Myra’ Pov: Hindi ako kaagad dumiretso sa loob ng presinto. Hinintay ko munang makaalis ang sasakyan ni Ronmar. At kahit na nga nakaalis na ang kotse n’ya ay hindi pa rin ako mapakali. Ako naman ang binigyan n’ya ng isipin ngayon. Ilang beses pa akong huminga nang malalim. Kilala ko ang dating kapareha, kahit na anong sabihin ko sa kanya ay hindi s’ya titigil, hindi s’ya makikinig sa akin. Kaya nasisiguro kong itutuloy pa rin n’ya ang ginagawa lalo na kung alam n’yang iyon ang tama. Sabagay, wala namang mali sa ginagawa n’ya. Tama s’ya, bilang alagad ng batas ay responsibilidad n’yang protektahan ang mga tao sa pamamagitan ng batas. Ngunit sana lang ay hindi s’ya ipahamak ng katigasan ng kanyang ulo. “Miss Myra Guiambao?” Kaagad na humarap ako sa may-ari ng boses na tumawag sa akin.