang maging pinakamaganda sa mga mata ng lalaking pinakamamahal ko. Gusto kong kahit ngayon lang ay maging perpekto ako sa paningin n'ya. Natural lang naman siguro na ganoon ang nararamdaman ko dahil lahat naman yata ng babaeng ikinasal ay iyon ang gusto. "Huwag kang mag-alala, sisiguraduhin kong ikaw ang magiging pinakamaganda ngayong araw na ito." Humagikhik pa si Ate Tin. "Ang pogi rin naman ng doktor na mapapangasawa mo. Bagay na bagay kayong dalawa. Maganda at guwapo, sigurado akong magiging magaganda at pogi ang magiging mga anak n'yo." Mas tumamis ang ngiti ko sa narinig. Hindi na ako nagsalita sa pag-aalalang masira ang makeup na inilalagay n'ya sa mukha ko. Napasulyap ako sa cellphone ko nang tumunog iyon. Kilalang-kilala ko ang tunog na iyon dahil sinet ko iyon para alam ko kung si Algean ang nagpapadala ng mensahe. "Ready na rin ba ang groom?" tanong ni Ate Tin na kumuha sa atensyon ko. Nakangiting tumango ako bago tiningnan ang cellphone. Hindi ko na kailangang hawakan at tingnan ang mensaheng ipinadala ni Algean dahil sigurado akong naghahanda na rin s'ya sa mga oras na ito. "Sigurado akong handa na rin s'ya," puno ng tiwala sa sariling sabi ko at muling pinagmasdan ang repleksyon sa salamin. Pagkatapos ng mahigit sa kalahating oras ay natapos na rin si Ate Tin sa pagme-makeup sa akin. Nagulat pa nga ako nang makita ang itsura ko. Tama s'ya, lumitaw ang natural na ganda ko at hindi halatang nakasuot ako ng makeup. "In-emphasize ko ang natural glow mo," komento ni Ate Tin habang sinusuri ang buhok ko. "Hindi rin ako nahirapang gawin iyon dahil halata naman sa kislap ng mga mata mo na masayang-masaya ka." Ngumiti ako. "Salamat, Ate Tin." She tapped my shoulders. "No problem, Myra. Ngayon naman ay kailangan mo nang isuot ang wedding gown mo at baka ma-late ka pa sa simbahan." Sumulyap ako sa orasang nasa dingding. Alas otso pa lang ng umaga, may isang oras at kalahati pa ako bago ang nakatakdang oras ng kasal namin. Katatango ko pa lang kay Ate Tin nang dalawa sa mga kasama n'ya ang pumasok sa silid. Tinulungan nila akong isuot ang wedding gown ko at siniguro nilang nakaayos ang lahat lalong-lalo na ang veil. Ilang minuto din nilang inayos ang gown ko at siniguro nilang komportable ako sa suot ko. Hindi ko na alam kung ano ang eksaktong mararamdaman ko sa mga oras na ito. Para akong nasa alapaap sa sobrang saya at hindi na ako makapaghintay na makapaglakad sa aisle. Gusto ko nang tumakbo papunta sa simbahan para maikasal na kay Algean. "Bagay na bagay sa 'yo!" masayang bulalas ni Ate Tin. "Ang ganda-ganda mo, Myra!" Nagingiting nagpasalamat ako sa kanila. Tinulungan nila akong makita ang sarili ko, inilapit nila sa akin ang full-sized mirror at kung hindi lang ako nag-aalala na baka masira ang makeup ko ay baka kanina pa ako umiyak. Gustong-gusto ko ang nakikita kong itsura ko at nasisiguro kong magugustuhan din ni Algean ang bersyon kong ito. "Sapatos naman ang isuot natin sa kanya," imporma ng isa sa mga kasama ni Ate Tin. Inalalayan nila ako at si Ate Tin na ang mismong nagsuot ng sapatos kong may dalawang inches ang taas. Hindi pa sila nasiyahan dahil ni-retouch pa nila ang makeup ko at sinigurong walang-wala akong kahit isang butil na pawis. "And this is your bouquet!" Masayang iniabot sa akin ni Ate Tin ang pumpon ng iba't-ibang uri at kulay ng bulaklak. Sari-sari ang itsura, kulay at uri ng mga iyon. May hydrangeas, amaryllis, gardenias at ilang piraso ng puti at dilaw na calla lilies. Personal na pinili ko ang mga bulaklak na iyon at kung ano talaga ang na-imagine kong pagkakaayos sa bouquet ay iyon talaga ang ayos niyon. "Ang ganda rin nitong flower crown mo, tugma sa disenyo ng veil mo," puri ni Ate Tin at maingat na inilagay ang koronang bulaklak sa ibabaw ng ulo ko. Inayos din n'ya ang veil at sinigurong maayos na nakikita ang koronang bulaklak. "Isa sa mga paborito kong bulaklak ang lily of the valley," tugon ko at pinakatitigan ang repleksyon ng koronang bulaklak sa salamin. Gawa ang koronang bulaklak sa mga pinagsama-samang bulaklak ng lily of the valley at request ko rin iyon. "Bagay na bagay sa 'yo," wika ng kasama ni Ate Tin. "Para kang Diyosa ng mga bulaklak sa ayos mo ngayon. A flower bride!" Natawa ako sa term na ginamit n'ya "Isang oras na lang pala ang mayroon tayo," ani Ate Tin na nakatingin sa wall clock. "Mabuti pa ay bumaba na tayo para makaalis na. Mahirap na at baka maya-maya ay magkaroon ng traffic papunta sa simbahan." Tumango ako at sandaling tiningnan ang sarili sa salamin. Ito nga yata ang magiging pinakamasayang araw ko dahil halatang-halata sa mukha ko ang kasiyahang nararamdaman. Hindi mabura ang ngiti ko at kahit ako ay naa-amaze sa tindi ng kislap na nasa mga mata ko. Pakiramdam ko ay nakatitig ako sa ibang tao dahil sa sobrang kasiyahang nakalarawan sa mukha ko. Lahat yata ng parte ng katawan ko ay excited para sa mangyayari mamaya. "Mamaya mo na titigan ang sarili mo," biro sa akin ni Ate Tin. "Kanina pa excited sina Tita na makita ka. Kailangan na nating bumaba para makapagmartsa ka na agad sa simbahan." Natatawang tumango ako. Pinunasan ko ang ilang butil ng luhang umalpas sa mga mata ko. Inalalayan ako nina Ate Tin hanggang sa makababa ako ng hagdan. Nasa huling baitang pa lang ako ay agad na akong sinalubong ng pamilya ko. Mabilis na lumukso palapit sa akin si Lazarus at kung hindi pa s'ya nahila ni Papa ay baka natumba na kami pareho. "Ang ganda-ganda mo, Ate Myra!" Natutuwang lumapit muli sa akin si Lazarus ngunit bago pa man n'ya mahawakan ang kamay ko ay agad na s'yang nahila ni Mama. "Huwag ka ngang makulit, Laz," maluha-luhang wika ni Mama at itinulak palayo sa akin ang kapatid ko. Alam ko na kaagad ang sunod na mangyayari. Pumalahaw na ng iyak si Mama at kahit si Papa na nagpipilit maging cool ay lumuluha na rin. Kahit nga si Lazarus ay nakipag-collab na rin ng iyak sa mga magulang namin. Ang iba pa naming tiyahin at ilang kamag-anak ay nagpupunas na rin ng kani-kanilang luha. Ikinurap-kurap ko ang mga mata ko para pigilan ang pagtulo ng namuong luha sa gilid ng mga mata ko. Naging maagap naman si Ate Tin dahil kaagad n'yang pinunasan ng tissue ang gilid ng mga mata ko. "Hay, nako, huwag na muna kayong mag-drama ngayon," pabirong wika ni Ate Tin. "Masisira ang mga makeup n'yo at mahirap talagang ayusin ang mga iyan. Male-late kayo sa kasal ng taon!" Natatawang nailing na lang ako sa sinabi ni Ate Tin. Maging sina Mama ay kaagad na tumigil sa pag-iyak. Naapektuhan na nga lang ang mga makeup nila kaya mabilisan iyong inayos ng team nina Ate Tin. Pagkaraan ng ilan pang minuto ay nagpaalam na ang iba naming kamag-anak para mauna na sa simbahan. May dala silang sasakyan at hindi rin naman ganoon kalayo mula rito ang simbahan na pagdarausan ng isa sa pinakamahalagang okasyon sa buhay ko. Matapos ang ilang bilin nina Mama sa mga kasama namin sa bahay ay dumiretso na rin sila sa sasakyan namin. Inakay pa ako nina Mama at Lazarus papunta sa backseat habang sina Papa at Tito Lucas naman ang pumuwesto sa harap. Ingat na ingat sina Mama at Lazarus na huwag matapakam ang dulo ng gown ko. Sumama rin sa amin sina Ate Tin at ang isa n'yang kasama para alalayan kami. "Mabuti na lang at ako ang magmamaneho," ani Tito Lucas bago binuhay ang makina ng bridal car. "Sobrang kabado at emosyunal ng papa mo, Myra. Baka mamaya ay hindi na ito magmaneho papuntang simbahan." Napuno ng halakhakan ang loob ng sasakyan. Maya-maya pa nga ay tuluyan na kaming nakalabas mula sa garahe ng bahay namin. Hindi pa man kami nakalalayo mula sa bahay namin ay kaagad nang nag-iba ang pakiramdam ko. Binundol ng matinding kaba ang dibdib ko ngunit mabilis din iyong nawala kaya hinayaan ko na lang. Ayokong masira ang masayang araw na ito, lalo na kung wala namang basehan ang mga nararamdaman ko. Gusto kong maging masaya ang araw na ito dahil matagal ko ring hinintay ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD